Ang Layunin ng mga Talinghaga
(The Purpose of the Parables)
Mateo 13:10-17
Mensahe ni Pastor Eric Chang
Itutuloy natin ngayon ang ating may-sistemang pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos. Tutungo tayo ngayon sa bahaging sa katunaya’y naipit sa Mateo 13 sa gitna ng pagsasalaysay ng Talinghaga ng Manghahasik, sa Mateo 13:10-17. Sa siping ito, may ilang napakahalagang bagay na gustong sabihin sa atin ng Panginoon. May mga katanunga’t mga problemang napakahalaga na kailangan nating talakayin. Kung mabigo tayo sa tamang pagtalakay ng mga ito, magiging mali ang ating pag-unawa sa Salita ng Diyos. Ang mga kaagapay na sipi nito ay nasa Marcos 4 at Lucas 8, pero hindi na natin titingnan ang mga ito dahil sila ay higit na maiksi kaysa sa nasa Mateo. Dito sa Mateo, mas mahaba’t mas puno ang nilalaman nito.
Ang Layunin ng mga Talinghaga—Para Itago o Ihayag ang Kaligtasan?
Habang binabasa ko sa inyo ang siping ito, gusto kong isa-isip ninyo ang ilang mga tanong. Ang unang tanong ay lumitaw mismo sa siping ito: Bakit nagturo ang Panginoon sa pamamagitan ng mga talinghaga? Ito ba’y upang itago mula sa tao ang katotohanan – ang mensahe ng kaligtasan – o upang ihayag ito? Iyan ang napakahalagang punto.
Ano ang layunin ng talinghaga? Ito ba’y upang itago ang mensahe ng kaligtasan? O ito ba’y upang ihayag ang mensahe ng kaligtasan? Kung itinatago nito ang mensahe mula sa ilan, iyon ba’y dahil layunin ng Diyos na itago ito? Iyan ang uri ng tanong na dapat talakayin, dahil ihinahayag at tinatalakay nito ang mas malawak na tanong: Ano ang layunin ng Diyos tungo sa atin? Gusto ba niya tayong iligtas o hindi?
Ngayon, kung ang layunin ng isang talinghaga ay ang itago ang kaligtasan, kung gayon, maaaring ang sagot ay ayaw niya tayong iligtas. Parang kataka-takang sagot nito, pero makikita natin na iyon mismo ang sagot ng ilang mga teolohiya [mga katuruang ukol sa Diyos]. Sa katunayan, ang teolohiya ng uri ng ‘Calvinism’ ay tulad nito. Sa turong ‘Calvinism,’ ang layunin nito’y upang itago sa halip na ihayag. Ito’y paghuhusga sa halip na grasya. Susuriin natin ito nang mabuti. Pero ito ang uri ng mga tanong na gusto kong isa-isip ninyo habang nagpapatuloy tayo. Bakit nagsalita sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga talinghaga? Ang kaligtasan ba’y para sa lahat ng tao o hindi? Iyan ang kailangan nating itanong.
Ngayon, habang isinasa-isip natin ang mga tanong na ito, basahin natin ang Mateo 13:10-11:
Lumapit ang mga alagad, at sinabi sa kanya (kay Jesus), “Bakit ka nagsasalita sa kanila (sa maraming tao) sa pamamagitan ng mga talinghaga?” Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.¹”
Tungkol sa pangungusap ng Panginoong Jesus na ito, gusto kong tanungin ninyo: Ito ba’y isang pangungusap ng hangarin [intention] o pangungusap ng katotohanan [fact]? May malaking kaibahan ang dalawang ito. Hangarin ba ng Diyos na ibigay ang kaharian sa ilan pero hindi sa iba, na tinutukoy, siyempre, ang ‘Predestinarian’ na katuruan, kung saan ang ilan ay maliligtas at ang iba nama’y di-maliligtas.
O ito ba’y simpleng isang pangungusap ng katotohanan, hindi hangarin, kung saan totoong ang kaharian ng Diyos ay ibinigay sa inyo dahil tinanggap ninyo ito, at totoong ang kaharian ng Diyos ay hindi naibigay sa kanila dahil hindi nila ito tinanggap? Ano ang tamang sagot? Napakahalaga nito. Ganito ang mga uri ng tanong na dapat nating isa-isip.
Tama Ba ang Turong ‘Predestinarian’ o Hindi?
Sa pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos, kailangang klaro ang pag-iisip, maliwanag ang pangangatwiran at wasto ang pagbubunyag [exposition]. Anumang kalihisan mula sa kung ano ang wasto ay tutungo sa pinakaseryosong kamalian, na mas masahol kaysa sa anumang linya ng pag-aaral sa mundong ito. Kung makagawa ang isang engineer ng pagkakamali sa design ng anumang itinatayo, magbubunga ito ng pagbagsak ng isang tulay, ng pagbagsak ng anuman, at ng pagkawala ng ilang buhay. Pero kapag nagkamali ang isang taga-pahayag ng Salita ng Diyos, ang pinag-uusapan ay ang pagkawala ng buhay na walang hanggan ng ilang tagapakinig. Kailanma’y di-tumigil na sumindak sa akin ang napakalaking responsibilidad na ito. Pero nagpapatuloy ako sa pamamagitan ng grasya ng Diyos.
Mababasa sa Mateo 13:12:
“Sapagkat sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin. Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga…”.
Bakit siya nagsasalita sa pamamagitan ng mga talinghaga? Ito ay ‘dahil dito’. Ano ang ‘dahil dito’? Isipin ang tungkol dito. Sa b.13ss mababasa:
“Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi: ‘Sa pakikinig kayo’y makakarinig, ngunit kailanma’y hindi makakaunawa, at sa pagtingin kayo’y titingin, ngunit kailanma’y hindi makakabatid. Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito, …’”
Kaninong puso ng bayan? Sa kauna-unahang pagkakataon, siyempre, ay ang mga tao ng Israel. Ang mga salita ay naitukoy ni Isaias sa bayan ng Israel.
‘Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata;…’
Sino ang nagpikit? Sila!
‘…baka ang kanilang mga mata’y makakita, at makarinig ang kanilang mga tainga, at makaunawa ang puso nila, at manumbalik sa akin, at sila’y aking pagalingin.’ Ngunit mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito’y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito’y nakakarinig. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.”
Ngayon, dito, maliwanag ninyong nakikita na hindi madaling maintindihan ang siping ito. Pero, dahil hindi nga ito madaling maintindihan, naglalahad ito ng lubos na napakahalagang katotohanan!
Dito, gaya ng sinabi ko, dapat nating pakaisip-isipin ang tanong na: Bakit nagpahayag ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga? Palagi, kapag binuksan niya ang kanyang bibig sa maraming tao, siya ay gumagamit ng mga talinghaga. Babalik ako sa tanong na ito: Ito ba’y upang itago ang kaligtasan mula sa mga tao? O upang ihayag ang kaligtasan? Ano ang inyong sagot dito?
Kung sasabihin ninyo na ito’y binigkas upang ihayag ang katotohanan sa kanila, kinuha na ninyo ang posisyon na taliwas sa ‘Predestination’ at sa ‘Calvinism’. Kung sabihin ninyong ito ay upang itago ang katotohanan sa kanila, kinuha na ninyo ang posisyon ng katuruang ‘Predestination,’ ibig sabihin, binigkas ng Diyos ang mga salita sa paraang hindi ito para sa kaligtasan, kundi sa paghuhukom, upang sa gayon, hindi sila makakita, hindi sila makaunawa. Ang kaligtasan ay naroon, pero di nila ito maintindihan. Sa kanila lang na nabigyan ng mga matang makakabatid at mga taingang makakarinig, sa mga ito lang nabigyan ng Diyos ang kakayahang makaunawa. Sinadyang maging bulag ang iba.
