You are here

Ang Talinghaga ng Kaibigan sa Hatinggabi

Ang Talinghaga ng Kaibigan sa Hatinggabi

(Parable of the Friend at Midnight)

Lucas 11:5-13

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ipagpapatuloy natin ang eksposisyon sa mga salita ng Panginoon sa Lucas 11:5-13. Dito, titingnan natin ang isang talinghaga ng Panginoong Jesus, na kadalasa’y tinatawag na: Ang Talinghaga ng Kaibigan sa Hatinggabi. Ito ang mababasa natin dito:

Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’ Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya’y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya. At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makakakita; tumuktok kayo at kayo’y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan. Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda? O kung siya’y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan? Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”

Una, nais kong ipinta ang larawan ng talinghagang ito para sa inyo para makita ninyo ito sa inyong isipan. Dito, ipinapakita ang isang espiritwal na argumento na pumupunta mula sa mas maliit tungo sa mas malaki o dakila. Sa Latin, ito’y ang masasabing ‘ad minorum ad majus’, iyon ay, isang argumento mula sa ‘minor’ o maliit tungo sa ‘major’ o malaki o matimbang o dakila. Kung totoo ito sa kalagayan ng mas maliit, mas lalong totoo ito sa kalagayan ng mas malaki o matimbang o dakila. Ito ang puntong ipinapakita rito.

Narito ang larawan ng isang tao na may kaibigang dumating sa hatinggabi. Ngayon, marahil iniisip ninyong ‘di karaniwang oras ito para dumating, pero sa maiinit na bansa, nangyayari ito. Dahil, kung tutuusin, hindi naman kayo maglalakbay kapag kasikatan ng araw, lalo na sa Palestinya kung saan napakainit sa tanghaling-tapat. At kaya, kelan kayo maglalakbay? Hihintayin ninyong lumubog na ang araw. Kapag nagsisimula nang lumamig, kapag dapit-hapon na, doon kayo maglalakbay. Sabihin nating lumalamig-lamig na sa ika-anim ng gabi, kung gayon, may anim na oras kayong makakapaglakbay. At kaya, dito’y matatagpuan natin na sa kalamigan ng gabi’y naglakbay ang taong ito at nakarating siya sa lugar ng kanyang kaibigan nang halos hatinggabi na. Kaya nga tinawag ang talinghagang ito bilang “Ang Kaibigan sa Hatinggabi” sa maraming libro o diksyunaryo.

Heto’t nagising ang kaibigan nang dumating ang manlalakbay. Hindi ko alam kung inaasahan niya ang pagdating ng kaibigan o hindi. Ang komunikasyon noon ay di masyadong magaling. Walang mga telepono na maaari ninyong gamitin upang sabihing, “Darating ako sa hatinggabi.” Kaya, marahil, lumitaw na lang siya mula sa kung saan.

Ngayon, nadiskubre ng kaibigang binibisita na wala siyang pagkain para sa di-inaasahang bisita. At ito marahil ang patunay na di niya siya inaasahan, dahil walang pagkain para sa bisita. Ang taong ito’y naglakbay, at kaya, halatang gutom na siya, pero ang ‘host’ niya’y walang tinapay. Wala siyang maihahain sa kanyang di-inaasahang panauhin. Kaya, ano’ng gagawin niya? Tumingin siya sa paligid at nag-isip nang ilang sandali. Naisip niyang, “Aha! Ang kaibigan ko roon sa tapat!” Inisip niyang, “Ano kayang pinakamagandang gawin? Hahayaan ko na lang bang magutom ang kaibigan kong kararating lang hanggang mag-umaga? O, hahayo ba ako’t gigisingin ang kaibigan ko sa tapat?” At kaya, sa pag-iisip niya tungkol dito, nasabi niya sa sarili, “Hmm, kung iistorbohin ko ang aking kaibigan... pero, para saan pa ba ang pagkakaibigan? Di ba’t ‘A friend in need is a friend indeed,’ ika nga? Ngayon mismo, kailangan ko ng tinapay. At kaya, kakatok ako sa pinto ng aking kaibigan doon. Dahil, kung tutuusin, kahit tulog na siya, ilang minuto lang naman ay maibibigay na niya sa akin ang tinapay, at pwede na siyang bumalik sa tulog muli, samantalang ang kawawang bisita ko na kararating lang ay magugutom hanggang mag-umaga.”

Kaya, nagpasya siyang pumunta roon at kumatok sa pinto. Pero di siya nakakuha ng magandang sagot, gaya ng mai-imagine natin. Ang kaibigang nasa loob doo’y sumagot, “Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!” Kung gayon, ang sagot sa isang salita ay, “Hindi.” “Pabayaan mo na lang ako’t umalis ka na,” ang sabi niya. “Natutulog na kami. Hindi ito ang oras ng pagkalampag ng pintuan. Ibig kong sabihin, wala ka bang konsiderasyon? Alam mo ba kung anong oras na?”

Pero siya nama’y nagpapaliwanag mula sa labas sa malakas na boses, na maaaring makagising ng buong kalye, kung hindi agad mabubuksan ang pinto. Sinabi niyang, “Meron kasi akong kaibigang dumating at kelangan ko ng tatlong tinapay.” Bakit kelangan ng tatlo para sa iisang kaibigan? Malakas siguro siyang kumain, tulad ng kabayo! Tatlong ‘loaf’ ng tinapay? Nais niya kasing magsigurado na sapat ito. Ngayon, ang mga loaf siyempre ay di tulad ng meron tayo ngayon. Mas malapit sila sa monay. At kaya, ang isang napakagutóm na tao’y makakakonsumo ng dalawa agad-agad, posibleng tatlo. O kaya’y, naisip niyang, “Bibigyan ko siya ng dalawa, pero dahil sasamahan ko siya sa hapag-kainan, di naman siguro mauupo lang ako roon at panonoorin ko na lang siyang kumain.” Sa ilang kultura (gaya ng sa Judio o Intsik), di lang kayo uupo roon at panonoorin ang panauhing kumain. Kaya, kakain din kayo ng konti, habang kumakain siya. Mapapagaan nito ang loob niya. At kaya, marahil, ang isang tinapay ay para sa kanyang sarili at ang dalawa nama’y para sa kaibigang naglakbay.

Pero, ang kaibigang nasa loob ng bahay ay nagmatigas, “Nasa higaan na ako, kasama ko ang aking mga anak.” Ang larawan dito, siyempre, ay isang Palestinong bahay, kung saan lahat ay nasa iisang silid. May medyo-mataas na palapag; isang klaseng ‘split-level’ kasi ito. Kadalasan, sa mas mababang palapag, doon natutulog ang mga manok at mga kambing. Sa mas mataas na palapag, doon naman nakatira ang mag-anak. Kaya, hindi ito isang kaso kung saan maraming kwarto. Iisa lang ang kwarto. Marahil, mas mahihirap ang mga tao noon. Wala silang mga kama, kaya matutulog sila sa anumang parang kutson. Ang mga bata’y magkakadikit upang mainitan ang isa’t isa. At kaya, kung gagalawin ang isa, maaaring magising ang iba.

Sa totoo lang, ang pagdadahilan na tulóg na ang mga bata ay di kapani-paniwala kasi, gaya ng alam ng karamihan sa inyong may mga anak, kapag ang isang bata’y tulóg na, napakahirap na niyang gisingin muli. Sa kinaumagahan ninyo na lang sila magigising nang napakadali. Kaya, mahinang ang dahilang ito. Ang totoo’y ayaw lang niyang magambala pa. Nainis siya sa taong ito na di-nahihiyang kalampagin ang pinto niya sa hatinggabi. Marahil, karamihan sa ati’y ganito rin ang magiging reaksyon, ‘di ba? Ibig kong sabihin, maging totoo tayo sa ating sarili. Siguradong sasabihin ninyong, “Ano’ng ginagawa mo’t kinakalampag mo ang aking pinto sa ganitong oras ng gabi?”

