You are here

Ang Talinghaga ng Manghahasik - Mula sa Pananaw ng Kaligtasan

Ang Talinghaga ng Manghahasik

Mula sa Pananaw ng Kaligtasan

(The Parable of the Sower from the Salvation Viewpoint)

Mateo 13:1-9

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Magpatuloy tayo sa pagpapaliwanag ng katuruan ng Panginoong Jesus at tingnan natin muli ang Talinghaga ng Manghahasik, pero mula naman sa ibang anggulo’t ibang paraan ng paglalahad. At natuklasan ko na sa paggawa nito, ginagawa ko ito nang gaya mismo sa nakikita natin sa Ebanghelyo. Makikita natin sa Mateo na ikinuwento muna ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik, tapos ipinaliwanag kung anong kahulugan ng mga talinghaga, at pagkatapos ay bumalik siya sa pagpapaliwanag kung anong ibig-sabihin ng Talinghaga ng Manghahasik. Kaya, susundan ko ang mismong pagsasa-ayos ni Jesus nito, gaya ng narito sa Mateo.

Ang Talinghaga ng Manghahasik – Ang Mensahe ng Kaligtasan

Napakayaman ng Talinghaga ng Manghahasik, at hindi mauubos ang yaman nito sa isa o kahit dalawang mensahe. Bilang pundasyong talinghaga, ibinubuod nito sa pinakamabisa’t pinakamagandang paraan ang buong katuruan ng Panginoon tungkol sa kaligtasan. Sisikapin kong mailabas ang ilan sa mga yamang naririto. At gagawin ko ito sa pamamagitan ng paghahati nito sa dalawang bahagi.

Sa unang bahagi, ipapaliwanag ko sa inyo ang tungkol sa katotohanan o fact na ang kaligtasan ay regalo ng Diyos. At sa pangalawang bahagi naman, kung paano napapasa-atin ang regalong ito sa pamamagitan ng pananampalataya – iyon ay, susuriin nating muli ang kung anong ibig sabihin ng pananampalataya, ano ang pananalig. Pag-uusapan natin ang pananalig sa anggulo ng commitment, at ipapaliwanag ko kung anong kahulugan ng commitment, para gawing malinaw ang pananampalataya.

Tingnan ang napakagandang talinghagang ito ng Panginoong Jesus. Hindi ba kahanga-hanga na kaya ng Panginoong Jesus na magsabi ng napakaraming bagay sa iisang talinghaga? Tunay na isang hamon para sa bawat mamamahayag ang ipaliwanag upang subukang ilabas ang mga yaman nito.

Ang Binhi – Ang Salita ng Diyos

Pansinin nating muli na inihahasik ang binhing ito. At ang binhing inihahasik, paliwanag ng Panginoong Jesus, ay ang salita ng Diyos. Ang binhi ay inihahasik sa lupa, na ayon sa Panginoong Jesus, ay ang puso. Nakita na nating lahat ito sa nakaraang mensahe. Kaya, naiintindihan na natin kung anong ibig sabihin ng bawat bagay na tinukoy rito.  Alam na natin ngayon na ang binhi ay ang salita ng Diyos, ang manghahasik ay ang tagapahayag na sa unang beses ay ang Panginoong Jesus mismo, at ang lupa kung saan inihasik ang binhi ay ang puso ng tao. Maliwanag ang lahat ng ito. Ano pa ang pwede nating matutunan?

Ang Salita ng Diyos – Isang Regalo na Kusang-Loob na Ibinigay sa Tao

Una, mapapansin nating ibinibigay ang binhi bilang isang regalo. Tila baga bumababa ang binhi mula sa itaas, pababa sa lupa. Ito’y nahuhulog sa lupa bilang regalo sa lupang iyon. Walang magagawang anupaman ang lupa upang matamo ang binhi, ni maging karapat-dapat na makuha ito. At kaya, ang kaligtasan ng Diyos ay ipinagkaloob sa atin bilang isang libre’t di-mapapagwagiang regalo, gaya ng pagtanggap ng lupa sa di-pinagpagurang binhi; tinatanggap ng lupa ang binhi bilang isang regalo.

Ang Salita ng Diyos ay Isang Hiwaga na Ipapahayag

Ngayon, gusto kong pansinin ninyo ang isang bagay tungkol sa binhi. Tinukoy ang binhi bilang ang salita ng Diyos. Pero anong ibig nating sabihin ng “salita ng Diyos”? Sa unang beses, ang salita ng Diyos ay ang mensahe ng Diyos! Tinutukoy nito ang mensahe. Ang mensahe ng... ano? Ito ay ang mensahe ng kaligtasan. Ito’y ang mensahe ng kaharian. At pansinin din na ang salitang ito ay dumarating sa atin sa anyo ng mga talinghaga.

Ang salita ay ilaw sa Lumang Tipan. Mababasa natin doon na: “Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko.¹” [Awit 119:105] Nakita natin noong nakaraan na ang salita – dahil ito ay ilaw – ay nakadisenyo upang maghayag, hindi upang magtago. Hindi nagkukubli ng anumang bagay ang ilaw; naghahayag ito ng mga bagay-bagay. Ang puntong ito ay naipaliwanag nang napakalinaw sa Marcos 4:21 at sa mga sumusunod na bersikulo, na agad na sumusunod sa Talinghaga ng Manghahasik. Ang ilaw, sabi ng Panginoong Jesus, ay inilalagay sa ibabaw ng mesa – hindi ito itinatago – upang makita ng lahat ng papasok sa loob ng bahay ang ilaw. Pareho ring bagay ang nasa Lucas 8:16ss, na muling matatagpuan kaagad pagtapos ng Talinghaga ng Manghahasik, kung saan sinasabi ng Panginoong Jesus na, “Sapagkat walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.” Naroon ang mga talinghaga hindi para itago ang kaligtasan, kundi ang ihayag ito.

Ngayon, ang mga talinghaga, ang salita, ang binhi, ay natukoy rin bilang isang hiwaga, bilang isang sikreto. Makikita ninyo itong muli mismo sa umpisa ng Talinghaga ng Manghahasik. At maaalala rin ninyo na sa Mateo 13:11, sinasabi na:

Sumagot siya at sinabi sa kanila. “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.”

Pansining muli, ‘ipinagkaloob.’ Ang sikreto ay ipinagkaloob. Ngayon, ang salitang isinalin bilang ‘sikreto’ (o sa mas lumang mga saling-wika ito’y isinalin bilang ‘hiwaga’) anong ibig sabihin nito? Sa Biblia, maraming bagay ang inilalarawan bilang ‘hiwaga’. Halimbawa, sa Colosas 1:25-26, inilarawan mismo ang salita ng Diyos bilang isang ‘hiwaga’. Ang ebanghelyo ay isang hiwaga, Efeso 6:19, “ang hiwaga ng ebanghelyo”. Mismong si Cristo ay tinukoy bilang isang hiwaga sa Colosas 2:2: “ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo”. Anong ibig sabihin nito?  Simpleng ganito lang: ibig sabihin ng ‘hiwaga ng Diyos’ na ang salita ng Diyos, o ang ebanghelyo, o si Cristo, ay hindi maaaring maintindihan sa pamamagitan lang ng inyong likas na pagdadahilan. Ano ang hiwaga? Ang hiwaga ay isang bagay na hindi ninyo naiintindihan hangga’t di ipinapahayag sa inyo ang kahulugan nito. Iyon ang dahilan kaya ito’y tinatawag na ‘hiwaga.’ Hindi ninyo alam ang isang sikreto hangga’t di ito ibinubunyag sa inyo.

Ang Hiwaga – Naiintindihan Lang Kapag Ibinunyag ng Diyos

At kaya, tinawag ang ebanghelyo na isang hiwaga dahil kung hindi ninyo tinanggap – di ninyo maintindihan at di ninyo maunawaan – ang ebanghelyo hangga’t hindi ito ibinubunyag sa inyo. Hindi ito isang bagay na maaari ninyong matuklasan sa pamamagitan ng inyong sariling kaalaman at karunungang pantao. Ang ebanghelyo ay hindi isang bagay na pwedeng maintindihan ng tao sa pamamagitan ng kanyang sarili. Ito’y isang bagay na kailangang ihayag ng Diyos. Hindi ninyo matutuklasan ang pagliligtas ng Diyos. Ipinahayag ito sa inyo para pwede ninyo itong maintindihan, matanggap, malaman, at gawing sarili na ninyo. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag itong isang hiwaga. Ang hiwaga sa Biblia ay hindi isang bagay na mahirap maintindihan; ito’y imposibleng maintindihan! Ang hiwaga ay isang bagay na imposibleng maunawaan ng isip ng tao, maliban sa kung ito’y ihahayag ng Diyos sa inyo. Iyon ang dahilan kung bakit tinatawag itong isang hiwaga.

At kaya, tinatawag ang ebanghelyo na isang hiwaga, “ang hiwaga ng ebanghelyo”, dahil hindi ninyo maiimbento ang Ebanghelyo. Hindi ninyo nga maintindihan ang ebanghelyo. Hindi talaga ninyo ito mauunawaan, hangga’t hindi ito ihayag ng Diyos sa inyo. Balik-tanawin ang panahong hindi pa kayo Cristiano. Napakadaling maunawaan kung bakit tinatawag ang Ebanghelyo na isang hiwaga! Nang pinapakinggan ninyo ang Ebanghelyo noon, may anumang saysay ba ito sa inyo? Hindi ninyo ito maintindihan; isang ‘hiwaga’ ito sa inyo. Naitago ito sa inyo hanggang – sa inyong pagsasaliksik, o sa pagbukas ng inyong puso tungo sa Diyos – ipinahayag ng Diyos ang kahulugan nito sa inyo.

Si Cristo ay isang hiwaga. Nauunawaan ba ninyo si Cristo? Ah, hindi! Hindi ninyo kayang maunawaan si Jesus. Kayo’t ako ay lubos na walang kakayahang maunawaan siya. Ito’y dahil maliban na ihayag siya ng Diyos sa inyo – kahit pa gaano kayo kahusay, o katalino, o kagaling sa paglulutas ng mga problema – hindi ninyo kayang maunawaan si Jesus. Iyan ang dahilan kung bakit tinatawag siyang hiwaga ng Diyos. Maliban na ibunyag sa inyo ng Diyos si Jesus, walang paraan na mauunawaan ninyo siya.

Isang hiwaga ang salita ng Diyos. Sinubukan ninyo na bang basahin ito? Alam ninyong isa itong hiwaga. Pumunta kayo sa isang Bible study, ito’y isang hiwaga. Iniisip ninyo, “Anong ibig sabihin ng sipi sa Bible study? Naiintindihan ko ang mga salita sa Ingles. Naiintindihan ko rin ang mga salita sa [Tagalog]. Maaari ko rin sigurong maintindihan ang mga salita sa Hebreo o Griyego. Pero pagkabasa ng mga salita, hindi ko naiintindihan kung anong ibig sabihin ng mga ito. Isa itong hiwaga.” Ang salita ng Diyos ay isang hiwaga. Makakatagpo kayo ng matatalinong taong kukuha ng Biblia at babasahin ito pero hindi nila kayang maintindihan ito.