Ano ang ebidensiya para rito? Ang ebidensiya raw ay nasa Juan 12:40, na inihayag sa atin nang lubhang malinaw raw. Anong sinasabi sa Juan 12:40? Ito’y mula sa Isaias 6, na may ibang saling-wika. Umpisa mula sa b.39, mababasa natin ito. Sinabi ni Isaias:
Kaya’t hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias, “Binulag niya (ng Diyos) ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; upang sila’y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata, at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob, at sila’y pagalingin ko.”
Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata, upang hindi sila makakita. Pinatigas ng Diyos ang kanilang puso, upang hindi sila makaunawa, upang hindi sila makapanumbalik-loob, upang hindi sila mapagaling. Sa katuruang ito lumuluwalhati si Calvin. Nagagalak ang mga ‘Predestinarian’ sa turong ito.
Hindi ako nagagalak. Hindi ako lumuluwalhati sa katuruang ito, dahil papatunayan kong mali ito. Ngayon, kung ganito nga, kung tama ito, na ayaw ng Diyos na kayo’y maligtas, kung gayon, mga kapatid, isasara ko na ang Biblia ko ngayon din at aalis na rito sa pulpito, dahil wala na akong mensahe pang maipapahayag. Kung tama si Calvin, wala na akong mensaheng maipapahayag. Hindi ko alam kung bakit siya nagpahayag; hindi ko alam kung bakit kailangan kong magpahayag kung ayaw ng Diyos na manumbalik sa kanya ang mga taong iyon. Dahil kung may mga di-Cristiano rito, hindi ko alam kung anong layunin ng pagpapahayag na ito, kung ang layunin ay ang itago kaysa ipakita, lalo na sa mga mamamatay. Pero bago tayo bumaling sa ganoong konklusyon, pinupuri ko ang Diyos na ang Salita ng Diyos ay hindi dapat unawain sa lubhang napakababaw na paraan at iyon ang nilalayon kong ibunyag.
Magpatuloy tayo kung gayon at tingnan muli ang sipi, upang marating ang tamang konklusyon. Gusto kong ipakita muna sa inyo ang paliwanag ukol dito; pagkatapos, gusto kong ipakita sa inyo kung ano ang posisyon dito. At patawad kung kinakailangan kong tukuyin paminsan-minsan ang mga taong gaya ni Calvin at tukuyin ang ‘Predestination’. Sa aking pagbanggit kay Calvin at sa ‘Predestination’, gusto kong sabihin na maraming sinabi si Calvin na lubos na mabuti—di ko kaaway si Calvin—at marami sa sinabi niya’y napakahalaga. Pero sa puntong ito, sa mismong puntong ito, tumataliwas ako, at pampublikong tumataliwas at nang walang paumanhin. Gusto kong ipakita na ang pagbubunyag [exegesis] niya’y mali, ang kaisipang teolohikal niya’y mali, at gusto kong ipakita sa inyo kung bakit. At inaasahan kong makakayanan ninyong sundan ako at di masyadong mahirap unawain ang proseso para sa inyo.
Gaya ng nasabi ko na sa inyo dati-rati, kung si Calvin ay tama, wala akong anupamang dahilan upang tumayo rito’t magpahayag dahil hindi pala nakadisenyo ang pagpapahayag upang ipakita kundi upang itago. Dahil kung ang layunin ni Jesus ay itago ang katotohanan mula sa maraming tao, ano ang dapat kong gawin? Hindi ba dapat sundan ang ginawa niya? Bakit pa ako pupunta at magpapahayag ng Ebanghelyo sa maraming tao? Hindi na lang, kasi nais naman ng Diyos na mabulagan ang kanilang mga mata! Gayon kaya? Ito ba ang ibig sabihin ng Diyos?
Ngayon, sinasabi ko ito nang may napakalaking panghihinayang dahil di-matarok ng aking isip na ito ang mararating ng ganitong exegesis at ito ang seryosong maipapahayag sa mga araw na ito. Pero ito mismo ang nangyayari. Ayon sa ilang tao, higit na mahalaga ang doktrina kaysa sa tao. Ayon sa ilan, mas mahalaga ang relihiyon kaysa sa tao. Sa ganitong uri ng relihiyon—hindi ko nais na maging kabahagi, at hindi ako hihingi ng paumanhin sa pagsabi nito.
Kung iyan ang relihiyon, na kayang makaluwalhati sa isang Diyos na sumusumpa ng mga tao tungo sa impiyerno, na lumuluwalhati sa isang Diyos na bumubulag sa mga tao, na lumuluwalhati sa isang Diyos na bumibingi sa mga tenga nila at nagpapatigas sa puso nila, ayokong maging kabahagi ng ganyang uri ng relihiyon. Ayaw kong maging ministro ng ganyang uri ng relihiyon. Pero nagpapasalamat ako sa Diyos na hindi iyan ang Diyos na nasa Biblia. Huwag kailanman magsambit ng bersikulo na binabalewala ang kabuuang tema nito sa sipi [out of context]! Pero ito mismo ang ginagawa ng marami, gaya ni Calvin, sa kanyang isinulat sa paksang ito, sa “The Eternal Predestination of God” [“Ang Walang-Hangganang Pagdedestino ng Diyos”]. Sa katunayan, sinariwa ko ang aking isipan sa bagay na ito kahapon lang nang binasa kong muli kung ano ang sinabi niya sa parteng ito, at hindi ako makakasang-ayon sa anumang bagay na sinabi niya, maliban sa iisang punto, kung saan sumasang-ayon siya na ang mga taong ito’y matitigas ang puso dahil nagkasala sila. Pero hindi ito tama; hindi lubos na ganito ang sinabi niya. Siya’y sumasang-ayon na nagkasala muna sila, pero sinabi niyang pinili ng Diyos na patigasin ang puso nila! Sa katunayan, mahina pa nga ang puwersa ng pagbigkas ko rito kumpara sa gustong sabihin ni Calvin.
Pagtitigas ng Puso ng Tao—Responsibilidad ng Diyos o ng Tao?
Ngayon, puntahan natin ang Salita ng Diyos at tingnan kung anong sinabi ng Diyos. Ano talaga ang sinasabi niya rito? Basahin muna natin ang sipi sa Mateo 13:14, na matatagpuan sa Juan 12:40 rin:
Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi: “Sa pakikinig kayo’y makakarinig, ngunit kailanma’y hindi makakaunawa…”.
Kung titingnan ninyo ito, makikita ninyo kung gaano kaiba ito sa Juan 12:40, na sinabing mula rin sa Isaias 6:9-10 at magtataka kayo: Bakit kapwa nila binanggit ang Isaias 6, pero may kaibahan? Ang sagot ay ito: sa Mateo 13:14, ang bersikulong pinag-aaralan natin, ang sinambit na bersikulo ay alinsunod ang bawat salita mula sa Lumang Tipan sa Griyego o sa tinatawag na ‘Septuagint’, hindi sa Lumang Tipan sa Hebreo. Sinusunod nito ang bawat salita sa ‘Septuagint’, na walang inibang pampanahon [tense], na walang binagong salita; ito ay pag-uulit mula mismo sa Lumang Tipan sa Griyego.
Ibig sabihin nito, makikita ninyo na binago ng mga tagasaling-wika ng Lumang Tipan sa Griyego—sa takot nila mismo na mangyari ang ganitong uri ng di-pagkakaunawaan, lalo na sa mga taong di-naisanay sa teolohiya na baka magkamali, at kaya’y pinagaan nila ang puwersa ng nasa Hebreo. Mapapansin ninyo na walang nasambit dito na ang Diyos ang nagpatigas ng puso ninuman o ang nagbulag ng mga mata ninuman. Wala kayong mababasa na ganitong pag-intindi sa siping ito.
