You are here

Isang Talinghaga ng Buhay at Pagbabago

Isang Talinghaga ng Buhay at Pagbabago

(A Parable of Life and Transformation)

Mateo 13:31-32

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ipagpapatuloy natin ngayon ang pagpapaliwanag sa mga turo ng Panginoong Jesus. Kung inyong natatandaan, pinag-aralan natin noong nakaraan itong napakahalagang Talinghaga tungkol sa mga Damo (o ang mas tamang katawagan na ‘Darnel’) sa Triguhan. At kaya, bago tayo magpatuloy, nais kong ibuod ang natutunan natin doon dahil may mahahalaga puntong hindi pa natin natatalakay.

Buod ng Talinghaga tungkol sa mga Darnel sa Triguhan

Una, hayaan ninyong ibuod ko muna ang natutunan natin noong nakaraan. Nakita natin sa Mateo 13:24ss, sa Talinghaga tungkol sa mga Darnel sa Triguhan, na sinasabi ng Panginoong Jesus na sa kaharian ng Diyos ay may dalawang uri ng tanim. Ang isa ay ang trigo na inihasik ng Panginoong Jesus. Nakita natin sa paliwanag niya mismo sa talinghagang ito na ang kinakatawan ng trigo ay ang mga anak ng kaharian, iyon ay, ang mga anak ng Diyos (sa Mateo 13:38). At matapos maihasik ng Panginoong Jesus ang binhing ito sa mundo – ang bukid ay ang mundo – dumating ang diyablo at naghasik kahalo sa mga trigo. Ang inihasik niya’y hindi ordinaryong damo lamang, kundi ang alam na natin ngayon bilang ‘darnel’ o ‘bearded darnel.’

Una sa lahat, nakita natin na ang ‘darnel’ ay hindi kumakatawan sa mga di-nananampalataya, o ang mga hindi pa nakakarinig ni nakakatanggap ng Ebanghelyo sa anumang diwa nito. Ang mga ‘darnel’ ay kumakatawan sa mga taong nasa loob ng iglesia¹ o church. Isa itong trahedya! Darnel ang inihasik ng diyablo matapos na maihasik ang mabuting binhi, ang trigo. (Ang mga di-nananampalataya ay matagal nang nasa mundo bago pa dumating ang mga Cristiano.) Hindi mga ordinaryong di-mananampalataya ang mga ito. Ang darnel ay inihasik pagkatapos – napakahalagang pansinin ito – pagkatapos na naihasik ang trigo, at sila’y hindi lamang inihasik sa kung saan sa mundo, kundi kasama at kahalo ng mga trigo.

Ikalawa, napansin natin na ang mga ‘darnel’ na ito’y kahawig na kahawig ng trigo. Sa katunayan, hindi sila mapag-iiba mula sa trigo sa mga unang bahagi ng paglaki nila. At kaya, makikita natin sa talinghaga, sa b.26, na noong lumaki at umpisang magkabunga ng mga butil ang mga tanim, doon lang nalaman ng mga alipin na hindi lamang trigo ang nasa triguhan; meron ding mga ‘darnel.’

Nakita rin natin na, ang ‘darnel’, dahil napakahirap nitong ipag-iba sa mga trigo, ay kumakatawan sa mga taong nasa loob ng church na mukhang mga Cristiano – na may panlabas na pag-uugali ng mga Cristiano. Alam nilang sabihin ang mga tamang bagay; nagsasalita sila kahawig ng mga Cristiano – pero di sila mga Cristiano. May hawig sila sa mga Cristiano, pero di sila mga Cristiano. Tulad ng sinabi ni Pablo kay Timoteo [2 Tim 3:5], sila’y “may anyo ng kabanalan, ngunit tinatanggihan ang kapangyarihan nito.²” Wala silang buhay sa kaloob-looban nila. May panlabas na anyo lamang sila ng kabanalan. Kumikilos sila gaya ng mga Cristiano; mukha silang mga Cristiano sa panlabas nilang pag-aasal, pero hindi sa puso nila. Ang mga ito’y ‘darnel.’ At nang magbunga ang ‘darnel,’ doon lamang natanto [ng mga alipin ng puno ng sambahayan] na ang mga ito’y hindi pala trigo. Tulad ng sinasabi ng Panginoong Jesus, “Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga” [Mateo 7:16], ibig sabihin, ang kanilang espirituwal na bunga, kung meron man. Napakahalagang mapansin iyon.

May isa pang bagay tayong natanto tungkol sa ‘darnel’. Hindi lamang kahawig nila ang trigo, kundi lumalaki sila kahalô ng trigo, na sa katunaya’y nangyayari, sa mga bansa sa ‘Middle East’ kahit ngayon. Hindi sila lumalaki kahit saan, kundi doon mismo kahalô sa mga trigo. Iniisip ng ilan na sila’y isang bumabang uri ng trigo (a degenerate form), pero itinanggi ito ng ibang mga dalubhasa dahil naiiba ang kanilang pagkakabuo o ‘structure’.

Napansin din natin na ang bunga ng ‘darnel’ ay nakakalason. Ang sinumang magkakamaling kumain nito ay makakaramdam ng maraming sintoma, kasama ang pagkahilo at pagkombulsyon. Nagbubunga rin ito ng pagka-antok at kahit na ng kamatayan. Sa madaling salita, ang ‘darnel’ ay nakakalason!

Kaya, ipinapakita sa atin ng lahat ng ito na sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng nagpropropesiyang talinghagang ito, na kung saan gumagawa ang Diyos, gagawa rin si Satanas. Kung saan nagdadala ang Diyos ng buhay, si Satanas nama’y abala sa pagdadala ng kamatayan.

Kayo Ba’y Trigo o ‘Darnel’?

Nagtapos tayo noong nakaraan sa tanong na ito: “Ikaw ba’y trigo o ‘darnel’? Huwag kayong masiyahan sa pagsasabi na, “Ako’y nasa church”, “Kasapi ako ng isang church”, “Napaka-aktibo ko sa church”, “Ako’y nabautismuhan na”, atbp. Hindi kayo dapat masiyahan sa mga ito. Alalahanin: ang mga ‘darnel’ ay nasa loob ng church. Nasa loob sila, tulad nang nakita natin sa iba pang talinghaga ng Panginoong Jesus. Muli’t muli, may mga sitwasyon kung saan ang mga di-tunay na Cristiano ay nasa loob ng church. At hindi lang iyon, ang dami pa nila, dahil nang inihasik ni Satanas ang ‘darnel,’ hindi lang siya naghasik ng isa o dalawa. Bakit naghasik siya ng ‘darnel’? Alam ba ninyo ang layunin niya? Napakadaling maunawaan! Ang layunin niya’y para masakal ang trigo. Tulad ng sinasabi sa talinghagang ito, ito’y gawa ng isang kaaway. Bakit ito ginawa ng kaaway? Para sirain ang ani! Para sakalin ang trigo! Ito’y upang sa pagtubo nito kahalo ng binhi – ang mabubuting binhi – ay masakal ang mga ito, tulad ng nakita natin sa Talinghaga ng Manghahasik, kung saan ang ilan sa mga binhi ay nasakal. May tunay na pagtugon sila sa Ebanghelyo, pero nasakal sila ng mga tinik na nakapalibot sa kanila.

