Ang Talinghaga ng Perlas
Mateo 13:45-56
Mensaje ni Pastor Eric Chang
Halina’t simulan na nating eksaminin, gamit ang ‘exegesis’ o malalim na pagsisiyasat, kung ano’ng ibig sabihin ng talinghagang ito. Sa Mateo 13:45-56 mababasa:
"Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas; at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.1”
Sinasabi ng Panginoong Jesus na ang kaharian ng langit ay maikukumpara sa isang mangangalakal. Ang salitang ‘mangangalakal’ dito ay tumutukoy sa isang ‘businessman’, siyempre. Siya’y isang ‘wholesale dealer’; sa katunayan, isang may katanyagang ‘businessman’. Naghahanap siya ng mga perlas, magagandang perlas. Hindi siya naghahanap ng kahit na anong perlas, kundi ‘mamahaling perlas’, sabi dito. Sa pagkakatagpo niya ng isang perlas na malaking halaga, umalis siya’t ipinagbili lahat ng kanyang pag-aari. Tandaan, idiniin ko na siya’y mangangalakal na may katanyagan; ibig sabihin, marami siyang maibebenta; marami siyang ari-arian. Ibinenta niya ang lahat ng meron siya, na nagbibigay indikasyon sa atin sa halaga ng perlas na iyon, at ito’y binili niya.
Intindihin ang Halaga ng Perlas
Ano’ng gustong sabihin sa atin ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng magandang talinghagang ito? Hayaang sabihin ko sa inyo mula sa simula pa lang ang isang bagay tungkol sa mga perlas. Marahil wala ni isa man sa atin dito ang dakilang eksperto sa mga perlas. Ang isang ‘gemologist’, ang eksperto sa mga hiyás, sa ‘gems’, ay kayang magsabi sa atin ang tungkol sa mga perlas. Pero kung maglalagay kayo ng mga perlas sa harapan ko, ikinakahiya kong sabihin na hindi ko malalaman ang kaibhan ng isa sa isa pa.
Kung maglalagay kayo ng perlas na plastik, na pinakintab nang husto, o isang perlas na gawa sa asukal, o isang ‘cultured’ na perlas, o isang tunay (genuine) na perlas sa harap ko, masasabi kong hindi ko siguro malalaman ang kaibhan ng isa sa isa pa. Marahil, masasabi kong alin ang perlas gawa sa asukal sa pagtikim nito. Di ko sigurado paano makikita ang pagkakaiba ng pinakintab na perlas na plastik sa tunay, dahil napaka-advanced na ng teknolohiya ng ‘plastic’ ngayon, di ninyo sila mapag-iiba. Sa pagitan siguro ng ‘cultured pearl’ at ‘genuine pearl’ prangkahan kong aaminin na wala akong ideya mapag-iba sila. At kaya, heto ang isang bagay na dapat nating isaisip. Napakalaking halaga ng mga perlas, pero kailangan ninyong maging eksperto para mapag-iba sila mula sa isa’t isa.
Sa ngayon, merong mga babaeng nagsusuot ng buong kwintas na perlas. Magagandang tingnan ang mga ito, pero sa palagay ko, ang ilan sa mga ito’y maaaring nabili sa halagang ilang dolyar lang, samantalang ang iba nama’y gumastos ng libu-libong dolyar. Prangkahan kong sasabihin na di ko masasabi ang alin sa alin. Di ko mapag-iiba ang mga ito. Hindi ako eksperto sa perlas. Di ko alam kung anong dapat kong gawin upang malaman kung ang isang perlas ay tunay o hindi. Kakagatin ba ito o ilalagay sa ilalim ng mikroskopyo o lenteng pampalaki, o ano? Wala sa alinman dito ang makakatulong sa akin, kasi di ko naman alam anong hinahanap ko. Pero itong taong ito, may kaalaman siya; alam niya kung ano ang perlas! Nawa’y sa espirituwal na larangan man lang, alam ko kung ano ang perlas; na mapag-iiba ko ang mga ito. Sa kasawiang palad, sa larangan ng mga pisikal na perlas, di ako eksperto.
Pero siyempre sa mga araw na iyon, sa mga araw ng Panginoong Jesus, wala silang mga plastic, kaya’t di sila makakagawa ng perlas na plastiko. Wala rin silang kinultibang perlas, gaya ng mga ginagawa ng mga Hapon na nakakagawa ng mga ito sa pamamagitan ng paglalagay ng buhangin sa kabibi at pagpipilit sa mga ito na makagawa ng kahit papaano’y perlas. Sa mga araw ng Panginoong Jesus, kinailangan nilang maghanap ng tunay ng perlas. Ang mga ito’y ginagawa sa Red Sea, sa Persian Gulf, at sa Indian Ocean. At masasabi ko sa inyo, napakaraming pating sa Red Sea! At kaya, ibig sabihin, ang isang maninisid ay kailangang bumaba roon, sa may kalaliman, na may malaking pagtataya ng buhay.
Di ako sigurado paano nila nailalayo ang kanilang sarili sa mga pating noong mga araw na iyon. Nadaanan ko na ang Red Sea at masasabi ko sa inyo ito: magtapon kayo ng isang pirasong karne sa Pulang Dagat at ilang minuto lang, hitik na ang buong lugar sa mga pating. Nakita na ito ng sarili kong mga mata. At, sa mga araw na iyon, tandaan na ang mga maninisid ay di bumababa roon na may oxygen tanks at mga kagamitang sopistikada. Kinailangan nilang pigilin ang kanilang hininga, mag-dive, bumaba at maghanap ng perlas. Sa lahat ng oras na iyon, habang naghahanap ng mga kabibi at inaakyat ang mga ito, kinailangan din nilang magmatyag na di sila makain ng mga pating!
Siyempre, kahit na di tayo mga eksperto, alam natin na ang mga perlas ay may iba’t ibang kulay at laki. May mga perlas na medyo pink, ang iba’y may pagka-asul, ang iba’y puting-puti, ang ila’y may kaliitan, at ang iba’y malalaki. Depende sa kulay, sa laki, sa hugis at sa pagiging walang-pintas nito, iyon ay, kung ang perlas ay walang pintas, ito’y bilog na bilog, at may kalakihan, gayon lang ito maituturing na may malaking halaga.
Mababasa natin noon sa sinaunang panahon, malapit sa mga araw ng Panginoong Jesus, na nagbigay si Caesar ng perlas sa nanay ng isang kaibigan niya, isang perlas na nagkakahalaga ng ika-apat na bahagi ng isang milyong dolyar. Isang perlas na nagkakahalaga ng ikaapat ng isang milyon! Wow! Hindi ko alam kung saan ko isusuot ang perlas na ito. Ni hindi ko alam anong gagawin ko rito. Pero iyon ay hindi pa rin ang pinakamalaking halagang perlas. Ayon sa sinaunang historian na si Pliny the Elder (si Gaius Plinius Secundus), meron daw si Cleopatra ng isang perlas na, sa mga araw ngayon, ay nagkakahalagang limang milyong dolyar. Hmm, siguro nga masasabi nating iyon ang mga bagay na ninais ni Cleopatra. Pero kung ang isang perlas ay nagkakahalaga ng 5 milyong dolyar, napakalaki siguro nito, maganda, at perpektong perlas. Kaya, binibigyan tayo nito ng ideya kung gaano kahalaga ang mga perlas noon. Isang perlas na may sakdal na kagandahan, na malaki-laki, na may magandang kulay, tingkad at kining ay may napakalaking halaga!