Basahin natin muli ito. Dito, ang mababasa natin sa Lumang Tipan sa Griyego at sa buong sinambit sa Mateo ay ito: “Sa pakikinig kayo’y makakarinig,” – ito’y pangungusap ng katotohanan – “…kayo’y makakarinig, ngunit kailanma’y hindi makakaunawa, at sa pagtingin kayo’y titingin, ngunit kailanma’y hindi makakabatid.” Titingin kayo, pero di kayo makakakita.
Basahin natin ang b.15, na siyang paliwanag bakit sila titingin pero di makakakita, makikinig at di makakarinig: “Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito, at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga…”. Lahat ay pangungusap ng katotohanan. Ibig sabihin, hindi ginawa ng Diyos alinman dito. Mga pangungusap ito ng katotohanan o statements of fact. “…ipinikit nila ang kanilang mga mata.” Inilagay buong-buo ang responsibilidad sa mga tao ng Israel dahil sa pagpipikit nila ng mga mata nila mula sa katotohanan ng Diyos. Wala ritong pagbibigay ng anupamang responsibilidad sa Diyos. Napansin ninyo ba iyon?
Ngayon, pumunta tayo sa Isaias at tingnan mismo kung anong sinasabi roon. Ang salin-sa-wikang Ingles [at sa Tagalog] dito ay sumunod sa Hebreo, hindi sa Griyego. Kaya, may ideya tayo kung anong sinasabi sa Hebreo. Anong mababasa natin sa Isaias 6:9?
Ang sinabi niya (ng Diyos kay Isaias), “Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito: ‘Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain; patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!’”
Ito ba’y pangungusap ng katotohanan o ng hangarin? Ano ito? Basahin natin ang b.10 at makikita natin ang kaibahan sa Hebreo:
“Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila’y makakita ng kanilang mga mata, at makarinig ng kanilang mga tainga, at makaunawa ng kanilang puso, at magbalik-loob, at magsigaling.”
Ngayon, nakikita ninyo na kung saan nanggagaling ang Juan 12:40. Inulit nito ang nasa Lumang Tipan sa Hebreo. Dito, sinabi kay Isaias, bilang alagad at instrumento ng Diyos, na humayo at patabain ang puso ng mga tao. Inutusan siyang humayo at gawing mabigat ang mga tenga nila at ipikit ang mga mata nila. Kaya, tunay na sinasabi ng Juan 12 na ang Diyos ang gumagawa nito sa pamamagitan ni Isaias. Sasabihin ninyong, “Ah, kung ganoon, tama ang mga ‘Calvinist’!” Oo, pero sa bahagya nga lang. Pero kung maunawaan ninyo kung bakit, magbabago ang buong larawan!
Hayaang gawing kong simple ang tanong. Nagkaroon si Isaias, ang dakilang propeta ng Diyos, ng isang pangitain mula sa Diyos, at isusugo siya ng Diyos. Sabi ng Diyos kay Isaias, “Humayo ka at kausapin ang mga taong ito. Patabain mo ang kanilang puso.” Ang ibig sabihin ng ‘patabain’ ay ang gawing manhid o mahina ang pang-unawa nila sa espirituwal na bagay-bagay. “Humayo ka at ipikit mo ang kanilang mga mata,” – hindi bulagin kundi ipikit lang – “at isara ang kanilang tenga upang di makarinig.”
Bakit? Basahin ninyo ang naunang limang kapitulo [Isaias 1–5] at malalaman ninyo kung bakit. Ito’y dahil ipinikit na nila ang kanilang mga mata! Iyan ang kabuuang istorya o background ng salin-sa-Griyego. Sila ang nagpikit ng kanilang mga mata. Iyan ang unang punto.
Ang pangalawang punto ay simpleng ito, at napakaganda nito kapag naunawaan ninyo: Isinugo si Isaias upang magpahayag ng Ebanghelyo, na madalas na tinatawag na Ebanghelyo ni Isaias. Hindi ninyo makikita saanman sa Lumang Tipan nang mas buo pa ang pagsasalarawan ng pagdating ni Cristo, ng Mesias, maliban dito. At kaya, laging tinutukoy ang [aklat ni] Isaias bilang ang Ebanghelyo ni Isaias. Isinugo siya upang magpahayag ng Ebanghelyo sa Israel. Ngayon, heto ang tanong: Kung si Isaias ay inutusang humayo at patabain ang puso ng mga taong ito, paano kaya niya ito gagawin? Paano?
Kung ibinigay sa akin ng Diyos ang utos na, “Humayo ka at gawin mong manhid ang puso ng mga tao, ipikit mo ang mga mata nila, takpan mo ang mga tenga nila,” paano ko isasagawa ito? Kung binigyan kayo ng Diyos ng utos, “Humayo roon, ipahayag ang Ebanghelyo, pero ipikit ang mga mata ng mga tao; isara ang kanilang mga tenga; gawing manhid ang kanilang puso,” ang tanong ko: Paano ninyo isasagawa ito?
Narito ang susi sa tamang pagpapaliwanag. Ang sagot ay hindi haka-haka; ito’y mismong nasa harapan natin sa Isaias. Paano ito ginawa ni Isaias? Sinunod ba niya ang utos ng Diyos? Siyempre! Kaya nga, paano niya ginawa ito? Purihin ang Diyos! Ito’y napakaganda. Anong inyong sagot? Kung ito’y isang Bible study, gusto kong marinig ang sagot ninyo. Paano ito gagawin? Paano kayo hahayo at isasara ang puso ng mga tao? Isipin ninyo ito. Kung ito ang magiging trabaho ninyo sa ngayon, paano ninyo ito isasagawa? Kung naibigay sa akin ang trabahong ito, gaya ng pagkabigay nito kay Isaias, paano ko ito gagawin? Paano ko isasara ang puso ninyo? Lalapit ba ako sa inyo at susuntukin kayo sa dibdib, umaasang magsasara ang daluyan ng dugo roon?
O kaya’y bigla kong tatakpan ang mga mata ninyo upang hindi kayo makakita? Ilalagay ko ba ang aking mga daliri sa inyong mga tenga upang isara ito? Kaya, habang nagpapahayag ako ng Ebanghelyo, hawak ko ang mga tenga ninyo kaya hindi kayo makarinig? Tama ba? Sinara ko ang tenga ninyo! Sasabihin ninyo, “Katawa-tawa!” Siyempre katawa-tawa! Kung gayon, paano natin gagawin ito?
Isipin ninyo, mga kapatid. Bago kayo humantong sa ganitong mga uri ng konklusyon gaya ng nais ng Diyos na ang lahat ay pumanaw, o kaya’y karamihan sa kanila’y nais niyang mamatay at pipili siya ng ilan na nais niyang maligtas, mag-isip muna. Anong klaseng katuruan ito? Paano ninyo isasara ang mga tenga ng mga tao? Paano ninyo bubulagin ang mga mata nila? Paano nga ba? Tingnan kung anong ginawa ni Isaias. Anong ginawa niya? Simple lang! Humayo siya’t ipinahayag ang katotohanan!! Iyon ang ginawa niya! Ano pa kaya ang gagawin niya? Paano pa ba? Kung di ninyo naintindihan, isipin ninyo ito. Hindi ito napakahirap unawain.
Gagawa ang katotohanan ng Diyos ng isa sa dalawang bagay sa buhay ng bawat tao. Ang katotohanan ay magbubukas o bubulag sa inyong mga mata. Alinman sa dalawa: ang katotohanan ng Diyos ay magbubukas o magsasara sa inyong mga tenga. Ang katotohanan ng Diyos ay bubuhay o papatay sa inyo. Iyan ang sagot. Ang katotohanan ang gagawa ng lahat ng ito.