Pero ang taong ito na kumakatok sa pinto, na humihingi ng tatlong monay, ay hindi aalis. Nanatili siyang kumakatok sa pinto. Paulit-ulit niyang sinasabi, “Ibigay mo na sa akin ang mga monay dahil hindi ko pwedeng hayaang magutom ang kaibigan ko. Kaya, pwede ba, bumangon ka na?” At sasabihin ng taong nasa loob, “Hindi”, pero ang nasa labas nama’y sasabihing, “Oo,” at patuloy na kakalampag doon. Sa wakas, naisip ng nasa loob na, “Kung hindi ko bibigyan ang taong ito ng tatlong monay, magpapatuloy siya sa pagkalampag hanggang umaga at hindi ako makakatulog. Kaya ang tanging paraan para mapaalis siya’y ang bigyan siya ng tatlong monay at sabihing, “Heto! Kunin mo na! Basta’t umalis ka na, ha, para makabalik na ako sa tulog.”

At kaya, narito sa b.8 sa ating sipi, “Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan,...”. Sa katunayan, ang salitang ‘bagaman’ ay nagpapahina sa tunay na kahulugan na nasa orihinal [na Griyego]; mas mabuting isalin ito bilang ‘kahit na’. “… kahit na hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan...”. Iyon ay, kahit na para sa kanilang pagkakaibigan ay di niya ibibigay ang tinapay, “ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya’y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya...”, para lang mapaalis niya siya. Kaya, hindi niya ito gagawin para sa pagkakaibigan – dahil, kahit na ang pagkakaibigan sa mundo’y may limitasyon kung saan di pwede lumampas – pero ang di-nahihiyang pagpupumilit na ito’y nakukuha ang nais nito. Ngayon, ang puntong dapat obserbahan dito, ang inilalarawan ng Panginoon, ay ang pagpupumilit na ito, na sa Ingles ay ‘persistence’. Ang pagpupumilit na ito ay di tumatanggap ng ‘hindi’ bilang sagot. Makikita rin ito sa b.9, pero di ito lumalabas nang maigi sa saling-Ingles o sa iba pang salin.

Pero dito sa b.9, meron tayo ng pangkasalukuyan o ‘present continuous tense’ sa orihinal, na ibig sabihin ay, “Sinasabi ko sa inyo, magpatuloy sa paghingi.” Iyan ang pwersa sa Griyego. Magpatuloy sa paghingi at ito’y ibibigay sa inyo. Magpatuloy sa paghahanap at kayo’y makakahanap. Magpatuloy kayo sa pagkatok at kayo’y pagbubuksan. Masdan, ito mismo ang ginagawa niya; tuloy-tuloy siya sa pagkatok. Tuloy-tuloy siya sa pagkalampag hanggang buksan ang pinto. Tuloy-tuloy siya sa paghingi hanggang sa makakuha siya. Tuloy-tuloy siya sa paghahanap ng tatlong monay na iyon hanggang sa makuha niya ang mga ito. Iyan ang kawalan-ng-hiya! Lubos na di-nahihiya! Ang kapal ng mukha ng taong ito, marahil ito ang sasabihin ninyo. Pero determinado siyang makuha ang tatlong monay. Iyon ang magiging kahihinatnan niyon.

Ano ang Kahalagahan ng Talinghagang Ito?

Ang tanong dito, kung gayon, ay: Ano ba mismo ang sinisikap na ituro ng Panginoong Jesus sa atin? Tinuturuan ba niya tayong maging walang konsiderasyon? Sinisikap ba niyang turuan tayong maging walang-hiya o ‘shameless’, para sa susunod na beses, madidiskubre ninyo na, kung sa kalagitnaan ng gabi, kayo’y nakaramdam ng gutom at kailangan ninyo ng ‘hamburger’, sasabihin ninyong, “Ah, naroon ‘yong mga tao sa itaas. May kapatid doon sa itaas. Alas dos na ng umaga; kakalapag ako sa pinto niya. Sasabihin ko sa kanya, “Nabasa ko sa Biblia nung isang araw. Nangaral ang pastor doon at sinabi niyang, ‘Dapat kayong maging pursigido. Maging persistent. Iyon ang itinuturo ni Jesus.’ At kaya narito ako. Akin na ang hamburger!” Ito ba ang itinuturo ni Jesus? Ano nga ba ang itinuturo niya? Ano ang aral? Ang pagpupursigi o ‘persistence’ ay mabuti, pero parang sumosobra naman yata. Kaya, nakikita nating dapat hanapin ang kahalagahan o ‘significance’ ng talinghagang ito. Ano ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon dito?

Ngayon, ang susing salita sa siping ito ay nasa salitang ‘importunity’ sa Ingles sa b.8 sa RSV². [Sa ABAB ito’y isinalin bilang ‘pamimilit’ at sa MBB³ ay ‘pagpupumilit’.] Sa katunayan, ang salitang ito sa Griyego ay napaka-interesting, na isang beses lang matatagpuan sa Bagong Tipan. Ang pangngalan o ‘noun’ nito ay hindi matatagpuan sa Lumang Tipan maliban sa ‘Apocrypha’. Sa literal nitong kahulugan, ibig sabihin nito’y ‘kawalan ng kahihiyan’ o ‘shamelessness’. “Kahit na hindi siya magbigay ng tinapay dahil sila’y magkaibigan, ibibigay niya ito o anumang nais niya, dahil sa kawalan ng kahiyaan ng taong ito.” Ito ang literal na kahulugan ng salitang ito.

Kahit na hindi nagamit ang pangngalan o ‘noun’ nito sa Lumang Tipan sa Griyego [Greek Old Testament], ang pang-uri o ‘adjective’ nito ay nagamit nang marami-raming beses doon. Ang mahalagang bagay ay: ni minsan, hindi maganda ang kahulugan ng salitang ito sa Lumang Tipan. Ang ibig sabihin lang ng ‘shameless’ o ‘impudent’ ay walang-hiya, sobrang kakapalan, at walang respeto. Ngayon, marahil nakakapagpalito ito sa atin. Para bang inuudyok tayo ng Panginoon tungo sa kawalan ng kahihiyaan, ‘di ba? Ano bang sinusubukan niyang sabihin sa kanyang mga disipulo? Nais ba niyang gawing mga bastos ang mga alagad niyang ito? Kung tutuusin, puno na ang mundo ng mga taong walang konsiderasyon. Hindi na natin kailangang magkaroon ng labing-dalawang disipulo na kakalampag ng mga pinto ng mga tao sa hating-gabi.

Itinuturo ni Jesus ang Isang Sikreto ng Panalangin: Di-Nahihiyang Pagpupursigi!

Naalala ninyo banga ang siping ito’y matatagpuan pagkatapos na pagkatapos ng katuruan ng Panginoong Jesus tungkol sa panalangin? Sa Lucas 11:1, mapapansin ninyong sinasabi niya ang mga salitang ito sa kanyang mga disipulo at ibinigay niya sa kanila ang dasal na alam natin bilang ‘Ang Panalangin ng Panginoon’ o ‘the Lord’s Prayer’: “Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo”, atbp. At, matapos silang turuan, sinabi niya sa kanila ang isang lihim tungkol sa panalangin. Ngayon, isaisip ito. Ito’y may kinalaman sa isang lihim sa pananalangin. Sinasabi niya na sa panalangin, ang isang bagay na dapat ninyong matutunan ay ang di-nahihiyang pagpupumilit na ito.

Ano’ng ibig sabihin natin dito? Ang unang bagay na dapat mapansin tungkol sa salitang ‘kawalan-ng-kahihiyan’ o ‘shamelessness’ na nais ng Panginoon na ituro sa atin ay ang kahalagahan ng determinasyon. Ito’y ang determinasyon sa panalangin. Kapag iisipin natin ito nang ganito, agad nating makikita na natumpok ng Panginoon ang malaking espiritwal na kahinaan ng karamihan sa mga Cristiano ngayon. Isipin ninyo kung paano kayo manalangin. Meron bang anumang determinasyon sa inyong dasal? Meron bang pagpupumilit sa inyong panalangin, na hindi man lang binabanggit ang kawalan-ng-kahihiyan? Wala man lang anumang determinasyon doon!