At kaya, kapag naintindihan na natin ang halaga ng perlas, makikita natin na, sa diwang ito, maaaring mas mahalaga ang perlas kaysa sa nakatagong nawalang kayamanan. Ito’y dahil natatandaan natin na sa pagkakataong ito, sinasabi sa atin ng Panginoon na ito’y isang mangangalakal, isang malaking businessman na may wholesale na business, na naghahanap ng magagandang perlas. Malinaw na hindi ito ang unang beses na nangalakal siya sa perlas dahil siya’y naghahanap ng magagandang perlas. Pero nadiskubre niya ang isang kakaiba’t katangi-tanging perlas, na kinailangang i-give up niya ang lahat ng iba pang perlas na taglay niya. Kinailangan niyang i-give up ang kabuuan ng kanyang mga ari-arian – ang yate niya, ang bahay niya, ang kotse niya; nagsasalita na ako ukol sa modernong panahon ngayon – upang mabili ang kaisa-isang perlas na ito, na marahil ay nagkakahalagang 5 milyong dolyar. Siguradong malaking businessman siya; paano niya maa-afford ang isang perlas na ganito? Binili niya ang perlas na may napakalaking halaga.
At ngayon, naggugol ako ng panahon dito upang di ninyo isipin na ang pinag-uusapan natin ay ilang Kyoto cultured pearl, pero ang pinag-uusapan natin ay ang mga perlas na may-kalakihang halaga, katangi-tangi at kakaiba. Sa mga araw na ito, sigurado akong maaari kayong pumunta sa isang alahero at marahil, para sa isang daang dolyar, ay makakabili na kayo ng isang magandang perlas, isang cultured pearl. Pero pinag-uusapan natin ang perlas na may malaking halaga – napakalaking halaga – at hindi kahit na anong uri ng perlas. At ang perlas na ito’y nagkakahalaga ng lahat ng meron ang taong ito!
Ano’ng Nirerepresenta ng Perlas
Ano, kung gayon, ang nirerepresenta ng perlas na ito sa katuruan ng Panginoon? Paano natin mauunawaan kung ano’ng gusto ng Panginoon na maintindihan natin sa katuruang ito? Nais kong sabihin sa inyo muli na ang pagbibigay-kahulugan (expounding) sa Biblia ay hindi panghuhula. Hindi ito isang bagay na hahayaan na lang ang bawat isa na sabihin kung ano’ng unang bagay na papasok sa kanilang isip. Kailangan ito, kung ito’y magiging responsableng pagbibigay-kahulugan sa Biblia, ay isang bagay na may maingat at masusing pagche-check ng mga cross-references (mga reperensyang nag-uugnay-ugnay).
Hindi tayo iniiwan sa dilim dahil nakikita natin talaga kung paano ginagamit ito ng Panginoon. Ginagamit niya ang salitang ‘perlas’ nang dalawang beses. Ito ang ikalawang beses, sa Mateo 13; ang unang beses ay sa Mateo 7:6. Sinasabi ng Panginoong Jesus doon,
“Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.”
May ilang bagay ang lumilitaw kapag sinimulan ninyo siyasatin ang siping ito.
1. Nirerepresenta ng Perlas ang Isang Bagay na Banal
Una, pansinin ang Biblikal na prinsipyo ng parallelism o paghahanay ng dalawang bagay. Parallels! Ang salitang ‘perlas’ ay nakahanay sa salitang “ang mga banal na bagay”. “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy...”. Masdan: ang ‘banal’ at ‘perlas’ ay magkahanay; ang ‘aso’ at ‘baboy’ ay magkahanay. Ito’y isang kilalang-kilalang Biblikal na paraan ng pananalita kung saan ang parehong bagay ay sinasambit sa pormang nakahanay, naka-parallel. Makikita ninyong iyan ay kumon sa Kawikaan at madalas sa Mga Awit. Binibigyan tayo nito agad ng clue na kapag nagsasalita ang Panginoong Jesus ukol sa mga perlas, iniisip niya ang isang bagay na banal.
2. Ang Halaga ng Perlas ay Dapat i-Discern o Alamin
Ang ikalawang bagay ay ‘ang mga banal’ ay dapat alamin o i-discern, gaya ng kung ano ang perlas – ano ang halaga ng isang perlas – ay dapat i-discern o alamin. Pansinin, hindi ma-appreciate ng mga aso ang kaibhan sa pagitan ng anong banal at di-banal. Di nauunawaan ng mga aso ang kaibahan ng banal at di-banal. At kaya, sinabi ng Panginoon na, “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay”. Hindi nauunawaan ng mga aso kung ano ang banal.
Ngayon, huwag ibigay ang mga perlas sa mga baboy, dahil hindi nila nauunawaan ang halaga ng mga perlas. Sa katunayan, kung bibigyan ninyo sila ng perlas, pansining baka tumalikód sila’t atakihin kayo matapos tapak-tapakan ang mga perlas. Bakit? Kasi di masarap ang mga perlas; ang mga baboy ay interesado sa pagkain lang. Ibig kong sabihin, kung bibigyan ninyo sila ng kanin, magugustuhan nila iyon dahil alam nilang masarap ang kanin. Pero kung bibigyan ninyo sila ng perlas, na nagkakahalaga ng daan-daang libong beses kaysa sa isang butil ng bigas, aatakihin nila kayo dahil ramdam nilang niloloko ninyo sila: “Gusto namin ng kanin at binigyan mo kami ng perlas. Dinaraya ninyo ako. Di ko makain ang perlas!”
Kita ninyo, di nila nalalaman ang halaga ng perlas. Di nila alam na kung kinuha ninyo ang isang perlas at ibenta ito, makakabili kayo ng isang buong kwarto ng bigas, maaaring ilang bahay na punô ng bigas. At kaya, ang tinutukoy rito ay: ang perlas, gaya ng kung anong banal, ay dapat ma-discern, malaman ang kaibhan. Dapat maintindihan ang halaga nito. Ito ang nagbibigay sa atin ng mga clue na kailangan natin. Natatanto natin agad na ang perlas na tinutukoy, sa mismong lengguwahe ng Panginoon, ay nagrerepresenta ng isang bagay na unang-una’y banal, at dahil ito’y banal, siyempre, ito’y tumutukoy sa bagay na espirituwal. Malinaw iyon. Pangalawa, ang espirituwal ay dapat ma-discern, malaman ang kaibhan.