Kapag ipinapahayag ko ang katotohanan ng Diyos, isasara ng ilang tao ang mga tenga nila at ang ilan nama’y bubuksan ang puso nila. Kapag ipinapahayag ko ang mensahe ni Cristo, mabubuhay ang ilang tao; ang ilan nama’y mamamatay. Alam iyan ng bawat tagapahayag. Samakatuwid, dapat nilang nauunawang mabuti ang pinag-uusapan natin dito.
Ngayon, kung magpapahayag ako sa mga taong tulad ng mga Israelita noon – isang matigas na ulo’t rebeldeng nasyon—wala kayong kailangang gawin upang ipikit ang mga mata nila. Tatanggihan nila ang katotohanan! Gaya ng sinabi ng Diyos kay Ezekiel, “Kapag ihinayag mo ang salitang iyan, tatanggihan ka nila, ngunit bibigyan kita ng matigas na noo. Humayo ka’t magpapahayag pa rin.” [Ezekiel 3:9]
Hindi Kalooban ng Diyos na Mapahamak ang Sinuman
Hindi kalooban ng Diyos na sinuman ay mapahamak – isang katotohanan na tinanggihan ni Calvin. Nakakalungkot! Ayon kay Calvin, kalooban ng Diyos na ang karamihan ay mamatay; walang ibang paraan upang maintindihan ito. Kinamumuhian ko ang ganitong katuruan. Nasabi ko na ito at sinasambit muli. Kasi, simpleng di-bukal sa kalooban ng Diyos na mapahamak ang sinuman, na kahit na alam niyang ayaw nilang makinig sa Salita niya, nagpadala pa rin siya ng isang alagad, at isa pa, at lalong isa pa. Iyan ang buong mensahe ng Panginoong Jesus sa Talinghaga ng Ubasan, na kilala ring bilang Talinghaga ng mga Katiwala. [Tingnan sa Mateo 21:33-44.] Pinatay nila ang unang alipin, pero nagpadala muli ang Diyos ng isa pa. Bakit? Kung pinatay nila ang unang alipin, papatayin din nila ang pangalawa! Dahil di-bukal sa kalooban niya na mamatay sila, nagpadala siya ng isa pa. Pinatay rin nila ito. Nagpadala uli siya ng isa pa. At sa huli, ipinadala rin niya ang kanyang anak. Sa Mateo 23:37 mababasa:
O, Jerusalem, Jerusalem, na pumatay ng mga propeta…. Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!
Hindi ito “ayaw ko,” kundi “ayaw ninyo!” “Hindi ko kalooban na kayo’y mapahamak. Gusto kong tipunin kayo sa ilalim ng aking mga pakpak, ngunit ayaw ninyo!”
Ngayong naiintindihan na natin ito, mauunawaan natin kung paanong paraan bubulagin ng Diyos ang mga tao. Paano? Simple lang: Sabihin ang katotohanan! Iyan lang ang kailangan nating gawin. Nakikita na ba ninyo ngayon kung paanong ibang-iba ang sinasabi sa Juan 12:40 kapag naintindihan ninyo ang prinsipyong ito sa Salita ng Diyos? Maaaring bigyan kayo ng paningin ng liwanag; maaari rin kayong bulagin nito. Binulag ng liwanag si Pablo bago nito binigyan siya ng paningin. Pansinin ito: hindi lang ang kadiliman ang bumubulag; ang liwanag din ay nakakabulag. Ito ang puntong kailangang maintindihan. Oh, napakahalagang makuha natin ang katotohanang ito.
Tunay na isinugo ng Diyos si Isaias upang gawing manhid ang puso ng mga tao. Paano? Sa pagpapahayag ng katotohanan! Bakit? Dahil hindi tatanggapin ng mga tao ang katotohanan, at alam ng Diyos ito! At kaya, dahil alam niyang hindi nila ito tatanggapin, bakit pa ipapahayag ang Ebanghelyo? Dahil di-bukal sa kalooban niya ang mamatay ang sinuman—iyan ang buong punto.
Sa Lumang Tipan, naroon ang magagandang salitang: “Iniunat ko ang aking mga kamay buong araw” – buong araw! – “sa mapaghimagsik na bayan”. [Isaias 65:2] Bakit mag-aabalang iunat ang inyong mga kamay kung sila’y mapaghimagsik na mga tao?” Dahil di-bukal sa kanyang kalooban na sila’y mapahamak, mga kapatid. Naiintindihan ninyo ba? Hindi bukal sa kalooban niya; ayaw niyang mapahamak kayo! Nasabi ko na ito noon at sasabihin ko muli: Walang sinumang makakapunta sa impiyerno – wala ninuman – maliban sa pagtulak lagpas sa mga ipinakong kamay ni Jesus! Nakatayo siya sa pinto ng impiyerno at hinaharangan sila gamit ang kanyang mga ipinakong kamay, at nagsasabing, “Huwag! Nagmamakaawa ako, huwag kayong pumasok.” Walang sinumang makakapunta sa impiyerno maliban kung itutulak niya’t lalagpas sa mga ipinakong kamay ni Jesus at papasok doon. Ganoon kayo makakapasok sa impiyerno. Hindi bukal sa kalooban niya na mamatay ang sinuman.
Sa ngayon, nakikita ninyo na kung gaano kapanganib ang mababaw at di-wastong pagpapaliwanag ng Salita, na kumukuha ng sipi gaya ng Juan 12 at sinasabing, “Aha! Aha! Tingnan ninyo! Gusto ng Diyos na kayo’y mamatay dahil binubulag ng Diyos ang inyong mga mata.” Ah, pero paano? Bago kayo mapasa-ganyang konklusyon, ito’y sa pamamagitan ng katotohanan! Nagsasalita siya ng katotohanan!
Alam na alam nating mga Intsik anong ibig sabihin nito. Alam natin kung gaano kahirap lunukin ang katotohanan, kaya’t napakarami ang tumatanggi sa katotohanan. Alam natin ang mga salitang ito: “Ang mabuti’t totoong mga salita ay masakit sa mga tenga.” Ilang ulit ko nang nasabi iyan sa inyo! “Ang mabisang gamot ay mapait sa panlasa.” Hindi natin gusto ang katotohanan. Maaaring alam nating ito’y totoo, pero hindi natin ito gusto. Kaya hinihikayat ko kayo bilang mga Cristiano na palaging ibigin ang katotohanan. Anupaman ang idudulot na bunga nito, manatili rito! Ibigin ang katotohanan at ibigin ito hanggang sa wakas!
Ngayon, isipin ang mga salitang ito nang mabuti: Ang katotohanan dito, na maitataguyod nating mabuti base sa Kasulatan, ay: Di-bukal sa kalooban ng Diyos na mapahamak sinuman. Sinabi niya iyon mismo sa 2 Pedro 3:9:
Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.
Sinumang mangangahas na sabihing kalooban ng Diyos na mamatay ang mga tao, o mamatay ang karamihan, ay nagpapahayag ng di-katotohanan ng salungat sa isinasaad sa Kasulatan. Kaya, isipin itong mabuti.
Bakit Kapani-paniwala ang ‘Calvinism’ sa Aspetong Predestinarian Nito?
Pero bakit kapani-paniwala ang ‘Calvinism’? At dito, gusto kong tumigil sandali. Nakukuha ng ‘Calvinism’ na maging kapani-paniwala sa ideya nitong ‘Predestination’ sa pagbanggit ng mga bersikulo gaya ng Juan 12:40 sa mga taong walang training upang unawain ito. Nagbibigay ito ng prima facie na kalagayan; ibig sabihin, kung anong makikita ‘sa mukha nito’, sa ‘unang tingin’.