Kaya, tanungin natin ang ating sarili: “Alam mo ba kung ikaw ay trigo o ‘darnel’?” Walang pinapatunayan ang pagiging nasa loob ninyo ng church. May dalawang uri ng buhay roon: ang isa ay ang buhay ng binhi ng trigo; at ang isa pa’y ang buhay ng ‘darnel.’ Ang isa’y galing sa Diyos; at ang isa pa’y galing sa diyablo.

Nakita natin na ang ‘darnel’ ay kumakatawan sa mga ‘gumagawa ng kasamaan’ [evildoers] at kung paano ginamit sa Biblia ang ‘gumagawa ng kasamaan’ [evildoers] at ang ‘mga anak ng diyablo’ [sons of the devil]. Nalaman natin, marahil sa ating pagkamangha at pagkagulat, na ang mga katawagang ito’y nakalaan para sa mga relihiyosong tao! Nakita natin na ang salita roon, “Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan” [Mateo 7:23] ay hindi sinabi tungo sa mga di-nananampalataya na hindi pa nakakarinig ng Ebanghelyo. Ito’y sinabi sa mga taong nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan ni Jesus, sa mga gumawa ng mga makapangyarihang gawain sa pangalan ni Jesus, sa mga gumamot sa pangalan ni Jesus, atbp. Ang mga taong gumagawa ng mga bagay na ito ay may pananampalataya naman kay Jesus.

Pero, saan sila nagkamali? Sinabi sa atin ng Panginoong Jesus kung saan sila nagkamali. Gumawa sila ng mga himalâ, pero di nila sinunod ang kalooban ng Ama. Sinabi niya, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon’…” – pansinin na tinawag nilang ‘Panginoon’ si Jesus – “ay papasok sa kaharian ng langit” – sa huling ani na iyon – “kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Amang na nasa langit.” [Mateo 7:21] Pansinin: “ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama”. At kaya, hangga’t hindi natin natututunang gawin ang kalooban ng Diyos – ibig sabihin: hangga’t di tayo committed na gawin ang ‘will’ o kalooban niya, hangga’t di tayo totally committed sa kanya – nanganganib tayong maging darnel!

Nakita rin natin ang pagkakaiba ng dalawang uri ng tao sa church. May isang uri na nagnanais na maging Tagapagligtas lamang si Jesus. Ayaw nila sa kanya bilang Panginoon; gusto lang nila siya bilang Tagapagligtas. Ang sabi nila’y: “Iligtas mo ako, dalhin mo ko sa langit. Iyon lang ang tanging nais ko.” “Nariyan si Jesus para may gawin para sa akin.” Kung ganito ang inyong pag-iisip, nanganganib kayong maging darnel! Nais nilang magkaroon ng buhay na walang hanggan, nais nila ng kaligtasan, pero ayaw nilang sundin ang kalooban ng Diyos. Iyon ang dahilan bakit ayaw nilang maging Panginoon si Jesus sa kanilang buhay.

Nakita natin na sinabi ni A.W. Tozer, iyong dakilang lingkod ng Diyos, sa kanyang aklat na The Root of the Righteous (Ang Ugat ng Matuwid), na ito ang pinakamalaking hidwang-paniniwala o maling turo [heresy] ng iglesia o church ngayon: ang ituro si Jesus bilang Tagapagligtas ngunit ang hindi ituro na Panginoon din siya. Ipinakita rin ni Tozer na maliban sa siya’y Panginoon, di siya maaaring maging Tagapagligtas nila. Siya ay Tagapagligtas lamang sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Panginoon. At kaya, sa Biblia, matatagpuan ninyo na si Jesus ay palaging tinutukoy bilang ‘Panginoon at Tagapagligtas,’ sa gayong ayos. Una’y Panginoon, pagkatapos ay Tagapagligtas! Hindi ninyo siya magiging Tagapagligtas kung hindi ninyo siya Panginoon.

Nakita natin ngayon na kadalasan sa mga turo sa church, gusto parating sabihin ng mga ebanghelista’t mga pastor na, “Tanggapin si Jesus bilang Tagapagligtas.” Ni isang salita’y wala tungkol sa pagka-“Panginoon” niya. Ang pangangaral tungkol sa pagka-Panginoon ni Cristo ay nakalaan daw sa mga pulong para sa konsagrasyon o ‘consecration’ lamang, mga ‘devotional meeting,’ mga pagtitipon para sa ‘mas mataas na buhay’ [higher life]. Ibig sabihin nila rito, una, magiging isang uri ng Cristiano kayo, tapos, paglipas ng panahon, magiging mas ‘mataas na uri’ na Cristiano kayo kapag inialay ninyo na ang inyong sarili sa Panginoon. Di ito ayon sa Biblia. Kung hindi Panginoon si Jesus sa umpisa pa lang, hindi siya inyong Tagapaligtas, dahil hindi ninyo naman ginagawa ang kalooban ng Ama. At sinabi ng Panginoong Jesus na ang mga hindi gumagawa ng kalooban ng Ama ay hindi makakatagpo ng kaligtasan sa kanya. Hindi sila makakapasok sa kaharian, iyon ay, ang kaharian sa huling yugto ng anihan. Lubhang mahalagang maunawaan natin ang lahat ng ito. Ito ang pinakasaligan sa pag-unawa ng kaligtasan.

Bakit Hindi Ihinihiwalay ng Diyos ang Trigo Mula sa ‘Darnel’?

Pero ngayon, ang tanong ay ito: “Kung gayon nga, kung ang church ay ‘halô’ kung saan magkahalô ang mabuti at masama, bakit hinahayaan ng Diyos ito? Bakit hindi ihiwalay ng Diyos ang ‘darnel’ mula sa trigo? Bakit hindi niya pinabunot ang mga ‘darnel’? Bakit hindi niya pinayagan ang mga alipin niyang bunutin ang mga ‘darnel’ na ito? Pag-isipang mabuti. Nakasalalay ang sagot sa tanong na ito sa kung naunawaan ninyo talaga kung ano ang ‘darnel.’ Una, nakita na natin kung gaano kahirap i-distinguish o ipag-iba ng ‘darnel’ mula sa trigo. Kung hahayo kayo’t magbubunot, alin ang bubunutin ninyo? Alam ninyo ba kung alin ang trigo at alin ang ‘darnel’?