Gaya ng nasabi ko noon, dalhin ninyo ang inyong Biblia sa inyong propesor – maging propesor sa matematika, o sa medisina, o sa astronomiya, o anupaman – at hilingin ninyong basahin niya ito. Sabihing, “Propesor, naiintindihan mo ba kung anong ibig sabihin nito? Napakatalino mo. Napakaraming doctorates na nakasulat pagkatapos ng pangalan mo, naiintindihan mo ba kung anong ibig sabihin nito?” At babasahin niya ito nang paulit-ulit, pero hindi niya alam kung anong ibig sabihin nito. Sa susunod, subukan ninyong ipabasa sa kanya ang isang talinghaga. Para sa mga simpleng tao iyon, pero hindi niya maiintindihan. Bakit? Dahil ba siya’y mangmang? Hindi! Ito’y dahil hindi niya maaaring maintindihan ito hangga’t hindi ihinahayag ito ng Diyos sa kanya. Ito ang hiwaga ng salita ng Diyos.

Ngayon, napakahalaga nito para sa pag-aaral ng Biblia. Napakahalaga nito para sa pag-unawa ng kaligtasan. Sigurado ako na sa tuwing babasahin ninyo ang Biblia, pumapasok sa inyong isip ang katotohanang ito’y isang hiwaga, dahil hindi ninyo ito maintindihan, tama ba? Subukang basahin ang Colosas, o ang Efeso. Kung sa palagay ninyo’y kaya ninyo pa, subukang basahin ang Apocalipsis. At sigurado akong makukumbinsi kayo na ang salita ng Diyos ay isang hiwaga – lubos kayong magiging kumbinsido! Walang paraang makakaya ninyong maintindihan ito, malibang ihayag ng Diyos ang kahulugan nito sa inyo.

Naaalala ko, noong bago pa lang akong Cristiano, ilang ulit kong binasa ang Apocalipsis, at kamot ako ng kamot ng ulo ko kasi hindi ko alam ang puno’t dulo nito. Wala! Lubos na wala! Ang kunswelo ko na lang para sa sarili ko ay kahit papaano, naiintindihan ko nang bahagya ang mga sulat para sa mga iglesya. Iyon lang ang nakaya kong maintindihan. Pero sa sandaling makalampas na kayo sa Kapitulo 4 ng Apocalipsis, nasa malalim na, at ang buong bagay ay hiwaga na.

Pero pwedeng buksan ng Diyos ang hiwaga sa inyo. Naaalala ko kung paano minsan, habang ako’y namamahinga sa Switzerland, binuksan kong muli ang Apocalipsis sa harapan ng Panginoon, at sinabi kong, “Panginoon, turuan mo ako, nagsusumamo ako sa ‘yo. Hayaang ihayag ng iyong Espiritu sa akin kung anong kahulugan nito.” At nang binasa kong muli ito, namangha ako na naiintindihan ko na ito. Hindi ito kapani-paniwala! Umpisa ko nang naiintindihan – sinasabihi kong ‘umpisa’ dahil sinumang makakapagsabing lubusan niyang naiintindihan ito ay tiyak na mas malayo na ang narating sa espiritwal kaysa sa akin. At sigurado akong may ilang ganito na ang espiritwal na kalagayan. Umpisa na nating naiintindihan; ‘umpisa’ nang nagliliwanag ang ilaw sa atin; ‘umpisa’ nang dumating sa atin ang mga yaman nito. At ibig sabihin nito na ang lahat ng mga bagay sa salita ng Diyos ay hiwaga, at pwede lang silang maintindihan bilang isang regalo ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu. Ito ay isang kaloob.

Kung gayon, sinumang magmamayabang sa labis-labis niyang kaalaman sa Biblia ay di-karapat-dapat na manilbihan sa Diyos. Hindi pa niya naiintindihan na kung may nauunawaan man siya, ito’y dahil inihayag ito ng Espiritu ng Diyos sa kanya. May mga tao na pagkarinig ng mga pagpapaliwanag ko’y nagsabi sa akin na, “Hindi pa namin kailanman narinig ang ganitong pagpapaliwanag.” Sasabihin ko sa inyo, wala akong anumang maipagyayabang. Wala! Dahil, kung may bagay man akong nakita, ito’y inihayag ng Diyos sa isang taong lubos na di-karapat-dapat. At ito’y hindi pagpapakumbaba. Hindi ko sinasabi ito dahil sa ako’y nagpapakumbaba. Ito’y ang simpleng katotohanan lang. Sa sandaling isipin kong matalino ako, sa sandaling isipin ko na makakapagbigay ako ng pagpapaliwanag na hihigit kaysa sa iba, sinasabi ko sa inyo, bibitbitin ako ng Diyos at bibitawan sa isang sulok at sasabihin sa aking, “Tapos na ako sa iyo. Wala ka nang silbi pa sa akin, dahil akala mo’y kung sino ka na.” Naiintindihan kong ang salita ng Diyos ay isang hiwaga. Ito ay isang regalo.

Kaya dito, mababasa natin sa Mateo 13:11, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos.” Pansinin na hindi nila ito pinagtrabahuhan. Ang mga disipulo ay hindi naman napakagagaling upang sila’y maging karapat-dapat na makaalam sa mga sikreto ng Diyos, at hindi nila pwedeng sabihin sa Diyos, “Tingnan mo ako! Napakagaling ko. Panahon na upang sabihin mo sa akin ang iyong mga sikreto.” Oh, hindi! Wala ni isa sa atin ang may sapat na kagalingan upang pagsabihan ng mga sikreto ng Diyos. Ito ay lubos na sa pamamagitan ng grasya, at ang ibig sabihin ng grasya ay wala kayong magagawang anupaman upang mapagtrabahuhan ito, upang maging karapat-dapat dito, ito’y regalo ng Diyos sa inyo. Ngayon, alam ninumang lumalakad na kasama ang Diyos ang grasya. At ako’y nagpapahayag sa pamamagitan ng grasya – buong grasya, tanging sa pamamagitan ng grasya lang!

Ang Binhi ng Salita ng Diyos – Punong-Puno ng Buhay

Dito ngayon, gusto kong obserbahan ninyo ang isa pang bagay, na ang salita ng Diyos ay nagbibigay buhay sa atin. Pansinin kung gaano kaganda ang pagtukoy ng Panginoong Jesus sa salita ng Diyos bilang isang binhi. Bakit? Dahil sa loob ng ‘binhi’ ay may buhay, ‘di ba? Ang isang bato’y walang buhay, pero ang isang binhi’y may buhay. Ang natatangi’t kaisa-isang bagay na maaari ninyong sabihin tungkol sa isang binhi ay may buhay sa loob nito. Ano pa ang masasabi ninyo tungkol dito? At sa sandaling maitanim ang binhing iyon sa lupa, nagdadala ito ng buhay sa kapirasong lupang iyon. At ang lupang iyon ay magiging mabunga dahil nasa loob nito ang binhi.

Walang buhay ang lupa. Wala akong buhay sa aking kaluluwa. Ako, kung wala ang grasya ng Diyos, ay patay. Napakaganda na naihalintulad ang lupa sa puso. Ang mga puso nati’y madalas na napakarumi, ‘di ba? Ang lupa ay putik. Ano ang putik? Ito ay dumi, gaya ng turing natin dito. Iyon ang aking puso. Pero itinatanim ng Diyos ang kanyang binhi sa puso ko, at ang duming ito, ang kasamaang ito, ay kamangha-manghang nababago sa pamamagitan ng kapangyarihan niya, para maging isang bagay na mabunga. Iyan ang nakakapagpabagong kapangyarihan ng grasya [transforming power of grace].

Ngayon, lahat ng ito’y tungkol sa kaligtasan, dahil ang kaligtasan ay tungkol sa buhay. At kapag dumating ang salita ng Diyos sa inyong buhay, dinadala nito ang buhay ng Diyos sa inyong kaluluwa upang maging isang bagong tao kayo, isang bagong nilalang. Ang kasamaan ng inyong puso ay nababago’t nagiging isang mabungang lupa para sa pagpalaganap ng salita ng Diyos at sa pagpapala ng ibang tao.

Mababasa natin iyan sa 1 Pedro 1:23, “Ipinanganak na (tayong) muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos.” Ang salita ng Diyos ang siyang nag-uudyok upang maipanganak kayong muli dahil naglalaman ang salita ng Diyos ng buhay, ang buhay ng Diyos. Mapanlikha’t makapangyarihan ang salita ng Diyos. Nilikha niya ang langit at lupa sa pamamagitan ng kanyang salita. Ang salita ng Diyos ay di-tulad ng salita ng tao na walang-kabuluhan. May kapangyarihang nakakapagpabago ito. Napakagaling nito! Kaya, naihambing ang salita ng Diyos sa ‘binhi’ dahil may buhay ng Diyos sa loob nito. At nagdadala ito ng kaligtasan sa inyong kaluluwa bilang libreng regalo ng Diyos sa inyo, iyon ay, ipinapalagay na bukal-na-loob at handa kayong tanggapin ito. Babalikan natin ang ideyang iyan sa ilang sandali.

Kaya ngayon, ibuod natin sa unang puntong ito at punahin ang ilang bagay. Ang binhi ay ang salita ng Diyos; ang binhi ay hiwaga; ang binhi ay regalo o kaloob; ang binhi ay buhay. Tandaang muli ang mga katawagang ito: Ang salita ng Diyos, hiwaga, regalo, at buhay.

Kung iisipin ninyo ito sandali, matatanto ninyo kaagad na ang lahat ng ito’y ginamit na pantukoy mismo sa Panginoong Jesus. Siya’y tinawag mismo na ‘hiwaga’, gaya ng nakita natin sa Colosas 2:2. Siya rin ay tinawag na ‘buhay’ – “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay.” Si Jesus ay ang buhay, Juan 14:6. Pagkatapos, nakita natin na ang Panginoong Jesus ay ang regalo ng Diyos sa atin, gaya ng sabi ni Pablo sa mga taga-Corinto sa 2 Corinto 9:15, “Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob.” O sa Juan 3:16: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay...” ang regalo ng Diyos ay si Cristo; si Jesus ang kaloob!