Gaya ng alam ng bawat abogado, maaaring ang isang pangungusap ay mukhang ganito sa unang tingin o sa unang pandinig, pero kapag sinuri ito, kabaligtaran pala ang sinasabi. Sa diwang ito, dapat maintindihan ng bawat isa ang prinsipyo ng pangangatwirang ito: na sa Kasulatan, hindi parating kung anong ‘nakikita’ ang tunay na sinasabi ng bersikulo. Kailangang maunawaan ang prinsipyo.
Ang nagbibigay ng daan upang maging kapani-paniwala ang ‘Calvinism’ sa aspetong ‘Predestination’ nito ay ang pagtutok sa iisang punto at sa tanging puntong ito lang: ang kalooban ng Diyos. Upang maunawaan at masiyasat ang katuruang ‘Predestination’ ni Calvin, kailangang maunawaan ang tanging puntong ito: nakatutok si Calvin sa “kalooban ng Diyos.” Tila mabuti ito dahil napakaraming sinasabi sa Biblia ukol sa kalooban ng Diyos, pero hanggang sa puntong matanto ninyo na may dalawang bagay sa katuruan ni Calvin ukol sa ‘kalooban ng Diyos’ na hindi nakasalig sa Kasulatan.
Una, ito’y ang pagbibigay-diin sa kalooban ng Diyos hanggang sa pagbabale-wala kapwa sa kabanalan at sa pag-ibig niya. Sa ibang salita, sa turong ‘Predestination’, balewala ang kabanalan ng Diyos ni ang pag-ibig ng Diyos. Isinantabi na ang mga ito. Nasakripisyo na ang mga ito sa doktrina ng kalooban ng Diyos.
Wala akong oras dito upang ipaliwanag nang detalyado kung anong ibig sabihin nito. Ang simpleng ibig-sabihin nito ay: Ang iligtas ng Diyos ang isang tao o hindi ay walang kinalaman sa pag-ibig niya ni sa kabanalan niya; ito’y buong nakabatay lang sa kalooban niya. Parang sinasabi ng Diyos dito: “Pipiliin kitang iligtas kahit makasalanan ka o hindi.” Maaaring napaka-makasalanan ninyo, pero pipiliin niyang iligtas kayo. Pinipili niyang isagawa ito, dahil kalooban niya ito.
O kaya nama’y napakabuti ninyong tao, pero basta na lang hindi kayo piniling iligtas ng Diyos [dahil hindi niya kalooban ito]! Ang kanyang kalooban ang mahalaga! Iyon lang ang mahalaga. Iyon ang ‘Calvinism’ sa diwa nito. Hindi kasali sa usapan ang kanyang kabanalan ni pag-ibig niya. Hindi man nila itinatakwil ang kabanalan ni pag-ibig niya, pero halos walang halaga ang mga ito.
Paano ninyo pag-uusapan ang isang Diyos na nagmamahal? Dahil, sa katunayan, paano pag-uusapan ang isang nagmamahal na Diyos kung bukal sa kalooban niya na ang karamiha’y mamatay? Pero hindi rin sila nababahala nito. Ang mahalaga’y ang kalooban ng Diyos. Kapag pinag-uusapan nila ang pamamahala ng Diyos sa lahat, ito’y simpleng ang pamamahala ng kanyang kalooban. Iyon ang ibig nilang sabihin. Ginagawa niya ang anumang gusto niyang gawin. Walang katanungan ng tama o mali; ang isang bagay ay tama o mali dahil gusto ng Diyos na gawin ito. Walang ibang pamantayan ng tama o mali. Hindi pwedeng mausisa ito kung masusukat man lang sa liwanag ng kabanalan o ng pag-ibig niya. Hindi! Sabi nila, ang dakilang kalooban ng Diyos ay nangingibabaw sa lahat ng bagay, at sinasakop ang lahat ng bagay. Balewala na ang iba pang bagay! Ngayon, maaari ninyo itong tawaging ‘pamamahala ng Diyos’, pero iba ang pinag-uusapan kung ang tinutukoy ay ang doktrina mula sa Biblia ukol sa ‘pamamahala ng Diyos’.
Pangalawa, dahil ang kalooban ng Diyos ang nangingibabaw sa lahat, ito rin ay di-maintindihan. Ganito nila tinatalakay ang anumang posibilidad ng pagsusuri ng kanilang doktrina — ito ay di-maunawaan! Gustong-gusto ni Calvin ang banggitin ang pagiging di-maunawaan ng kalooban ng Diyos. At kaya, tuwing tatanungin ninyo siya, simpleng sasabihin niyang di-maunawaan ito. Walang paltos, di ba? Ulit-ulitin ninyong sabihin iyon at siyempre, walang paraan pa upang maintindihan ito. Hindi ninyo masusuri upang patunayan kung tama o mali ang isang bagay kung ito’y parating di-maunawaan. Sino ba kayo? Tao lang kayo. At gustong-gusto niyang sinasabi ang katagang ito [mula sa Roma 9:20], “Sino ka ba, oh tao?” “Siya ay Diyos; ikaw ay tao. Huwag ka nang magtanong ng anupaman!” Ibig sabihin nito, siyempre, na hindi na rin tayo dapat mag-isip! Hindi tayo kailangang mangatuwiran, hindi tayo kailangang mag-isip, dahil ito ay tunay na di-maunawaan. Hindi tayo magtatanong tungkol sa kalooban ng Diyos. Maaari ninyong basahin ang Biblia, maaari kayong mag-isip tungkol sa Biblia, pero pagdating sa kalooban ng Diyos, hindi pwedeng magtanong, dahil ito ay di-maunawaan. Sinasabi na ito sa inyo, sa una pa lang. Ano ang panganib ng ganitong doktrina? Napakarami! At marahil mas tahas akong magsalita kaysa sa ibang tagapahayag, dahil batid ko ang nakakatakot nitong mga panganib.
Ang Mga ‘Consequence’ o Resulta ng Doktrina ng ‘Predestination’
Ang panganib ay ang pagiging lubos na di-maintindihan ang Diyos! Paano ninyo mamahalin ang isang Diyos na umaasal sa paraang hindi ninyo maaaring maunawaan? Walang paraang unawain ang kanyang mga aksiyon dahil siya ay di-maintindihan. Ang kanyang kalooban ay di-maintindihan. Kaya, kailangang basta sambahin siya, hindi dahil sa pag-ibig ni kabanalan niya, kundi dahil sa kanyang kalooban na nangingibabaw sa lahat. At ikaw, bilang isang nilalang, ay basta na lang magpataripa sa kanya. ‘Yun lang ‘yun. Ididikta niya ang nais niya at susunod lang kayo. Sasambahin ninyo siya dahil ang kanyang kalooban ang nangingibabaw sa lahat. Mag-uutos siya at ito’y masusunod. Nagtataka ako kung posible talagang mahalin ang Diyos—ibig kong sabihin ay ibigin, hindi lang katakutan o bigyang-pitagan, kundi tunay na ibigin—kung ito ang uri ng doktrinang meron tayo?
Pangalawa, ang isa pang bunga ng pagiging di-maintindihan ang Diyos ay ang lubos na pagkawala ng responsibilidad ng tao. Hindi na kayo responsable sa inyong mga aksiyon dahil ang tanging mahalaga ay ang kalooban ng Diyos. Balewala ano man ang gawin ninyo o hindi. Wala nang mahalaga maliban sa kalooban ng Diyos.
Ano, kung gayon, ang katuruan ng Kasulatan? Ano ang mali? Ang mali ay simpleng ito: Wala saanman sa Kasulatan na nagsasabing ang kalooban ng Diyos ay sadyang magiging di-maintindihan sa diwang walang dahilan o katuwiran ito. Hindi ko iyon nakikita saanman.
