You are here

Ang Talinghaga ng Manghahasik

Ang Talinghaga ng Manghahasik

(The Parable of the Sower)

Mateo 13:18-23 (Lucas 8:4-8, 11-15)

Mensahe ni Pastor Eric Chang

 

Ipagpapatuloy natin ang ating pagpapaliwanag sa Mateo Kapitulo 13, pero sa araw na ito, sa halip na Mateo 13 ang babasahin natin, babasahin natin ang kaagapay nitong sipi sa Lucas 8:4-8 at 11-15. Mula sa araw na ito, sisimulan natin ang pag-aaral sa turo ng ating Panginoong Jesus tungkol sa mga talinghaga. Nagturo ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga at meron tayong mahigit na 30 talinghaga sa Bagong Tipan. At kaya, sa grasya ng Panginoon, linggo-linggo kong ipapaliwanag nang maayos ang mga talinghaga, hanggang matapos natin ang 30 mahahalagang talinghagang ito ng Panginoon.

Sa araw na ito, magsisimula tayo sa tinatawag na saligang talinghaga: Ang Talinghaga ng Manghahasik. Matatandaan ninyo na, sa maraming panahong lumipas, may mga pagkakataon tayo na banggitin ang talinghagang ito, kahit na hindi pa natin naipapaliwanag nang maayos ito. Ang talinghagang ito’y napakayaman at layunin kong ipaliwanag ang isang tanging punto na makakapagpatatag ng ating pang-unawa sa talinghagang ito. Sa Lucas 8, bersikulo 4-8, matatagpuan ang mismong pagsasalaysay ng talinghaga, at sa bersikulo 11-15 naman ang paliwanag nito. Isa ito sa dalawang natatanging talinghaga kung saan ang Panginoong Jesus ay nagbibigay ng paliwanag at nagtuturo sa kanyang mga disipulo na makaunawa ng mga talinghaga. Sa susunod na mensahe, pag-aaralan natin kung bakit gumagamit ang Panginoong Jesus ng mga talinghaga, at kung sila’y nakalaang tulungan tayo sa ating pag-uunawa o kung sila’y nakalaan ding maglihim ng isang bagay.

Basahin natin ang talinghaga sa Lucas 8:4-8:

Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga: “Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito’y kinain ng mga ibon sa himpapawid. Ang iba’y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig. At ang iba’y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito’y sinakal. At ang iba’y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.¹

Iyon ang talinghaga, at pagkatapos, ang Panginoong Jesus mismo ang nagbigay ng paliwanag sa bersikulo 11-15. At ito ang mababasa natin dito:

Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang huwag sila sumampalataya at maligtas. At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinatanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito’y walang ugat; sila’y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod. Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang. At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.

Mula sa Marcos 4:13, makikita natin na ito’y isang saligang talinghaga kung saan sinabi ng Panginoong Jesus na, “Kung hindi ninyo baga nauunawaan ang talinghagang ito, papaano ninyo mauunawaan ang alinmang talinghaga?” At kaya, makikita ito bilang pinakaunang talinghaga. Sa lahat ng Magkaparehong-Tanaw na Ebanghelyo [Synoptic Gospels], makikita ninyo ang Talinghaga ng Manghahasik bilang ang pinakauna sa mga talinghaga.

Tungkol saan ba ang talinghaga? Sinasabi ng Panginoong Jesus na humayo ang isang manghahasik upang maghasik ng binhi. Ito’y isang larawan na napakapamilyar sa isang agrikulturang bansa. Sa paglalakad ninyo sa palibot ay makakakita kayo ang mga taong naghahasik ng mga binhi sa bukid. At sinabi niyang, “Alam ninyo na kapag naghahasik ng mga binhi ang magsasaka, isinasabog lang niya ang mga iyon. May dala-dala siya sa harapan niya ng isang bag na may mga binhi, na nakasabit sa kanyang mga balikat. Dudukot siya ng binhi gamit ang kamay niya at pa-arkong ihahasik ito sa ibayo ng bukid. Maglalakad-lakad siya at maghahasik siya ng mga binhi sa palibot.

Habang ihinahasik niya ang mga binhi, siyempre, ilan sa mga binhi ay nahuhulog sa matigas na lupa, halimbawa, sa kung saan naglalakad ang mga tao, kung saan ang ibabaw ay napakatigas dahil sa pagparoo’t parito ng mga tao at lahat sila’y nadidiinan ang lupa. Ang mga binhi na nahulog sa matigas na lupang ito (halimbawa, sa daan kung saan lumalakad ang mga tao) siyempre’y hindi nakakapasok sa ilalim ng lupa; nakapatong sila sa ibabaw ng lupa. Siyempre, tulad ng madalas ninyong nakikita, kung saan naghahasik ang magsasaka, madalas ay may buong kawan ng mga ibon na sumusunod sa likod niya at pinupulot nila ang mga binhing ito na nasa daan – ang mga binhing hindi pa nababaon sa lupa kung saan sana hindi na makukuha pa ng mga ibon ang mga ito.

Pagkatapos ay sinabi niya na may isa pang grupo kung saan ang mga binhi ay tunay ngang nahulog sa lupa, pero hindi gaanong malalim ang lupa. Kapag bumagsak ang ulan at inumpisahang palibutan ng lupa ang binhi, agad-agad ay mag-uumpisang tumubo ang mga binhi. Para itong nagbibigay ng isang mabuting pagtugon, ng isang napakagaling na pagtugon. Pero pagkaraan ng panahon, habang nag-uumpisang tumubo ang ugat, matatagpuan nito na sa ibaba nito ay may bato. May hangganan kung gaano kalalim ang mapupuntahan nito. Kapag tinamaan na nito ang bato, doon na ito titigil. Dahil may bato sa ilalim, hindi na makakababa ang ugat para mahalumigmigan, at kaya, ito’y nalalanta. Namamatay ito dahil wala itong sapat na halumigmig.