Ang Espirituwal na Kahalagahan ng Determinasyon

Ang unang puntong dapat mapansin ay ang espirituwal na kahalagahan ng determinasyon. Sa pinakamababang antas o ‘level’, hayaang sabihin ko ito sa inyo, walang sinuman ang makakakuha ng anuman sa buhay na ito kung walang determinasyon. Simpleng wala kayong maa-achieve kung walang determinasyon. Ang prinsipyong iyan ay totoo. Sigurado akong nakabasa na kayo ng ganitong uri ng mga kuwentong Amerikano kung saan ang isang bata-batang ‘editor’ ng diyaryo, o ‘lawyer’ – isang nagsisimula pa lang na abogado – ay naghahanap ng trabaho. Pupunta siya sa opisina ng peryodiko at nais niyang makuha ang trabaho bilang isang ‘editor’. Tapos, may isang malaking tao roon na nagtatabako, na nakapatong ang mga paa sa mesa, na titingnan ang binatang ito at sasabihang umalis na siya dahil wala siyang karanasan. Pero hindi aalis ang binatang ito! Sigurado akong nakapanood na kayo ng mga pelikulang gaya nito. At determinado siyang huwag tumanggap ng “hindi” bilang sagot, at sasabihin niyang, “Bigyan mo ako ng pagkakataon. Patutunayan ko sa ‘yo kung gaano ako kahusay.” Napakapamilyar sa atin ang kwentong ito.

O kaya’y may bata-batang abogado na naghahanap ng trabaho at ayaw sa kanya ng ‘big boss’, pero determinado siyang makuha ang trabahong ito. Sa wakas, makukuha niya ito, at tataba ang puso ng lahat sa galak. Pero lumilitaw ang punto: na kung walang determinasyon, wala kayong matagumpay na magagawa. Kahit ang makamundong tao’y alam ito.

Pero kapag tinitingnan ko ang mga di-Cristiano, parang mas may talino sila sa diwang ito. Naiisip ko ang mga salita ng Panginoon, “Ang mga anak ng mundong ito’y mas ‘wais’ sa kanilang henerasyon kaysa sa mga anak ng ilaw.” [Lucas 16:8] Nakikita kong ang mga Cristiano’y kulang na kulang sa determinasyon. Isipin muli ang inyong buhay-panalangin. Kailan ba kayo humingi ng isang bagay nang may determinadong pagpupumilit at sinabing, “Panginoon kailangan ko talagang makuha ang bagay na ito para sa kapakanan ng kaibigan (o kapatid) na ito. Hindi kita bibitawan hanggang di mo ito ibigay. Hindi ako papayag sa sagot na ‘hindi’.”

Gustong-Gusto ng Diyos ang mga May Espirituwal na Determinasyon

Subukan lang ninyo ito sa Diyos. Gustong-gusto ito ng Diyos! Kaaya-aya sa Diyos ang mga taong may espirituwal na determinasyon. Alam ninyo, kaming mga Intsik ay napakagalang, o ‘ke chi’. Sasabihin naming, “Hindi dapat kami kumilos nang ganito. Hindi, hindi, hindi. Ito’y nakakahiya. Hindi dapat ganito kumikilos. Hindi mo binibigyan ang ibang tao ng kahihiyan.” Ang ‘diu lian’ ay ang mawalan ng mukhang ihaharap sa tao. Kailangang bigyan ng kahihiyan ang kapwa, kaya sasabihin ninyong, “Hindi ninyo maaaring gawin ito. Hindi ito ang tamang paraan ng pag-iisip!” Hayaang sabihin ko sa inyo, ito ang nais ng Diyos na gawin natin: Baguhin ang paraan ng pag-iisip natin! Sinasabi niya ito, “Marahil ay ayaw ninyo nito. Marahil ayaw ng ibang tao ito dahil silang lahat ay makasarili. Pero hindi makasarili ang Diyos at gustong-gusto niya ang mga taong lumalapit sa kanya at nagpupumilit makamtan ang isang bagay.

Sa Isaias 62:6-7, mababasa natin:

      “Kayong mga umaalala sa Panginoon,

            huwag kayong magpahinga,

      at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan,…

Hinihimok ang mga tao na, “Huwag bigyan ng pahinga ang Diyos hangga’t hindi nagagampanan ang kanyang mga layunin, hanggang sa magawa niya ang Israel bilang papuri sa buong daigdig.” Napakaganda! Sa inyong umaalala sa Diyos, huwag siyang bigyan ng pahinga. Basta’t magpatuloy kayong magpumilit hanggang matupad ang mga layunin niya! Alam ninyo, ayaw ng mga tao ito. Pero hayaang sabihin ko sa inyo, hindi nag-iisip ang Diyos ng katulad ninyo o gaya ko. Ang kanyang pag-iisip ay lubos na naiiba. Hindi siya maaabala kung tatawagan ninyo siya sa telepono nang alas-dos ng madaling araw. Ni kung tatawagan ninyo siya ng alas-tres ng madaling araw. Di pa rin siya maaabala kung darating kayo ng hatinggabi at kakalampag sa pinto ng langit sa hatinggabi. Di siya maaabala. Di ito abala; sa katunaya’y gusto niya ito. Naghahanap siya ng mga tao na ito mismo ang gagawin, na hindi siya bibigyan ng pahinga sa espiritu nila, na determinadong magampanan ang isang bagay at hindi hihinto hanggang sa ito’y magawa.

Mapapansing ang paraan ng pag-iisip ng Diyos ay talagang naiiba sa atin. Gustong-gusto niya ang mga taong espirituwal na di-nahihiya, na magsasabing, “Panginoon, dapat itong mangyari at ito’y mangyayari. Nagmamakaawa ako sa iyo; ako’y magpapatuloy sa pagmamakaawa. Magpapatuloy ako sa pagkatok sa pinto ng langit.” Iyan ang sinasabi ng Panginoong Jesus, “Magpatuloy sa pagkatok at ang pinto ay bubuksan para sa inyo.” Oh, kung matututunan natin ang espirituwal na lihim na ito, patungo na tayo sa pagiging mga espirituwal na higante!

Pero kailan ba ang huling beses na humingi kayo sa Panginoon ng isang bagay na merong determinasyon? Sinasabi nating, “Alam mo, nagdasal ako kay Lord nung nakaraan. Pero di siya kailanman sumasagot. Kaya, suko na ‘ko.” Hayaang tanungin ko kayo: Gaanong katagal kayo nanalangin? Ito ba’y sa tatlumpu’t limang segundo? Gaano kayo kadeterminado nanalangin? “Ah, hmm, humingi ako ng dalawa o tatlong beses. Dalawa o tatlong beses! Imagine-nin, kahit na mag-doorbell tayo, kadalasa’y pipindutin natin ito ng dalawa o tatlong beses! Ang nais ng Diyos ay ang ilagay ninyo ang inyong daliri sa doorbell at panatiliin itong nakapindot doon. Basta’t ipatuloy ang pagpindot at sabihing, “Panginoon! Hindi ako bibitiw. Hindi ko aalisin ang daliri ko rito hangga’t di bumubukas ang pinto.”

Sasabihin ninyong, “Walang-hiya ang paggawa niyan! Lubos na kawalan-ng-kahihiyan iyan!” Tama! Walang-hiya! Iyan ang nais ng Diyos na gawin natin! Mahirap maintindihan, ‘di ba? Ang pag-iisip ng Diyos ay talagang naiiba sa ating pag-iisip. Hindi niya ibig sabihin na pupunta kayo sa inyong kapitbahay at magdo-doorbell ng tulad nito. Pero sinasabi niyang, “Gawin ninyo ito sa Diyos. Tinutukoy rito ang tungkol sa panalangin, ‘di ba? Alam niyang ayaw ito ng ibang tao. Alam niyang makasarili ang ibang tao, pero sinasabi ni Jesus na hindi ganoon ang Diyos. Kahit na isipin ito ng ibang tao bilang pagiging walang-hiya, gustong-gusto ito ng Diyos. Gawin ninyo ito at makikita ninyong sumasagot talaga ang Diyos sa panalangin.