Sinasabi ni Apostol Pablo sa 1Corinto 2:14ss na ang mga espirituwal na bagay ay dapat i-discern sa espirituwal na paraan. Ang aso’t baboy ay walang espirituwal na discernment, at kaya, di nila alam na ang bagay na ito’y banal. Pero ang di-Cristiano’y maaaring di rin alam o di-nauunawaan kung anong banal, espiritwal, dahil di niya taglay ang spiritual discernment. Iyon mismo ang punto na sinasabi ni Pablo sa 1Corinto Capitulo 2. At kaya, mula sa lahat ng ito, simula na nating naiintindihan na, sa turo ng Panginoon, ang perlas ay larawan ng kung ano’ng banal at espirituwal, at ang espirituwal na tao lamang – o sinumang may taglay ng spiritual discernment kahit paano – ang siyang makaka-discern. Ngayon, ano kaya iyon?
3. Ang Perlas ay Isang Bagay na Pwede Nating Gawing Atin
Ang pangatlong bagay na mapapansin sa siping ito sa Mateo 7:6 ay pinag-uusapan niya ang “inyong perlas”. Ang mga perlas na ito’y pwede nating gawing sariling atin, na kaya nating gawing pag-aari natin. “...at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy.” At kaya, ang espirituwal na bagay na ito, ang banal na bagay na ito, ay kaya nating makamtan, na kaya nating maging atin. Binibigyan tayo nito ng maraming clue. Kaya, ano kaya iyon?
Para sa susunod na hakbang ng pagbubunyag o eksposisyon, kailangan nating bumalik sa Lumang Tipan upang makita kung may ganoong bagay. Ano kaya iyon? Kung titingin tayo sa Kawikaan 3:13-15, simula nating makikita ang isang bagay ukol dito. Sa b.13 mababasa natin:
Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.
Pansinin ang mga salitang ‘nakakasumpong’ at ‘nagtatamo’. Ang nahanap niya’y ‘wisdom’ o karunungan, kaunawaan – espiritwal na karunungan at espiritwal na kaunawaan. Sinasabi sa bs. 14-15:
Sapagkat ang pakinabang rito kaysa pilak ay mas mainam, at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay. Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya.
Ang tinutukoy na ‘siya’ rito ay ang karunungan (na nabasa natin sa b.13), iyon ay, mas mahalaga ang karunungan o ‘wisdom’.
4. Isang Bagay na Mas Mahalaga sa Ginto’t Pilak
Sa ibang salita, sa Kawikaan sinasabi na ang espirituwal na karunungan o ‘wisdom’, espirituwal na pang-unawa o ‘understanding’ ay mas mahalaga kaysa sa mga alahas. Mas mahalaga ito kaysa sa anumang pwede ninyong naisin. May reperensya na tayo sa mga alahas ngayon: “mas mahalaga kaysa sa ginto”, “mas mahalaga kaysa sa mga alahas.” Ito’y ang pinakamahalaga sa lahat. Bakit? Ito’y dahil sa patuloy na pagbabasa sa Kawikaan, maiintindihan ninyong sa pamamagitan ng karunungan ay makikilala ninyo ang Diyos. Sa pamamagitan ng wisdom’ kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan sa Diyos. Di kataka-taka na ang karunungan ay napakahalaga!
Kung titingnan natin sa Job 28:12, makakatagpo tayo ng isang bagay na parehong-pareho roon. Nawa’y napansin ninyo na ang mga salitang nabanggit na natin: ‘karunungan’, ‘kaunawaan’. Ito ang mga salita roon. At nakita natin na iyon mismo ang nirerepresenta ng perlas. Ito’y isang bagay na kailangang maintindihan sa espirituwal na paraan. Ito’y banal dahil dinadala tayo nito sa Diyos. At natatagpuan natin na iyon ang sinasabi ng Kawikaan ukol sa karunungan – espirituwal na karungungan.
Sa Job 28:12, mababasa natin ito:
“Ngunit saan matatagpuan ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
Pansinin muli na may naghahanap ng karunungan gaya ng may naghahanap ng magagandang perlas, na nagpapaalala sa atin agad nitong Talinghaga ng Perlas. Marahil, masasabi ninyo na ito ang kaisipan na umiiral sa isip ng mangangalakal. Sinasabi niya, “Saan ako makakatagpo ng magagandang perlas?” Ito ang tanong ni Job, “Ngunit saan matatagpuan ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?” Pansinin ang karunungan, o kaunawaan dito, iyon ay, ang espirituwal na karunungan o kaunawaan.
Mababasa sa b13:
Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon, at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buhay.
Ang espirituwal na karunungan na ito ay hindi matatagpuan sa mundo. Sa bb.14-15 naman, mababasa:
Sinasabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin,’ at sinasabi ng dagat, ‘Hindi ko kapiling.’ Hindi ito mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito.
Muli, nakikita ninyo ang paghahambing ng ginto at pilak at mga alahas. Sa b.16 sinasabi,
Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.
Ang ginto ng Ofir ay ang pinakamahalaga, ang pinakamataas na kalidad na ginto, samantalang ang onix at zafiro, siyempre, ay mahahalagang bato, mga alahas.
Sa bb.17-18, sinasabi:
Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay, ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay. Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal; higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan.
Pansining narito ang salitang ‘perlas’. At nagpapatuloy ito sa b19,
Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay, ni mahahalagahan man sa gintong lantay.
Ang topacio ay isa pang mahalagang bato. At sa b20 mababasa:
Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan?
Ang Salita ng Diyos ay Kung Saan Matatagpuan ang Karunungan at Kaunawaan
Heto ang isang mangangalakal na naghahanap ng espirituwal na mga alahas. Sinasabi ng Panginoong Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahanap, nagsisiyasat, naghahangad para sa karunungang walang-hanggan, kaunawaang eternal, na nagtutungo sa daan ng buhay na walang hanggan sa Diyos. At kaya, kung gayon, saan natin ito mahahanap? Ang Lumang Tipan ay di nawawalan ng kasagutan.
Sa Awit 19:7, matatagpuan natin ang sagot sa tanong na ito. Hanggang dito, meron tayong mga tanong na walang kasagutan. Ngayon meron na tayong sagot. Sa Awit 19:7-10, saan kung gayon natin matatagpuan ang karunungang ito at ang kaunawaang ito? Siyempre, sa Salita ng Diyos! Doon ninyo ito mahahanap: sa Salita ng Diyos, na dito’y tinutukoy bilang “kautusan ng PANGINOON”, ni Yahweh2, ang mga batas ni Yahweh, ang utos ni Yahweh, atbp. Ang mga ito’y mga iba-ibang mga salita para sa Salita ng Diyos.
Mababasa sa Awit 19:7:
“Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal”.
Tandaan ang salitang ‘sakdal’ – bilog na bilog, walang dungis, walang bahid ng dumi, gaya ng isang sakdal na perlas, na walang marka, walang dungis, walang taglay na kamalian. Ituloy natin ang pagbabasa:
“Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa; ang patotoo ng Panginoon ay tiyak, na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.”