Makikita ninyo kahit saan sa Biblia na pinamumunuan ng pag-ibig at ng kabanalan ng Diyos ang kalooban niya. Ngayon, ito ay kapwa totoo sa tao at totoo rin ito sa Biblia. Ang kalooban ninyo ay hindi gumagana nang walang dahilan. Ito’y pinamumunuan ng inyong pag-uugali. Ang pag-uugali ninyo ang namumuno sa pagkilos ng inyong kalooban, ‘di ba? Iyon ang dahilan kung bakit palagi kong nahuhulaan kung anong gagawin o ipapasya ng isang tao. Kung alam na alam ninyo ang ugali niya, malalaman ninyo kung anong ikikilos niya, kung anong kalooban niya. Hindi totoo ang sabihing ang kalooban ay walang kaugnayan sa pag-uugali. Hindi ito totoo sa Diyos, gaya ng nakita natin sa Kasulatan, ni sa tao man. Ito ang ipinapalagay ng ganitong uri ng doktrina.
Kaya, sa makatuwid, makikita natin na sa Kasulatan na pinamumunuan ng pag-ibig at ng kabanalan ng Diyos ang kalooban niya. Ngayon, sa paraang ito, kaya kong ‘maintindihan’ ang Diyos. Maaaring hindi ko siya lubos na naiintindihan, pero nauunawaan ko siya nang sapat. At maaari na akong makatugon, makasagot ng “oo” sa kanyang pag-ibig. Makakatugon na ako sa kanyang kabanalan.
Pero hindi ako makakatugon sa kaloobang di-makatuwiran, na di-mahula-hulaan, na walang kadahi-dahilan, na hindi ko naiintindihan. Paano kayo makakatugon? Ang sagot ay simpleng hindi kayo tutugon. Ang Diyos na lang ang gagawa ng lahat ng pagtugon para sa inyo. Kayo ay simpleng parang espiritwal na manikang hinihila’t pinapagalaw ng mga tali, isang ‘marionette’.
Gumagamit si Jesus ng Talinghaga Para Tulungan Tayong Makaintindi
Ngayon, gusto kong sabihin: balikan natin ang Biblia. Tanungin natin ngayon, sa kalinawan ng lahat ng tinalakay na natin, ang tanong na sinambit natin kanina, na maaaring lampas sa maiintindihanan ng ilan, dahil masyadong teolohikal o pilosopikal. Pero kailangan kong mangusap din sa isang paraan para sa mga sinanay sa ganitong bagay, na may makukuha pa rin sila rito. Ito’y dahil maaaring ang lahat ng mga pahayag ngayon ay kadalasang mababaw, kaya para sa mga gustong mag-isip at gustong pagtrabahuhan ito, walang naibibigay sa kanila upang isipin, upang pagtrabahuhan. Kung may lumampas man sa inyong ulo, paumanhin. Pero para sa iba, alam kong kailangan nilang maintindihan ang mga bagay na ito. ngayon, umaasa ako na tayo’y nasa posisyon na upang maunawaan ang sagot sa ating tanong.
Nang nangusap ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga, ito ba’y upang itago ang katotohanan o upang ihayag ito? Ano ang inyong sagot ngayon? Umaasa akong nasa mas maiging posisyon na kayo ngayon upang masagot ito. Nagpahayag ba ang Panginoong Jesus sa maraming tao na may sadyang layunin na hindi nila dapat maunawaan ito? Maisasaisip ba ninyo ang sitwasyong iyon? Hindi ba parang ang nangyari’y ang buong pahayag ni Jesus ay isang pagsasanay na katawa-tawa, kung pwede man ito sabihin nang may paggalang? Bakit pa hahayo’t magpapahayag, kung ayaw namang maunawaan ang sasabihin?
Isalarawan ito sa inyong isip: Magpapahayag ako sa inyo, pero ang layunin ko’y hindi kayo makaunawa. Kaya ninyo bang ma-imagine iyon? Maibabaling ba natin sa Diyos ang hindi natin gagawin? Kaya nga sinabi ko, kung magpapahayag ako pero ito ang layunin ko, na hindi ninyo maunawaan, kung gayon, hindi ba mas matino at mas may-katuwiran at mas matalino na hindi na lang ako magpahayag, isara ang aking Biblia at umalis na lang? Siyempre hindi! Magpapahayag ako para maunawaan ninyo!
Kaya, dagdagan pa natin ang tanong: Ano ba ang talinghaga? Ito ay isang pagsasalarawan. Iyon lang, ‘di ba? Ito ay isang piling-piling pagsasalarawan, kung saan isinasakatawan ang mga katotohanang panglangit sa pagsasalarawang iyon. Ngayo’y itanong natin: Para saan ang isang pagsasalarawan? Ito ba’y para itago kung anong gusto ninyong sabihin, o para ihayag ito? Sa pagsabi nang ganito, siyempre, napakalinaw na ng sagot. Gumagamit kayo ng isang pagsasalarawan para tulungan ang isang tao upang makaunawa, hindi upang pigilan siya sa pag-unawa. Malinaw iyon, ‘di ba?
Kung gayon, kapag nagpapahayag ang Panginoong Jesus gamit ang mga talinghaga, nagpapahayag lang siya na may pagsasalarawan. At ang pagsasalarawan ay upang tulungan kayong makaunawa. O sa mga salita ng Panginoong Jesus sa Juan 3:12, nang nakipag-usap siya kay Nicodemo:
“Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit?”
Lubos na isinasalarawan nito ang punto ng isang talinghaga. Alam niyang hirap tayong intindihin ang mga espirituwal na bagay, kaya gumagamit siya ng mga larawang makalupa. Ang sabi niya, “Kung sasabihin ko sa inyo ang mga bagay na espirituwal, hindi ninyo mauunawaan. Kaya, anong ginagawa ko? Nangungusap ako sa inyo sa mga larawang makalupa. Ngayon, kung mauunawaan ninyo ang mga larawang makalupa, kung gayon, mauunawaan ninyo, bilang kaduktong nito, kung anong aking tinutukoy na espirituwal na bagay-bagay. Pero kung hindi pa rin ninyo naiintindihan ang larawang makalupa, paano pa ninyo maiintindihan ang mga espirituwal na bagay-bagay, na aking sinasabi sa inyo sa mas simpleng lengguwahe? Hindi ninyo mauunawaan ang sinasabi ko.” Iyan ngayo’y mas madali nang maunawaan.
Kung gayon, heto, dumating na tayo sa konklusyon ng mensahe natin, at umpisa na nating natatanto ang isang bagay. Sinusubukan ng Panginoong Jesus na dalhin ang katotohanan sa atin sa paraang maaari nating maintindihan sa pamamagitan ng mga larawan: sa pamamagitan ng mga ibon, mga bulaklak, mga punong-kahoy, sa sikat ng araw, at sa mga bagay na nakapaligid sa atin. Ito’y dahil alam niyang napakahina ng espirituwal na pang-unawa natin, kaya nangungusap siya sa atin gaya ng isang guro sa mga bata sa Sunday school.
Ngayon, sigurado ako na ilan sa inyo ay nakapagturo na sa mga bata sa Sunday school. Anong ginagawa ninyo? Kapag nagtuturo kayo ng Sunday school, bubuksan ninyo ba sa Roma 8 at babasahin, “Ngayon, ang kaligtasan ay…” at mag-uumpisa ba kayong ipali-wanag sa kanila ang kaligtasan? Lahat ng ng mga bata’y titingin sa inyo’t iisipin, “Ano raw?” Kaya, siyempre, hindi ninyo tuturuan ang mga bata nang ganito. Bakit? Dahil hindi nila maiintindihan.