Nakita natin ang kalunos-lunos na kaso sa Juan 8 noong nakaraan na inakala ng mga Fariseo at mga Judio na sila’y mga anak ng Diyos dahil sila’y mga anak ni Abraham [v31ss]. Inisip nilang ganito nga. Pero sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila, “Kayo’y mula sa inyong amang diyablo.” Nakakagulat iyon! Bakit? Ang sagot niya’y direkta at simple, “Kung kayo’y mga anak ni Abraham,” – kung espiritwal ang pag-uusapan at samakatuwid kayo’y mga anak ng Diyos – “ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Gayon kung paano natin malalaman. Kayo’y mamumuhay at kikilos nang tulad ni Abraham. Isa siyang taong may pananampalataya, isang taong may total commitment sa Diyos.

Nang sabihin ng Diyos na, “Humayo ka,” humayo siya nang walang tanung-tanong. Anumang sabihin ng Diyos sa kanya, ginawa niya. Isa siyang tao na may pananalig, na nakita natin sa Biblia bilang total commitment. Simpleng sinunod niya ang Diyos nang buô. Sinabi ng Panginoong Jesus sa mga Judio, “Huwag ninyong sabihin o iisipin sa inyong sarili na kayo’y mga anak ng Diyos. Hindi kayo mga anak ng Diyos dahil hindi ninyo ginagawa ang kalooban ng Ama.” Ganito rin ang mismong itinuturo sa Mateo 7:21ss. Parehong-pareho! Kung tayo’y mga anak ng Diyos, gagawin natin ang kalooban niya. Ang Espiritu ng Diyos na nasa atin ang magbibigay ng inspirasyon sa atin upang mamuhay sa uri ng buhay na ipinamuhay niya.

Pero paano ninyo makikita kung ginagawa ng isang tao ang kalooban ng Ama o hindi? Nakikita ito ng Panginoong Jesus, pero, kayo kaya, nakikita ba ninyo? Maaari siguro nating makita hanggang sa isang punto, pero di tayo ganoong kasigurado. Wala sa atin ang karapatang humusga. Hindi ko pwedeng sabihin sa inyo, “Alam mo, may isa o dalawang bagay na ginawa mo nang mali, at sa palagay ko’y hindi mabuti iyon. At kaya, napagpasyahan kong ikaw ay di isang anak ng Diyos. Isa kang ‘darnel,’ hindi ka isang trigo.” Hindi ako makakapaghusga nang ganoon dahil wala akong karapatang maghusga.

Maraming Cristiano ngayon ang di-gumagawa ng kalooban ng Diyos sa kanilang buhay. Sila’y di-namumuhay sa ilalim ng paghahari ng Diyos. Ginagawa nila ang anumang gusto nilang gawin. Hindi man lang sila umaasal gaya ng mga Cristiano, ngunit hindi naman sila nakakagawa ng anumang seryosong kasalanan, tulad ng mga taong nasa Mateo 7:21ss na nagsasabing, “Panginoon, Panginoon,” pero di ginagawa ang kalooban ng Ama. Hindi sila nakakagawa ng anumang krimen. Hindi sila pumapatay. Di rin sila nangangalunya.

Hindi ninyo sila mapapatawan ng disiplinang gawad ng church dahil wala silang ginagawang seryosong kasalanan. Pero ito’y totoo rin sa karamihan ng mga di-Cristiano. Hindi rin sila pumapatay, ni nangangalunya. Namumuhay sila ng disenteng buhay, kapag tiningnan ninyo sila mula sa labas. Ano’ng masasabi ninyo? Sa anong paraan ninyo sila mapapaalis sa church?

Kung ilagay ninyo sila sa isang pagsubok ng kanilang pananampalataya [at itanong], “Naniniwala ka ba sa pangalan ni Jesus?”, sasabihin ng mga ‘darnel,’ “Oo”, gaya ng mga taong iyon sa Mateo 7:21 na nagsabi, “Panginoon, Panginoon,” pero di nila ginawa ang kalooban ng Diyos. Káyang bigkasin ninuman ang “Panginoon, Panginoon.” Ganito rin ang ginawa ng mga Israelita. Sinasabi sa Isaias: “Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin.” [Isaias 29:13] Pansinin: sila’y may “anyo ng kabanalan.” At kaya, paano ninyo sila huhusgahan? Paano ninyo sila paaalisin sa church? Sa anong basehan ninyo sila mapapaalis? Kapag naunawaan na ninyo ang katangian ng mga ‘darnel’ na ito, makikita ninyo na hindi ninyo sila basta-basta mapapaalis. Una, ito’y dahil napakahirap nila kilalanin mula sa trigo. Ikalawa, ito’y dahil wala sa atin ang karapatang maghusga. Ang gawain ko’y ang ipangaral ang Ebanghelyo; hindi ko gawain ang maghusga ng tao.

Nakakapinsala ang ‘Darnel’, Pero Hinahayaang Manatili Para sa Isang Layunin

Sila ba’y nakakapinsala? Oo, nakakapinsala sila nang malaki sa church. Sa anong paraan sila nakakapinsala sa iglesia? Pansinin ang paraan kung paano sila nakakapinsala. Ito’y hindi sa anumang panlabas nilang ginagawa. Kung titingnan ninyo ang triguhan na may mga ‘darnel,’ may ginagawa bang anuman ang mga ‘darnel’ sa mga trigo? Kapwa sila naroroon sa triguhan pero hindi nila sinasaktan ang isa’t-isa. Masasabi ng mga ‘darnel’ na, “Wala naman akong ginawang anuman.” Tama iyan! Iyan ang buong problema.

Kaya, saan ginagawa ang pinsala? Sinasabi sa atin ng talinghaga: Ang pinsala ay ginagawa sa ilalim ng lupa, at hindi nakikita, sa pamamagitan ng mga ugat. Ang mga ugat ang sanhi ng pinsala. Bakit? Isa, inaalisan nila ng pagkain ang mga trigo. Kinukuha nila ang pagkaing magagamit sana ng mga trigo, at kaya, kahit papaano, napapabagal ang paglaki ng mga trigo. Maaari pa ngang magtagumpay ang ilan sa mga ugat na ito na sakalin ang ilang trigo, tulad ng nakita natin sa Talinghaga ng Manghahasik. Talagang nakakapinsala ang mga darnel na ito. Hinahadlangan nila ang pangkalahatang patotoo ng church. Dapat na mas lalong magliwanag ang church kaysa sa kung ano ito ngayon. Bakit hindi ito nagliliwanag? Tingnan ninyo ang church, ito’y puno ng mga darnel. Napakahirap magliwanag ng iglesya kapag may mga darnel sa loob nito.