Ngayon, ang pagiging matuwid ay napakahalaga sa panalangin, gaya ng sinabi ni Santiago sa San. 5:16, “Ang panalangin ng taong matuwid ay maraming nagagawa.” Kung kayo’y namumuhay sa kasalanan, siyempre, ang kaisa-isang masusumamo ninyo nang may determinasyon ay ang patawarin ng Diyos ang inyong kasalanan at kayo’y hindi bibitiw hangga’t di nagpapatawad ang Diyos. Hayaang sabihin ko sa inyo, papatawarin kayo ng Diyos, kung tunay na nagsisisi kayo. Pero kung hihiling kayo ng ibang bagay, siguraduhing maaari o ‘qualified’ kayong humingi. Iyon ay, hayaang linisin niya kayo sa pamamagitan ng grasya niya, upang maaari kayong makalapit sa kanya. Tapos, anumang hingin ninyo sa kanya sa gayong paraan, matatanggap ninyo. Kung gayo’y mararanasan ninyo para sa inyong sarili na ang Diyos ay isang buháy na Diyos. Tapos lalago ang inyong espiritwal na buhay. Tapos ang inyong pananalig ay lalago sa kapangyarihan.

Mga Halimbawa ng mga Kawalan-ng-Kahihiyang Pagpupursigi sa Panalangin

Isipin ang mga taong tulad ni George Müeller. Heto ang isang taong hindi tumatanggap ng “hindi” bilang sagot. Sa lahat ng bagay, lumalapit siya sa Diyos at pinanghahawakan ang Diyos, at ibinibigay ng Diyos anuman ito sa kanya. Napakaganda nito!

Sa ‘Mishnah’, ang kasulatan ng mga Judiong guro o ‘rabbi’, sa librong tinatawag na ‘Ta’anit’ dito, may kwento ukol sa isang taong nagngangalang Onias. [Mishnah Ta’anit 3:8] Isang kawili-wiling tao si Onias. Tinatawag siya ni Josephus, ang Judiong ‘historian’, bilang si “Onias na Matuwid”. Siya’y isang napakamatuwid na tao, isang maka-Diyos na tao, at naging tanyag siya. Alam ninyo ba kung bakit? Dahil nagkaroon noon ng dakilang tagtuyót sa Israel. Ang buong lupain ay walang ulan sa loob ng mahabang panahon. Namamatay na ang mga tanim. Sa isang agrikulturang bansa – o kahit na sa industriyal na bansa, kung hindi uulan, malaking problema ito. At heto, may tagtuyót; simpleng walang ulan. Ang ekonomiya ng bansa’y pabagsak na. Ang mga tao’y nagugutom.

Lumapit sila kay Onias na Matuwid at nagsabing, “Manalangin ka na umulan para sa amin.” Mabilis na sumagot si Onias, “Dalhin dito ang ‘Passover ovens’.” Ito ang uri ng pananalig niya. Bakit dadalhin sa kanya ang mga hurno ng Paskuwa? Dahil ang mga ito’y gawa sa ‘clay’, kaya kapag dumating na ang ulan, matutunaw ang mga hurno ng Paskuwa. Tutunawin ang mga ito ng ulan hanggang maging putik o ‘clay’ muli. At kaya, sinabi niya, “Dalhin agad dito ang ‘Passover ovens’. Napaka-walang-pag-aalinlangan ang kumpiyansa niya na tutugon ang Diyos kaya’t agad-agad, ang sagot niya’y, “Okey, humiling kayong manalangin ako para umulan? Magkakaroon kayo ng ulan. Dalhin dito ang ‘Passover ovens.’” Dinala nga nila sa kanya ang ‘Passover ovens’, pero hindi umulan.

At kaya, lumabas si Onias doon at gumuhit ng bilog sa palibot niya. Ito ang dahilan bakit siya kinilala bilang ‘Circle Drawer’ o ‘Circle Maker’. Gumuhit siya ng bilog na palibot sa kanyang sarili at sinabing, “Panginoon, tatayo ako sa loob ng bilog na ito umaga at gabi hanggang ibigay mo ang ulan na kailangan namin.” At kaya, umulan. Pumapatak ang ulan, pero unti-unti. At nagpatuloy siyang manalangin at paulit-ulit na sinasabing, “Panginoon, hindi ito ang hiningi ko. Hindi ako humiling ng ilang patak. Kasi, hindi ito sapat.” Patuloy pa rin sa nakapindot ang daliri niya sa doorbell. Sinabi niya, “Panginoon, hindi ito sapat. Ambon lang ito. Konting patak lang ito” At kaya, bumagsak ang ulan nang may kalakasan, parang balde-balde ang pagbagsak nito. Sinabi naman ni Onias, “Panginoon, hindi rin ito ang hinihingi ko. Ang hinihiling ko’y mapuno nito ang mga lugar na kuhanan ng tubig, pero hindi ang mabaha ang buong lugar at maiagos ang mga bahay.” At kaya, umulan nang tamang-tama lang!

Iyan ay isang totoong kuwento sa ‘Mishnah’. Wala tayong duda, mula sa pinagkukunan ng mga ito, na ito’y kuwentong totoo. Nabuhay si Onias bago ang panahon ng Cristo. Ang pangyayaring ito’y naganap marahil noong mga 70 BC, iyon ay, 70 taon bago ipinanganak ang Cristo. At kaya, siya’y tinawag na Onias na Gumuhit ng Bilog.

Pero hindi sang-ayon ang pangunahing ‘rabbi’ o guro sa panahong iyon, si Simeon ben Schtar, sa paraan ng pananalangin ni Onias sa ganitong mapilit na gawi, sa pagguhit ng bilog sa paligid niya’t sa pagsabing, “Hindi ako aalis sa bilog na ito hangga’t hindi mo sinasagot ang panalangin ko”. Itinuturing niya ito bilang lapastangan, walang-hiya. At sinabi ng ‘rabbi’ na ito, “Kung hindi ka nga lang si Onias, lalagyan kita ng ‘ban’.” Ibig-sabihin, “Patatalsikin kita dahil sa iyong ugali, wala kang hiya.” At dagdag niya, “Pero ano’ng magagawa ko? Ikaw si Onias, at sinasagot ng Diyos ang iyong panalangin dahil ikaw ay tulad ng isang anak sa kanyang ama, na kapag nagpupumilit ang anak sa kanyang ama, kinukulit ang ama, ibinibigay ng ama sa kanya ang nais niya.”

At kaya, si Onias noon ay itinuring na nasa ‘level’ ni Elias. Sa ‘Midrash Rabbah’, isa pang Judiong kasulatan, sinasabing, “Walang taong nabuhay kailanman na maitutulad kay Elias at kay Onias na Gumuhit ng Bilog, na nag-udyok na magsilbi ang mga tao sa Diyos, na humimok sa mga puso ng mga taong tungo sa Diyos.” Dahil, nang umulan na, nakita nila ang ginawa ng Diyos bilang sagot sa dasal ni Onias. Nagsipuntahan ang mga tao sa Templo at sumamba sa Diyos, kinikilalang siya nga ang buháy na Diyos na sumasagot sa panalangin, na tumutugon sa dasal ng kanyang matuwid na tauhang si Onias.

Naaalala ninyong ginawa rin ni Elias ang katulad na bagay. Tumayo siya sa Bundok ng Carmel at nagsumamong ipadala ng Diyos ang apoy mula sa itaas, at nilamon ng apoy ang sakripisyo sa altar, at nanumbalik ang mga tao’y sa Diyos dahil sa dakilang alagad ng Diyos. Ang kailangan natin sa mga araw na ito ay ang mga taong tulad nito, na magwawagi sa Diyos, na tulad ni Jacob na humawak sa Panginoon at sinabing, “Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako bine-bless. Gawin mo na ang nais mong gawin sa akin, pero hindi ako bibitiw sa ‘yo.” At kaya, siya ay naging isang taong nagwagi sa Diyos. Nanatili siyang nakahawak, tandaan, nang buong gabi!