Sa katotohanan nga, sa Galacia 3:16, tinawag ang Panginoong Jesus bilang ang binhi. Kagulat-gulat, di ba? Siyempre, sa inyong Ingles na Biblia (sa Authorized Version), isinalin ito bilang ‘descendant’ (na ang katumbas ay ‘inapo’ o ‘supling’ sa una’t ikalawang salin-sa-Tagalog na MBB²). Ginamit ang ‘descendant’ o inapo/supling. Ngayon, ang salitang binhi sa Galacia 3:16 sa Griyego ay malapit pero di-parehong salita sa ‘binhi’ rito dahil, siyempre, doo’y pinag-uusapan ang binhi ng tao. Kaya nga ito isinalin bilang ‘descendant’ o inapo/supling. Pero dito sa 1 Pedro 1:23, ang binhi ay tumutukoy (tulad ng nasa diwa ng talinghaga) sa binhi ng isang halaman. Pero kapwa sila tinutukoy bilang binhi. Ay ipinapaalala nito sa atin ang Genesis 3:15. Anong sinasabi roon, ang pangako sa sangkatauhan? Na susugatan ng binhi ng babae ang ulo ng ahas, dudurugin nito ang ulo ng ahas. Ngayon, anong sinasabi nito natin?

Matatanto natin na ang mensahe ng kaligtasan ay nasa katauhan ni Cristo. Hindi ko tunay na naipapahayag ang salita ng Diyos kung hindi ko ipinapahayag si Cristo. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Apostol Pablo, “ipinangangaral namin ang Cristo, at ipinangangaral siyang ipinako”. [1 Corinto 1:23] Kahanga-hanga! Paano nagdadala ng buhay ang isang binhi? Sa pamamagitan ng kamatayan. Paano nagdadala ng buhay si Jesus? Sa pamamagitan ng kamatayan. Sa pamamagitan ng pagkapako sa krus! Di-kataka-katakang tinawag siyang binhi. Napakadaling maunawaan nito. Sa katunayan, tinukoy ng Panginoong Jesus ang kanyang sarili bilang binhi sa Juan 12:24, “…maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, ay nagbubunga ng marami.” Hindi ba’t napakaganda niyan? Ang Panginoong Jesus ay ang binhi – ang Panginoong Jesus ay ang regalo ng Diyos sa atin; ang Panginoong Jesus ay ang hiwaga ng Diyos; ang Panginoong Jesus ay ang buhay. Dito, ninanais kong makayanang maipaliwanag sa inyo ang bawat isa sa mga titulong ito, upang maaari ninyong masulyapan ang kaluwalhatian ni Cristo.

Ang Panginoong Jesus – Ang Ubod na Gandang Regalo ng Diyos sa Atin

Sasabihin kong muli sa inyo, ang tanging dahilan kung bakit isa akong Cristiano ay dahil kay Jesus. Hindi ako interesado sa mga iglesya, sa mga turo [dogma] ng iglesya. Sa katunayan, kung anupaman, ang iglesya’y nakakapagpapagod. Ang mga banghayan sa loob ng iglesya, ang mga asal ng mga Cristiano (gaya ng sinabi sa akin ng isang tao) ay hindi man lang kakaiba o extraordinary; hindi man lang sila ordinary. Madalas nga walang kabuluhan ang buhay ng mga Cristiano. Dapat sila ang ilaw ng mundo, pero anong nakikita natin? Kadalasan, ang nakikita lang natin ay kadiliman, hindi ilaw. Anong naroon para manatili akong Cristiano, o maging Cristiano pa? Wala, mga kaibigan, maliban kay Jesus, na siyang tanging dahilan, sa kabila ng mga problema sa iglesya, sa kabila ng sarili kong mga kahinaan, sa kabila kung minsan ng aking pagkasura (ipagpaumanhin ang pagkasabi ko ng ‘pagkasura’) sa mga tumatawag sa kanilang sarili bilang Cristiano. Ikinakahiya kong kilalanin sila bilang Cristiano, at may pagkasura rin ako mismo sa sarili ko, sa hindi pagbigay ng mas labis pa kay Cristo, sa di-sapat na pagiging deboto sa kanya. Ano ang nagpapanatili sa akin sa pagiging Cristiano? Walang iba kundi ang kaluwalhatian ni Jesus, ang kagandahan ni Cristo, na mahal ako ng Diyos at binigyan niya ako hindi lang ng ilang ‘bagay’ ni ilang ‘pagpapala,’ kundi ibinigay niya sa akin ang kanyang anak.

Naisip ninyo na ba ang tungkol sa pagbigay ng inyong anak sa ibang tao? O anong iisipin ninyo kung sinabi ng isang tao, “Labis-labis kitang mahal, heto ang anak ko, ipinagkakatiwala ko siya sa inyo”? Wow! Tunay nga kayong iniibig ng taong iyon nang walang-limitasyong pag-ibig. Lumalapit ang Diyos sa isang taong di-karapat-dapat na gaya ko, at sinasabi sa akin, “Narito ang anak ko. Ibinibigay ko siya sa iyo.” At kapag tiningnan ko ang anak na ito, ah, ang kaluwalhatian ng Diyos ay nagniningning sa kanyang mukha dahil binubuksan ng Espiritu ng Diyos ang aking mga mata at nakikita ko ang kagandahan ni Jesus. Tandaan, siya ay isang hiwaga. Hindi ninyo siya maaaring maintindihan sa sarili ninyong kaalaman. Pero binuksan na ba ng Diyos ang inyong mga mata upang makita kahit bahagya ang kanyang kaluwalhatian? Tinukoy ni Apostol Pablo ang Panginoong Jesus bilang di-mailarawang kaloob ng Diyos. Di-mailarawan! Di-maisaysay! Hindi ninyo maisasalarawan ito.

Paano ko, kung gayon, ipapahayag si Cristo? Paano ko ibabahagi ang tungkol sa kaluwalhatian niya? Tanging ang mga matang nakakita ng kaluwalhatiang iyon ang makakaunawa nito. Paano ninyo mailalarawan si Jesus? Matutukoy ko siya bilang ang hiwaga ng Diyos, bilang ang buhay ng Diyos na ibinigay sa akin. Maaari ko siyang tukuyin bilang ang salita na naghahayag sa Diyos. Pero pagkatapos niyon, hindi ko na alam kung paano pa siya ilalarawan. Kasi, kailangan ninyong makita siya. Kailangang hayaan ninyo ang Espiritu ng Diyos na ihayag siya sa inyo, tapos umpisa nang aalab ang apoy sa inyong puso; magniningas ang apoy sa puso ninyo. Wala nang magpapaningas ng apoy sa puso ng isang tao kundi ang pangitain kay Jesus. Kung may anumang nasa kakayahan kong gawin ang isang bagay upang mapasa-inyong mga mata ang kaluwalhatian ni Cristo, sinasabi ko sa inyo, lubos na mag-aalab ang inyong puso, na walang makakapigil sa pagningas nito sa debosyon sa kanya. Pero hindi abot iyon ng kakayahan ko. Maaari ko lang sabihin sa inyo kung paano kayo makakarating sa pangitain ng kaluwalhatiang iyon. Hindi ko maibibigay sa inyo ang pangitain. Maaari ko lang sabihin ang daan upang makarating kayo roon. At kapag nakarating na kayo, kapag umpisa na ninyong nakikita ang kaluwalhatian ni Cristo, sasabihin ko sa inyo, hindi na ninyo gugustuhin pang pag-usapan ang tungkol sa halaga! Hindi ninyo na gustong pag-usapan pa ang tungkol sa sakripisyo! Wala kayong maiaalay sa kanya na karapat-dapat pang pag-usapan. Pero paano ninyo dadalhin ang mga tao sa isang pangitain ng kaluwalhatiang iyon? Iyan ang tanong na patuloy kong pinapagtunggalian.

Naibahagi ko na sa ilan sa inyo na nakapagsulat na ako ng isang buong libro tungkol sa mga katawagan kay Cristo – daan-daang mga katawagan! At kapag tinitingnan ko ito, hindi ako mabigyang kasiyahan, dahil kapag tinitingnan ko ito, kaya kong pag-usapan ang tungkol sa lahat ng mga titulong ito ni Jesus, na siya ang tala sa umaga, na siya ang liryo ng libis, at maaari ninyong gamitin ang iba pang katawagang mailalarawan ninyo, pero kapag sasabihin kong siya ay buhay, hindi ninyo mailalarawan ang buhay. Hindi ninyo alam kung anong itsura ng buhay. Hindi ninyo alam kung anong gagawin dito.

Anong magagawa ninyo sa buhay? Ang tanging magagawa ninyo sa buhay ay ang maranasan ito. Hindi ko maaaring sabihing, “Narito ang buhay, tingnan ito!” Ang buhay ay ‘di makikita, ‘di maaamoy, ‘di maririnig, ‘di mahihipo’t ‘di malalasahan. May mga taong nagsasabing hindi sila naniniwala sa anumang bagay na hindi nila nakikita. Pero hindi ninyo makikita ang buhay. Makikita ninyo ang mga pagpapakita o manifestations ng buhay, pero hindi ninyo makikita ang buhay mismo. Bibigyan ko kayo ng binhi at sasabihin ko sa inyo, “Sa loob nito ay may buhay.” Anong gagawin ninyo? Kukuha ba kayo ng kutsilyo, hahatiin ito at sasabihing, “Titingnan ko ang buhay.” Anong makikita ninyo? Makikita ba ninyo ang buhay? Wala kayong makikita! Ang buhay ay hindi makikita. Maaari ninyong hatiin ito, o anupamang gusto ninyong gawin dito, pero hindi ninyo makikita ito.

Ang magagawa ninyo ay ang maranasan ito. Iyan ang magagawa ninyo at iyan din ang magagawa ko. Hindi ko mararanasan ang buhay para sa inyo. Maaari ko lang maipakita sa inyo kung paano mararanasan ito. Hindi ko maaaring maranasan ang salita ng Diyos para sa inyo. Masasabi ko lang kung paano ninyo mararanasan ito. Kung pwede nga lang sindihan ang ningas ng debosyon sa bawat puso! Regalo ito ng Diyos sa atin! Sa inyo naibigay ito. Natanggap ninyo na ba ito?

Kaligtasan – Isang Regalo sa Pamamagitan ng Pananalig kay Cristo

Ngayon, dinadala nito ako sa pangalawang bahagi. Malayang ibinigay ng Diyos ang kanyang binhi sa bawat isa; ang kaligtasan kay Cristo ay libreng regalo ng Diyos. At tandaan na ito’y matatagpuan tanging kay Cristo lang; walang kaligtasan sa labas ni Cristo. Hindi kayo binibigyan ng Diyos ng isang bagay na tinatawag na ‘buhay’. Hindi niya kayo binibigyan ng isang bagay na tinatawag na ‘kaligtasan’. May ‘kaligtasan’ na ba kayo? Paano ninyo alam? Maaari ba ninyong mailabas ang isang bagay na tinatawag na ‘kaligtasan’? Hindi! Lahat ng mga regalo ng Diyos ay matatagpuan lang kay Cristo; bawat pagpapala ng Diyos ay matatagpuan kay Cristo lang. Ang buhay ay nasa loob ng binhi lamang. Ang kaligtasan ay nakay Cristo lang. [2 Timoteo 2:10] Hindi ninyo makikita ito saanpaman. At sinumang nagnanais ng kaligtasan na di-kasama si Cristo, o ang gamitin lang si Cristo bilang isang paraan upang makuha ang kaligtasan, ay hindi man lang alam kung anong kahulugan ng kaligtasan.