Pero paano natin ito maaalis? Sinasabi ng talinghaga sa atin na, kung aalisin ang darnel, maaaring madamay pati ang trigo dahil nakabuhol ang mga ugat ng trigo sa ugat ng darnel. Napakalapit nila sa isa’t isa, na kung bubunutin ninyo ang isa, maaari ring madamay ang isa pa. Sa mismong pagtangkang tanggalin ang mga huwad na Cristiano mula sa church, maaaring mapinsala ninyo ang maraming tunay na Cristiano. Hindi ito ang nais ng Panginoon. Ayaw niyang mapinsala ni isa man sa mga tunay na Cristiano, sa mga disipulo. Mahalaga ang bawat isa sa kanila para sa kanya. Kaya ano ang magagawa natin? Wala tayong magagawa! Kailangang maghintay na lamang tayo sa Araw ng Paghuhukom. Kailangan nating antayin ang anihan kung saan ang Panginoon mismo ang maghihiwalay sa trigo’t darnel. Hanggang sa Araw na iyon, kailangan nating mag-antay.

Pero maaari kayong mainip at sabihing, “Oo, wala tayong magagawa rito, pero bakit di gumagawa ng paraan ang Diyos tungkol dito? Okey, nauunawaan ko na hindi natin maaalis ang mga darnel sa mga trigo. Mahirap para sa akin na kilalanin ang mga ito dahil ang ugat nila’y magkabuhol-buhol, maaaring masaktan ang trigo, at kung anu-ano pang dahilan. Kaya, bakit hindi gumagawa ang Diyos ng paraan tungkol dito? Bakit niya ito pinapabayaang mangyari? Bakit hindi niya tanggalin ang mga huwad na Cristianong ito? Bakit hindi niya linisin ang kanyang church upang ito’y mapasa-tamang kalagayan ngayon?” Oh, gaano natin inaasam-asam ito, ‘di ba?

Tulad ng mga disipulo, nais nating tumawag ng apoy mula sa langit. Nais nating sabihin, “Sunugin ang mga darnel na ito! May mga paraan pakitunguhan ang mga darnel. Siguro, pwedeng lumikha ang Diyos ng espesyal na uri ng surot, tapos darnel lang ang aatakihin ng surot na ito, hindi ang mga trigo. Narinig ninyo na ang tungkol sa digmaang biyolohika (biological warfare) laban sa ganitong uri ng mga peste, kaya, bakit hindi na lang siya lumikha ng isang uri ng surot? Ang ibig kong sabihin, di naman ito lagpas sa mga kakayahan ng Diyos, na lumikha ng surot na hahayo’t kakain ng lahat ng darnel at iiwanang buháy ang lahat ng trigo. Sa ganitong paraan, mapupuksa ang mga darnel at hindi na mabubunot ang mga trigo. Ganyan tayo mag-isip. Bakit niya iniiwan ang mga darnel doon? Parang wala siyang ginagawang anuman tungkol dito!

Pag-isipan ito sandali. Hindi kaya’y may layunin ang Diyos sa lahat ng ito? Anong layunin? Una, nakikita natin na ang darnel, sa katunayan, ay nagiging pagsubok sa mga trigo. Ano ba ang kailangang gawin ng trigo? Ang trigo, sa pakikibaka nito laban sa darnel, ay nagiging isang mas malakas na uri ng trigo. Ang pakikibaka upang manatiling-buháy ay may nakapagpapalakas na epekto. Madalas nating nakikita ang mga halimbawang ito: ang puno na lumalaki sa mga bundok, na hinahampas ng bawat uri ng malupit na hangin. Ito ang siyang palaging may matitibay na ugat. Malakas ito. Kaya nitong labanan ang sakit o salot. Kaya nitong labanan ang masungit na panahon. Pero ang mga puno sa mga nasisilungang lugar – kapag dumating ang di-inaasahang bagyo – ay natutumba dahil hindi nito kailanman natutunang ibaon nang malalim ang mga ugat nito sa mga bato. Para sa atin, hindi kasiya-siya ang mga pagsubok. Hindi natin gusto ang mga pagsubok. Ayaw natin ng mga paghihirap.

Hindi natin gustong subukan ng mga kapwa-Cristiano. Sinasabi natin na, “Handa akong tanggapin lahat ng ito mula sa mga di-Cristiano. Hayaang gawin sa akin ng mga di-Cristiano ang anumang nais nila, pero ayaw kong usigin ako ng mga taong tumatawag sa sarili nila bilang Cristiano.” Ngayon, kung nasundan ninyo ang turo sa Biblia hanggang dito, malalaman ninyo ito, mga kapatid. Sinasabi ko ito sa inyo, mga minamahal: malalaman ninyo na ang higit na magpapahirap at uusig sa inyo ay ang mga taong tumatawag sa kanilang sarili bilang mga Cristiano.

Ito palagi ang kaso sa nakalipas na mga siglo. Higit kayong magdurusa sa mga kamay ng mga tumatawag sa kanilang sarili na Cristiano. Nais kong sabihin sa inyo, mga minamahal na kapatid, tulad ng maraming beses ko nang nasabi dati-rati, unawaing mabuti ito. Unawain itong mabuti dahil hangga’t hindi ninyo ito nauunawaan, kayo’y maaaring bumagsak. Ito ang dahilan bakit sinabi sa atin ng Panginoong Jesus, “Kayo ay magkakaroon ng mga pagsubok. May mga darnel sa paligid ng trigo at walang katapusan nilang susubukan ang inyong pasensya. Maaari nila kayong sakalin kung hindi kayo maingat. Kaya ipailalim ang inyong mga ugat. Humugot nang malalim sa aking grasya dahil ang aking grasya ay sapat para sa inyo.”

Noong bagong Cristiano pa lang ako, muntik na akong bumagsak. Ilang buwan pa lang akong Cristiano nang makita ko ang pag-uugali ng ilang Cristiano. Alam nang marami sa inyo na hindi ko kailanman ninais na maging Cristiano dahil hindi ko nagustuhan ang asal ng mga Cristiano. Gaano karami ang may ganitong karanasan? Parati na lang akong nakakatagpo ng mga di-Cristiano na nagsasabing, “Ayokong makisalamuha sa mga Cristiano dahil nasusurâ ako sa nakikita ko sa kanila”? Buong nakikisimpatiya ako sa mga di-Cristiyanong ito dahil iyon mismo ang naramdaman ko noon. Di ko nais na maging Cristiano noon dahil nasusuya ako sa kanila. Ang pag-uugali nila’y mas masahol pa kaysa sa mga di-Cristiano. Hindi man lang sila kasing-buti ng mga di-Cristiano.

May kilala akong mga di-Cristiano na mas mabait kaysa sa mga Cristiano, na mas maunawain at mas mapagbigay kaysa sa mga Cristiano. Nakakasiguro ako na may kilala rin kayong mga di-Cristianong ganito. At kaya, hindi kataka-takang sinasabi ng mga di-Cristiano na, “Sino ang magnanais na maging Cristiano? Tingnan ang mga Cristianong ito.” Nakikisimpatiya ako nang buô sa kanila. Alam ko mismo kung ano ang kanilang nararamdaman. Hindi ko kailanman ginustong maging Cristiano dahil sa mga ganitong tao. Hanggang umpisa kong tiningnan si Jesus! Hindi ko na tiningnan ang mga Cristianong-kunô na mga ito. Tumingin ako kay Jesus. Sinabi kong, “Ah! Ngayon ay umpisa ko nang naunawaan.” Ang puso ko’y naakit sa kanya.