Ang isa pang uri ay ang nahasik sa ilalim ng lupa, pero hindi puro ang lupang ito. Ang lupang ito’y kinapapalooban ng iba pang uri ng mga binhi, iba pang uri ng mga ugat, at iba pang uri ng mga halaman doon. Ang ganitong uri ng mga binhi o mga halaman sa lupa ay hindi nakikita, at tulad ng ihinahayag nang malinaw ni Lucas sa atin, sila’y lumalaki kasama ng mga trigo at sinasakal nila ang mga ito. Nang una itong naihasik, hindi ninyo nakita na may anumang tinik o halaman doon. Pero paglipas ng panahon, gaya ng sinasabi sa atin ni Lucas, lumalaki silang kasama ng mga binhi. Pagkatapos, pinupuluputan ng mga ugat ng mga tinik o mga damong iyon ang mga ugat ng bagong sibol na halaman, ang bagong binhing trigo, at pagkatapos ay sinasakal ito, at kaya ang trigo ay hindi nakakakuha ng kinakailangan nitong nutrisyon. Kaya sa parehong paraan, itong bagong binhing trigo, itong bagong halaman ay namamatay.

Iba’t-ibang Uri ng Lupa ay Iba’t-ibang Saloobin ng mga Puso ng Tao

Kung titingnan natin ito, makikita natin na maaaring suriin ang talinghagang ito at ipangkat ang iba’t ibang uri ng lupa sa dalawang grupo, at ang bawat grupo ay may tatlong kategorya o uri. Bawat isa sa mga kategoryang ito ay lubhang kakaiba sa bawat grupo at kailangang mapansin ninyo ito. Hindi lahat ng mga taong di-naniniwala ay may parehong-parehong kundisyon ng puso, may parehong-parehong espiritwal na kundisyon ng puso gaya ng ibang mga di-naniniwala. Ang bawat isa sa kanila ay may ibang kalagayan at magkakaroon sila ng magkaka-ibang uri ng pagtugon sa Ebanghelyo.

Ano ang tatlong kategoryang ito sa unang grupo? Ang unang grupo’y iyong mga di-maliligtas. Ang unang kategorya ng ‘di-maliligtas’ na grupong ito ay ang mga di-naniniwala; ang dalawa pang kategorya ay mga naniniwala, tulad ng makikita ninyo sa paglalarawan ng Panginoong Jesus sa bagay na ito. Maraming katuruan sa mga iglesya3 ang kasalungat nito, pero hindi ko inaabala ang aking sarili sa mga doktrina sa mga iglesya. Ang tungkulin ko ay ang ipaliwanag ang Salita ng Diyos. At inaasahan ko, tulad ng nasabi na natin dati, na ang ating mga puso’y magiging bukas sa Salita ng Diyos at hahayaan ang Salita ng Diyos na dalhin tayo sa kung saanman tayo gabayan ng katotohanan.

Ang Binhi ay ang Salita ng Kaharian

Ang Binhi ay ang Salita ng Kaharian

Dapat kong sabihin na ang susi sa talinghaga ay napakasimple. Una, ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ito’y ginawang malinaw para sa atin ng Panginoong Jesus. Ibig sabihin, ang taong naghahasik ng binhi ay ang mangangaral. Kung ang Salita ng Diyos ay ang binhi, kung gayon, ang nangangaral ng Salita ng Diyos ay ang manghahasik. Iyon ay, tuwing magpapatotoo kayo kay Cristo o mangangaral ng Salita ng Diyos, kayo’y naghahasik. Sa unang beses, ang manghahasik dito ay ang Panginoong Jesus, pero pagkatapos niyon, tayong lahat na nangangaral ng Ebanghelyo ay mga manghahasik. Iyon ang dahilan kaya ang mga disipulo ay mga manghahasik din ng binhi, tulad ng nakikita natin sa Mateo 10. Ang kanilang gawain ay ang maghasik ng binhi.

Ang binhi ay ang Salita ng Diyos, o ito rin ay inilarawan sa Mateo 13:19 bilang Salita ng Kaharian. Ito’y ang mensahe ukol sa pamumuno ng Diyos, sa pamahalaan niya. Noong nakaraan, nakita natin na ang kalooban ng Diyos ay ang sentrong bagay sa relasyon natin sa Diyos. Walang ibang bagay na mas mahalaga pa kaysa sa kalooban ng Diyos. Ito ang tanging bagay na mahalaga sa buhay natin. Kaya, ang kalooban ng Diyos ay kinakatawan ng salitang ‘kaharian.’ Ang ibig sabihin ng ‘kaharian’ ay ang pamumuno ng Diyos, ng pamahalaan ng Diyos, ng kalooban ng Diyos. Ang kaharian ng Diyos ay makikita saanmang ginagawa ang kanyang kalooban. “Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo”. Iyon ang dahilan kung bakit ang ‘kaharian’ at ang ‘kalooban’ ay iisang bagay lang, dahil ang kaharian ay kung saan nangyayari ang kalooban ng Diyos. Ang Salita ng Kaharian ay ang mensahe na tumatawag sa mga tao upang isuko ang kanilang buhay sa Diyos.

Anumang katuruan na wala nito bilang sentrong punto, na hindi ipinapangaral na ang bawat tunay na Cristiano ay isang taong nabubuhay sa ilalim ng kalooban ng Diyos, ay di-tapat na nangangaral ng Salita ng Diyos. Kung nangangaral tayo ng tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan lang ng pagsasabing, “Pumarito kayo kay Jesus para magkaroon ng kapayapaan at kagalakan”, iyon ay hindi pangangaral ng Salita ng Diyos. Kailangan nating ipangaral una sa lahat ang, “Pumarito kayo’t mamuhay sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos, sa ilalim ng kalooban ng Diyos. Hayaang ang Diyos ang maging Hari ng inyong buhay!” Iyon ang pagpapangaral ng Ebanghelyo. Kapag gayon kayo mamuhay, magkakaroon kayo ng panloob na kapayapaan at kagalakan. Meron din namang paghihirap, pag-uusig at pagdurusa, tulad ng makikita natin maya-maya.