Pero ngayong nakita na natin na malayang ibinigay ng Diyos ang kaligtasan, na labis na minahal ng Diyos ang sanlibutan – ang buong sanlibutan – bakit kung gayon hindi ligtas ang sanlibutan? Sinasabi sa atin sa Juan 3:19, “…inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw”. Ang problema rito ay: libre nga ang regalo ng Diyos, pero hindi handang tanggapin ito ng bawat puso, hindi nais na tanggapin ito ng bawat puso.

Ang Pananampalatayang Nakakapagligtas

Marami tayong naririnig tungkol sa pananalig – tayo’y naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngayon, sinasadya kong iwasan ang paggamit ng salitang ‘pananampalataya’ o ‘faith’ dahil sa sobrang paggamit nito, walang sinuman ang tunay na nakakaalam kung anong kahulugan nito. “Tayo’y napawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya.” Totoo! Pero ano nga ba ang ibig sabihin nito?

At narinig ko na ang lahat ng uri ng mga pakahulugang ibinibigay rito. Ang pinakamadalas na ginagamit na bersikulo ay ang Hebreo 11:1: “Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita.” Anong sinasabi niyon sa inyo? Natatakot ako na walang anumang nasabi ito sa inyo. “Ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na di-nakikita”, pero ang pananampalataya mismo’y hindi rin nakikita. At kaya, ang di-nakikita ay katiyakan ng di-nakikita.


                 Pananampalataya  =     katiyakan ng di-nakikita

                        Di-nakikita     =     di-nakikita


May kahulugan ba na nasabi sa atin dito? Kung susubukan ninyong suriin ito gamit ang pangangatwiran o logic, magkakaroon kayo ng lahat ng uri ng problema. Ang kahulugan nito’y simpleng hahantong sa: “pinaniniwalaan ninyo kung anong pinaniniwalaan ninyo.” Hindi malayo ang mararating nito. “Ang pananampalataya ay katiyakan...”. Oo. Pero ang ‘pananampalataya’ – ano kung gayon ito? Ito ba’y isang pakiramdam? Ito ba’y katiyakan? “Ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan.” Ngayon, kung simula ninyong ipaliwanag ang ‘faith’ nang tulad nito, mapupunta kayo sa lahat ng uri ng kaguluhan. Bakit? Dahil ang sinasabi ng bersikulong iyan sa Hebreo Kapitulo 11 ay simpleng kung ano ang epekto ng pananampalataya. Hindi ito ang mismong pakahulugan ng ‘faith’. Ito ang epekto ng pananalig sa inyong kaluluwa! Kapag may pananalig kayo, may katiyakan kayo sa mga bagay na di-nakikita. May kumpiyansa kayo sa mga bagay na inaasahan kapag may faith kayo. Ito ang epekto ng pananalig sa inyo. Hindi ito ang pakahulugan ng pananampalataya sa diwa nito.

At, sa pagkabigong makita iyon, hindi pa rin natin nabigyang pakahulugan ito. Dahil, kung wala kayong pananampalataya (at ang paraan ng pagkakasabi ko nito ay kung paano susuriin ito ng isang di-Cristiano), hahantong kayo sa isang walang-saysay na pangungusap dahil ang sinasabi rito’y naniniwala kayo sa anumang nagkataong pinaniniwalaan ninyo.

Pero ang taong may pananalig ay naiintindihan kung anong ibig sabihin nito dahil may pananampalataya na siya. Alam niya na dahil mayroon siya nitong bagay na tinatawag na pananampalataya, may katiyakan siya ng mga bagay na di-nakikita. Dahil may pananalig ako, may kumpiyansa ako sa mga bagay-bagay na inaasahan. Pero ito’y dahil may pananalig na ako. Para sa taong walang pananalig, hindi iyon isang pakahulugan. Wala itong sinasabi sa kanya. Ano, kung gayon, ang pananampalataya?

Ang Nakaliligtas na Pananalig – Ang Pagtataya ng Buhay sa Diyos

Palaging inilalarawan ang pananampalataya ng mga namamahayag. Halimbawa, inilarawan ito ni C.H. Spurgeon, ang Baptist preacher mula sa Inglatera (gaya rin ng maraming namamahayag) nang ganito: May isang bata na nakatayo sa bintana, at ang bahay ay nasusunog. At kaya, ang tanging natitirang paraan para sa bata ay ang lumundag mula sa bintana. Pero sa ibaba ng bintana, naroon ang isang malakas na lalaki na may nakaunat na mga braso, na ang sinasabi ay, “Lumundag ka at sasaluhin kita.” At kaya, ang bata, pagkakita sa papalapit na nagliliyab na apoy sa likuran niya, ay ilalagay ang buhay niya sa sariling mga kamay, magkaroon ng tapang para lumundag, at lulukso sa mga braso ng malakas na tao sa ibaba, na sasalo sa kanya. Ito’y isang larawan ng pananampalataya, ng ‘faith’.

Paano pumapasok ang pananampalataya sa lahat ng ito? Ano ang larawan? Anong sinasabi nito sa atin? Sinasabi nito sa atin na ang pananalig ay ang attitude o pakikitungo ng batang ito na nagtitiwala sa malakas na lalaki at kaya’y lulundag siya mula sa bintana sa mga braso ng malakas na lalaki. Anong ibig sabihin ng pagtitiwala rito? Tunay na may pagtitiwala. At masasabing ang tiwala na ito’y naitulak kahit papaano ng takot – ang takot sa apoy sa likuran niya, siyempre! Pero ang pagtitiwala ay sa malakas na tao, at ang malakas na tao rito’y nakalaang tukuyin ang Panginoong Jesus.

Ngayon, dahil napakahina ng datíng ng salitang ‘pagtitiwala’, ginagamit ko ang salitang ‘commitment’ kaysa sa ‘pagtitiwala’ o trust. May ginagawa ang bata na mas higit pa kaysa sa pagtitiwala sa malakas na lalaki, kung ang pinag-uusapan ay isang taos na aksyon ng pananalig na nakabase sa Biblia. Dahil, kung nabigo ang malakas na lalaki na saluhin siya, mamamatay o mapipilay ang bata. Napakahina ng datíng ng salitang ‘pagtitiwala’ kung hindi nito ipinapahiwatig ang buong attitude o pakikitungo ng commitment. Ibig sabihin, ito’y ang pagtitiwalang may pagtataya ng buhay rito. Kinakailangan ninyong itaya ang inyong buhay rito kung pang-Bibliang pananalig ang pag-uusapan. Ang maniwala na namatay si Jesus para sa inyo – wala itong pagtataya ng anupaman. Kaya nga nababahala ako sa maling paggamit ng salitang ‘pananampalataya’. Anong inyong naitaya o nai-risk para sa inyong pananalig?

Nabanggit ko [sa mensaheng “Ang Layunin ng mga Talinghaga”] ang isang kaibigang tinawag na Whitelaw, na siyang sumulat ng polyeto [tract] na tinatawag na “The Reason Why” [Ang Dahilan Bakit]. Sa aking isipan, lubos na nakakasuya ang pangangatwirang ginamit niya roon (pero laganap ang paggamit sa polyetong iyon) dahil ito’y ang tinatawag ni Bonhoeffer sa kanyang aklat na The Cost of Discipleship [Ang Halaga ng Pagiging Disipulo] bilang “isang alok ng murang grasya”. Ganito ang pangangatwiran ni Whitelaw: “Kung maniniwala ka na namatay si Jesus para sa iyo at ikaw ay mali, walang mawawala sa iyo. Pero kung tama ka, makukuha mo ang buhay na walang hanggan.” Di kayo matatalo, alinman sa dalawa, dahil wala kayong itinaya o ini-risk na kahit anuman, ‘di ba?

Ipagpalagay nating may nagbigay sa inyo ng libreng tiket sa Lotto. Ngayon, kung lumabas na ang mga numero at wala kayong nakuha, walang anumang nawala sa inyo kasi ibinigay sa inyo ang tiket bilang libreng regalo, tama? Kaya, kung di kayo nanalo, di bale na, wala namang nawala sa inyo, dahil wala naman kayong itinaya. Pero kung sakaling tumama ang mga numero sa tiket, may pagkakataon kayong manalo ng isang milyong dolyar. At kaya, kung manalo kayo, makukuha ninyo ang lahat. Kung matalo kayo, wala namang nawala sa inyo.

Aba! Anong pangangatwiran ito? Iyan ba ang tinatawag na pananampalataya? Kung gagamitin ko ang larawang iyan: binigyan ko kayo ng tiket para sa Lotto, at tinanggap ninyo ang tiket na ito; iyon ba ang tinatawag na pananalig? Bakit ito tinawag na pananampalataya? Wala kayong ibinigay na kahit na ano para rito. Wala ring anupamang mawawala sa inyo. May makukuha kayo, pero walang mawawala sa inyo. Anong pananampalataya ang inyong gagamitin kapag binigyan ko kayo ng tiket sa Lotto? Anong pananalig ang inyong naipakita? Tatanungin ko kayo: naipakita ba ninyo ang inyong ‘faith’? Nasaan ang pananalig? Saan pumapasok ang larawan tungkol sa batang lumundag mula sa bintana kapag binigyan ko kayo ng tiket? Alin-sa-dalawa ang mangyayari: makakamtan ang lahat o walang mawawala sa inyo. Kaya, alinman sa dalawa, walang mawawala sa inyo. Saan pumapasok ang pananampalataya rito?

Gayunpaman, nakakarinig ako ng mga ebanghelistang nagpapahayag ukol sa kaligtasan nang ganito: “Si Jesus ay regalo ng Diyos sa inyo.” Ngayon, kung tinanggap ninyo si Jesus pero hindi nabigyang katotohanan ang inyong pananampalataya – iyon ay, kung lalabas sa bandang huli na di-totoo si Jesus – wala namang mawawala sa inyo, ‘di ba? Kaya, ito’y isang magandang pusta! Pero, kung lalabas na siya’y totoo, magkakaroon kayo ng buhay na walang hanggan!” Natamaan ninyo ang jackpot, kaibigan! Nakuha ninyo ang buhay na walang hanggan. Mas mabuti pa iyan kaysa sa isang milyong dolyar. Ang ibig kong sabihin, hindi ninyo kayang bumili ng buhay na walang hanggan gamit ang isang milyong dolyar. Mas mabuti iyan kaysa sa Lotto. Tinatawag ninyo ba iyan na pananampalataya? Ngayon, ano ang pananalig roon? Masasabi na ba nating pananalig ang pagtanggap ng tiket ng Lotto? Ang pagtanggap kay Jesus sa ganoong paraan ba’y matatawag na pananampalataya?