Matapos kong maging Cristiano, naging kasambahay ko ang isang Cristiano, isang matandang babae. Hay naku! Higit pa sa minsan, muntik na akong magdesisyong sumuko. Sapat na ang ganoong Cristianismo para sa akin. Ang taong ito’y 20-taon nang Cristiano. Dalawang buwan pa lamang akong Cristiano. Tingnan kung paano siya umaasal. Nakakahiya! Nag-isip ako nang ganito hanggang sa sinabi ng Panginoon, “Ituon mo ang iyong mata sa akin. Humugot ka ng iyong grasya mula sa akin.” “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo”. (2 Corinto 12:9) “Basta’t sumunod ka lang sa akin. May iba’t ibang uri ng tao sa church; huwag mo silang alalahanin! Ano ba ‘yon sa ’yo?” Tulad ito ng mga salitang sinabi niya kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.” (Juan 21:22) “Huwag mong pansinin kung anong mangyayari sa kanila o kung anong kanilang ginagawa.”

Alam kong mahirap para sa atin na isipin ito. Sinasabi ninyong, “Pero… pero, mas matagal na silang Cristiano kaysa sa akin. Hindi ba’t dapat maging halimbawa sila sa akin?” Oo, dapat nga, pero sa kasawiang palad, madalas ay hindi kayo magkakaroon ng halimbawa. Maaaring darnel sila, maaaring hindi. Maaaring sila’y trigo, pero napakahina at sakitin pa, o, maaaring sila’y darnel. Wala sa akin ang paghuhusga. Hindi ko alam. Gagawin ng Diyos ang paghihiwalay balang araw. Pero para sa akin, pananatilihin kong nakatuon ang aking mga mata kay Jesus.

Sa buong buhay-Cristiano ko, palagi akong may ganoong problema. Wala akong naging masyadong problema sa mga di-Cristiano. Nakaranas ako ng konting pag-uusig mula sa mga Komunista, pero wala ito kumpara sa mga problema na palaging mayroon tayo sa mga Cristiano – sa mga taong di-ginagawa ang kalooban ng Diyos, na di nabubuhay sa ilalim ng paghahari ng Diyos. Oo, sa tamang panahon, nakita ko na marami sa kanila’y darnel. Isa-isa silang tumalikod.

Tulad ng sinabi ni Juan, “Sila’y lumabas (mula) sa atin, ngunit sila’y hindi sa atin.” [1 Juan 2:19] Sila’y tumalikod. Dati-rati’y mga aktibong pinuno sila ng kabataan – dati-rati’y maiingay sila sa church, aktibo sa pagtatag nito at niyon – nasaan na sila ngayon? Wala! Malayo na sa Panginoon! Hindi na nga sila nagkukunwaring Cristiano pa rin, na mas mabuti para sa iglesia. Pero sa kasawiang palad, may ilan na tumatawag pa rin sa kanilang sarili na Cristiano kahit na hindi na sila nabubuhay na buong komited kay Cristo. Ang mga ito ang nagbibigay sa atin ng maraming sakit ng ulo. Kaya, pakatandaan ito.

Ang tanong kung gayon ay, “Bakit hindi na lamang silang lahat puksain ng Diyos?” Ah, hindi! May layunin ang Diyos. Sila ay naroroon – sinusubok nila tayo – pero salamat sa Diyos dahil ito’y upang matuto tayong mas palalimin pa ang ating mga ugat; upang mas buô tayong huhugot sa kanyang grasya, sa kanyang lakas; upang matuto tayong ituon ang ating paningin sa kanya na nag-akda at nagtatag, na nagpasakdal ng ating pananampalataya. Kaya, marahil ay hindi natin gusto ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Para sa atin, gusto nating alisin ang mga darnel, pero para sa Diyos, may layunin siya sa pag-iwan sa kanila.

Hindi Madadaig ang Layunin ng Diyos

Sinasagot nito, siyempre, ang kaparehong tanong: Bakit hindi pinigilan ng Diyos si Satanas sa paghasik niya ng mga darnel sa umpisa pa lang? Pareho rin ang sagot. Kahit hayaan niya si Satanas na maghasik ng darnel, o kahit na pagkatapos ihasik ni Satanas ang darnel ay puksain ng Diyos ang mga ito – alinman sa dalawa – pareho pa rin ang sagot. Ang fact ay hinahayaan niyang manatili ang mga darnel sa kanyang bukid sa kasalukuyang panahon.

Siyempre, maaaring hindi ito ang tamang kaisipang pang-agrikultura. Pero dito, hindi layunin ng Panginoong Jesus na magturo ng agrikultura; siya’y nagtuturo ng espirituwal na katotohanan. May duda akong sadyang maghahasik ang mga magsasaka ng darnel sa gitna ng triguhan para magkabunga ng matibay na uri ng trigo. At kaya, makikita na ang talinghaga ay hindi naririto para magturo ng katwirang pang-agrikultura. Ang mga talinghaga’y narito para turuan tayo ng espirituwal na katotohanan. Sa bukid, maaaring hindi nagaganap ang ganito, pero ganito ang nagaganap sa espirituwal na buhay.

Kaya, unawain natin ang isang bagay, kung nag-uumpisa tayong panghinaan ng loob. Kapag tinitingnan natin ang church ngayon, itanong natin, “Paano kaya magiging ilaw ng sanlibutan ang iglesiang ito? Anong pag-asa mayroon sa church na tulad nito – na puno ng mga taong mabababaw o maaaring di-tunay na mga Cristiano?” Nakakaramdam tayo ng panghihina ng loob. Huwag panghinaan ng loob! Ang Panginoon ay Panginoon ng anihan. Alam niya ang kanyang ginagawa. Huwag mag-alala tungkol sa anihan. Tutuparin niya ang kanyang layunin. At kaya, nakikita natin sa katapusan ng talinghagang ito ang fact na may isang malaking ani. Ang mga trigo ay tinipon at dinala sa kamalig at ang layunin ng Diyos ay naganap – hindi lamang kahit na may darnel, kundi, kung tutuusin, dahil sa darnel. Nakapagpabunga siya ng malakas at malusog na ani ng trigo.

Ngayon, para bagang upang idiin ang leksiyon nitong napakahalagang punto na nagpapatunay na ang layunin ng Diyos ay hindi kailanman magagapi, sakaling tayo’y pinanghihinaan ng loob, ibinigay niya ang kasunod na talinghaga, na sandali nating tatalakayin ngayon bago tayo magtapos.