Sinumang mangangaral na hindi binabanggit iyon ay di karapat-dapat na mangaral ng Ebanghelyo dahil hindi niya ipinapangaral ang Ebanghelyo ayon sa kung paano ninais ng Panginoon na maipangaral ito. Hindi tayo naririto upang magtinda ng mga kendi o mga minatamis. Naririto tayo upang ipahayag ang katotohanan, hindi upang sabihin sa mga tao ang gusto nilang marinig, kundi ang sabihin kung ano ang totoo. Ang katotohanan ay hindi ang lagi ninyong gustong marinig. Madalas, kailangang sabihin sa inyo ng doktor ang katotohanan. Ayaw ninyo mang marinig ito, pero iyon ang katotohanan. Walang sinuman ang nagnanais na masabihang siya’y hindi magaling, na siya’y may sakit, o na siya’y mamamatay na. Kaya dito, nakikita natin na ang pangangaral ng Salita ng Diyos ay pangangaral ng kaharian ng Diyos, ang pamumuhay na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, sa ilalim ng kanyang pagka-Panginoon.

Ngayon, iyon ang Salita ng Diyos, at ang manghahasik kung gayon ay ang siyang nagpapahayag ng mga bagay na ito. Sa kauna-unahan, si Jesus ang nagpapahayag ng Salitang iyon, at ngayon, tayo ang nagpapahayag ng Salitang iyon. Hindi lang ang mangangaral, kundi kayo, tuwing magpapatotoo kayo sa inyong kaibigan, tuwing magbabahagi kayo ng Salita ng Diyos sa ibang tao, kayo ay naghahasik ng binhi.

Kung ang binhi ay ang Salita ng Diyos at ang manghahasik ay ang mangangaral, ano naman ang lupa? Ang lupa na tumanggap ng binhi, sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus, ay ang puso. Ang puso ng tao ay ikinukumpara sa lupa, kung saan ihinahasik ang binhi. Makikita ninyo ito sa Mateo 13:19. Ang binhi ay inihasik sa puso ng tao. Nangangahulugan ito na tuwing pag-uusapan natin ang tungkol sa iba’t-ibang uri ng lupa, iyon ay, nang inilalarawan ng talinghagang ito ang iba’t-ibang uri ng lupa, inilalarawan nito sa totoo lang ang iba’t-ibang saloobin ng puso.

Ang Lupang Nasa Daan

Kaya, matapos ang paghahandang ito, makakatungo na tayo ngayon sa tatlong kategoryang ito (isang kategorya ng mga di-naniniwala at dalawang kategorya ng mga naniniwala), pero lahat ay magkakatulad – mga di-maliligtas – sa pagsusuri ng mga katotohanang nagpapaiba sa kanila. At kaya, ang unang kategorya ng mga di-maliligtas ay ang mga taong inilalarawan bilang ang daan kung saan bumagsak ang mga binhi, pero hindi makapasok ang mga binhi sa daan, sa ibabaw, sa lupa dahil ito ay matigas. Ibig sabihin, kinakatawan nito ang uri ng tao na taglay ang puso na buong matigas na kumokontra sa Diyos. Kapag ipinangaral ninyo ang Ebanghelyo, hindi naaantig ng mensahe ang puso nila. Ang paghahasik ninyo ng binhi ay parang paghasik na rin sa batuhan. Ito’y parang pag-akyat sa Rocky Mountains [sa Amerika] at pagsusubok na magtanim ng trigo sa mga bato. Ito’y walang kwenta. Hindi ito bumabaon sa lupa.

Ang ganitong uri ng tao, itong unang kategorya, ay matigas sa pasya na huwag makinig; ayaw na ayaw nilang magkaroon ng anumang kaugnayan sa Ebanghelyo. Matigas ang puso nila laban sa Ebanghelyo. Ayaw nilang makinig sa Salita ng Diyos. O, kung kanila ngang pinapakinggan ito, nakikinig sila upang tuyain o kutyain ito, upang tanggihan ito. Niyayapak-yapakan nila ang Ebanghelyo sa ilalim ng kanilang mga paa. Sa ganitong paraan, ang Ebanghelyo’y lubusang hindi makakapasok sa puso nila. Lubos silang hindi naniniwala.

 

Ang Lupang May Bato sa Ilalim

Ang Lupang May Bato sa Ilalim

Ang pangalawang kategorya sa grupong ito na di-maliligtas ay hindi man lang ganito. Sa katunayan, ang kanilang puso, sa pang-ibabaw, ay handang tumanggap sa Ebanghelyo, at kaya ikinumpara ng Panginoong Jesus ang kanilang puso sa isang sitwasyon kung saan mayaman ang lupa sa ibabaw, pero mabato sa ilalim. Ito ang uri ng tao na mailalarawan bilang mababaw. At ang ganitong uri ng tao ay laging isang malaking problema sa iglesya, pero sila’y kasiyahan ng isang uri ng mamamahayag, dahil sila ang mga taong gumagawa ng madaliang pagtugon. Sila ang mga taong napakadaling magtaas ng kanilang mga kamay sa mga pagtitipon. Parang wala silang pakikipagtunggali.

Tulad ng sinasabi sa atin sa Biblia, tinanggap nila ang Salita ng Diyos na “may kagalakan.” Tuwang-tuwa nilang tinanggap ang Salita. Makikita ninyo rito sa Lucas 8:13 na: “ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita” – ang Salita ng Diyos. Pansinin ito: “tinanggap na may galak… subalit ang mga ito’y walang ugat.” Wala silang ugat. Wala silang kalaliman. Mapapansin natin na ang mga salita rito ay nagbibigay ng napakalinaw na larawan sa atin, lalung-lalo na sa Mateo 13:5, sa mga salitang “hindi malalim ang lupa.”