Kung gayon, paano kayo magtuturo sa mga bata? Anong gagawin ninyo? Hindi ninyo ba napapansin kung paano parating gumagamit ang mga guro ng Sunday school ng mga talinghaga, parating gumagamit ng mga larawan? Bakit? Dahil ayaw ba nilang maunawaan ito ng mga bata? Hindi! Siyempre, dahil gusto nilang maintindihan ito ng mga bata. Kung gayon, bakit sila gumagamit ng mga larawan? Bakit hindi sila nangungusap gamit ang karaniwang mga salita? Simple! Dahil hindi maiintindihan ng mga bata ito. Kailangang isalarawan upang matulungan silang makuha ito.
Iyan mismo ang ginagawa ng Panginoong Jesus. Dumarating siya sa napakaraming tao, na karamiha’y mga magsasaka, kung maalala ninyong mabuti. Anong gagawin niya? Magbibigay ba siya sa kanila ng paliwanag gaya ng ginawa ni Pablo sa Roma 8? Siyempre hindi! Hindi nila mauunawaan ito! Anong gagawin niya? Nangungusap siya sa kanila sa antas nila. Magkukuwento siya! Magsasalaysay siya ng kuwento na mapag-iisipan nila, at unti-unti, habang pinag-iisipan nila ito, makukuha nila ang ibig sabihin ng mensaheng nilalaman nito.
Gaya ito ng inyong pagtatanim ng buto ng isang kuwento sa puso ng isang bata, upang habang lumalaki ang bata at pinag-iisipan ito, sasabihin niyang, “Ah, oo, umpisa ko nang nakikita ngayon ang punto ng kuwentong iyon.” Iyon ang buong layunin ng mga talinghaga. Gusto niya na tayo’y makaunawa.
Pag-unawa sa Katotohanan ay Sukat Ayon sa Kagustuhang Sumunod
Ngayon, dinadala nito tayo sa tanong bilang mga Cristiano: Kung ganoon, bakit nahihirapang umintindi ang mga Cristiano? Bakit? Gaya ng sinasabi rito, ipinikit nila ang kanilang mga mata; mapurol ang kanilang kakayahang espirituwal na tumugon; hindi nila ibinubukas ang kanilang mga mata sa mga bagay-bagay tungkol sa Diyos.
Pareho rin nito ang sinabi ni Pablo sa 2 Corinto 4:3: “Ang aming Ebanghelyo ay hindi natatalukbungan.” Nang humayo si Pablo at nagpahayag ng Ebanghelyo, hindi siya nagpahayag upang hindi nila maunawaan; nagpahayag siya sa hangaring maunawaan nila. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi niya sa 2 Corinto 4:3, “At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa (natatago o naikukubli), ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak.” Bakit natatalukbungan ito sa mga napapahamak? Dahil hindi nila gustong makinig sa katotohanan. Ayaw nilang tumugon sa Salita ng Diyos.
Ngayon, dito, sa kabuuan, may tinataglay na sangkap ng katotohanan na dapat ninyong maunawaan. Maiintindihan lang ninyo ang katotohanan ayon sa sukat ng kagustuhan ninyong sumunod. Gusto kong ulitin ito. Ito ang sikreto ng buhay-Cristiano. Ito ang sikreto kung bakit naligtas ang ilang tao at ang ilan ay hindi, kung bakit ang ilan ay naging makapangyariha’t dakila, mga spiritual giants, at ang ilan nama’y walang espirituwal na lakas, mga spiritual dwarfs [duwende]. Uulitin ko: Maiintindihan lang ninyo ang Salita ng Diyos ayon sa sukat ng kagustuhan ninyong sumunod.
Sa pagpipikit ng mga mata, ito’y aksiyon ng kalooban; ayaw nilang makita ito. Ayaw nilang marinig ito. Ikinatatakot ko, sa mga araw na ito, na kahit kayo’y Cristiano, maaaring binuksan lang ninyo ang mga mata ninyo nang bahagya; ang iba’y ayaw ninyong marinig. Gusto lang ninyo ang sukat ng Ebanghelyo na sapat na para kayo’y mapasa-langit. Higit pa rito, ayaw ninyo nang mapakinggan pa. Tama ba ako o mali?
Maaaring tinamaan ko kayo riyan. Ang suspetsa ko’y maraming tao ang pumupunta sa mga evangelistic rally [pahayag-pangmaramihan ng Ebanghelyo] dahil gusto nila ang sapat na sukat ng Ebanghelyo upang mapasa-langit sila, walang labis at walang kulang! Umaasa silang iyon ang pinakakonting hihingin sa kanila—ang minimum. Isang hakbang, sapat na ‘yon! Higit pa roon, ayaw na nilang mapakinggan pa. Kung ganito ang pag-iisip ninyo, baka wala kayong makuha. Iyan ang kahalagahan ng mga salitang ito: “…sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.” [Mateo 13:12] Kasi, ito ang punto: hindi ninyo alam kung gaano ang sapat na.
Kapag nagbabasa kayo sa Salita ng Diyos, hindi ba madalas ninyong sinasabi, “Oh, tunay na ayokong makinig tungkol dito. Sa palagay ko’y hindi natin kailangang isagawa ito. Napaka-demanding nito. Hindi ito maisasagawa”? Kapag sinabi ng Panginoong Jesus na, “Maliban na pasanin ng isang tao ang kanyang krus at itatwa ang sarili niya at sumunod sa akin, hindi siya maaaring maging alagad ko,” anong sasabihin ninyo? “Ah, hindi, sobre na ‘yan. Napakalabis! Siguradong mababawasan pa ang presyo ng Ebanghelyo sa mas mababa pa. Siguradong may ‘sale’ ngayon. Ibig kong sabihin, kailangang ibaba ang iyong presyo. Kailangan mong maakit ang maraming tao. Napakataas ng halaga nito! Paano mo akong aasahang maligtas, na maging alagad, kung gusto mong itatwa ko ang aking sarili? Hindi maaari!”
Pero darating ang tagapahayag at sasabihing, “Ngayon, mga kapatid, walang kailangang ibayad para sa kaligtasan. Oo! Ang kailangan lang ninyong gawin ay maniwala kay Jesus! Hallelujah! At kayo’y maliligtas! Magkakaroon kayo ng kapayapaan at kasiyahan.” Tingnan ninyo, kayang-kaya ko ring gawin iyan, ‘di ba? Magagawa ko rin iyan. Kung gayon, bakit hindi ko ito ginagawa? Dahil alam kong hindi ako magsasabi ng katotohanan.
Sabi ng tagapahayag: “Wala! Walang kailangang ibayad. Ang kailangan ninyo lang gawin ay pirmahan ang kard na nagsasabing nagdesisyon na kayo para kay Cristo. Pero bago iyon, pumunta muna kayo sa harapan samantalang umaawit ang choir.” Umaawit sila nang napakaganda, naaantig ang puso ninyo, at habang lahat ay tahimik, lahat ng ulo’y nakayuko, pupunta kayo sa harapan, at pagkatapos, may mga taga-pagpayo na makikipag-usap sa inyo. “Ang kailangan ninyo lang gawin – ito lang! – ay ang maniwala kay Jesus! Iyon lang!”
Wow! Ang galing! Maniwala lang kay Jesus! Hindi man lang nasabi sa akin kung anong kahulugan ng ‘maniwala kay Jesus’. Ipinapalagay na ikinumpisal ko ang mga kasalanan ko—bukal iyon sa aking kaloobang gawin—at naniniwala ako kay Jesus. Anong ibig sabihin nito? Ibig sabihin, naniniwala ako na namatay siya para sa akin. Kaya, nagkumpisal ako, naniwala ako kay Jesus, na namatay siya para sa akin, at hallelujah! Nasa langit na ako, o halos naroon na! Sa ganitong uri ng Ebanghelyo, sigurado, ano pang aalalahanin? Walang halagang ibabayad! No cost! Wala! Sa nakakarinig nito, sasabihin niyang, “Bukal-loob akong makikinig ukol dito. Anytime! Kasi wala namang mawawala sa akin. Wala akong kailangang ibigay.”