Ang Talinghaga ng Binhí ng Mustasa – Ang Lakas ng Binhí

Ang kasunod na talinghaga ay tinatawag na ang Talinghaga tungkol sa Binhí ng Mustasa. Ito’y mismong sumunod upang bigyan tayo ng pampalakas ng loob na kinakailangan natin pagkatapos ng Talinghaga tungkol sa Darnel sa Triguhan. Dahil, kapag tinignan natin ang isang talinghagang tulad nito, tulad ng sinabi ko, maaari tayong panghinaan ng loob at sabihing, “Ano ang kinabukasan ng church kung ganitong halo-halo ang mga miyembro sa loob nito? Narito kung gayon ang tugon ng Panginoon sa Mateo 13:31-32.

Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid. Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa’t ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.

Ano’ng ibig sabihin ng lahat ng ito? Palaging nangungusap ang Panginoong Jesus gamit ang mga talinghaga, pero sa mga nakakaalam ng Salita ng Diyos, walang malaking problema ang pag-unawa sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang bukid.” Una, pansinin na muli, may talinghaga tayo na tungkol sa ‘binhí.’ Mahalagang mapansing maraming talinghaga tungkol sa ‘binhí’. Mayroon tayong Talinghaga ng Manghahasik, ng Talinghaga ng Binhing Tumutubo nang Tahimik [Marcos 4.26ss], ng Talinghaga ng mga Darnel sa Triguhan, at ngayo’y talinghaga ng isa pang binhí, ang Butil ng Mustasa. Pinili ang butil ng mustasa dahil ito ang pinakamaliit sa lahat ng binhí na inihahasik ng tao.

Ang huling katagang iyon ay napakahalaga. Kung nakapag-aral kayo ng konting botanika [karunungan ukol sa mga halaman], maaaring magmagaling kayo sa inyong isip at sabihing, “Aha! Teka muna! Ang butil ng mustasa ay maaaring napakaliit, pero hindi naman ito ang pinakamaliit na butil sa buong mundo.” Ah, okey, sabihin na nating may alam nga kayo ukol sa botanika, pero hindi iyon ang punto ng Panginoon. Ang butil ng mustasa ay hindi nga naman ang pinakamaliit na butil na mayroon sa mundo, pero iyon ang pinakamaliit na butil na itinatanim ng sinuman sa ‘Palestine.’ Iyon ang pinag-uusapan natin. Ito ang pinakamaliit na butil na itinatanim ng isang magsasaka. Hindi ito isang pahayag na ito ang pinakamaliit na butil sa mundo. May magsasabing, “Ah, mas maliit pa ang butil ng ‘poppy.’ Oo, pero di nagtatanim ang mga magsasaka sa Palestinya ng ‘poppy’ at hindi sila naninigarilyo ng ‘opium.’ At kaya, ang sabihing ang poppy seed ang pinakamaliit ay hindi ang punto ng talinghaga. Ang punto lang dito ay ito ang pinakamaliit na butil na itinatanim ng mga magsasakang Palestino.

Ang Kapangyarihan sa Loob ng Butil – Kamatayan, Muling-Pagkabuhay at Buhay

Ngunit ngayon, tumigil muna tayo sandali para pagmuni-munihan ang tungkol sa butil, dahil ngayo’y natanto na natin kung gaano karaming talinghaga kung saan ginamit ng Panginoon ang butil o binhi at may napakagaling na dahilan siya rito. Nais kong tumigil muna tayo sandali at pag-isipan ang butil. Ang binhi ay isang kahanga-hangang bagay! Lalo ninyong nauunawaan ang mga turo ng Panginoon tungkol sa binhi, mas lalo ninyong mauunawaan ang buong turo ng Kasulatan tungkol sa kaligtasan. Sa ibang salita, kung nais ninyong maunawaan ang turo ng Biblia ukol sa kaligtasan, kailangan ninyong maunawaan ang turo ng Panginoon ukol sa binhí.

Ngunit ngayon, tumigil muna tayo sandali para pagmuni-munihan ang tungkol sa butil, dahil ngayo’y natanto na natin kung gaano karaming talinghaga kung saan ginamit ng Panginoon ang butil o binhi at may napakagaling na dahilan siya rito. Nais kong tumigil muna tayo sandali at pag-isipan ang butil. Ang binhi ay isang kahanga-hangang bagay! Lalo ninyong nauunawaan ang mga turo ng Panginoon tungkol sa binhi, mas lalo ninyong mauunawaan ang buong turo ng Kasulatan tungkol sa kaligtasan. Sa ibang salita, kung nais ninyong maunawaan ang turo ng Biblia ukol sa kaligtasan, kailangan ninyong maunawaan ang turo ng Panginoon ukol sa binhí.

Ang butil o binhí ay inihahasik sa lupa; namamatay ito, tumutubo o sumisibol; sumasabog ang katawan nito at muling sumisibol! Kahanga-hanga! Isang larawan ng kamatayan, ng pagkalibing, ng kamatayan at muling-pagkabuhay! Kahanga-hanga ito. At kaya, literal na nagmumula ang bagong buhay sa pagkalibing, sa kamatayan at sa muling-pagkabuhay ng binhí. Kaya sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay tulad sa isang butil ng binhí...”. Maaaring ito’y napakaliit, kasingliit ng butil ng mustasa, pero ito’y inihahasik sa lupa; ito’y nawawala sa pananaw, ito’y inililibing sa lupa, ito’y namamatay at ito’y muling sumisibol sa isang bagong buhay! At kaya, sa katulad na paraan, ang Panginoon ay namatay at inilibing. Tila siya’y nawala. Nagwakas! Pero muli siyang bumangon sa bagong buhay. Kahanga-hanga iyon! Kaya, ang buong turo tungkol sa kaharian ng Diyos ay mismong naroroon.

Ngayon, ano’ng nangyayari? Kapag ito’y muling nabuhay, ito’y nagbubunga ng bagong binhí. Isang bagong uhay ng binhí ang manggagaling sa nag-iisang binhing iyon. Ito ang buong turo ng Panginoong Jesus sa Juan 12:24. Sinabi niyang, “Maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Pero kung ito’y mamamatay, ito’y magbubunga ng marami.” At kaya nagdala ito ng isang buong uhay ng bagong butil sa pagkamatay at pagkabuhay na muli. Sa katulad na paraan, ang pagkamatay at muling-pagkabuhay ng Panginoong Jesus ang nagbigay-bunga sa church, nagbigay-bunga sa atin. Ang nangyayari rito ay ibinabaon ang isang butil sa lupa at nagbubunga ng isang uhay ng bagong binhi – maging trigo o anupamang itinanim. Ang bagong mga binhing iyon ay muling inihahasik at muling nagbubunga ng panibagong ani. At kaya, ito’y nagpapatuloy nang ganito.