Ang ganitong uri ng tao ay ang problema para sa bawat mangangaral dahil kapag ipinangaral ninyo ang Ebanghelyo sa kanila, masaya nila itong tatanggapin, at sasabihing, “Halleluyah! Napakabuting bagay nito! Ang galing!” At sasabihin ninyong, “Kahanga-hangang Cristiano! Tingnan ninyo siya! Tinatanggap niya ito nang may galak!” Kung sasabihin ninyong, “Itaas ang inyong mga kamay – sinumang magdedesisyon para kay Cristo”, parang kuwitis sa pagtaas ang kanilang mga kamay. Sila yung [kapag sinabi ninyong], “Pumarito kayo sa harap!” swoosh, mabilis silang susugod sa harap. Walang problema! Sila yung mga taong laging kabilang sa estatistika [statistics] sa lahat ng mga ebanghelyong pagtitipon.

Ngayon, siyempre, hindi ko sinasabi na ang lahat ng nagtaas ng kani-kanilang kamay sa ebanghelyong pagtitipon ay nasa ganitong uri. Marami sa ibang nagtaas ng kani-kanilang mga kamay ay tunay na nagmamahal sa Panginoon, at tunay na may kalaliman. Kaya huwag ninyo akong mamaliin. Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Pero ang problema ay, kadalasan, ang ganitong uri ay nasa mayoridad. Marami rin naman, siyempre, sa nagtaas ng kani-kanilang mga kamay sa mga pagtitipon ang pumunta sa harap nang may takot at panginginig, at nanatiling matatag sa Panginoon hanggang wakas. Ang ganitong uri ay hindi natin dapat kaligtaan.

Madalas akong makakita ng mga taong lumalapit sa Panginoon na may luha, at may takot at panginginig. Ang ganitong tao ay kadalasang higit na matatag. Pero may ibang tao rin na basta na lang susugod sa harap, at ako’y takot sa ganoong uri ng tao. Kaya, dito, nakikita natin na ang mga tao sa ikalawang kategorya ay walang kalaliman. Pagkatanggap nila ng Salita ng Diyos, agad-agad silang mag-uumpisang lumago. O, mas mabilis pa ang kanilang paglago kaysa sa iba! Sinasabi sa atin ng mga dalubhasa na ito’y dahil sa ang bato sa ilalim nito ay nagbibigay ng karagdagang init. At kaya, mas mabilis na sumisibol ang binhi; higit na mabilis ito kung tumugon. Makikita ninyo itong lumalago nang napakabilis, samantalang ang iba’y higit na mabagal ang paglago. Ang ganitong uri ay mabilis lumago at sasabihin ninyong, “Napakagandang Cristiano nito!” Hindi ganoong kadali! Kung kayo’y may karanasan sa Salita ng Diyos, hindi ganoong kadali. Huwag muna kayong matuwa riyan. Malalaman sa paglipas ng panahon kung may ugat sa tanim na iyon o wala.

Kaya ang makikita natin sa kategoryang ito, kung gayon, ay ang uri ng tao na mababaw. May espirituwal na pagtugon sila, pero di-sapat ang kalaliman nito. Bakit? Ito’y dahil sa ilalim, may pangunahing pagtanggi, may katigasan laban sa Salita ng Diyos. May hangganan ang pagtanggap nila sa Salita ng Diyos. Hindi sila buong committed. Ikino-commit nila ang sarili, pero hanggang sa isang punto lang. Iyon ang dahilan kung bakit palagi ko kayong binibigyan ng babala na ang pananampalatayang nakaliligtas ayon sa Biblia ay palaging isang walang kundisyon at buong commitment, dahil kung hindi ito buo, ibig sabihin nito, may hangganan. Kayo lang ang tanging nakakaalam nito. Maaaring sa sarili ninyo, hindi ninyo alam kung nasaan ang hangganang iyon, pero isa sa mga araw na ito, matatamaan ng ugat na iyan ang batong iyon. Wala na itong patutunguhan, at ang mangyayari’y ang halaman sa ibabaw ay mamamatay.

Tayong nakapaglingkod na nang may katagalan sa Panginoon ay nakakita na ng napakaraming namatay, ng napakaraming nalugmok sa espirituwal na buhay nila. Ang mga ito’y masyadong marami, na hindi natin gustong mangyari. Kadalasan, ang mayoridad ang nalulugmok. Nais kong suriin ninyo ang inyong puso. Oo nga’t gumawa kayo ng isang pagtugon sa Diyos, pero ito ba’y isang walang-kundisyong pagtugon? May inilaang hangganan ba kayo sa inyong puso, na nagsabing, “Ngayon, ako’y magiging isang Cristiano, pero hihinto na ako sa puntong ito. Pupunta pa rin ako sa iglesya at ako’y magiging isang mabuting Cristiano, pero ako’y hihinto na rito. Di ko na hahayaang gumawa pa ng higit dito ang Salita ng Diyos; kailangang huminto na rito. Sa panlabas, ako’y magiging masigasig. Maglilingkod ako sa grupo ng mga kabataan. Gagawin ko ito at iyon sa iglesya, at ako’y magiging aktibo.”

Oh, napakaaktibo nila basta’t hindi lalampas sa hangganang inilaan nila. Sa kanilang isipan, o sa kanilang puso’y may hangganan na, lagpas doo’y di na sila susulong. Kung subukan ninyong lumagpas doon o bigyan ng pagsubok ito, matatagpuan ninyo na kung idiniin ninyo ang isang tungkod sa lupa, matatamaan ninyo ang bato at ito’y hihinto na roon. Hindi kailangang maging malalim ito. Ang ugat ng trigo ay hindi naman masyadong pumapailalim, kahit na sa pinakamahusay nitong kalagayan. At kaya matatagpuan ninyo na ang lupa ay napakababaw. Kung gayon, kailangang alam natin ang mga bagay na ito at masusing obserbahan ang mga puntong ito.