Hindi iyan pananampalataya! Iya’y pagbabaka-sakali lamang! At hindi man lang iyan pagbabaka-sakali dahil wala naman kayong anumang halagang ibinayad. Kung binayaran ninyo ang tiket, maaaring mawala sa inyo ang halaga ng ibinayad ninyo.

Isiping muli ang larawan ng bata. Ang batang lulundag ay nagtataya ng kanyang buhay sa taong sasalo sa kanya. “Naitaya ko ang aking buhay rito.” Iyan ngayon ang pananampalataya sa pagsasalarawan ni Spurgeon. Ang pananalig na iyan ay commitment. Iya’y total commitment dahil itinaya ninyo ang inyong buhay rito.

Ngayon, anong itinataya ninyo sa pagtanggap kay Jesus bilang inyong Tagapagligtas at Panginoon? May itinataya ba kayo? Kung di-tunay si Jesus, anong mawawala sa inyo? Sa palagay ko, para sa karamihan sa inyo, walang mawawala sa inyo. Ibig kong sabihin, ang pagpunta sa simbahan ay nakakapagpatibay sa inyo. Kahit na di-tunay si Jesus at pumupunta kayo ng simbahan tuwing Linggo, napakagandang karanasan pa rin nito. Ibig kong sabihin, may epektong nakapagpapanatag ang pagkanta ng mga awit para sa inyo. Makakakilala kayo ng napakaraming mabubuting tao sa simbahan kahit na lahat sila’y mga nalinlang. Lahat sila’y mali, pero mabubuti silang mga tao.

Anong mawawala sa inyo? Wala! May kinikita pa rin kayong pera. May trabaho pa rin kayo. Hindi nabawasan ang inyong kinikitang pera dahil Cristiano kayo. Sa katunayan, sa maraming kaso, dahil sa Cristiano kayo, mas malaki ang kinikita ninyo. Mas marami kayong pagkakataong ma-promote sa inyong katungkulan. Mas tinitingala’t pinagkakatiwalaan kayo ng mga tao. Alam nilang kayo’y tapat, maaasahan at mapapagkatiwalaan. At kaya, nagdudulot ng maraming pakinabang sa inyo ang pagiging Cristiano. Anong nawala sa inyo? Kahit na sa bandang huli’y hindi pala totoo ang Ebanghelyo at sa buong buhay ninyo’y Cristiano kayo, anong mawawala sa inyo? Wala! May bahay pa rin kayo, may kotse pa rin kayo, may trabaho pa rin kayo, at may mga kaibigan pa rin kayo, at mga kaibigang mas mabubuti kaysa sa makamundong mga kaibigan – sa oras ng kagipita’y nasa tabi pa rin ninyo sila. Ang tanong ko sa inyo: anong inyong itinaya sa pagiging Cristiano? Wala!

Napawalang-Sala ng Pananampalataya – Pero Nasaan ang Pananalig?

Pagkatapos, tatanungin ko kayo: Ano ang pananampalataya? Masasabi ninyo ba sa akin ang kahulugan ng pananampalataya? Ano ang ‘faith’? Nasaan ang pagsasalarawan ng paglundag mula sa isang mataas na gusali sa mga braso ninuman? Kailan kayo lumundag sa mga braso ni Jesus? Anong nawala sa inyo? Kung mabigong saluhin ng lalaking iyon, ang bata ay mapipilay o maaari pang mawalan ng buhay. Kung di-tunay si Jesus, anong mawawala sa inyo? Ang sagot para sa karamihan ay: wala! Walang mawawala sa inyo.

Kung gayon, nasaan ang pananalig? Gusto kong isipin ninyong mabuti ang tanong na ito. Napapawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Pero gusto kong tanungin kayo nito: “Nasaan ang inyong pananampalataya? Anong itinaya ninyo kay Jesus?” Ang maniwala na ang isang bagay ay totoo o hindi, doo’y wala namang anumang itinataya. Ang maniwala man o hindi, na itong tiket ng Lotto na ibibigay ko sa inyo’y mananalo o hindi, ay balewala, dahil wala namang mawawala sa inyo kung hindi kayo manalo. Kaya, saan pumapasok ang pagsasalarawan ni Spurgeon?

Ang Nagliligtas na Pananampalataya – Buong Commitment sa Diyos

Hayaang gamitin ko ang isa pang larawan na madalas gamitin ng mga tagapahayag. Sigurado akong narinig na ninyo ang pagsasalarawang ito o ang katulad nito. Inilarawan ng isang misyonaryong nagpapahayag tungkol sa pananampalataya ang karanasan niya sa India. Papunta siya sa isang lugar, at kinailangan niyang tumawid sa ibayo sa pamamagitan ng isang tablang-tulay at sa ilalim ng tablang-tulay na ito’y  isang malalim na bangin.

Ngayon, nang dumating siya sa tablang-tulay na ito, na tinalian lang gamit ang ilang lubid, tumingin siya sa ibaba at sa may-kalayuang lalim nakita niyang may maliit na ilog. Nakita niyang lalamba-lambayog sa hangin ang tablang ito. Nasabi niyang, “Ah, hindi. Hindi ako tatawid.”

Pero siniguro sa kanya ng mga tagaroon na ang tablang ito ay tunay na mapapagkatiwalaan, at ipinakita nila sa kanya ito. Nagpabalik-balik sila sa tablang-tulay na relaks na relaks. Pero ipinaggiitan niya, “Tingnan ninyo! Isa akong taga-Kanluran. Anim na talampakan ang tangkad ko; mas matangkad ako sa inyo. At higit pa riyan, mas mabigat ako kaysa sinuman sa inyo. Ngayon, ang inyong pagtawid-tawid ay hindi nagpapatunay na makakatawid ako, dahil maaaring kaya ng tablang ito ang inyong bigat, pero di nito kaya ang bigat ko.” Kaya, tumanggi siyang tumawid sa tablang-tulay.

At kaya, ipinakita ng mga taga-roon sa kanya’t sinabi, “Okey, mas matangkad ka’t mas mabigat kaysa sa amin. Pero tatawid kami nang dalawahan, dahil siguradong mas mabigat ang dalawang tatawid nang sabay kaysa sa iyo. Sigurado ‘yon.” Kaya, tumawid nang sabay ang dalawa sa kanila sa tablang-tulay. Dahil talo ang lahat ng kanyang mga dahilan at ngayo’y wala nang maidahilan pa, kinailangan ng misyonaryong ito na lakasan ang loob niya at tumawid sa tablang-tulay. At ginawa niya ito nang may takot at panginginig. Unti-unti siyang tumawid hanggang makarating sa kabila. Sa wakas, nakarating siya sa kabilang dako.

Natutunan niya, sa wakas, na magtiwala sa tablang-tulay na ito. Inilagay niya ang pananalig niya sa tablang ito! Ito’y isang larawan ng pananalig. Ibig sabihin, sa una, hindi siya naniniwala na makakayanan ng tablang ito ang bigat niya. Wala siyang tiwala sa tablang-tulay. Pero pagkatapos na magkaroon ng napakaraming mga saksi – na gaya ng nasa Hebreo 12:1, “…yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi…” – nilakasan niya ang loob niya’t ginawa ang hakbang ng pananampalataya upang matawid ang tablang-tulay.

Ngayon, hindi ba nito inilalarawan ang kaparehong punto gaya ng batang lulundag sa mga braso ng isang malakas na tao? Ano ang pananampalataya sa larawang ito? Kung mali ang pananalig niya, kung hindi kaya ng tabla ang bigat niya, may mawawala ba sa kanya o wala? Siyempre, mawawalan siya ng buhay! Mawawala sa kanya ang lahat, kung mali ang pananalig niya. Tama? 

Ang ibig sabihin nito, ang pananalig ay hindi ang pananalig na nasa Biblia maliban kung itataya ninyo ang lahat, pati na ang buhay ninyo rito. Kung hindi kayang dalhin ng tablang-tulay ang bigat niya, babagsak siya. Babagsak siya tungo sa impiyerno sa ganap na pagkawasak. Ngayon, ito ang isang pakahulugan ng pagtitiwala, ng pananampalataya.

Pero ang pananampalatayang ipinapahayag ng mga evangelists ngayon na hindi tinatalakay ang tungkol sa total commitment – tungkol sa buong pagtitiwala ng sarili, tungkol sa pagtataya ng sariling buhay – ay hindi pmg pananalig sa kahulugang nasa Biblia. Gusto kong maintindihan ninyo itong mabuti.

Ang Regalo ng Kaligtasan ay Ibinibigay Base sa Buong Commitment

Ang sabihing ito’y simpleng parang tumatanggap ng tiket sa Lotto bilang regalo, na manalo man kayo o hindi, wala kayong talo – ang mangahas na ipahayag ng Ebanghelyo sa paraang isinalaysay ni Whitelaw sa polyeto niya – ay ang gawing kabalastugan ang katuruan sa Biblia. Ang sabihing “Maniwala kay Jesus, pero kung siya ay mali, wala namang mawawala sa inyo” ay isang kahihiyan! Ikinahihiya ko ito! Pero higit pa rito, isa itong kasinungalingan. Kung hindi buo ang inyong commitment kay Cristo, sasabihin ko sa inyo, hanapin man ninyo ang regalong kaligtasa’y hindi ninyo matatagpuan ito, dahil ang regalo ng kaligtasan ay ibinibigay sa pamamagitan ng pananampalataya. Napapawalang-sala kayo sa pamamagitan ng pananampalataya [justified through faith], sa tunay na kahulugan nito. Gaya ng nakita natin, maging sa mga larawang ginamit ni Spurgeon o ng mga misyonaryo, ang pananalig sa tamang pag-intindi nito ay maiintihan bilang total commitment. Iyan ang pang-unawang Biblikal.

Kapag pumunta kayo sa Hebreo Kapitulo 11, tingnan ninyo muli ang pakahulugan ng pananampalataya at wala kayong makikita ritong pananalig gaya ng libreng Lotto tiket na kababanggit ko pa lang. Bawat halimbawa ng pananampalataya ay isang halimbawa ng total commitment. Itinaya ni Abraham ang lahat sa salita ng Diyos. Humayo siya nang hindi alam kung saan gusto siyang papuntahin ng Diyos. Itinaya niya ang kanyang buhay, ang pamilya’t kinabukasan niya – ang lahat ng bagay – sa salita ng Diyos. Nang sabihin ng Diyos na, “Humayo ka!” humayo siya! Iyan ang total commitment.