Ang ibig sabihin ng “nagpapanauli ng kaluluwa” ay nagbibigay buhay sa kaluluwa. Pansinin ang salitang ‘karunungan’; ang karunungan ay pumapasok dito bilang: “nagpapatalino”.
At sa bb.8-10a, sinasabi na:
“Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso; ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata. Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailanman: ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo at lubos na makatuwiran. Higit na dapat silang naisin kaysa ginto, lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto; higit ding matamis kaysa pulot at sa pulot-pukyutang tumutulo. Higit na dapat silang naisin kaysa ginto, lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto”.
“Ang mga tuntunin ng Panginoon ay ... nagpapagalak sa puso”. Tandaang may galak nang matagpuan ang perlas na may malaking halaga. Ang maraming dalisay na ginto ay di makukumpara sa Salita ng Diyos.
At kaya, ang perlas, nakikita na natin sa pagte-trace natin ng exegesis o pagbubunyag nito sa kalawakan ng Iskriptura, ay pinantutukoy ang Salita ng Diyos. Ngayon ay nauunawaan na natin: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy”. Ang mensahe kung gayon ay ito: ang Salita ng Diyos ay isang bagay na napakahalaga sa mga taong naghahanap nito, pero para sa mga ayaw nito, huwag pilitin itong ipasok sa kanilang lalamunan. Hindi sila magpapasalamat. Sa katunayan, humihingi lang kayo ng hostilidad na walang benepisyo sa inyo o sa kanila. Huwag na huwag ipilit ang Salita ng Diyos – ang napaka-precious na Salita ng Diyos na iyon – sa mga lalamunan na ayaw nito.
Ngayon, simula na nating nakikita na ang mga perlas, sa katuruan ng Panginoong Jesus sa Mateo 7:6, ay tumutukoy sa turo ng Diyos, sa Salita ng Diyos. Ito’y banal, na nauunawaan sa espirituwal na paraan, at maaari natin itong maging ating pag-aari, maaaring tipunin ang Salita ng Diyos sa ating puso. Gaya ng sinabi ni Pablo sa mga taga-Colosas, “Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan”. [Col 3:16] Taglay natin ang Salita niya sa atin. Pag-aari natin ang Salitang iyon para sa ating sarili. Ito’y napaka-mahalagang-mahalaga.
Ang Espirituwal na Karunungan at Kaunawaan ay Matatagpuan Lahat Kay Jesus
Pero hindi pa tayo tapos sa ating pag-unawa sa perlas. Ito’y dahil simula nating natatanto, gaya ng nakita natin sa mga naunang talinghaga, ang Talinghaga ng Binhi at ng Manghahasik, na ang Salita ng Diyos ay, sa katunayan, nasa katauhan ng isang tao, na si Jesus. Ang salita ng Diyos ay nasabi, nai-express sa pamamagitan ni Jesus. Si Jesus ay ang kaisa-isa kung kanino ninyo matatagpuan ang lahat ng espirituwal na karunungan at kaunawaan at kaalaman. Siya ang perlas na may malaking halaga!
Ngayon, doon mismo pumapasok ang Colosas 2:3, dahil iyon ang natatagpuan natin. Pinag-uusapan natin ang karunungan, kaunawaan at kaalaman, natatagpuan natin ang lahat ng espirituwal na karunungan, espirituwal na kaalaman kay Jesus. Sinasabi sa Col 2:3 na ang lahat ng ‘wisdom’, lahat ng kayamanan ng Diyos, ang mga kayamanan ng karunungan at kaunawaan o kaalaman ay natatago o naiipon – ang salitang ‘itago’ ay madalas na ibig-sabihin ay naiipon – kay Cristo. Nauunawaan na natin ngayon na si Jesus ay ang perlas na may malaking halaga.
Kung gayon, nakikita natin na habang sinusundan natin ang proseso ng ‘exegesis’ o pagbubunyag, hindi tayo sumusunod sa kahit na anumang panghuhula. Nakikita natin na ang Eskriptura ay nagbibigay sa atin ng step-by-step na clues upang maintindihan ano’ng ibig sabihin nito. Kailangan natin itong sundan step-by-step hanggang maunawaan na natin ang mensahe. At kaya, yun pala, si Jesus ang perlas na may dakilang halaga, na may di-mapapantayang halaga.
Ang susunod na bagay na dapat nating mapansin dito ay ang pagiging ibang-iba ng perlas na ito, ang uniqueness nito. Hindi ito isang perlas sa gitna ng maraming perlas. Si Jesus ay ang perlas na walang makakakumpara. Walang makakakumpara sa kanya. Sinasabi rito, “isang mamahaling perlas”. Binibigyan-diin ng pagiging kaisa-isa nito, ang pagiging ‘unique’ o katangi-tangi ng perlas na ito. Hindi ibig-sabihin nito na maraming perlas na ganito sa mundong ito. May isang perlas na may kalakhang halaga.
Ang salitang ito’y nagpapaalala sa akin nang husto sa Lucas 10:41, kung saan sinasabi ng Panginoong Jesus kay Marta,
“Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay; subalit isang bagay ang kailangan.”
Hindi maraming maraming bagay, kundi isang bagay lang ang kailangan. Alam ninyo, kailangang maging napaka-concentrated ng ating mga buhay. Iniisip ko kung ang buhay ninyo ay concentrated o nakatuon sa isang bagay, o kung ito’y scattered o kalát-kalát. Maraming tao na namumuhay sa kalát-kalát ng buhay. Ang kalát na buhay ay walang klarong pinatutunguhan o direksyon. Ngunit ang taong ito – alam niya kung anong hinahanap niya. Hinanap niya ito, natagpuan at binili ito – ang perlas na iyon na nagkahalaga ng lahat ng meron siya.
Ngayon, sasabihin ninyo sa inyong isipan, wais bang mawala ang lahat para sa isang perlas lang? Bakit hindi na lang piliin ang isang katerbang mumurahing perlas, na lahat naman ay maganda? Magkaroon ng koleksyon ng mas mumurang perlas at mapapanatili ninyo pa ang inyong kotse, inyong bahay, inyong sinasakang lupa, inyong business, at anuman. Okey, hindi masyadong mahahalaga ang mga perlas na ito, pero pwede na. Hindi ba’t ito ang kaisipan na taglay ng maraming tao? Hindi pa natin nauunawaan ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Maraming kang pag-aari. Marami kang pinagkakaabalahan, ngunit isang bagay lang ang kinakailangan sa buhay na ito. Mag-concentrate sa iisang bagay.”
Konsentrasyon at Perperksyon
Isipin ninyo ito. Sa anumang mapag-uusapan, ang taong sumusubok na gawin ang maraming bagay ay walang nagagawang napakagaling. Ngunit ang taong magaling sa maraming bagay, na natututong mag-concentrate at maging magaling sa iisang bagay, ay magkakaroon ng breakthrough o kawagian balang araw. Natagpuan kong nag-a-apply ang paraang ito kahit saan, sa anumang mapag-uusapan. Kung nais ninyong maging magaling sa anuman, kailangan ninyong mag-concentrate sa iisang bagay.