Pero nais kong pansinin ninyo sa ikalawang kategoryang ito na sila’y naniniwala naman. Sila’y nahahanay bilang mga ‘Cristiano.’ Sila ang uri ng mga tao na, pagkatanggap sa Salita ng Diyos, ay magpapabautismo, gagawin ito at iyon at lahat ng mga bagay. Kaya, isinasaad ng kanilang ikinikilos na sila’y totoong naniniwala, pero sa kasamaang palad, inilalarawan sila sa b.13 na, “sila’y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.” Naniwala sila! Paano masasabi, sa kalinawan ng ebidensiya sa Kasulatan, na minsang maniwala kayo, ay lagi na kayong ligtas? Lalo kong pinag-aaralan ang Kasulatan, lalo akong buong naguguluhan sa pagsabi nila nito. Sinabi sa atin sa sariling mga salita ng Panginoon na “sila’y sumampalataya nang sandaling panahon lamang… at tumalikod.” Tapos na sila!

Narito ako at muling nakikita, at ayaw kong maggugol ng maraming panahon kasama ang ating mga kaibigan na ayaw namang talagang makinig sa Salita ng Diyos, na nag-iimbento ng sarili nilang mga doktrina at haka-haka, na lubhang mga pagtanggi at taliwas sa Salita ng Diyos. Huwag ninyong hayaan ang sinuman na magsabi sa inyo ng naiiba. Huwag kayong maging kampante sa pagtitiwala sa inyong sariling kakayahan, na sinasabi sa inyong sarili na, “Okey na ako ngayon. Sumasampalataya na ako. Nabautismuhan na ako.” Maaaring kabilang kayo sa kategoryang ito; huwag naman sana! Pero baka sakali… papaano kaya kung kabilang kayo sa kategoryang ito? Nabautismuhan kayo, sumasampalataya kayo, kayo’y mainit kahit panandalian lang, tunay kayong naging ‘excited’ sa panahong iyon, pero nang dumating ang paghihirap, ang malalaking pagsubok, umalis kayo, tumalikod kayo. Ipinapanalangin ko sa Diyos na walang sinuman sa inyo ang nasa kategoryang ito. Kaya, ito ang pangalawang kategorya, na nanampalataya, pero panandalian lang ang pananalig nila.

Ang Lupang May Halo

Ang Lupang May Halo

Ganito rin ang pangatlong kategorya, pero muli, ibang-iba ito sa naunang dalawa. Ang kategoryang ito ay walang anumang problema sa mga bato. Ang kanilang mga puso ay bukas sa Salita ng Diyos. Walang anumang bato sa loob nila. Ang lupa ay mabuti. Ito’y malalim. Ito’y maayos. Kaya, ano ang naging problema? Nang ihasik ang Salita ng Diyos, tinanggap nila ang ito sa kanilang puso, tulad ng pangalawang kategorya, pero hindi sinasabi rito na “may galak”. Sila’y mas malalim.

Ang mga taong mas malalalim kadalasa’y hindi gumagawa ng isang mababaw na pagtugon. Walang pahiwatig sa tatlong mga Ebanghelyo na tinanggap nila ang Salita nang “may galak”. Malinaw na tinanggap nila ito nang may pag-aatubili, na maaaring sila’y nanginginig at may pakikipagtunggali. Wala rito ang pagtugon na may kagalakan. Lubhang kapansin-pansin sa katuruan ng Panginoon kung gaano katiyak ito. Inirereserba niya ang mga salitang “may galak” tanging sa ikalawang kategorya lang. Ang pangatlong kategorya ay hindi ganito.

Maaaring pumunta sila sa harap na lumuluha; humahagulgol sila; nanginginig sila. Bukas ang kanilang puso tungo sa Diyos. Walang pag-aalinlangan doon, pero – pero ano? Pero may iba pang mga bagay sa puso nila. Hindi puro ang kanilang puso sa pagmamahal at commitment nila sa Panginoon. Hindi nila inalis ang binhi ng ibang mga bagay mula sa puso nila. At kaya, ang nangyari ay lumago nga ang Salita ng Diyos sa kanila, tiyakan nga silang tumugon, pero sa di-katagalan, ang “ibang mga bagay” na iyon – ang salita rito ay “ibang mga bagay” – ay dumating at sinakal ang mga ito, at hindi na makalago ang mga ito.

Iyon ang malaking trahedya ng grupong ito. Nabigo silang pahalagahan ang mga salita ng Panginoong Jesus na: “Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.” (Mateo 6:24, Lucas 16:13) Hindi ninyo magagawa pareho ito! Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at kay Belial (na si Satanas). Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga diyos-diyosan. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mundo. Nakapagdesisyon na ba kayo? Alam ba ninyo kung saan kayo nakapanig? Ang puso ninyo ba’y wagas tungo sa Diyos?

Iyon ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoong Jesus sa Sermon sa Bundok, kung inyong matatandaan noong ipinapaliwanag natin ito, “Kung tapat ang iyong mata”. [Mateo 6:22] Sinasabi niyang kung di-tapat ang inyong mata, kayo’y magdurusa mula sa nagdadalawang paningin, at ang ilaw na nasa inyo ay magiging kadiliman. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon na kung ang liwanag na nasa inyo ay kadiliman, “anong laki ng kadiliman!” [Mateo 6:23] Ang lahat ng ito’y dahil sa di-tapat ang inyong mga mata. May-diperensya ang inyong mga mata. Hindi ninyo itinutuon ang inyong mga mata sa Diyos. Sinusubukan ninyong tumingin sa Diyos; sinusubukan ninyong tumingin sa mundo; sinusubukan ninyong tumingin sa idolong ito; sinusubukan ninyong tumingin sa mga kasiyahan sa buhay. Hindi kayo mananatiling-buhay kung gayon ang inyong ginagawa! Kailangang walang-kundisyon at buong committed kayo sa Diyos upang manatiling-buhay. Wala nang iba pang paraan.