Isa-isahin ninyo ang listahan ng mga bagay roon sa Hebreo Kapitulo 11 at ito’y nagtatapos sa mga salita [sa b.33]: “…sa pamamagitan ng pananampalataya’y lumupig ng mga kaharian, …nagpatikom ng mga bibig ng mga leon”. Ngayon, kung di-epektibo ang pananalig, lalapain kayo ng leon; hindi kayo ang lalapa sa leon. Kung wala kayong pananalig, hindi kayo ang lulupig sa mga kaharian; ang mga kaharian ang lulupig sa inyo.

Si Moises, dahil sa galak ng pananampalataya, ay itinuring na walang halaga ang mga kayamanan sa Ehipto. Nawala sa kanya ang lahat. Tinalikuran niya ang Ehipto at humayo siya upang makilala bilang kaisa ng mga tao ng Diyos. Nawala sa kanya ang lahat. Itinaya niya ang buhay niya. Bakit natin binabasa ang Hebreo Kapitulo 11 na nakasarado ang mga mata natin at iniisip na ang kaligtasa’y simpleng nagsasabing, “Okey, tinatanggap ko si Jesus. Naniniwala akong namatay siya sa krus para sa akin. Wala naman akong babayarang anumang halaga rito, at kung mali ito, wala namang mawawala sa akin”? Hayaang sabihin ko sa inyo, nagkakamali kayo rito!

Nanampalataya Pero Hindi Maliligtas

Balikan natin ang Talinghaga ng Manghahasik. Tingnang muli ang talinghagang ito. Ang binhi ay libreng regalo ng Diyos, pero anong nangyayari? Napansin natin, gaya ng naipaliwanag ko noong nakaraan, na may dalawang grupo na may tigta-tatlong kategorya: tatlong kategorya ng di-maliligtas at tatlong kategorya ng maliligtas. Ang tatlong kategorya ng maliligtas ay ang mga nagbunga ng tig-tatatlumpu, tig-aanimnapu at tig-iisang-daan.

Ang tatlong kategorya ng di-maliligtas ay, una, ang binhing nahulog sa matigas na lupa, sa may daanan, at pangalawa, ang nahulog sa mabatong lupa – ang mga naniwala at tumanggap sa salita ng Diyos pero walang ugat, at pangatlo, ang mga tumanggap din sa salita ng Diyos pero sila yung mga hinayaan ang mga tinik (ang mundo) na sakalin sila. Sa tatlong kategorya ng di-maliligtas, dalawang grupo ay mga naniniwala; isang grupo ng di-naniniwala. Kamangha-mangha, ‘di ba?

Nasanay tayong tawagin ang mga di-maliligtas bilang mga di-nananampalataya. Isinama ng Panginoong Jesus sa grupo ng mga di-maliligtas ang isang kategorya lang ng mga di-nananampalataya, pero dalawang kategorya ng mga nananampalataya. Kamangha-mangha! Ang pag-iisip niya’y hindi natin pag-iisip. Kapwa ang dalawang kategoryang ito’y tumanggap sa salita ng Diyos. Ang isa’y tumanggap nito nang may-kagalakan pero walang ugat at nabuwal; ang isa nama’y tumanggap sa salita ng Diyos pero nasakal ito ng mga alalahanin ng mundo. Kapwa nila tumanggap sa salita ng Diyos.

Ngayon, suriin natin ang commitment gaya ng kung paano ito naiintindihan sa Biblia, gaya ng pagpapahayag ng Panginoong Jesus nito, at bilang isang total commitment na nakakapagligtas. May tatlong bagay na maaari nating sabihin tungkol sa total commitment base sa talinghagang ito.

Magsimula sa Isang Pusong Bukas sa Salita ng Diyos

Ang una ay simpleng ipinapahiwatig ng commitment ang pagiging bukas-puso. Ngayon, hindi matatanggap ng lupa ang binhi maliban kung nakabukas ito. Kinakailangang nakabukas ang lupa upang matanggap ang binhi. Ang lupa’y nabungkal, ito’y nabuksan. Pero ang mga nahulog sa daan ay nahulog sa hindi bukás, sa sarado. Hindi man lang makapasok ang binhi rito, at kaya kinakain ng mga ibon ito.

Ang natitirang dalawang kategorya’y bukas. Bukas sila at kaya tinanggap nila ang salita, na nagpapakita na ang unang puntong kinakailangan nating sabihin tungkol sa commitment o sa faith ay ang pagiging bukás sa salita ng Diyos; ito’y pagiging bukas-puso tungo kay Cristo. Pero unang hakbang pa lang iyan. Mahalaga ito, pero di-sapat. Ano ang pangalawang hakbang?

Pananampalatayang Nagliligtas – Pagsusuko ng Ating Sarili sa Diyos

Ang pangalawang hakbang ay, sa pagpasok ng binhi sa lupa, kailangang maging buong pag-aari ng binhi ang lupa. Napakahalaga nito! Dapat na maging buong pag-aari ng binhi ang lupa. Kailangang maging buong pag-aari ng salita ng Diyos ang inyong puso. Ngayon, dito masasabi na ang dalawang kategorya na tumanggap ng salita ng Diyos ay nabigo, at pumanaw.

Ang isa’y may bato sa ilalim ng lupa, kaya may limitasyon ang pagpasok ng salita ng Diyos. Hayaang tanungin ko kayo: Nakabukas ba ang inyong puso sa salita ng Diyos? Dapat lang. May kumpiyansa akong bukás ang inyong mga puso sa salita ng Diyos dahil kung hindi ito nakabukas sa salita ng Diyos, hindi na sana kayo narito ngayon. Ang pagpunta ninyo rito’y nangangahulugang nais ninyong matanggap ang salita ng Diyos. Kung hindi bukas ang inyong puso sa salita ng Diyos, wala akong makitang dahilan upang kayo’y maparito. Kaya, may kumpiyansa ako na nakahantong na kayo kahit man lang sa unang hakbang: bukas ang puso ninyo sa salita ng Diyos.

Pero ang pangalawang bagay ay ito: Pag-aari ba ng salita ng Diyos nang buo ang inyong puso – buong pag-aari ang inyong puso? O may ilang bato ba sa ilalim, may katigasan sa puso na nagsasabi sa Diyos na, “Hanggang dito ka na lang sa buhay ko, higit pa rito’y hindi na pwede! Sapat na ang hanggang dito. Ayokong maging panatiko. Ayokong maging relihiyosong hibang. Handa akong maging iginagalang na relihiyoso, handa akong matagpuang gayon, pero ayokong maging relihiyosong panatiko, gaya nitong mga nagfu-full-time service training [bilang church workers]. Tingnan ang mga hibang na iyan! Ang mga iyan – nagsi-aral ng mathematics o chemistry o computer science o anupaman, at tapos, pumarito sila, umuupo’t itinatapon na lang ang lahat. Hibang sila. Panatiko sila. Para sa akin, hanggang dito na lang ako – tapos na! Matalino ako; pinipili ko ang “zhong dao [中道]”, na literal na ibig sabihin ay hindi masyadong labis sa isang panig at hindi rin masyadong labis sa kabilang panig! May tamang balanse ako. Hanggang dito ka na lang sa buhay ko.”

Lagyan ninyo ng limitasyon, mga kaibigan, at walang kayong patutunguhan. Kung sasabihin ninyo sa Panginoong Jesus na, “Ika’y Panginoon ng buhay ko, pero hanggang dito lang,” kung gayon, hindi siya ang Panginoon ng lahat sa buhay ninyo. Isa lang sa dalawa ang pagpipilian: Panginoon siya ng lahat o hindi siya Panginoon ng kahit na anupaman! Hindi ninyo maaaring sabihin sa isang panginoon na, “Ah, hanggang dito ka lang; huwag kang lalagpas pa rito.” Nasaan ang kanyang pagka-panginoon? Ngayon, heto ang sitwasyong kailangan ninyong maintindihan. May inilaan ba kayong hangganan para sa kanya sa inyong buhay?

O gaya ng isa pang kategorya, hindi nga kayo naglaan ng hangganan sa inyong buhay, pero pinayagan naman ninyong mangibabaw sa inyong buhay ang mga alalahanin ng mundong ito. Nakabuhos ang inyong atensyon sa mundong ito. Ang sabi ninyo, “Panginoon, ikaw ay tunay na Panginoon. Pero may napakaraming bagay sa mundong ito na pinagkakaabalahan ko, mga bagay-bagay na isinasaalang-alang ko.” Sa gayon, ang katapusan ninyo’y gaya ng binhing nahulog sa mga tinikan at nasakal ng mga ito.

Kaya, ang pangalawang bagay na kailangan ninyong mapansin ay ito: sa lahat ng kaso kung saan sila nabigo, ito’y dahil kahit na may commitment, hindi ito buo. Oh, gaano ko kadalas binibigyang-diin sa inyo na sa katuruan ng Kasulatan na ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus: Hangga’t hindi buong pagmamay-ari ng binhi ang lupa, kung saan walang hanggana’t wala nang iba pang pinagkakaabalahang makamundong mga interes, hindi kayo mananatiling-buhay, hindi kayo magsu-survive.

Kaya una, kailangan nating magkaroon ng bukas na puso, na mayroon kayong lahat. Pero pangalawa, tanungin ninyo ang inyong sarili kung kaya ninyong sabihing, “Panginoon, sa iyo ang buong buhay ko, ang buong puso ko, walang anumang bahagi sa buhay ko na hindi ikaw ang Panginoon”? Ngayon, ilan kaya sa inyo ang kayang sabihin iyon nang matapat. Tapatan lang. Ilan kayang mamamahayag ang kayang sabihin iyon nang tapatan?

Maaaring kilala ninyo si F.B. Meyer, na isang dakilang mamamahayag noong umpisa ng siglong ito [1900’s], at sa katapusan naman ng huling siglo [1847-1929]. Nakapagsulat siya ng napakaraming aklat – lubhang mahuhusay na mga aklat na may napakalaking kahalagahan! Sulit parating basahin ang mga libro ni F.B. Meyer. Ipinagtapat ni Meyer na noong siya’y pastor ng isang iglesya, sinubukan niyang magpahayag at magministro, pero ang nangyari lang ay nawalan ng buhay ang iglesya sa kanyang mga kamay. Walang kabuhay-buhay roon. At humarap siya sa Diyos at nagsabing, “Panginoon, anong mali sa akin?” Nagsalita ang Panginoon at sinabi sa kanya, “Ang mali sa iyo’y may mga bato riyan sa loob mo! Naglagay ka ng hangganan. Hindi ako lubos na Panginoon ng buhay mo.” Agad niyang natanto ito at sinabing, “Totoo ‘yon! Kasali ako sa kategoryang ito ng mga taong sa ibabaw ay lupang mabuti, pero bato sa ilalim. Hindi ko pinapayagang lumagpas ang Diyos dito sa aking buhay. Pinigilan ko siyang lumagpas dito.” At ang sabi ng Diyos kay F.B. Meyer, “Hindi kita magamit dahil may isinara kang bahagi ng buhay mo mula sa akin.”