Kumuha ng isang di-kahalagahang halimbawa. Dati-rati’y nag-aaral ako ng judo. Alam ng marami sa inyo na sa judo, maraming klaseng hawak, upang magbalibag sa binti, sa balakang, o sa balikat, o sa iba pang bahagi ng katawan. Ngayon, ang tanong ko, tulad ng napagmuni-munihan ko sa bagay na ito – dahil ako’y isang klase ng tao na gustong isipin ang lahat ng bagay nang mabuti; hindi ako basta hahayo’t gagawa ng isang aksyon; gusto kong mag-isip – paano ako magiging magaling sa anumang bagay? At kaya, naisip ko sa aking sarili na napakaraming paghahawak, pagbabalibag, pagkikilos. Paano ba talaga magiging magaling sa judo? Dapat ko bang perpektuhin ang bawat partikular na balibag? Napagtanto ko: kung mama-master ko ang isang pagbabalibag sa sakdalan nito, hindi ako basta-basta matatalo. Nagdesisyon akong i-test ang prinsipyong ito.
At kaya, minaster ko ang isang balibag, ang ‘shoulder throw’ o ang pagbalibag mula sa balikat, kung saan kukunin ninyo ang isang tao sa braso at isi-swing ninyo siya paikot at itatapon ninyo sa ibabaw ng inyong balikat, na isang nakakapanghinang balibag, siyempre. Ito ang isang dahilan kaya ito napili. Ito’y dahil sa pagbaba ninyo mula sa balibag na iyon, hindi kayo basta-basta makakabangon, hindi agad-agad kahit papaano, maliban na lang kung kayo’y isang eksperto sa judo.
Naisip ko na ang pagtalisod na balibag, kung saan ibabalibag ninyo ang isang tao sa pagtisod sa kanya, mapapatumba ninyo siya pero tatayo siya sa susunod na segundo’t aatakihin kayo muli. Hindi iyon maganda. Kung ibabalibag ninyo siya mula sa inyong balakang, na mas mataas, pero di ganoong kataas, ay hindi pa rin ninyo siya nagagawan ng pagpapahirap-bumangon muli. Di ba’t ang self-defense ay ginagamit upang mapawalang-malay ang isang tao, at hindi upang gugulin ang buong araw sa pagbubuno laban sa kanya?
At kaya, naisip kong ang pinaka-epektibong balibag ay ang shoulder throw. Epektibo rin ito dahil ang karamihan sa ibang mga balibag ay nagdedepende sa inyong paghawak sa kanyang damit. Sakaling isang mainit na araw iyon at ang suot niya’y isang manipis na polo, ano mismo ang inyong hahawakan? Ibig sabihin, kakapit kayo sa kanyang polo at sa huli’y hawak ninyo ang polo lang niya sa inyong kamay? Balewala iyon! Ang shoulder throw, natanto ko, ay may malaking advantage – kaya ko ito pinili – na hindi ninyo kailangang hawakan ang damit niya. Hahawakan ninyo lang siya sa kanyang pulsó (wrist) o bisig (forearm); iyon lang ang kailangan ninyo. Ibig sabihin, isang balibag lang – hawakan ninyo ang kanyang wrist at sa susunod na segundo, lilipad na siya. Siya’y nawala na dahil lumipad na. Siyempre, babagsak siyang parang bumagsak na eroplano, sa kabilang dulo.
At kaya, nalaman ko na ayos lang sa akin ito. At naggugol ako ng maraming oras sa pagperpekto ng balibag na ito. Bawat kilos, pinag-isipan ko nang detalyado: paano gumalaw, paano gumalaw kung gagawa ng hakbang ang kalaban, ano’ng gagawin ko. Naplano ko ito hanggang maging perpekto, kung kaya’t naging magaling ako sa isang partikular na balibag. Alam ko ang lahat ng iba pang balibag, pero ang mismong balibag na ito, na-master ko hanggang sa kasakdalan.
Dumating ang araw kung saan handa na akong subukan ito. Gusto kong subukan ito, siyempre, hindi sa isang taong nasa parehong antas ko lang. Gusto kong subukan ito sa isang eksperto – sa isang tunay na judo expert – upang makita kung kaya ko siyang ibalibag o hindi, upang malaman kung ang galaw na ito ay na-perfect ko na hanggang pwede ko nang labanan ang pinakamagaling. At kaya, noong dumating ang aking guro, na siyempre’y isang malaking tao – 6’, black belter, maskuladong maskulado, na kapag ikinumpara sa akin, ako’y mabuto – inisip ko, hmm, patas naman, ito’y si David laban kay Goliath. Heto na ang pagkakataon ko upang subukan ito. Siyangapala’y isang weightlifter pa siya, kaya mai-imagine ninyo kung gaano siya kalakas. Kayang-kaya niya akong buhatin mula sa kinatatayuan ko gamit ang kanyang dalawang kamay at itapon ako papalayo. Ibig sabihin, wala man lang laban! Hindi nga lang iyon judo, iyon ay weightlifting.
Naisip ko, “Susubukan ko ang balibag ko sa kanya.” Sinabi ko sa kanya, “Pwede ba akong mag-work out kasama mo?” Sabi niya, “Pwede! Pwedeng-pwede,” na palagay ko’y iniisip niya’y, “Sino ba ito?” Siya’y isang instructor at may black belt pa, yung ‘second dan.’” At kaya, nagkaroon kami ng maikling workout. Pinili ko ang eksaktong segundo at bigla ko siyang binalibag. Wow! Isang tili ng pagkagulat ang lumabas sa kanyang bibig, habang lumipad siya roon at tumama sa tatami, sa kutson, na may malakas na bang! Siyempre, ang tinutukoy ko’y ang buong 200 librang timbang niya. Talagang nagulat siya’t na-shock. At naisip ko, totoo nga! Gumagana nga ito!
Nagsimula akong matuto mula rito, hindi lamang ukol sa judo, ngunit isang leksiyon ukol sa buhay sa kabuuan nito. Iyon ay, mag-concentrate sa iisang bagay, kung nais ninyong maging magaling. Huwag subukang gawin ang isandaang bagay; sa di kalaunan, di kayo magiging magaling kahit sa anumang bagay. Kung susubukan ko ang bawat balibag, hindi ko kayang ma-perfect ang anumang balibag, maliban na lang kung marami akong oras. Pero sa pag-concentrate sa iisang epektibong balibag, nakaya kong ma-perfect ito hanggang sa kinaya kong ibalibag ang isang eksperto gamit ito.