Suriin ninyo ang inyong puso sa harapan ng Diyos. Suriin ninyo ito! Pansinin: dito’y walang sinasabing anumang bagay tungkol sa mga kasalanan. Pansinin ninyong mabuti. Hindi sinasabi rito na ang kanilang puso’y puno ng mga kasalanan. Hindi! Tinanggap nila ang Ebanghelyo. Iniibig nila ang mga mabubuting bagay. Iniibig nila ang iglesya. Iniibig nila ang Salita ng Diyos. Pero iniibig nila ang Salita ng Diyos pati ito, pati iyon, pati ang iba pang mga bagay. Iniibig nila si Cristo pati ito’t iyon. At kapag ginawa ninyo iyon, kung hindi si Cristo ang lahat sa buhay ninyo, hindi kayo maliligtas.

Kaya sinabi sa atin sa siping ito kung ano ang nangyari sa ikatlong kategoryang ito. Lalung-lalo na kung titingnan natin ang sipi sa Ebanghelyo ayon kay Marcos, sa Marcos 4:19, mapapansin natin na dito’y may problema tayo – ang Salita ng Diyos ay nasasakal ng ibang mga bagay na ito. Ang kategoryang ito ay nakakabahala rin dahil, madalas, nakakakita ako ng mga Cristiano na nagsimula nang napakabuti. Para bagang napakalalim nila. Hindi mababaw ang kanilang pagtugon, pero ang kulang sa kanila ay ang pagkakaroon ng iisang isip, iisang puso. Hindi kayo maliligtas nang wala iyon.

Ang Pagtanggi sa Paghahari ng Diyos ay Magreresulta sa Pagtalikod

Makikita natin ngayon sa mga kasong ito, na lahat ng tatlong kategoryang ito ay magkakaiba. Napansin natin na sa tatlong kategoryang ito na di-maliligtas, tanging ang una lang ang di-nananampalataya, sila yung kailanman’y hindi tumanggap sa Salita ng Diyos; ang dalawa pang kategorya ay tumanggap sa Salita ng Diyos pero sila’y tumalikod. Kaya, ang nangyari, tulad ng makikita natin sa sipi sa Lucas ay “sila’y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at…tumalikod.

At siya nga pala, ang salitang ‘tumalikod’ ay tapos [final] na sa Kasulatan. Ang katulad na Griyegong salita ay ginamit sa 1 Timoteo 4:1: “ang iba’y tatalikod sa pananampalataya”. Maliwanag na sinabi ng Banal na Espiritu na sa huling panahon, sa huling mga araw na ito, “ang iba’y tatalikod sa pananampalataya.” Ang salita na isinalin bilang ‘tumalikod’ ay ang katulad na salitang Griyego na meron tayo sa Lucas 8:13. Sa Hebreo 3:12, muli nating makikita ang katulad na salitang ito na isinalin sa Ingles bilang “fall away” [sa RSV, o ‘lalayô’ sa Tagalog].

Babasahin ko ang Hebreo 3:12 sa inyo dahil napakahalaga ng bersikulong ito, dahil ang mga salitang ito ay sinasabi sa mga Cristiano: “Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa inyo sa buhay na Diyos.” Papaano kayo makakapagsalita sa mga Cristiano ng tungkol sa “pusong masama at walang pananampalataya”? Ano ba ang pakahulugan niya rito sa “pusong masama”?

Dito, hindi ibig sabihin ng ‘masama’ na kayo ay lumalabas upang pumatay ng tao at magnakaw; walang Cristiano ang mag-iisip na gawin ang mga iyon. Pero dito, ito’y isang “pusong walang pananampalataya,” iyon ay, ang hindi pagpayag na maghari ang Diyos sa inyong puso, sa inyong buhay. Masama ito dahil ang di-pagpayag na maging Hari ng inyong buhay ang Diyos ay isang pagrerebelde. Ito’y isang pagtanggi sa pagiging makapangyarihan-sa-lahat [sovereignty] ng Diyos. Ang resulta nito ay ang paglalayo o paghihiwalay sa buhay na Diyos.

Sa Lucas 13:27, ang katulad na salitang Griyego ay muling ginamit, ngayon nama’y ang Panginoong Jesus ang gumamit, bilang paghayag ng matinding pagtanggi: “Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan.” Doon, ito’y isinalin ng salitang ‘lumayas’. “…hindi ko kayo nangakikilala²”. Doon, nagsasalita si Jesus, alalahanin, sa mga tumatawag sa kanilang sarili bilang mga Cristiano. Tinanggihan nila sa kanilang puso si Cristo sa pamamagitan ng uri ng kanilang pamumuhay, at hindi kinakailangang sa pamamagitan ng kanilang bibig.

Ito’y nagdadala sa akin sa isang punto. Sa dalawang kategoryang ito, kapag sinasabi na sila’y ‘tumalikod’, hindi naman ito nangangahulugan na hindi na sila pumupunta sa iglesya. Oo nga’t ilan sa kanila’y hindi na pumupunta sa iglesya. Pero ibig sabihin nito na sa kanilang puso, tinanggihan nila ang kaharian ng Diyos. Hindi na nakasentro sa kanila ang kalooban ng Diyos. Ito ang uri ng mga taong pumupunta pa rin sa mga iglesya, at pagkatapos, dali-dali silang umaalis para makapaglaro ng ‘mahjong.’ Nagmamadali silang umalis upang tumaya sa karera ng kabayo. Nagmamadali silang umalis upang mamuhunan sa lahat ng uri ng mga labag-sa-batas na mga bagay. Ginagawa ng mga Cristiano ang mga bagay na ito!