Kailan ang huling beses na nanalangin kayo para sa isang bagay nang buong gabi? Subukan ninyo ito minsan at mamamangha kayo kung paano sasagot ang Diyos, lampas sa kung ano’ng mahihingi o maiisip ninyo. Ito ang galak ng buhay-Cristiano, ang makita kung ano’ng kayang gawin ng Diyos. Ang pagiging Cristiano at paninilbihan sa kanya ay hindi lang ang pagpunta sa simbahan, o ang paggawa ng bagay na ito o iyon, o ang pangangaral. Ang lahat ng mga ito ay mahalaga, pero higit sa lahat ay ang ministeryo ng panalangin.

Nawa’y Bawat Isa sa Atin ay Matutunan ang Sikretong Ito

Ang unang punto na nakita natin ay ang espiritwal na determinasyong ito, ang kawalan-ng-kahihiyang ito na di tumatanggap ng ‘hindi’ bilang sagot kapag humahawak sa Diyos. Ayaw ng mga tao ito, pero gustong-gusto ito ng Diyos. Kaaya-aya sa kanya ang mga taong may espiritwal na determinasyon. Nawa’y makapagtaguyod siya para sa ating nasa church ng mga taong may espiritwal na determinasyon!

Sasabihin ko rin ang tungkol sa espirituwal na determinasyong ito, lalung-lalo na sa mababautismuhan ngayon, isipin ang inyong direksyon sa buhay. Isiping mabuti ang inyong ‘goal’, ang inyong layunin sa buhay. Sa pagmumuni-muni ng ‘goal’ at layunin ninyong iyan, ituon ninyo ang inyong pag-iisip dito nang may determinasyon – pagiging desidido! – at sabihing, “Panginoon, magpupursigi ako sa layuning ito hanggang, sa pamamagitan ng iyong grasya, ito’y magampanan.” Kung ang bawat nabautismuhan ay gagawin ito, ang bawat isa’y magiging espirituwal na higante. Magiging katulad nila si Pablo.

Isang napakadeterminadong tao si Pablo! Ito ang lihim ng kanyang espirituwal na kadakilaan. Sa tuwing titingnan ninyo si Pablo at ang buhay niya, makikitang siya’y isang napakadeterminadong tao. Itinuon niya ang kanyang layunin sa espirituwal na paraan, at walang makakalihis sa kanya sa kaliwa o sa kanan. Tulad ng isang palaso na diretsong tatama sa marka, hahayo siya roon at walang makakapigil sa kanya sa daan. Tandaan kung paano niya itinuon ang kanyang mukha sa Jerusalem at walang makapigil sa kanya. Walang makapaglihis sa kanya. Sa oras na alam na niya kung ano’ng tama sa harap ng Diyos, kung ano ang direksyon at layunin, doon niya itutuon ang kanyang isip at layunin. Hahayo siya roon hanggang ito’y magampanan niya. Nawa’y bawat isa sa ati’y matutunan ang lihim na ito!

Maraming beses meron tayong mga tao sa churches na may mabubuting intensyon. Hayaang sabihin ko sa inyo, walang napapatunguhan ang mabubuting intensyon. Magandang magkaroon ng mabubuting intensyon, pero meron parating mabubuting intensyon na hindi natutupad. “Higit pa akong magbabasa ng Biblia sa susunod na linggo.” Pero sa susunod na linggo, masyado kang abala. Kaya, sa susunod na linggo na lang. Tapos, sa susunod na linggo na lang uli. At magpapatuloy kayo nang ganito hanggang hindi na kayo nakakabasa ng Biblia. “Magsisimula akong manalangin. Oo, palagay ko’y magandang mensahe ito. Magsisimula akong manalangin tulad nito, pero magsisimula ako bukas.” Kapag dumating na ang bukas, sasabihin ninyong, “Ah, hindi, hindi. Sa susunod na linggo na lang,” at pagkatapos, “Sa susunod na taon na lang.” At gayon na lang nang gayon. Magagandang intensyon sila, pero walang napapatunguhan ang magagandang intensyon ninuman. Ang kailangang-kailangan ay ang espirituwal na determinasyon.

Di-Nahihiyang Pag-ibig at Malasakit sa Iba sa Panalangin

Ang ikalawang bagay na nais ituro sa atin ng Panginoong Jesus ay ito: pansinin ang katangian ng panalanging ito. Ipinagdarasal ba niya ang sarili? Kinakalampag ba niya ang pinto ng kaibigan para sa sarili, dahil kailangan niya ng tinapay? Hindi! Ginagawa niya ito para sa ibang tao. Pansinin na ang pag-uudyok o ‘motivation’ dito ay ang pag-uudyok ng pag-ibig at malasakit para sa ibang tao. Ito ang nagpapasaya sa Diyos, na ang kawalan-ng-kahihiyan dito ay nagmumula sa pagmamalasakit. Isa itong malasakit at pag-ibig para sa ibang tao na handang gumawa ng hakbang para rito, kahit na sa paggawa nito ay kailangang determinado at lalo nang di dapat nahihiya.

Pansinin ito: Bakit siya magpapakahirap para mabigyan ng tinapay itong taong dumating nang di inaasahan? Bakit siya magpapakahirap na gawin ito? Maaari naman niyang sabihing, “Pasensya na, kaibigan. Ibig kong sabihin, dumating ka sa hatinggabi, kaya hindi mo dapat asahan na may tinapay na naghihintay para sa ‘yo, ‘di ba? Hindi ka naman tumawag; hindi ka tumelegrama; at hindi mo man lang ako sinulatan. Tapos, dumating ka sa kalagitnaan ng gabi. Hindi mo ko maaasahang may nakahandang tinapay, okey? Kaya, matutunan mo ang leksyon, ha? Sa susunod na pupunta ka rito, siguraduhin mong sumulat, o kaya’y tawagan ako, iyon ay, bago magsara ang mga tindahan. Sa ngayon, sori ka na lang, kaibigan, pero kailangan mong matulog nang gutom, okey? Masaklap ito! Pero, hindi ka naman mamamatay sa gutom, ‘di ba? Ibig kong sabihin, mabuti para sa ‘yo ang pag-aayuno paminsan-minsan.”

Ngayon ito ang ikalawang puntong nais ituro ng Panginoong Jesus sa atin dito. Matutong magmalasakit sa ibang tao para sa kanilang kabutihan. Maaari ninyong sabihin, “Ang problema mo ay problema ko rin. Kung wala kang makakain, problema ko rin iyon. Gagawan ko ng paraan upang ikaw rin ay may makakain.” Mahirap na magkaroon ng ganitong pakikitungo o ‘attitude’ dahil ipinanganak tayong makasarili. Wala tayong malasakit sa ibang tao. Sinasabi nating, “Survival ko ito, hindi iyo.” Ang problema mo – humayo ka’t lutasin mo. Kung nais mong maghanap, sasabihin ko sa iyo na doo’y may isang tao; may tinapay siya. Humayo ka’t kumatok sa pinto niya at tingnan kung bibigyan ka niya nito o hindi.” Maaaring sabihin ito ng lahat. Dapat nating matutunan ang pakikitungong ito kung saan payag tayong magmalasakit para sa ibang tao. Mahirap itong matutunan. Ito’y isang bagay na dapat nating pagpursigihang matutunan. Bakit? Dahil dito nakikita ang isang magandang larawan na ibinibigay ng Panginoong Jesus sa atin.

Maaalala ninyong sa kasal nina Han at Helen, ako’y nangangaral na kung bawat isa sa inyo’y nabubuhay para sa sarili, kung sarili mo lang ang inaalala mo, iisang tao lang ang may malasakit para sa iyo, iyon ay, ikaw lang. Pero nais ng Panginoong Jesus, sa pagtataguyod ng kaharian ng Diyos, na baguhin ang buong pag-iisip na iyon kung saan ang bawat isa ay nagmamalasakit para sa bawat isa. Napakaganda nito.