Sa katunayan, sinabi ito nang di-nahihiya: “Walang mawawala sa inyo; may mapapasa-inyo lang!” – gaya ng paglalahad ni Whitelaw sa kanyang polyeto [tract] na pinamagatang: “The Reason Why” [Ang Dahilan Bakit]. Ito’y laganap na ikinalat sa Shanghai, na ikinahihiya ko, kailangan kong sabihin. Si Whitelaw ay isang businessman na minsa’y sa Shanghai nagnegosyo at isinulat niya ang tract na ito, na ipinamigay sa milyun-milyong tao. Hindi kataka-taka siyempre, na gusto ng lahat na makakuha ng anumang bagay na libre. Naglilibot siyang nagsasabing, “Ang pagiging Cristiano ay nangangahulugang mapapasa-inyo ang lahat ng bagay, pero wala, kahit ano, ang mawawala sa inyo.”
Ngayon, basahin ninyo ang Biblia at sabihin ninyo sa akin kung saan makikita ito sa Biblia. Sinabi ni Jesus: “Maliban na itatwa ang kanyang sarili…”. Pero may ibang paraan si Mr. Whitelaw at iba pang taong tulad niya upang ipresenta ang Ebanghelyo. Hindi ko hangaring sabihin ito. Sasabihin ko ang katotohanan. Gaya ng sinabi ko noon, kahit na aalis ang bawat tao rito, kahit wala nang pumarito upang magsamba muli, hindi ako mababahala. Magpapahayag ako ng katotohanan! Iyan ang ikinumisyon sa akin. Kung ang katotohanang iyan ang siyang bubulag sa tao, hindi ito dahil nais kong mabulag sila. Dahil iyan ang gagawin ng katotohanan sa mga ayaw makinig.
Paniniwala kay Jesus ay Pagbibigay ng Buong Sarili Natin sa Kanya
Mga kapatid, hihilingin ko sa inyong husgahan para inyong sarili kung ito nga ba ang Ebanghelyong dapat nating ipahayag. Binayaran ni Jesus ang halaga ng pagtutubos sa atin, pero gusto niya ang buong pagtugon natin. Buo niyang ibinibigay ang sarili niya sa atin, ang pinakamaliit na hinihingi niya mula sa atin ay ang pagbibigay natin ng ating buong sarili sa kanya.
Iyan ang kahulugan ng ‘maniwala’ sa Biblia. Hindi lang ito kaalamang namatay si Jesus para sa akin, kundi, dahil namatay siya para sa akin, naniniwala ako, nang may buong pagtugon, sa pagsasabi, gaya ni Apostol Pablo, na: “Magmula ngayon, mabubuhay na ako hindi para sa aking sarili, kundi para sa kanya, na, alang-alang sa akin, ay namatay at muling nabuhay.” Sinabi ni Pablo sa 2 Corinto 5:15 na wala nang Cristianong dapat mabuhay para sa kanyang sarili lang. Nabubuhay lang siya para kay Jesus, na namatay para sa kanya. Iyan ang Ebanghelyo! Anupamang pahayag na nagsasabing ang kailangan lang ninyong paniwalaan ay ang namatay si Jesus para sa inyo, hindi iyan ang kabuuan! Isa iyang mahalaga’t kailangang bahagi ng Ebanghelyo, pero hindi iyan ang kabuuan.
Kung tunay na naniniwala kayong namatay si Jesus para sa inyo, ano ang dapat ninyong itugon? Kahit na hindi ninyo alam ang Biblia, ano ang dapat ninyong itugon? Para sa akin, nakikita ko na ang tanging tugon: Kung ibinigay niya ang kanyang sarili para sa akin, ibibigay ko rin ang aking sarili sa kanya. Iyon lang ang tanging tugon ng pananampalataya. Paano pa mababawasan ang halaga ng kaligtasan? Paano pa gagawing mura ang Ebanghelyo?!
Kung gayon, ito ang tanong ko sa inyo: Ang sabi ninyo’y naniniwala kayo kay Jesus? Purihin ang Diyos! Pero naiintindihan ninyo ba na ang kahulugan nito ay ang mabuhay para sa kanya? Dito, hindi ko tinutukoy ang pag-full-time na serbisyo o anupamang ganito. Ibig kong sabihin, ang mabuhay para sa kanya nasaanman kayo ngayon, bilang estudyante, sa inyong opisina, sa pabrika, o saanman kayo naroroon. Ang mabuhay para kay Jesus—kung saan kayo naroon! Ginagawa ang trabahong iyan para sa kanya, ang gawaing iyan para sa kanya, ang pag-aaral para sa kanya. Pag-aari na niya kayo!
Gaya ng sabi ni Pablo, “…kayo’y binili sa isang halaga” [1 Corinto 6:20]. Pag-aari na niya kayo. Iyan ang dahilan bakit ang isang titulong iniluluwalhati ni Pablo ay ang “alipin ni Cristo”. Ibig sabihin ng salitang ‘alagad’, gaya ng alam ninyo, ay ‘alipin’. Sa bungad ng bawat sulat ni Pablo, ang sabi niya, “Pag-aari ako ni Jesus.” Idineklara niya na: “Naibigay ko na ang aking sarili sa kanya. Binili na niya ako, ako’y kanya na. Isa na akong alipin ni Jesu-Cristo. Ikinagagalak ko ang maging alipin niya.” Nagagalak ba kayo? Iyon ang kaligtasan. Hindi siya sumasang-ayon na sinuma’y mapahamak. Sinasabi niya sa atin ang katotohanan nang tapatan, nang maiintindihan natin. Hinangad kong sabihin sa inyo ang katotohanan nang tapatan, na inyong maiintindihan.
Sabi sa Mateo 13:16: “…mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito’y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito’y nakakarinig.” “…mapapalad ang inyong mga mata…”. “Mapapalad kayo” – sino ang ‘kayo’? Sino? Sino ang kinakausap niya? Ang kanyang mga disipulo! Kaninong mga mata ang mapapalad dahil nakakakita sila? Sa mga ‘disipulo’! Bakit? Dahil isinuko nila nang buong-buo ang kanilang mga sarili sa kanya. Di-kataka-taka na mapapalad sila.
Kung sa ngayon naitalaga na ninyo ang inyong sarili nang buong-buo kay Cristo, gaya ng ginawa ng mga disipulo, kung gayon tunay kayong mapapalad, dahil nakakakita na ngayon ang inyong mga mata. Naisip ninyo na ba’t namangha na ba kayo kung gaano kaliwanag nakakakita ang inyong mga mata? Hindi ba kayo nagbibigay-puri sa Diyos kung gaano kaliwanag nakakarinig ang inyong mga tenga? Hindi ba kayo nagagalak sa katotohanang ang Diyos ang nagkusang mapuno ng Banal na Espiritu ang inyong puso, gaya ng sinabi sa Roma 5:5, “ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.”
At kaya, ang sikreto, kung sikreto man ito, ay simpleng ito: Ang buong kaibahan, gaya ng nasabi ko’t uulitin muli, kung bukas man o sarado ang Salita ng Diyos sa inyo ay hindi dahil gusto ng Diyos na hindi kayo makaunawa. Harinawa’y hindi na masambit ang katuruang iyan! Gusto ng Diyos na maunawaan ninyo! Inilalagay niya ito sa napakalinaw na paraan, kung kailangan man sa pamamagitan ng pagsasalarawan, ng illustration, na siyang ginawa ng Panginoong Jesus dito—sa pamamagitan ng talinghaga. Kung mauunawaan man ninyo o hindi, depende na sa inyo!
Katapusan ng mensahe.
¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, Phils., 2001.
(c) 2021 Christian Disciples Church