Anong uri ng Cristiano kayo? Maaaring minsan, noong una, sila’y may pagka-Cristiano. Ngayo’y patuloy pa rin naman silang pumupunta sa iglesya, dahil nakagawian na nila ang pagpunta rito. Hindi maganda ang pakiramdam ninyo kung hindi kayo nakakapunta sa iglesya. Kung nakasanayan ninyo nang pumunta sa iglesya nang maraming taon, naging gawi ninyo na ito. Hindi ninyo na alam ang gagawin sa sarili sa Linggo ng umaga o hapon kung hindi kayo maggugugol ng ilang oras sa iglesya. Pero hindi na ipinapakita niyon ang katangian ng buhay. Kaya ang ‘tumalikod’ sa Biblia ay hindi kinakailangang mangahulugan na nilisan na nila ang iglesya, pero maaari rin naman na iyon ang kahulugan niyon. Ang kanilang puso – ang pinag-uusapan natin ay ang kalagayan ng puso, tandaan iyon – ay tumalikod na sa Diyos.

Iyon ngayon ang unang grupo. Nakikita natin na ang tatlong kategorya sa unang grupong ito na di-maliligtas ay ‘tumalikod’.

Magbunga ng Sandaang Beses

Magbunga ng Sandaang Beses

Ang ikalawang grupo’y muling may tatlong kategorya. Sila yung inilalarawan na namunga: ang isa’y tigtatatlongpu, ang isa nama’y tig-aanimnapu, at ang huli’y tig-isang daan. At kaya, nakikita natin na ang talinghaga ay napaka-balanse sa gitna ng mga di-maliligtas at nang mga maliligtas. Sa palagay ko’y mahalagang paalalahanan kayo muli na doon sa grupo ng di-maliligtas, tanging isang kategorya lang ang hindi kailanman nanampalataya at ang dalawa pang kategorya ay nanampalataya minsan. Sila’y nanampalataya, tulad ng sinabi rito ng Panginoong Jesus, “nang sandaling panahon lamang.”

Itong pangalawang grupo ng mga namunga, muli, sila’y magkakaiba. Ang pinaka-pagkakaiba nila ay nasa kalidad. Pareho ang binhi, pero nagbunga ang parehong binhi ng iba-ibang resulta sa iba’t-ibang lupa. Ang Salita ng Diyos na inyong narinig ay pareho rin ng narinig ni John Wesley. Pero bakit hindi kayo isang John Wesley? Ang Salita ng Diyos na inyong narinig ay tulad din ng narinig ni John Sung. Kung gayon, bakit hindi kayo isang John Sung? Ang binasa niyang Biblia ay tulad ng binabasa ninyo; may Banal na Espiritu rin siya tulad ninyo. Kung gayon, bakit naiiba kayo sa kanya? Ano ang nagbibigay ng pagkakaiba?

Narito ang isa na may tig-isang daan, at ang isa pa na may tig-tatlongpu lang. Ang bunga niya’y mas kaunti; ito’y ikatlong bahagi lang sa bunga ng may tig-isang daan na resulta. Ano ang kaibahan? Ang kaibahan muli ay ang lupa – ang kalidad ng inyong pagtugon sa Diyos. Basahin ninyo lang ang mga sinulat ng mga taong tulad nina John Sung at John Wesley para makita ang katangian ng kanilang pagtugon. Ito’y kakaibang kalidad. At kaya, naranasan nila ang paggawa ng kapangyarihan ng Diyos sa kanila sa naiibang sukat. Dapat maging hamon sana ito sa ating lahat.

Laging tandaan ito: ang Salita ng Diyos na inyong naririnig ay ang pareho sa nakapagbunga ng isang apostol Pablo, na nakapagbunga ng isang Augustine, na nakapagbunga ng isang John Wesley, ng isang John Whitfield at kung sinu-sino pa. Ang parehong Salita ng Diyos! Ang mga ito’y mga higante; ang iba’y unano. Ang isa’y nagbunga ng isang-daang ulit [hundredfold], ang isa pa’y tatlumpung ulit [thirtyfold]. Hindi pagkakamali ng Salita ng Diyos ni hindi ito pagkakamali ng Espiritu ng Diyos na hindi kayo naging isang John Wesley. Ang pagkakaiba ay ang katangian ng pagtugon ninyo, ang katabaan ng lupa, ng puso.

Anong uri ng Cristiano kayo? Gusto ninyo bang pumunta sa Diyos na pangkaraniwan lang? Isipin, sa Araw na iyon kapag nakatayo na kayo sa harapan ng Panginoon, ano ang magiging kaibahan? Oh, may isang malaking kaibahan. Nakita natin nang ipinapaliwanag natin ang tungkol sa ‘kaligtasan,’ na kung walang bunga, walang kaligtasan. Nakita natin sa Juan 15 na anumang sanga na hindi nagbubunga ay puputulin at itatapon sa apoy. Nilinaw nang mabuti iyon ng Panginoon. Maaaring isa nga kayong sanga, pero maipapaputol pa rin kayo. Wala nang mas malinaw pa roon. At ginawa itong mas malinaw ng mga salitang “ihahagis sa apoy”. [Juan 15:6] Hindi ninyo mapapalinaw pa ito kaysa rito.

Pero ngayon, pagmuni-munihan ito. Tanungin ninyo sa Diyos: “Anong uri ng lupa ba ang puso ko tungo sa Salita ng Diyos? Gaano ba ako kasigla sa pagtugon? At huwag ninyong isipin na isang espirituwal na pagpapa-kumbaba ang pagsasabi ng “Okey, pwede na sa akin ang tatlumpung ulit.” Hindi iyon pagpapakumbaba! Pinipigilan ninyo na maganap ang buong kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Kapag kaya ng binhing iyon na makapagbunga ng isang daang ulit, nilimitahan ninyo ito sa tatlongpung ulit lang. Anong maidadahilan ninyo? At kaya, ipanalangin natin na ang kalooban ng Diyos ay lubos na maganap sa atin. Nang walang sagabal! Sabihin nating, “Panginoon, narito ako sa lahat ng aking mga kahinaan, sa lahat ng aking mga pagkukulang, pero mangyari nawa na ang kapangyarihan ay manggaling sa iyo, hindi sa akin. Mapasa-iyo ang buong pagpagalaw ng aking buhay! Mangyari nawa ang iyong layunin! Ipagkaloob mo sana na hindi ko mahadlangan sa anumang paraan ang buong kapangyarihan ng iyong Salita.”