Ngayon, isipin ito. Kung ikaw ay nagmamalasakit sa iba at ang iba’y nagmamalasakit sa ‘yo, taglay natin ang lahat ng tao sa church na ito na nagmamalasakit sa bawat isa na nasa church. At dahil nagmamalasakit ang bawat isa sa kanila para sa iyo, kung gayon, ilan ang nagmamalasakit para sa ‘yo? Di ba’t ang buong church ay nagmamalasakit sa ‘yo?! Dati, ang isa’y ‘concerned’ lang para sa sarili niya. Iisang tao lang ang may malasakit sa kanya – ang sarili niya. Ngayon, ang buong church ay nagke-care na para sa iisang iyon. Di ba’t dapat ganito ang nangyayari? Kaya, hindi mo na dapat isipin ang iyong sarili; ang iba na ang mag-iisip sa ‘yo. Sa ngayon, pagtuunan mo ng isip ang iba. Ito’y napakaganda! Kung ito’y magagawa natin, mag-uumpisa na tayong mamuhay tulad ng ninanais ni Jesus kung paano tayo dapat mamuhay bilang isang church.

Pero di ko pa ito nakikitang nangyayari sa church. Nakikita ko na tayong lahat ay makasarili. Nakikita ko na nabubuhay pa rin tayo para sa ating sarili. Marahil, higit na mabuti tayo kaysa noon. Mas may malasakit tayo para sa iba ngayon kaysa noon. Pero, bilang pastor, madalas kong iniisip ang lahat ng tao sa church na dapat kong pagmalasakitan, kung ano’ng kanilang mga kailangan, atbp., at nanghihinayang ako dahil hindi sapat ang lakas ko. Wala ako ng lakas at enerhiya, lalung-lalo na, halimbawa, pagkatapos ng training para sa full-time church workers sa buong linggo. Inaamin kong pagod na pagod ako, at ang nais ko lang ay subukang alisin ang bigat sa ulo ko. Dahil, sa oras na iyon, ang ulo ko’y pumipintig. Pakiramdam ko’y may mga tambol na dumadagundung sa ulo ko. Pagod na pagod ako. At parati kong nadarama na di ko kayang gawin ang trabaho gaya ng kung paano dapat ito gawin.

Narito ang kapatid na lalaki na dapat kong alalahanin at wala akong nagawa para sa kanya. May kapatid na babae na dapat kong natulungan. Maraming beses, nakahiga ako sa aking kama at nag-iisip – ipinapanalangin ko ang taong ito’t iyon at naiisip kong – dapat ay mas nagawa pa ako para sa mga taong ito, pero di ko nagawa. At naisip ko sa aking sarili, “Kung ang buong church sana’y nagpa-function kung paano dapat ito kumikilos, kung saan ang bawat isa’y may malasakit sa kapwa, hindi mababaling ang responsibilidad sa iisang tao na sinusubukang alagaan ang lahat. Kung ang bawat isa’y ginagawa ito, ang konting kontribusyon ng bawat isa’y gagana ng napakalaking pagkakaiba.”

At kaya, ito ang inilalagay ng Panginoong Jesus sa harapan natin, ang mismong prinsipyo ng pagmamalasakit sa isa’t isa (mutual concern) sa kaharian ng Diyos, hanggang sa punto na nais o ‘willing’ tayong mahirapan sa pagtulong sa iba. At higit pa, kahit maging ‘walang hiya’ at pursigidong makamit ang tulong para sa taong iyon. Ako’y nananabik na makita ang araw na iyon kung kailan ang church ay magsisimula nang kumilos ng tulad nito. Halimbawa, sa ating mga panalangin, anong bahagi o gaano ang nakalaan para sa ating sarili? Ito ang pagsusulit ko. Ito ang trabaho ko. Ito ang aking.... Pag-aralan nating kalimutan ang ating sarili upang mailaan natin ang oras natin sa pananalangin para sa iba, o sa pag-intercede o pamamagitan para sa iba; kung may pangangailangan ang taong ito, magpatuloy na manalangin para sa kanya.

Sasabihin ninyong, “Ano naman ang mangyayari sa akin?” Hayaang sabihin ko sa inyo, huwag ninyong alalahanin ang inyong sarili. Ang taong kinakalimutan ang kanyang sarili ay hindi kalilimutan ng Diyos.” Iyon ang tunay na mahalagang bagay. Subukan ninyong kalimutan ang inyong sarili at matutuklasan ninyo na naaalala kayo ng Diyos sa lahat ng oras. Subukan ninyo ito minsan. Hindi ninyo na kailangang ipanalangin ang inyong sarili: “ang aking ito, ang aking kalusugan, ang aking bahay, at ang aking trabaho.” Subukan ninyong ipanalangin ang ibang tao. Basta’t kalimutan ang inyong sarili.

Ilagay natin ang ating sarili sa altar, gaya ni Pablo na nagsabing,

“Oo, kahit ako'y ibuhos bilang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya,…” [Fil 2:17]

Ibuhos bilang handog ang inyong sarili; ang Diyos ang mag-aasikaso upang maalagaan kayo. Ilalagay niya ang buong pagmamalasakit niya sa inyo. Kahit na walang ibang makaalala, malalaman ninyong naaalala kayo ng Diyos. At malalaman ninyo, oh, gaano kaganda ang kanyang pag-aalaga!

Di-Nahihiyang Pagkakaibigan sa Isa’t Isa

Dinadala tayo nito ngayon sa ikatlo at huling punto. Ano kung gayon ang ikatlong punto? Ang ikatlong punto ay ito: May lugar para sa kawalan-ng-kahihiyan sa buhay-Cristiano. [There is a place for shamelessness in the Chrisitan life.] Napansin ninyo na ba kung gaano kababaw ang relasyon natin sa isa’t isa? Napapalungkot ako madalas kung gaano kahirap maisantabi ang mga hadlang sa pakikitungo natin sa ibang tao. Parating may ‘barriers’. Kakausapin ninyo ang taong ito, at siya’y may pader na nakaharang doon. Ibig kong sabihin, hindi naman ito isang sinasadyang hadlang; sa halip ito’y isang ‘subconcious barrier’ o di-namamalayang balakid, kung saan tayo ay ‘defensive’ o parang sumasangga parati. Napansin ninyo na ba kung gaano kadalas kayo nakikipag-usap sa ilang tao at sila’y napaka-defensive? Natatakot sila dahil nakikipag-usap kayo sa kanila. Sila’y nagtataka, “Bakit mo ko kinakausap? Dahil ba nais mong may makuha sa akin?” Bakit ba kayo takot na takot mawalan ng anuman? Bakit tayo natatakot? Meron ba tayong mga kayamanan? May mawawala bang ilang diyamante na itinatago ninyo sa inyong puso?

Pero, ganito ito dahil mababaw ang ating ugnayan sa isa’t isa. At ang pamimitagan o ‘courtesy’, na kabaliktaran ng kawalan-ng-kahihiyan, ay maaaring maging malaking ‘inter-personal hindrance.’ Hayaang sabihin ko sa inyo, mahalagang maging mapitagan sa isang dako, pero ito’y pwedeng maging malaking balakid sa ugnayan natin sa isa’t-isa. Ang pamimitagan ay maaaring maging ‘defense mechanism’, kung saan tayo’y nakangiti, tayo’y napakagalang, pero hindi makausap nang tunay. Hindi ninyo talaga alam kung ano’ng iniisip ng taong iyon. Sasabihin niyang, “Ay, oo, oo.” Ang lahat ay ‘Oo’. Pero, ano ba talaga ang iniisip ng taong iyon? Hindi ninyo alam.