Si Cristo Jesus – Ang Unang Binhing Itinanim, Nagbigay-Buhay sa Marami

Ngunit pansinin ang isa pang bagay. Ang buhay na nasa mga bagong binhing ito ay ang buhay na galing sa unang binhí na namatay. Nakita ninyo ba ito? Sa parehong paraan, nakukuha natin ang buhay natin – ang bagong buhay – mula sa Panginoong Jesus na namatay at nagpasa ng bagong buhay na ito sa atin. Ang buhay na nasa bagong binhí ay naipapasa. Alam ninyo, ang butil ng trigo ay simpleng isang binhí. Iyon lang ‘yon. Kapag kumakain kayo ng trigo, ano’ng kinakain ninyo? Simpleng mga binhí o butil. Ang trigo mismo ay binhí. Kung hindi ninyo ito kinain ngunit inihasik sa lupa, ito’y muling tutubo at magbubunga ng isa pang uhay ng binhí. Kaya maaari ninyong piliin: ang kainin ang mga binhí o ang ihasik ang mga ito sa lupa. Ang ginagawa ng magsasaka ay ang kainin ang bahagi at ihasik naman ang isa pang bahagi.

Ang bawat trigo ay isa nang binhí. Iyan ay kahanga-hanga! Sa gayon, ipinapakita nito na ang bagong buhay natin ay nagmumula sa muling-pagkabuhay ni Cristo. Tayo’y nabubuhay dahil siya’y namatay at muling nabuhay. Ang buong teolohiya ng Biblia, ang buong turo ng Banal na Kasulatan, ay naroon sa binhí o butil na iyon.

Ngunit kung hihinto tayo roon, makakagawa tayo ng pagkakamali. Ano’ng mangyayari sa bagong binhing ito? Kumukuha ba siya ng buhay mula sa naunang binhí upang umupo na lamang at magpakasaya? Hindi! Ang bagong binhí ay muling inihahasik, at ito naman ang namamatay para magbunga. Ngayon, sa pagtuturo nila ng Ebanghelyo, maraming tao ang huminto sa unang punto. Nagkaroon tayo ng bagong buhay sa pamamagitan ng pagkamatay at muling-pagkabuhay ni Cristo. Ito’y totoo. Ngunit alam ba ninyo na tayo’y nagiging binhí na mamamatay at muling mabubuhay rin? Ang bahaging ito ang hindi nauunawaan ng mga tao. Kung titingnan ninyo ang sumunod na taludtod, sa Juan 12:25, makikita ninyo na ito’y tumutukoy sa mga Cristiano. Ang unang bahagi [b.24] ay tumutukoy sa Panginoong Jesus at ang sumunod na bersikulo, [b.25] ay tumutukoy sa mga Cristianong mamamatay at muling mabubuhay rin.

Naihahayag ito sa mga talinghaga ng Panginoon sa parehong paraan. Tingnan ang tatlong talinghaga tungkol sa binhí at makikita ninyo ang ibig kong sabihin. Kung tatalakayin ko ang mga ito nang pabalik, baka maging mas malinaw para sa inyo. Sa Talinghaga ng Butil ng Mustasa, na siyang butil na inihasik sa lupa, na namatay at muling nabuhay, ano’ng isinasalarawan nito? Ang butil ng mustasa ay kumakatawan kay Cristo mismo, ‘di ba? Dahil ang kaharian ng Diyos ay kinatawan mismo sa kanya. Heto ang kaharian ng Diyos. Dito, hindi inilalarawan ang kalagayan sa loob ng kaharian ng Diyos, kundi inilalarawan nito ang paglago ng kaharian mismo. Dito, ang Panginoong Jesus ang namamatay, at sa pamamagitan ng muling-pagkabuhay, ang kaharian ng Diyos ay nagiging reyalidad sa mundo.

Ngunit naaalala ba ninyo ang naunang talinghaga, ang Talinghaga ng mga Trigo at Darnel? Doo’y nakita natin na ang binhing inihasik ay ano? Sila ay ang mga Cristiano. Ang binhing inihasik ay ang mga anak ng Diyos, ang mga anak ng kaharian, tulad ng nakita natin sa Mateo 13:38. Umaasa ako na ngayo’y nakikita ninyo na ito. Ang bukid ay ang mundo at ang mabubuting binhí ay nangangahulugang ang mga anak ng kaharian. Sa madaling salita, nang binigyan tayo ng Panginoong Jesus ng bagong buhay – at ito ang kapana-panabik na turo ng Panginoong Jesus at ng Ebanghelyo – ipinapadala niya tayo sa mundo (tandaan: ang bukid ay ang mundo) kung saan tayo naman ay nagiging mga binhí. Tayo’y namamatay at muling nabubuhay, namumunga para sa Diyos. Ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus.

Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi niya ang mismong bagay na ito. Pagkatapos magsalita tungkol sa binhí sa Juan 12:24, sa sumunod na bersikulo [b.25], sinasabi niya na, “Ang umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan para sa buhay na walang hanggan.” Maraming Cristiano ang hindi nakakaunawa niyon. Kapag naunawaan ninyo ang turo ng Panginoon tungkol sa binhí, napakadali ninyo itong makukuha. Maliban sa kung kayo’y maging isang butil – maliban sa kung hahayo kayo sa mundo at mamumuhay para kay Cristo, at kung kinakailanga’y mamatay para kay Cristo – hindi mapapasainyo nang kabuuan ng kanyang buhay. Hindi kayo magkakaroon ng buhay niya. Kung susubukan ninyong iligtas ang inyong buhay sa pag-iwas sa kamatayan, mawawala ninyo ito. Kung may butil kayo ng trigo rito at isinantabi lang ninyo ito, walang mangyayaring anuman. Kung iiwanan ninyo ito nang may katagalan, ito’y aamagin at mamamatay. Subalit kung kukunin ninyo ito nang hindi na inaantay na amagin ito’t mamatay, o kainin ng mga insekto o uod, at inyo itong inihulog sa lupa, ito’y magbubunga ng buhay. Iyan ay napaka-kahanga-hanga!

Sa patuloy nating pagsisiyasat pabalik simula sa huli hangga’t sa una, sa Talinghaga ng Manghahasik, nakita natin na ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Kaya, mapapansin ninyo na sa bawat talinghaga, iba ang kinakatawan ng binhí. Sa unang talinghaga, ‘yong tungkol sa Manghahasik, ang binhí ay ang Salita ng Diyos. Sa Talinghaga ng mga Darnel sa Triguhan, ang binhí ay ang mga anak ng Diyos, ang mga anak ng kaharian. At ngayon, sa Talinghaga ng Butil ng Mustasa, ang binhí ay si Cristo mismo. Kaya, ang Salita ng Diyos ay inihasik sa aking puso at ako’y naging anak ng Diyos na ihahasik sa mundo. Kahanga-hanga ito! Napakaraming anggulo ng yaman at katotohanan ng Diyos, ngunit gayunman, ang lahat ay naibuod sa larawang ito ng binhí. Nauunawaan ba ninyo ang larawan, o nahihirapan ba kayong makuha ito? Basta’t pag-isipan ninyong mabuti ang larawan ng binhí.