Ang parehong bagay ay nag-a-apply sa espirituwal na buhay. Napapansin kong maraming Cristiano ay simpleng kalát. Hindi man lang sila nagiging magaling sa anumang bagay. Kung nais ninyong mamuhay ng Cristianong buhay nang epektibo, kailangan ninyong tanungin ang inyong sarili sa harap ng Diyos, “Ano ba ang aking mga gifts? Magko-concentrate ako sa mismong ‘gift’ na iyon hanggang maging magaling ako sa pagsisilbi sa Diyos.” Kung ganito mag-iisip ang bawat Cristiano, sinasabi ko sa inyo, ang church ay mapupuno ng mga taong outstanding, mga kakaiba.
Isang tao’y maaaring maging magaling na singer, na nagpupuri sa Diyos gamit ang kanyang boses, nagiging magaling na magaling. Ang lahat ay marunong kumanta nang magaling, pero pwede kayong maging kakaiba. Na-perfect ninyo na ang isang bagay. Kung iyon ang inyong gift, kung meron kayong boses at kaya ninyong umawit, kung gayon, pagbutihin ninyo ito! Magpraktis nang magpraktis! Magsanay araw-araw. Gawin ang inyong scales. Kahit nasaan kayo, maghanap ng piano. Kung ito’y sira, di bale, basta’t magpraktis lang. I-develop ang inyong lakas ng boses, ang pagkontrol nito, ang lawak ng maaabot ninyo, anuman ito, hanggang kayo’y maging outstanding.
May madidiskubre pa kayong isa pang bagay, na kapag naging magaling kayo sa isang bagay, magiging magaling din kayo sa iba pang bagay. Sa pagko-concentrate sa isang bagay at pagiging outstanding dito, nahihila ang ibang bagay at naitataas nito ang inyong standard, hanggang matagpuan ninyong mas magaling kayo kaysa sa iba kahit sa ibang mga bagay, pero napaka-kakaiba sa iisang bagay.
O, halimbawa, nalaman ninyong meron kayong gift sa pagli-lead ng Bible study. Kung gayon, pagbutihan pa ito! Pagtrabahuhan pa ito! Pag-aralan kung paano pa mag-aral ng Salita ng Diyos nang mas malalim, paano ipriprisinta ang Salita ng Diyos nang mas epektibo. Nawa’y ang mga nasa training para sa full-time service ay gagawin ito. Gaya ng sinabi ko dati, sana’y maging eksperto sila sa exegesis o pagbubunyag. Ito’y isang layunin ko. Sa loob ng maraming taon, nagtrabaho ako nang husto, nag-aral paano maintindihan ang Salita ng Diyos, at kung paano ito ibubunyag, dahil, sa pag-intindi nito, kailangang ipasa ang mensahe nito sa iba.
At kaya, sinasabi ko muli na ang bawat isa sa inyo’y may gift. Kung tama ang aking pag-intindi sa Biblia, walang sinuman sa church ang walang gift. Maaaring magaling kayo sa pagsusulat. Kung gayon, gamitin iyon. I-improve ito. Huwag makontento sa pagiging okey lang. Mag-improve! Mag-improve palagi: paano pagbutihin ang aking sentence structure (o pagkakaayos ng mga salita sa pangungusap; paano mapapaklaro ang aking sentences; paano mai-improve ang buong pagpriprisinta ng aking mensahe kapag nakasulat. Sa bawat bagay, meron kayong gift na magagamit para sa Diyos. Mag-concentrate doon.
Ngunit higit sa lahat, ang gagawin ng isang Cristiano ay ang pagtutuon ng isip niya upang makamtan ang perlas na may malaking halaga. Kayo’y magko-concentrate dito para sa isa pang layunin. Nag-concentrate ako sa iisang balibag hindi dahil nais kong kayaning ibalibag ang mga tao para sa katuwaan lamang. Nais ko itong gawin bilang pagdedepensa sa aking sarili. Ang dahilan bakit tayo nag-ju-judo at iba pang martial arts ay para sa self-defense, di ba? At kaya, pinerpekto ko ito upang sa anumang sitwasyon, ang layunin ko ay ang ipawalang-laban ang susugod sa akin.
Siyempre, hindi pa ako Cristiano noon. Marahil ay nauunawaan ninyo iyon. Sa mga araw na ito, maaaring mag-react ako sa ibang paraan. Sa mga araw na iyon, siyempre, parati akong sumasagot nang mabilis gamit ang aksyon. Sa mga araw ngayon, maaalala ko ang katotohanang isa akong lingkod ng Panginoon at kailangang ikonsidera ang sitwasyon kung paano aakto sa gayong mga pagkakataon. Sa madaling salita, ang sinasabi ko sa halimbawang ito ay ang dahilan bakit ko pinerpekto ang iisang balibag, at ito’y sa mas malawak at higit na dahilan na makamtan ang layunin ng self-defense, upang maipagtanggol ko ang sarili sa anumang sitwasyon. At kaya, ang pagpeperpekto ng iisang balibag ay ang paraan upang makuha ko ang epektibong pagdedepensa sa sarili.
Ang pagsisilbi natin sa Diyos – bakit nanaisin ninyong umawit nang magaling? Upang malugod siya na ating minamahal, upang makamtan si Cristo, di ba? [Filipos 3:8] Hindi ba tayo dapat mamuhay na nagiging kalugod-lugod sa kanya, kung mahal natin siya? Kung iyon ang kaso, kung gayon, ang bagay na ito ay isang “means to an end”, isang paraan ng paggawa upang makamtan ang nais sa huli. Ang pagpeperpekto ng inyong pag-awit ay simpleng magiging paraan upang mapasaya siya, upang makamtan ang perlas na may malaking halaga.
O, kung kayo’y namumuno sa isang Bible study, ang inyong layunin ay ang magdala ng blessing sa iba at maging kalugod-lugod sa kanya, at kaya, iyon muli ang paraan upang makuha ang ninanais sa ating harapan. At kaya, hinihiling kong ikonsidera ninyo ang bagay na ito: sa buhay Cristiano, sa katuruan ng Panginoong Jesus, ang prinsipyo ay parating ganito, ito’y ang prinsipyo ng “all or nothing”, lahat o wala. Ngayo’y humayo na tayo sa konklusyon ng pinag-uusapan natin at tingnan ito rito.
Ang Halaga Nito’y Lahat ng Meron Tayo upang Makamtan ang Perlas na Malaking Halaga
Ibinenta ng taong ito ang lahat. Iyon ang kanyang napakagaling na pagtutuon ng isip upang magampanan ang iisang layunin: na makuha ang perlas. Nawala sa kanya ang lahat. Ibinilang niyang ang lahat ng ito’y basura upang makamtan ang perlas na may malaking halaga. Iyon ang katuruan ng Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo. Huwag maging kalát-kalát! Huwag subukin sa isang banda na mahalin ang mundo, upang maitaguyod ang inyong lugar sa mundong ito, at sa kabilang dako naman, na magnais makamit ang perlas na may malaking halaga. Di ninyo ito magagawa! Ang perlas na ito, intindihin ang katuruan ni Jesus dito, ay magkakahalaga ng lahat ng meron kayo. Kung di ninyo ibibigay ang lahat bilang halaga nito, hindi ninyo ito makukuha. Ganitong kasimple lang ito. Ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin, kung nais ninyo ang perlas na ito, ito’y magkakahalaga ng lahat ng meron kayo.