At lumuhod si F.B. Meyer sa harapan ng Panginoon at sinabing, “Panginoon, narito ang buong buhay ko. Narito ang mga susi sa bawat kuwarto ng bahay ko. Wala nang nakasarang kuwarto sa iyo. Sa katunayan, nagmamakaawa ako sa iyo, wasakin mo na ang pinto para di mo na kailangan pang gamitin ang mga susi. Basta’t baklasin mo na lang ang buong pinto.” Sinabi niyang iyon nga ang ginawa ng Diyos. Binaklas ng Diyos ang pinto at doo’y nilagyan ng isang bintana kung saan lumalagos ang ilaw niya na nagliliwanag sa bawat kuwarto ng kanyang buhay. Mula sa sandaling iyon, makapangyarihang ginamit ng Diyos si F.B. Meyer.

Kumusta ang inyong buhay? Ilang pinto ng inyong buhay ang nakasara sa Panginoon?

Pananalig na Nagliligtas – Nagwawagi sa Pagsubok

Ngayon, ang pangatlong bagay na napakahalaga sa commitment ay kung anong lubhang kailangan ng binhi – ang araw! Alam ninyong lahat na kapag walang liwanag, walang maaaring tumubo. Gaya ng nabanggit ko nang nakaraang nagpahayag ako sa talinghagang ito, sadyang inihalintulad ng Panginoong Jesus ang araw sa malalaking kapighatian, mga pagdurusa’t mga pagsubok. Itinuro ko sa inyo na tatlong ibat-ibang mga salitang Griyego ang ginamit para sabihin ang tungkol sa mga pagdurusa, mga pagsubok at mga kapighatian. At naihalintulad ang mga ito sa araw – ang sikat ng araw na nagpapaunlad sa pagtubo ng binhi.

Ilang beses nang naitanong sa akin ito, “Paano ko malalaman kung buo ang commitment ko? Alam ko bang buo ang commitment ko dahil papasok ako sa full-time na serbisyo? Iyon lang ba ang paraan upang malaman ko?” Ang sagot ko’y, “Ni katiting ay di gayon!” Kababanggit ko lang sa inyo na may mga pastor na hindi totally committed, gaya ng naibahagi sa atin ni F.B. Meyer, ang dakilang mamamahayag. Narito ang isang pastor na nagtapos sa Bible college, seminaryo, at lahat ng iba pa, pero hindi pa pala siya totally committed. Gusto kong malaman kung ilang tao sa isang Bible college ang totally committed kay Cristo. Nang huling pagkakataong naroon ako sa Prairie Bible Institute, kinausap ko ang mga estudyante roon. Hinamon ko ang mga estudyante – bawat isa sa kanila! Gusto kong malaman kung gaano kalaki ang sinasakupan ni Cristo bilang Panginoon sa kanilang buhay. Huwag isipin na sa pagiging isang mamamahayag, committed na kayo nang buo kay Cristo. Maaaring hindi!

Paano ninyo malalaman? Ang sagot ay ito: depende kung paano kayo nagre-react sa araw. Iyan ang test! Ang araw ay may kakayahang sirain, o palaguin, ang halaman. Mapapansin ninyo na sa kaso ng talinghagang ito, sinira ng araw ang uri ng halamang walang ugat. Pero ang mga iba’y lubos na lumago sa sikat ng araw. Oh, tumutubo silang pataas tungo sa araw! Tumutubo sila! Napansin na ba ninyo kung paano humaharap ang mga bulaklak sa araw? Bumubuka ang mga ito sa pagsikat ng araw. At paglubog ng araw, nagsasara ang mga ito. Ipinapakita ang kabuuang kagandahan nito habang sumisikat ang araw. At ganoon ang tunay na Cristiano!

Pero ang binhing walang ugat (kung saan mahina o di-sapat o walang commitment) ay mamamatay. Kung kaya, ang mismong sikat ng araw na nagbibigay-buhay sa isa ay nagbibigay ng kamatayan sa iba. Hindi ba pambihira iyon? Hindi lang ito nagdudulot ng buhay, kasaganahan at espiritwal na paglago sa isa, ito rin ay nagdudulot ng pagkawasak sa iba. At kaya, mababasa natin sa napakagandang talinghagang ito ng Panginoong Jesus na, nang sumikat ang araw, ang binhing nahulog sa mababaw na lupa’y natuyot – ito’y  nalanta, namatay. Pero ang mga nahulog sa matabang lupa, sa mabuting lupa, ah, masaganang lumago ang mga ito: tig-tatatlumpu, tig-aanimnapu, tig-iisang-daan. Ang araw ang siyang nagbigay-buhay! Napakahalagang makita ito.

Nakikita ko kung anong katangiang taglay ng isang Cristiano kapag nasuong siya sa kagipitan. Iyon ang pagkakataong nakikita ko kung ang pinag-uusapan natin ay tunay o di-tunay na mga Cristiano. Sa tuwing darating ang pagsubok sa inyo, malalaman ninyo kung kayo’y isang committed na Cristiano kayo o hindi. Kapag dumarating ang kahirapan, kapag inuusig ang isang tao, iyon ang pagkakataong makikita kung anong uri ng taong siya – kung isa siyang tunay na Cristiano o hindi, iyon ay, kung siya’y totally committed na Cristiano o hindi, kung mananatiling-buhay siya o hindi.

Palagi kong binabalik-balikan sa aking isipan ang panahon ng aming pagsasaksi, na isang panahon na nagpahayag ang ilan sa amin ng Ebanghelyo sa Wales. Nagpapahayag kami ng Ebanghelyo sa lugar kung saan, noong 1904, ay nagkaroon ng Great Welsh Revival, kung saan naihasik ang binhi ng salita ng Diyos sa lugar na iyon at nagbunga rito nang napakarami – The Great, the Mighty Welsh Revival! Napakalaki ng revival, ng pagpapalakas-muli ng espiritwal na buhay roon, na gawa ng Espiritu ng Diyos sa panahong iyon, kung kaya’t wala kayong mapupuntahang mga kalsada  roon na hindi ninyo maririnig ang pagkanta ng mga himno. Maging sa mga bus o sa mga kalsada man, kumakanta ang lahat ng mga himno para sa Diyos. Ano kaya’t nangyari iyon sa Montreal, Canada. Isalarawan sa inyong isip na naglalakad kayo sa kalyeng St. Catherine’s at umaawit ang lahat ng mga tao ng mga papuri sa Diyos. Iyan ang nangyari sa Welsh Revival. Lubos na makapangyarihan ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos doon na nagkaroon ng pagbabago ang buong lugar. Ngayon, sa mga araw na ito, espiritwal na patay na ito, gaya ng anumang patay na lugar na inyong nakita na.

Noong 1960’s, nagpapahayag ako sa Wales. Minsan, pumunta kami sa bawat bahay upang sumaksi para sa Panginoon. At naaalala kong mabuti – oh, gaano kalalim na naitatak ito sa isipan ko – kung paano ang isang kapatirang lalaki ay pumunta at kumatok sa isang bahay upang magpahayag ng tungkol kay Cristo at ibinalibag mismo sa kanyang mukha ang pinto. “Bang!” Nang bumalik siya tungo sa amin, nagliliwanag sa tuwa ang mukha niya. Kaya akala ko, nagkaroon siya ng napakagandang pagkakataong makapagsaksi. Sabi ko, “Anong nangyari sa ‘yo?” Ang sabi niya, “Hallelujah! Ibinalibag mismo sa mukha ko ang pinto ngayun-ngayon lang.” Nagulat ako dahil kakaiba ito! Nagagalak lang ang iba kapag ang kausap nila’y nakinig na may malaking pagpapahalaga’t respeto, at may pagtanggap na inaalukan pa sila ng biskwit at isang tasa ng tsaa. Pero heto ang isang taong nagalak dahil binagsakan siya ng pinto mismo sa kanyang mukha! Itinuring niyang isang kagalakan ang magdusa para sa Panginoon.

Sinabi ko sa sarili ko, heto ang isang tao na gagamitin ng Diyos, dahil kapag sumisikat ang araw sa kanya, nagniningning siya. Kapag dumarating ang pag-uusig, nagliliwanag siya sa kagalakan. At sinabi niya, “Alam ninyo ba kung anong sinabi ko sa babae nang ibinalibag niya ang pinto sa mukha ko? ‘Mahal na ale,’ pasigaw kong sinabi para marinig lagpas ng pinto, ‘mahal kita nang lubos. Ipagdarasal kita.’” Wow! Palagay ko’y mas makapangyarihan ang saksing iyon kaysa sa lahat ng iba na naglilibot na nagwawagayway ng kanilang mga Biblia. Maiisip ninyo ba iyon? Isipin na may nagbalibag ng pinto mismo sa mukha ng isang tao at sinabi niyang, “Mahal kita!” Iyon ang pagsasaksi! Ngayon, iyon ang uri ng Cristianong may commitment!

At nababasa natin, halimbawa, ang tungkol kay Charles Wesley – ang dakilang alagad ng Diyos na nabuhay mga 200 taon nang nakalipas. Sa paghayo niya upang magpahayag – nasa sa atin ngayon ang kanyang detalyadong tala-arawan, ang mga journal niya – makikita nating ilang ulit siyang nabugbog, napunitan ng damit, nasabunutan, nasampal sa mukha, at nasuntok. At ang pawang mababasa natin sa kanyang tala-arawan ay pag-ibig at kasiglahan. Wala roong makikita kahit isang bahid ng hinanakit laban sa mga umusig at nagpahirap sa kanya, wala ni katiting na hinanakit, kundi pag-ibig lang! Iyan ang tao ng Diyos! Pansinin lang ninyo ang paraan ng pananalita niya, malalaman ninyong nagalak siya sa pagdurusa. Wala roong hinanakit. Nagpasalamat siya sa Diyos sa pribilehiyong makapagdusa siya.

Makailang ulit nadakip ng mga Komunista ang ating mga kapatiran sa Tsina! At iniuunat nila ang kanilang mga kamay sa mga Komunistang pulis, at sinasabing, “Hindi ako karapat-dapat sa pribilehiyong ito. Salamat.” Hindi tuloy alam ng mga pulis ang gagawin nila! “Ano ito? Nagpapasalamat ka sa akin sa paglagay ng mga posas sa iyong mga kamay? Anong ginagawa mo?” Nagagalak sila sa pagsikat ng araw sa kanila. Salamat sa Diyos!