Taglay ng Tunay na Cristiano ang Kawangis at Buhay ni Cristo

Ngayo’y balikan natin ang larawang ito at ipagpatuloy na pag-isipan ito. Ang binhí ay ang Panginoong Jesus sa Talinghaga ng Butil ng Mustasa. Ito’y namatay at nagbunga ng bagong binhí; sa kasong ito, isang buong ani ng butil ng mustasa. Ngayon, nakukuha ng bagong binhí ng mustasa ang kanyang buhay sa pagkamatay at muling-pagkabuhay ng naunang binhí, iyon ay, kay Cristo mismo. Pansinin ang isa pang bagay. Napakahalagang maunawaan ninyo na tinataglay ng isang tunay na Cristiano ang buhay ni Cristo. Hindi lamang ito pagtataglay ng anyo ng kabanalan. Hindi lamang ito ang pagkakaroon ng mabuting relihiyosong pag-uugali. Hindi lang ito ang pagiging mabait at ngumingiti sa lahat. Hindi lang ito ang pagsasabi ng tama, o ang alam kung paano ipanalangin ang Panalangin ng Panginoon o kahit anong uri ng panalangin. Hindi lang ito paggawa ng mga panlabas na mga bagay na ito, kundi ang pagkakaroon ng buhay ni Cristo sa inyo. Nasa sa inyo ba ang buhay ni Cristo? Ano ba ang buhay na iyon ni Cristo? Ito ay ang bago’t muling-pagkabuhay na ginawa ng Banal na Espiritu sa inyo. Iyan ang dahilan bakit kayo’y naging isang bagong nilalang, isang ‘new creation’. Iyan ang kahulugan ng pagiging tunay na Cristiano at ang hindi pagiging darnel.

Ngunit, pansinin ang isa pang bagay. Kung nasa inyo ang tunay na buhay ni Cristo, ano’ng mangyayari? Tingnan ninyo ang isang binhí at ang isa pang binhí. Ano ang nakikita ninyo? Ang bagong binhí ay kamukha ng orihinal na binhí, ‘di ba? Iyon ang kagandahan nito. Natataglay ng tunay na Cristiano ang kagandahan ni Cristo. At dahil sa ginagawa ng Banal na Espiritu sa kanya, nagiging katulad pa siya ni Cristo. Kung kayo’y isang tunay na Cristiano, matatagpuan ninyo na higit pa kayong nagiging katulad ni Cristo sa paraan ng inyong pag-iisip. Tulad ng nakita natin sa Komunyon, natututunan nating mag-isip nang gaya ng pag-iisip niya. Siya’y nabubuhay lang para sa iba. Natututunan nating mabuhay para sa iba at hindi lang para sa ating sarili. Nagiging katulad niya tayo sa lahat ng ating pag-uugali sa ating pagpapatuloy, sa kabanalan, sa pag-ibig, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Espiritu Santo sa ating mga puso ng pag-ibig ng Diyos, tulad ng sinabi ni Pablo sa Roma 5:5. Ito’y upang ang pag-uugali natin ay higit pang maging katulad niya. O tulad ng sinabi ni Apostol Pablo sa 2 Corinto 3:18, tayo “ay nababago mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sa kanyang larawan”. Natatamo ng tunay na Cristiano ang anyo ni Cristo. Dapat may taglay siyang kagandahan ni Cristo. Iyon ay napakahalaga.

Kayo ba’y tunay na Cristiano? Kung gayon, dapat na naihahayag ang anyo ni Cristo sa inyong buhay. At lalo pang nagiging katulad ninyo siya. Kapag naunawaan ninyo ang puntong ito, maiintindihan ninyo kung bakit masasabi ninyo ang “paghahasik sa mga anak ng Diyos sa mundo.” Tayo ang kumakatawan kay Cristo sa mundo. Tayo ang kanyang katawan sa mundo. Paano makikilala ng mundo si Cristo kung hindi nila nakikita si Cristo sa atin? Ang tunay na binhí ay kahawig ng orihinal na binhí. May pagkakahawig ba kayo kay Cristo? May pagkakahawig ba ako kay Cristo? Ang buhay ba ni Cristo ay makapangyarihang gumagawa sa akin? Ang aking pag-iisip ba’y nabago na upang ang aking pagkamakasarili ay natatanggal na at ako’y nagiging mas higit na kamukha niya? Doon ko lang malalaman kung ako’y isang trigo o hindi. Doon ko lamang malalaman kung ako’y isang butil ng mustasa o hindi. Anumang larawan ang gusto ninyo, pareho lang ito. Ito ang kahanga-hangang katotohanan ng Salita ng Diyos. Iyon ang dahilan bakit sinabi ko sa simula na ang buong turo tungkol sa kaligtasan, ang buong katotohanan ng Ebanghelyo, ay nakabuod sa binhí. At nais kong pag-isipan ninyo itong mabuti, pag-isipan ninyo nang mas maingat.

Kaya, nais kong itanim lang ninyo ito sa inyong isipan at itanong muli ito sa inyong sarili: “Ako ba’y isang tunay na binhí na nabuhay mula sa pagkamatay at muling-pagkabuhay ng unang binhí, iyon ay, si Cristo mismo? Ang buhay ng muling-pagkabuhay ba ni Cristo ay nasa sa akin? Ako’y ba’y nagiging higit na katulad niya sa aking pag-iisip at sa aking pag-uugali? Alam kong marami akong pagkakamali’t pagkukulang, ngunit ako ba’y nasa daan tungo sa pagbabago, tulad ng sinasabi ni Pablo sa [2 Corinto 3:18]: “mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian”? Maaaring ang antas ng inyong kaluwalhatian at ang antas ng aking kaluwalhatian na nagpapakita ng larawan ni Cristo ay napakalimitado pa sa yugtong ito, ngunit kahit papaano ay sumusulong tayo, umuunlad, habang hinuhubog tayo ng Banal na Espiritu sa larawan ni Cristo. Ito ay isang kahanga-hangang mensahe na ibinigay ng Panginoon sa atin sa mga talinghagang ito. Isang makapangyarihang mensahe ito. Ito’y isang mensahe ng buhay at pagbabago. Pahintulutan nawa ng Diyos na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanan nito sa ating sariling karanasan!

Katapusan ng mensahe.

¹ Ginamit ang iglesia para sa ‘church’ dahil ito’y hango sa salitang Griyego na “ekklesia”.

² Ginamit dito ang Ang Bagong Ang Biblia. Philippine Bible Society, 2001.

 

(c) 2021 Christian Disciples Church