Sa palagay ko’y napakaraming Cristiano ang di yata nakakaunawa nito, dahil sa aking pag-o-obserba paano sila namumuhay, hindi pa nila ito naiintindihan. Iniisip nilang pwede nilang makuha ang pinakamagaling sa dalawang panig at sa huli’y makakamtam pa rin ang buhay na walang hanggan, na makuha ang perlas na may malaking halaga. Hindi! Di ninyo ito magagawa! Iyon ang katuruan ng Panginoon, hindi akin.
Parating nasa katuruan ng Panginoong Jesus na: “Kung nais ninyong maging disipulo ko, ibenta ninyo ang lahat at sumunod sa akin.” Sa Mateo 19:21, sinasabi niya ang parehong bagay sa “rich young ruler”, sa mayamang-bata-pang pinuno. Nang sinabi ng Panginoong Jesus, “Kung nais ninyo akong sundan, kung nais ninyong maging perpekto...” hindi niya ibig sabihin na kung nais ninyong maging perpekto sa moral na paraan. Di tayo magiging walang-sala at walang-bahid, o moral na sakdal sa buhay na ito. Kung nauunawaan ninyo ang Biblikal na katuruan, ang pagiging perpekto ay hindi moral na kasakdalan, ngunit pagiging perpekto sa commitment, sa total commitment, na siyang pinakamababang nire-require para sa kaligtasan. Pero may isang bagay tayong magagawa, kung nais ninyong maging sakdal, sinasabi ng Panginoong Jesus dito, “Mahalin ang Diyos ng inyong buong puso, buong kaluluwa, ng inyong lakas, at inyong pag-iisip.” Iyan ay kung ano’ng ibig sabihin ng pagiging sakdal sa Biblia. Ito’y buong pagmamahal sa Diyos.
Tapos, sinabi niya sa rich young ruler, “Ibenta mo ang lahat ng pag-aari mo. Pumarito’t sundan ako.” Di kayang maintindihan ito ng rich young ruler kaya sinabi niya, “Sinunod ko ang Utos.” Naaalala ninyo ba ito? “Ano ang dapat kong gawin upang makamtan ang buhay na walang hanggan?” Sinabi ng Panginoong Jesus, “Alam mo ang mga utos; sundin ang mga ito.” “Pero ano ba ang mga utos?” Natatandaan na ninyong tinanong ng lawyer ito, “Ano ang mga utos; paano ito maibubuod?” Sinabi ni Jesus, “Ang mga utos ay maibubuod sa pariralang ito, ‘Mahalin ninyo ang Panginoong Diyos ninyo ng inyong buong pagkatao – puso at kaluluwa at lakas – at ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.’ Ito ang utos.”
Iyon ang sinabi niya sa rich young ruler na gawin: “Nais mo ba ang buhay na walang hanggan? Gawin iyon at magkakaroon ka ng buhay.” Gawin ang ano? “Mahalin ang Diyos ng iyong buong puso, at mahalin ang kapwa mo gaya ng iyong sarili.” Paano ba ginagawa iyon? “Ibenta ang lahat ng meron ka. Pumarito’t sundan ako. Gayon mo ito magagawa.” Ngayon, ang parehong bagay ay sinasabi niya sa kanyang mga alagad sa Lucas 12:32-33. Sinabi niya, “Huwag matakot, maliit na kawan, dahil ang layunin ng Ama na ibigay sa inyo ang kaharian; at kaya, ibenta ang lahat ninyong pag-aari, ibigay sa mga dukha. Tapos ay sundan ako.”
Oh, ang perlas na iyon! Ano ang halaga nito sa inyo? Nais ninyo ba itong makamtan nang walang bayad? Nais ninyo ba si Jesus nang walang ibinibigay? Hindi iyon Biblikal na katuruan. Ang perlas na iyon ay nagkakahalaga ng lahat ng meron kayo. Lahat ng pag-aari ninyo ang katumbas nito. At hanggang hindi ninyo ito natatanto, di ninyo makukuha ang perlas na iyon. Gayong kasimple iyon. Maaaring nadiskubre ninyo ang perlas. Gaya ng mangangalakal na ito, maaaring nakita na ninyo ang perlas. Pero ang pagdiskubre sa perlas ay hindi ang pag-aari nito. Ang mangangalakal na iyon, sa pagkita ng perlas, sa pagdiskubre ng perlas ay kinailangang humayo muna, ibenta ang lahat ng meron siya, at bilhin ang perlas.
Ano, kung gayon, ang ibig sabihin nito? Simpleng ito: gaya ng parati kong ipinapaliwanag sa inyo sa katuruan ng Panginoon, ang ibig sabihin nito’y buong commitment sa Diyos. Ibig sabihin nito ang pagmamahal sa Diyos ng inyong buong pagkatao, buong nagko-concentrate ang inyong pagkatao sa kanya. Kung di ninyo ito gagawin, sasabihin ko sa inyo, ang inyong buhay-Cristiano ay magiging balewala sa mundong ito. Ang witness ninyo kay Cristo ay walang halaga. Di kataka-taka na napakaraming Cristiano ang namumuhay na walang nagagawa ang kanilang witness. Hindi sila mga ilaw sa mundo. Nag-aasal sila gaya ng sinumang di-Cristiano. Nag-iisip sila tulad ng sinumang di-Cristiano. May pagka-relihiyoso lang sila, iyon lang. Hindi iyon pagiging Cristiano sa katuruan sa Biblia! Ang Biblikal na katuruan ay total commitment, na saanman kayo pumunta, ang inyong dedikasyon, ang inyong commitment, ang inyong buong pagmamahal sa Diyos ay kakaiba! Alam ng lahat: kayo’y committed sa Diyos. Ibinigay ninyo ang lahat upang sundan siya.
Parati ko na lang ito sinasabi, na di ko tinutukoy ang tungkol sa full-time service. Ang sinasabi ko’y isang attitude o pakikitungo ng puso sa Diyos. Maraming beses ko na nasabi ito, dahil maraming taong naglilingkod ng buong panahon nila ay wala namang total commitment. Para sa kanila, ang pagiging pastor ay isang propesyon, trabaho lang, ang pinangtutustos nila sa sarili. Sa Intsik na kasabihan, ito’y ang mangkok nila ng kanin. Wala itong kinalaman sa total commitment; ito’y trabaho nila. Sana’y kung trabaho nila ito at sila’y totally committed din, mabuti ito, ngunit di basta-basta magkasama ang dalawang ito. At kaya, heto ang sitwasyon: naghanap siya ng perlas na iyon. Hinahanap ba ninyo ang perlas na ito? Hinahanap ninyo ba ang kung ano ang espirituwal na mahalaga o hindi? Kung hinahangad ninyo lang ang mundong ito, kung gayon, ang talinghagang ito’y balewala sa inyo, dahil ito’y kumakausap sa mga taong naghahanap para sa bagay na ito na may pang-walang-hangganang halaga.