Kapag ako’y nangangaral ng Mabuting Balita, minsa’y hinihiling kong sana’y may sumagot sa akin ng, “Hindi!” Tapos, sasabihing kong, “Ngayon, alam ko na kung ano talaga ang sagot mo.” Pero takot na takot ako sa taong kumakausap sa akin at nagsasabing, ‘Oo’ palagi. Tatanungin kong, “Pupunta ka ba sa simbahan sa Linggo?” Sasagot silang, “Oo. Sigurado. Pupunta ako sa susunod na Linggo.” Siyempre, sa susunod ng Linggo, hindi ninyo sila makikita. Pero bakit hindi kayo maging tapat sa akin? Sabihin na lang na, “Hindi ako pupunta sa simbahan dahil sa mga ganitong dahilan.” O, kahit na di kayo magbigay ng anumang dahilan, basta’t sabihing, “Di ako pupunta.” Iyon lang. Sa gayo’y alam ko kung ano’ng tunay na sagot, saan kayo nakapanig. Pero ayaw ninyong ma-offend ang damdamin ng tao, kaya sinasabi ninyong, “Ah, oo, oo. Sige! Ano’ng oras ba ang serbisyo ninyo? Ah, alas dos. Oh, isusulat ko iyan dito. Salamat, oo. Napakabuti mo’t sinabi mo sa akin.” At siyempre, hindi ninyo na muling makikita pa ang taong iyon. Ano ba ‘to? Ito’y ang pamimitagan o courtesy na isang paraan ng paglalagay ng balakid, na nagsasara ng daan.

Kaya, may dalawang uri ng pamimitagan. May isa na totoo, na mula sa pag-ibig. Ang isa nama’y ‘false courtesy’, huwad na pamimitagan na may kasamang intensyong isara ang pinto, na ayaw maka-offend sa pagsabi ng ‘oo’ kaysa ‘hindi’. Ito’y ikalawang kalikasan o ‘second nature’ natin kaya ang ating ugnayan sa isa’t-isa, kahit na tayo’y mga Cristiano, ay napakababaw. Napakahirap magkaroon ng ugnayan sa isa’t isa, kung saan talagang alam ninyo ang nais kong ipakahulugan, at alam ko ang mismong nais ninyong ipakahulugan, kung saan may tunay na pagmamahal sa isa’t-isa, na walang pagkukunwari, walang hipokrasiya, at walang pekeng pamimitagan o ‘false courtesy’. Sinabi kong huwad na pamimitagan dahil may tunay na pamimitagan din, at tama lamang na maging mapitagan o ‘courteous’.

Kapwa ang Kanluran at Silangang Pamimitagan ay Nagtatayo ng Balakid

Kapag iniisip natin ang mga katuruang Intsik, ang mga turo ni Zhuangzhi (Confucius), lagi kong naiisip ang mga salita ito: ‘Jun zi zhi jiao dan ru shui.’ [hawig ito sa kasabihang Ingles na: “A hedge between keeps friendship green.” O “Ang tanim sa pagitan ay nagpapanatiling bago ang pagkakaibigan.”] Hindi ko malilimutan ang mga salitang ito! Ilang beses kasi sinabi ito sa akin ng aking ama. Sa tuwing magkakaroon ako ng matalik na kaibigan, sasabihin niyang, “Huwag kang masyadong maging malapit sa kaibigan. Dapat ay may konting distansya sa pagitan ninyo dahil sinabi ni Confucius, ‘Jun zi zhi jiao dan ru shui.’ [Ang pagkakaibigan ng mga ginoo ay parating walang buhay at walang lasa gaya ng tubig.] Ibig sabihin nito, ang ating ugnayan ay dapat sing-walang lasa gaya ng tubig, iyon ay, huwag maging katulad ng alak na may matapang na lasa; huwag maging masyadong excited o napaka-buháy sa pakikipagkaibigan. Kaya’t may distansyang pamimitagan sa pagitan natin, at lampas doon, walang tatawid. Hmm, marahil okey lang ito sa mundo kung saan ang lahat ng tao’y makasarili at ang lahat ay naglalagay ng mga bakod at gumagawa ng mga ‘border line’. Pero sa loob ng church ? Dapat ba tayong palaging mababaw o ‘plastik’ o ‘superficial’ tungo sa isa’t-isa?

Ang pang-Kanlurang katuruan ay wala ring ipinagkaiba rito. Kahit saan ako pumunta, nakikita ko ang karatula, “Pribado. Bawal pumasok!” [Private. Keep out!] Naroon ang balakid. O kaya’y, “Ang mga papasok ay ipapakulong!” [Trespassers will be prosecuted!] At may mas masahol pa rito. At kaya, ang kaso ay, “Panatilihin ang distansya mo. Heto, tingnan ang ‘border line’, ang bakod. Diyan ka sa ‘side’ na ‘yan. Kung hindi, ipapakulong kita.” Kung sasabihin ito nang mas may pitagan, ilalagay lang ang salitang, “Pribado” o “Private”. Bawasan ng pitagan: “Pribado. Bawal pumasok dito!” Bawasan pa ng pitagan: “Mag-ingat sa aso!” At kaya, ganito ang nakikita nating sitwasyon saanman sa mundo. Ito parati ang kaso. Ayaw nating mapalapit sila sa atin dahil nai-insecure tayo. Di tayo panatag kapag kasama ang ibang tao. Hindi natin alam kung ano’ng nais nila mula sa atin.

Di-Nahihiyang Pakikipagkaibigan sa Diyos

Pero ang nais ng Diyos ay ang magtaguyod tayo ng napakalapit na ugnayan sa kanya. At kaya, nais niyang maging malapit tayo sa isa’t-isa, na magpakatotoo sa isa’t-isa, na tapat sa isa’t-isa, hindi ‘defensive’ sa isa’t isa. Gusto niyang handa tayong ibigay ang ating sarili bilang alay sa isa’t-isa.

Pero higit pa rito, nais niya na tayo’y – at ito ang tumutukoy sa pag-iisip ng Diyos tungo sa atin –lumapit sa kanya sa ganitong paraan: tapát at bukás. Walang pekeng pamimitagan. Alam ninyo ba na kung minsan, nakikipag-usap tayo sa Diyos tulad ng kung paano natin kinakausap ang ating ‘boss’ sa opisina? Paano ninyo kinakauap ang amo ninyo? Ah, siyempre, pupunta kayo sa opisina nang may malaking ngiti, na hanggang tenga. Siyempre, kayo’y nasa pinakamagandang asal ninyo, , “Boss, OK ba ang iyong pakiramdan sa araw na ito?” At kaya, may maganda tayong ugnayan sa ating boss. Sinasabi natin ang uri ng mga bagay na nais niyang marinig. Sinasabi nating, “Wow! Ang ganda ng amerikana’t kurbata mo ngayon ah!” Tatapikin natin ang boss sa likod. Marahil sa paglipas ng panahon, mauumentuhan kayo’t mapro-promote.

Gaano kadalas kapag tungkol sa Diyos ay ginagawa rin natin ang bagay na ito? Lumalapit tayo sa Diyos bilang ‘Big Boss’ natin at sinusubukan nating magsabi ng magagandang bagay. “Oh Diyos, ikaw ay kahanga-hanga!” Pero sa puso ninyo, sinasabi ninyong, “Ano’ng oras na? Hindi niya ibinigay sa akin ang bagay na gusto ko nung nakaraan, ‘di ba?” Pero magpapatuloy kayo, “Napakabuti mo! Kaya, heto, narito ako ngayon, Panginoon. Napakagandang araw nitong ibinigay mo sa amin. Ah, bibigyan mo rin ba kami ng magandang araw bukas?” At ganito tayo magdasal. Ang panalangin natin ay mababaw! Kumusta ito bilang panalangin? Hindi nais ng Diyos na makipaglokohan tayo sa kanya. Sabihin ninyo ang gusto ninyong sabihin. Dumeretso sa punto. Mas nanaisin pa niyang pakitunguhan natin siya nang di-nahihiya, nang may pagpupumilit.

Oh, ang galing na ganito si Habakkuk. Lagi kong ipapaalala sa inyo na si Habakkuk ay tulad nito. Sinabi niya, “Yahweh, bakit mo ginagawa ito? Hindi ko talaga maunawaan bakit mo ito ginagawa. At patuloy akong tatayo rito, Yahweh, nang may karampatang pitagan, tatayo ako rito hanggang sa ibigay mo sa akin ang kasagutan sa hinihingi ko.” Ngayon, ito’y kapangahasan o ‘daring’. Pero ito’y espirituwal na kapangahasan, ‘spiritual boldness’. Ninanais ng Diyos na lumapit tayo nang may paggalang – may paggalang oo, pero nang determinado, nagpupumilit, at napakatapat.