At tingnan si Apostol Pablo. Sa katunayan, sinabi niyang, “…nagagalak ako sa aking mga pagtitiis”. [Colosas 1:24] Diyan ninyo makikilala ang taong committed nang buo. Nakikita ninyo ba kung bakit? Itinaya niyang lahat sa Panginoon; handa siyang mawala ang lahat. Iyan ang kanyang ginawang layunin. Iyan ay pananampalataya!

Paano ninyo alam kung may total commitment kayo? Sa susunod na maging magulo ang lahat para sa inyo, sa susunod na tumaliwas sa inyo ang mga magulang o mga kaibigan ninyo, sa susunod na masibak kayo sa inyong trabaho dahil sa pagiging Cristiano dahil ayaw ninyong mandaya sa mga buwis o sa paggawa ng katulad nito, sa gayon makikita ninyo kung kayo’y totally committed, kung lalabas kayong nagniningnging, nagagalak, “Haleluyah! Anong pribilehiyong mamuhay para kay Cristo!” O sasabihin kaya ninyong, “Tingnan ito! Nakikita ninyo ba kung anong nangyayari? Nawalan ako ng trabaho dahil sa pagiging Cristiano. Masdan, iyan ang problema sa pagiging Cristiano!” Ang sumisikat na araw ang susubok sa inyong commitment. Ito ang susubok sa commitment ko.

Ilang ulit, sa paninilbihan sa Panginoon, gaya ng nasabi ko sa inyo sa umpisa pa lang, na wala akong pera. At naisip ko sa aking sarili, Haleluyah! Alam ko na ngayon kung anong pakiramdam ng pagiging isang disipulo niya na wala man lang mapagpahingahan ng ulo niya, at siya na wala man lang barya sa kanyang bulsa. Nang may nagtanong sa Panginoon, “Dapat ba tayong magbayad ng mga buwis?”, hindi siya dumukot ng pera mula sa bulsa ninya, kundi sinabing, “Ipakita ninyo sa akin ang pera para sa buwis” Kung may pera siya sa bulsa, dinukot na lang sana niya ito. Wala siyang pera! Kinailangan niyang paglabasin ang ibang tao ng pera upang sabihin, “Kaninong larawan ang nakatatak sa perang ito?” Ah, napakabuti ang lumakad kasama ng Panginoon, upang pagsilbihan siya, upang mabuhay para sa kanya.

Itinataya ko ang buhay ko sa Panginoon. At kung mali ako, nagutom na sana ako sa lansangan. Nang pumunta ako sa England upang magsanay [training] para sa gawain ng Panginoon, wala akong pera. Hindi ako pwedeng magtrabaho. Hindi ko hinangad na labagin ang batas, at kaya, ikinomit ko na lang ang kurso ko sa Panginoon. At sinasabi ko sa inyo, kung hindi buhay ang aking Diyos, talagang mamamatay ako sa gutom. Pero pinatunayan ng aking Diyos ang kanyang sarili. Iyan ang ibig kong sabihin sa pagdaranas kay Cristo. Tanging ang taong nagtataya ng buhay niya kay Cristo ang makakaranas ng kapangyarihan niya; wala ng iba pang makakaranas ng kapangyarihan niya.

At kaya, babanggitin ninyo na napawalang-sala tayo sa pamamagitan ng pananampalataya, at kayo’y tama. Ang regalo ng Diyos ng pagpapawalang-sala o justification ay ibinibigay sa atin nang libre. Pero sa pagtanggap ng regalong iyon, sa pagtanggap ng binhing iyon sa buhay ko, itinataya ko ang buong buhay ko rito, itinataya ko ang buhay ko sa regalong ito ng Diyos. At kung mali ako – kung mali ang Diyos, huwag nawa itulot ng Diyos – mawawala ang lahat ng bagay sa akin. Pero may kumpiyansa ako. “…kilala ko ang aking sinampalatayanan” [2 Timoteo 1:12] – kaya itinaya ko ang buhay ko sa kanya. At dahil itinaya ko ang buhay ko sa kanya, kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko. Tuloy-tuloy ang pag-ikot nito. Ito’y dahil kapag itinaya ninyo ang inyong buhay sa kanya, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan, at kaya, mas lalo pa ninyo siyang pagkakatiwalaan. At dahil pinagkakatiwalaan ninyo siya nang mas higit pa, kaya higit na marami pa ang itataya ninyo sa kanya.

Ang Pananalig na Nakakaligtas – Masayang Kumpiyansa sa Diyos

Isang huling punto na lang at kailangan na nating magtapos. Sa mayamang talinghagang nasa harapan natin, makikita nating may ilang namunga ng tig-tatatlumpu, ang ila’y tig-aanimnapu, at ang ila’y tig-iisang daan naman. Ngayon, kung committed tayong lahat, bakit may kaibahan ang dami ng bunga? Kung tayong lahat ay totally committed, bakit may kaibahan sa dami ng bunga? Nararapat na masagot ang tanong na ito.

Pwedeng maging committed ang bawat tao, pero hindi pare-pareho ang kalidad o katangian ng commitment na iyon. Maaaring pare-pareho silang buo, pero hindi pare-pareho sa kalidad. Tignan muli natin ang larawan na nabanggit na natin tungkol sa pananampalataya. Narito ang isang tablang-tulay na kailangan nating tawirin. Sinumang tao ang tumawid sa tablang ito ay buo ang commitment dahil kung nabali ang tablang iyan, mawawalan siya ng buhay. Pero ang kalidad ng commitment  na iyon ay maaaring magkakaiba.

Tumawid ang misyonaryo nang may pag-aatubili, nang may takot at panginginig. Buo niyang ikinomit ang kanyang sarili sa tablang-tulay, pero may kasiglahan ba? May kagalakan ba sa commitment na iyon? Wala, may takot at panginginig; may pag-aatubili. Kahit na totally committed siya, may pag-aatubili naman.

Ang kalidad ng commitment na iyon ay di-kapareho ng sa ibang tumawid. Committed din sila, pero pansinin ang kaibahan. Tumawid sila na masaya, na may kaluwagang-loob, na marahil ay may pagkanta-kanta pa. Kapwa nilang tinawid ang tabla, kapwang buong itinaya ng buhay nila sa tablang nagdadala sa kanila, pero ang kalidad ng commitment na iyon ay di-pareho, gaya ng nakikita ninyo.

Maaaring lumundag ang isang bata mula sa pinakamataas na palapag nang may malaking pag-aatubili, pag-iiyak, takot at panginginig, o maaaring lumundag na lamang siyang may lubos na kumpiyansa, na walang takot ni panginginig. Kapwa nakagawa ng parehong bagay, pero magkaiba ang kalidad ng paggawa nila. Ang pag-uugali nila ay magkaiba.

Ngayon, maaari kayong mamuhay ng buhay-Cristiano na totally committed. Nakakita na ako ng kaibahan ng kalidad sa pagitan ng mga taong totally committed. Nakakita na ako ng mga taong iniwanan ang lahat ng bagay para sumunod kay Cristo pero walang tigil sila sa pananaghoy rito. Lagi nilang sinasabi, “Iniwanan ko ang lahat ng bagay para kay Cristo at tingnan kung anong tinitiis ko para sa kanya.” Dumaraan sila sa buhay na dumaraing. Oo, totoo nga naman. Hindi maitatanggi na nai-commit na nila ang lahat para kay Cristo. Pero anong natirang kalidad sa buhay nila kung parating may takot at panginginig, magpakailanmang dumaraing ukol dito? Kung ganyan ang paraan ng paggawa nila, bakit pa mag-aabala? May ibang gumagawa nito, pero di gaanong nag-aatubili, na may konting sukat ng galak. Pero isipin naman ang mga iba pang gumagawa nito ng may kaningningan! Ah! Kakaiba ang kalidad.

Ngayon, isipin muli ang larawan ng tablang-tulay. Kung tatawirin ko nga ang tablang-tulay, pero tatawirin ko ito nang may takot at panginginig, makakapagpalakas-loob kaya ito sa ibang tao upang tawirin din ang tabla, kung makikita nila akong nanginginig na tinatawid ang tabla? Sasabihin nilang, “Kapag nakikita ko ang taong ito na nanginginig na tumatawid ng tabla, may alinlangan ako sa pagtawid.” Pero kung makita ninyo ang taong may malalaking-hakbang na tumawid, na may napakalaking pagtitiwala, masasabi ninyong, “Ayos iyan! Tatawid ako!” Nakikita ba ninyo na ang inyong saksi sa pagtawid ng tabla ay may napakalaking kaibahan dahil sa kalidad ng commitment? Nakikita ninyo ba iyon?

Ngayon, tignan ang kalidad ng commitment ni Pablo sa pagtaya niya ng lahat: nagalak siya sa kapighatian! Hindi ninyo ba nakikita? Sasabihin ng iba, “Wow! Kahanga-hanga si Jesus! Ay, oo! Tingnan? Humahayo siya. Ang halaga’y parang balewala sa kanya.”

Pero may isa pa na laging umuungol tungkol sa nawala sa kanya; nanginginig siya sa tablang-tulay at bumubulong-bulong: “Anong mangyayari kung ito’y...?” At pagkatapos, “Tingnan ninyo, nagawa ko na ito! Nagawa ko ito, pero ang laki ng nawala sa akin.” Kaya pala di-katakataka na iniisip ng mga iba na, “Kung iyan ang kaso, palagay ko’y hindi ako tatawid.”

Nakikita ba ninyo ang kaibahan? Ang kalidad ng pagsaksi ay magkaiba, at kaya, siguradong magkaiba ang bunga. Ang taong tatawid sa tabla na may kumpiyansa ay makakaakit sa maraming tao upang tumawid sa tablang-tulay nang may pagtitiwala rin. Pero para sa tatawid nang may pag-aatubili, maaaring may sumunod dahil kailangan nilang tumawid, pero may pag-aatubili rin sila.

At kaya, kapag inilipat natin ang larawang ito sa iba’t-ibang dami ng bunga, nakikita nating lahat ng ito ay namumunga, pero magkakaiba ang kalidad kaya magkakaiba rin ang dami ng bunga. Nawa’y hindi lang tayo magkaroon ng buong nai-commit na pananampalataya, kundi magkaroon nawa tayo ng isang buong nai-commit na pananampalataya na may kakaibang kalidad, na may kakaibang kaningningan, na may kakaibang kapangyarihan, na makikita ng iba ang kaluwalhatian ni Cristo sa atin!

Katapusan  ng  mensahe.

¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, Philippines, 2001.

²Nabanggit ang: Magandang Balita Biblia, Philippine Bible Society, 1973, 1980 at ang Magandang Balita Biblia, Revised Tagalog Popular Version, UN Avenue, Manila, Philippines, 2005.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church