Mahahanap Ninyo Lang ang Diyos Kung Hahanapin Ninyo Siya Buong Puso at Kaluluwa
At panghuli, pansinin ito sa Deuteronomeo 4:29, na marahil na nasa isip ng Panginoong Jesus dahil ang mga salitang iyon ay sinabi sa mga Israelita. Ito ang sinabi ni Moises sa mga Israelita:
Ngunit kung mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa.
Ang puntong ito’y nais kong isaisip ninyo. Matatagpuan ninyo ang Diyos, oo. Iyon ay isang pangako na makakamtan ninyo, kung hahanapin ninyo siya ng inyong buong puso, buong kaluluwa.
Ngayon, kung hindi ninyo pa natatagpuan ang Diyos, tandaan ang mga salitang ito. Maaaring kayo’y naghahanap, pero hindi ng inyong buong puso’t kaluluwa. Di ninyo pa rin taglay ang determinasyon ng layuning ito. Ang Diyos ay matatagpuan ng mga naghahanap sa kanya ng kanilang buong puso at buong kaluluwa, na kasama ang total commitment na iyon, na naghahanap ng katotohanan at sinasabing, “Kung makikita ko ang Diyos, ako’y handa na magkakahalaga ito ng lahat ng meron ako.” Kung hindi gayon ang turing ninyo sa Diyos, bakit pa ninyo siya hinahanap? Halata namang hindi siya nagkakahalaga masyado sa inyo.
Hindi natin pinag-uusapan ang tungkol sa paniniwala sa isang relihiyon. Hindi ito tungkol sa paniniwala sa isang relihiyosong guro. Pinag-uusapan natin ang tungkol sa Salita ng Diyos na naipakita sa laman. Tinutukoy natin ang siyang may halaga na walang katumbas! Hindi ninyo siya malalagyan ng price tag, o sabihing magkano siya. Kung hindi ninyo pa ito naiintindihan, malinaw na iniisip ninyong ang inyong pag-aari ay nagkakahalaga ng mas malaki kaysa sa perlas na iyon.
Kung inisip ng mangangalakal na ito na ang lahat ng pag-aari niya ay mas mahalaga kaysa sa perlas na iyon, malinaw na di niya ibebenta ang lahat ng meron siya upang bilhin ang perlas na iyon, di ba? Siyempre hindi! Di kailangang gawin ito. Kung pupunta kayo sa mag-a-alahas doon sa Sainte-Catherine Street sa Montreal, Canada, at makakatagpo ng isang perlas na nagkakahalaga ng $300, tiningnan ninyo ang inyong ari-arian at sinabing, “Kaya kong magbayad ng $300. Di ko kailangang ibenta ang lahat para bilhin ang perlas na iyon”, kung gayon, hindi ninyo pa natatagpuan na ang halaga nito’y katumbas ng lahat ng meron kayo. Ngunit kung may perlas doon na nagkakahalaga ng $300,000, iba na ang pinag-uusapan! At matatanto ninyo na ang perlas na ito ay may malaking halaga, na ang natatanging paraan upang makamtan ito ay ang ibenta ang lahat ng meron kayo.
Ano ang halaga na itinutumbas ninyo kay Jesus? Nakikita ko na maraming Cristiano na nabubuhay sa paraang halatang di mahalagang-mahalaga si Jesus sa kanila. Handa silang magbigay ng isa o dalawang oras sa araw ng Linggo kay Jesus, maaaring isa o dalawang oras sa Biyernes, maaaring kahit lima o anim na oras sa isang linggo. Maaaring magbigay sila ng ilang dolyar dito’t doon, o kahit $200 sa offering sa isang buwan. Pero nagkakahalaga ba siya ng lahat? Iyon ang isang tanong. Ang perlas na iyon ay mapupunta lamang sa taong magbebenta ng lahat, sa totally committed. Iyon ang uri ng Cristianismong itinuro ni Jesus. Parang naiiba sa Cristianismo na inyong naririnig, pero iyon ang pagiging Cristiano sa Biblia. Iyon ang pagiging Cristiano sa mga katuruan ni Jesus.
Paano maikukumpara ang inyong Cristianong buhay roon? O kaya ninyo bang sabihin kasama ni Pablo sa Filipos 3:8,
“Alang-alang sa kanya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo”.
Para kay Pablo, ang perlas na may malaking halagang ito ay sulit katumbas ang lahat, at higit pa sa lahat. Sa katunayan, lahat ng mahahaling bagay na meron siya, hindi lang niya ibinilang na walang halaga, pero bilang basura, upang makamtan niya siya, ang perlas na may malaking halaga.
Ang Perlas na Walang Katumbas – Lahat ng Kayamanan ng Diyos ay na Kay Cristo Jesus
Bilang konklusyon, hayaang sabihin ko ang isa pang bagay. Ikonsidera ang magandang perlas na ito, ang perlas bilang larawan ni Jesu-Cristo. Sa puntong ito, na naipahayag ko na ilang taon na ang nakakalipas, ang larawan ng perlas ay ganito: ang kabilugan ng perlas ay nagrerepresenta ng pagiging perpekto ni Jesu-Cristo; ang kaputian nito ay tumutukoy sa kabanalan ni Jesu-Cristo; ang kakiningan ng perlas – nakikita ninyo ba paano kumikinang ang perlas kapag tiningnan ninyo ito sa ilaw? – na nagrerepresenta sa kagandahan ni Jesu-Cristo.
Tandaan din na ang perlas ay nagagawa sa pamamagitan ng pagdurusa. At kaya, ang kabanalan din ni Jesu-Cristo ay produkto ng paghihirap, gaya ng nababasa natin sa Hebreo 5:8-9 atbp, na,
Bagama’t siya’y isang Anak, siya’y... naging sakdal... sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis.
Masdan ang pagiging walang katumbas ng perlas! Kaya ninyo bang isipin si Jesu-Crito bilang ang magandang walang-katumbas na perlas, na nagkakahalaga ng lahat ng meron kayo?
Nawa’y ang mensaheng ito ng katuruan ng Panginoon ay mauunawaan ninyo. Ang buong pagdiin o ‘emphasis’ ng talinghagang ito ay nakasalalay sa iisang bagay: na ang makamtan ang perlas na ito ay magkakahalaga ng lahat ng meron kayo. Kung hindi, di ninyo pa nakakamtan ang perlas, at hindi ninyo ito makakamtan. Isipin iyon nang mabuti.
Katapusan ng mensahe.
1 Sa lahat ng mga bersikulong binanggit, ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.
2 Sa Magandang Balita Biblia, ang PANGINOON ay isinaad na sa tamang pagbigkas nito bilang ang tetragrammaton na YHWH, na ang pagbasa ay: Yahweh.
(c) 2021 Christian Disciples Church