Oh, nawa’y manalangin tayo nang tapat sa Diyos. Huwag nating isiping katulad siya ng tao, gaya ng ibang tao. Siya ay Diyos! Tinitingnan niya ang ating puso. Alam niya ang mga iniisip natin. Huwag tayong magkunwari, at makipag-usap tayo sa kanya ng puso sa puso. Ito’y napaka-relaxing! Sigurado akong meron kayong matalik na kaibigan. Alam ninyo ba kung bakit malapit kayo sa kaibigang ito at bakit masaya kayong kasama siya? Dahil kapag kasama ninyo ang taong ito, hindi ninyo na kailangang magkunwari. Maaari kayong mag-relax. Maaari ninyong ipakita ang tunay ninyong sarili. Maaari ninyong sabihin kung ano’ng nasa isip ninyo dahil siya’y isang kaibigan. Hindi ninyo ito magagawa sa lahat ng tao, pero magagawa ninyo ito sa inyong kaibigan. Ngayon, ito ang nais ng Diyos. “Lumapit ka sa akin at tratuhin mo akong bilang kaibigan!” – ito ang sinasabi ng Panginoon.

Ito ang dahilan kung bakit ang buong kuwento ay nagsisimula rito: isang kaibigan para sa isa pang kaibigan. Pupunta kayo sa kaibigang ito para sa isa pang kaibigan. Kapwa sila kaibigan ninyo. Kapwa silang tunay ninyong iniibig. Iniibig ang Diyos at ang kapwa! Kung matututunan natin ang lihim na ito, lalayo ang ating mararating sa espirituwal na buhay dahil ito ang nais ng Diyos na matutunan natin.

Hinihiling ko sa Diyos na malaman natin ang uri ng pag-ibig na makaka-overcome sa hiya. At kaya, sa Hebreo 12:2, mababasang,

Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan,...

Para sa ating kapakanan, ‘willing’ siyang maging ‘shameless’, payag siyang mawalan ng kahihiyan. Ang mamatay sa krus ay lubos na nakakahiya. Sino ba ang pipiliing mamatay sa krus? Ngayon, kung nais ninyong di mapahiya ang inyong mukha, hindi kayo pupunta sa krus. Ang krus ay para sa mga magnanakaw. Ito’y para sa gangsters, para sa mga magnanakaw. Pero si Jesus, payag siyang tanggapin ang kahihiyan; hinamak niya ang kahihiyan para sa ating kaligtasan. Di ba natin kayang magkaroon din ng ganitong pag-iisip, para sa ating mga kaibigan? Lumapit tayo sa Diyos sa ganitong paraan, “Willing ako na maging nakakahiyang pursigido para sa kapakanan niya.” Lumapit tayo sa Diyos sa ganitong paraan.

Buod at Pagtatapos

Ang unang puntong nakita natin sa napakagandang turo ng Panginoong Jesus ay ang espirituwal na determinasyon na kailangan natin. Ang espirituwal na pagpupumilit hanggang sa punto ng kawalan-ng-kahihiyan! Kung kaya ninyong gawin ito, kayo’y magiging espirituwal na higante. Marami sa inyo ang maaalala si Sundar Singh, ang dakilang lingkod ng Diyos na Indian. Hindi niya kilala ang Diyos noon, pero doon mismo sinabi niyang, “Panginoon, nagmamakaawa ako sa iyo na ipakita mo ang iyong sarili sa akin. Kailangan kitang makilala upang mabuhay ako para sa iyo! At kung hindi mo ipapakita ang iyong sarili sa akin, mamamatay ako. Handa akong mamatay, kaysa magpatuloy nang ganito.” At ipinakita nga ng Diyos ang kanyang sarili sa kanya. Ito ang espirituwal na determinasyon. Gustong-gusto ng Diyos ang ganitong mga tao at sasagutin niya ang inyong panalangin. At kaya, makikita ninyo na siya ang Diyos na buháy.

Ang ikalawang punto ay ito: ang ‘total commitment’ natin sa isa’t-isa. Maging handa o ‘willing’ na mapagtiisan ang kahihiyan para sa kapakanan ng inyong kapatid. Bakit hindi na lang tanggapin ang kahihiyan, kung ito ang kinakailangan, para sa kanyang kapakanan? Magtiis ng katiting na paghihirap para sa iba. Dahil, kung tutuusin, dapat isipin ang tiniis ni Jesus para sa atin.

At, bilang huling punto, lumapit sa Diyos! Baguhin ang ating ugnayan sa Diyos! Lumapit sa kanya nang may lubos na katapatan, nang walang pagkukunwari. Kausapin siya nang may nagpupursiging determinasyon at sabihin ang katotohanan na nasa inyong puso. Kung hindi kayo masaya sa isang bagay, sabihin ninyo iyon sa kanya. Huwag kayong gumawa ng magagandang talumpati sa Diyos. Hindi siya naroon upang pakinggan ang mga ito. Sabihin lang sa kanya ang totoo, gaya ng nasa inyong puso. Kung hindi kayo masaya ukol sa isang bagay, sabihin ninyong, “Panginoon, hindi talaga ako masaya tungkol dito. Di ako happy. Hindi ko maunawaan kung bakit nangyayari ito.”

Ibinahagi ko sa inyo na nang namatay ang aking ina, nagalit ako at nabahala nito dahil naramdaman kong siya’y may malaking kakayahang pagsilbihan ang Panginoon. Siya’y may angking galing sa pagsusulat. May malaki akong pag-asa na pagkatapos niyang makilala ang Panginoon – bago pa lang siyang Cristiano noon – na maaari siyang magamit ng Panginoon sa pagsisilbi sa kanya sa anumang paraan. Pero kinuha siya ng Diyos; siya’y pumanaw! Nakipagtunggali ako sa Diyos. Sinabi kong, “Oh Diyos, hindi ako masaya sa pangyayaring ito. Hindi ko talaga maunawaan kung ano’ng ginagawa mo. Nagugulumihanan ako tungkol dito.” Umiyak ako sa harapan niya. Nagalit ako sa Diyos at sinabi ko ito sa kanya. Hindi ako gumawa ng magandang talumpati roon. Ibinuhos ko ang aking puso sa dalamhati at pighati, at maaari ninyong masabing may konting galit. Inaamin ko ito. Pero napakamahabagin ng Diyos. Kaya, sa aking pagpupumilit sa kanya, na hindi nakakatulog sa gabi habang iniisip ang tanong, at sinagot niya ako at pinanatag ang aking puso.

At kaya, lumapit tayo sa kanya sa ganitong paraan. Sa isip ko, isa sa mga dahilan na maraming Cristiano ang unti-unting bumabagsak, nagba-backslide, ay dahil hindi nila natutunang maging tapat sa Diyos. Sinasabi nila ang mga bagay na hindi naman nila tunay na ibig sabihin. Tinatrato nila ang Diyos tulad ng pagtrato nila sa ibang tao. Hindi nila sinasabi ang tunay nilang nararamdaman, at ito’y napakasama. Itinatago nila ito sa kanilang sarili, at di-kalaunan, masisira nila nang tuluyan ang pakikipag-ugnayan. Lumapit sa kanya! Sabihin ang ‘facts’. At manalangin nang may pagpupursigi. Makikita ninyo kung gaano ka-gracious o kabuti ang Diyos.

Katapusan ng mensahe.

Ito’y isang na-edit na pagsasapapel ng mensahe. Inaako ng mga editors ang buong responsibilidad sa pagkakaayos at pagdagdag ng mga reperensya mula sa Biblia.

¹Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Manila: Philippine Bible Society, 2001.

²Nabanggit ang RSV. Ito ang salin sa Ingles na tinatawag na Revised Standard Version. Sa RSV lang lumitaw ang Griyegong salitang “anaídeia” bilang ‘importunity’; sa iba’y ‘persistence’.

³MBB, o Magandang Balita Biblia, Manila, Philippine Bible Society, 2005.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church