Ang Susi sa Pamumunga - Pagtitiis sa Pagdurasa

Ang Susi sa Pamumunga – Pagtitiis sa Pagdurusa

Pero balikan natin upang mas malalim pang tingnan ang bagay na ito. Ano ba ang nagpapaiba sa dalawang grupong ito? Dito ko gustong tukuyin ang pangunahing punto. Ang mensaheng ito’y tunay na gusto kong tandaan ninyo sa inyong mga puso dahil magbibigay ito ng pagkakaiba sa gitna ng kaligtasan at ng kabiguang maligtas. Magbibigay ito ng pagkakaiba kung kayo’y magiging espirituwal na malakas o kung walang mangyayari sa inyo, hanggang sa buong pagtatalikod.

Ano ang susi sa pag-unawa nito? Ito ang isang punto na gusto kong maitaguyod sa inyong isipan. Ang buong paksa’y nakasentro sa iisang bagay: kung inyong nauunawaan o hindi ang kahulugan ng pagdurusa at kung kayo’y nakahandang tiisin ito. Iyon ang magdudulot ng kaibahang iyon. Sa oras na ito, maaaring hindi ninyo lubos na nauunawaan ang sinasabi ko, pero gusto kong pag-isipan ninyo ito nang ilang sandali.

Ang huling salita sa kuwento ni Lucas ng Talinghaga ng Manghahasik ay nagtatapos sa “pagtitiyaga¹” (ABAB) na katumbas sa Ingles na RSV ay ‘patience’. Hindi ito magaling na pagsalin sa salita sa Griyego, pero pwede tayong magsimula rito. Ang salitang mas tama ay “pagtitiis²” (Diglot) na ang katumbas sa Ingles ay ‘endurance.’ Iyon ngayon ang susi. Ang huling salitang iyon sa talinghaga ay ang salitang kinakailangan ninyong tandaan. Kung hindi ninyo matatandaan ang nalalabi pang mga bagay sa talinghaga, makakabuti kung matatandaan ninyo ang nag-iisang salitang ito, ang ‘pagtitiis’. Ang salita sa Griyego ay hindi nangangahulugan na nakaupo kayo roon at matiyagang nag-aantay na may mangyari, kundi ang kakayahang tumayo sa kalagitnaan ng pagpapahirap, sa tindi ng pagpapabigat. Iyon ang kahulugan niyon sa Griyego.

Bakit Panandaliang Naniniwala ang Ilan at Matapos ay Nalulugmok?

Hindi tayo maggugugol ng anumang panahon sa unang kategorya ng mga di-maliligtas dahil hindi naman nila kailanman tinanggap ang Salita ng Diyos. Pero tayo’y mag-uukol ng pansin sa dalawang grupo na tumanggap sa Salita ng Diyos, na naging Cristiano – sa pakahulugan ng iglesya – na naging mananampalataya, pero sa sandaling panahon lang at pagkatapos ay nalugmok. Bakit sila nalugmok? Ito’y dahil sa wala silang kakayahang magtiis sa gitna ng mga paghihirap. Naging mga Cristiano sila maaaring dahil sa sinabi ng isang tagapahayag na “Pumarito kayo kay Jesus at kayo’y magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan.” Inalok nila kayo ng lollipop. Sino bang ayaw na tumanggap ng lollipop (iyon ay kung mahilig kayo sa matatamis)? At kaya, ang pangangaral ng Ebanghelyo ay kadalasang natutulad sa pamimigay ng mga lollipop.

Hindi ganoon ang gawi ng pagpapangaral ng Panginoong Jesus. Ang sabi niya’y hindi madali ang maging Cristiano. Kailangan ninyong mapagwagian ang matitinding paghihirap. Kailangan ninyong mapagtiisan ang kabigatan ng mga pagdurusa. Malinaw na malinaw na nakasaad ito sa mga ebanghelyo. Nang ipangaral ni apostol Pablo ang Ebanghelyo, hindi kailanman siya namigay ng lollipop. Tingnan ninyo na lang sa Gawa 14:22 para makita iyon. Ano ang mababasa rito? “…sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.” Iyon ang mga salita ng Ebanghelyo. Papasok nga kayo sa kaharian, oo, pero sa pagharap sa maraming kapighatian.

Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa mga mangangaral na naging tapat sa akin. Sawa na ko sa mga mangangaral na namimigay ng mga lollipop. Pagkatapos, kapag nagkakagulo na ang lahat, sasabihin ninyong, “Oh, anong nangyari sa akin? Bakit nang maging Cristiano ako ay nagulo na ang lahat?” Tama iyon! Kapag naging Cristiano kayo, umpisa ninyong matutuklasan na ang lahat ng bagay sa mundo ay mag-uumpisang hilahin kayo nang pababa. Mag-uumpisang maging masaklap ang lahat ng bagay. At doon ninyo malalaman na kayo ay Cristiano. Iyon ang paraan na malalaman ninyo ito. Kung inisip ninyo na ang lahat ay magiging matamis para sa inyo, hindi ninyo pa nga nauunawaan ito. “…kailangan pumasok tayo sa kaharian ng Diyos”, ang sabi ni apostol Pablo sa atin, “sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian”.

Kaya, mismong ito rin ang sinasabi ng Panginoong Jesus. Sinasabi niya na kapag inihasik ang binhi, tatlong bagay ang mangyayari. Ang unang salita sa Mateo 13:21 ay ang salitang ‘kapighatian.’ Ang pangalawang salita ay ‘pag-uusig.’ At ang pangatlong salita ay lumitaw sa Lucas 8:13, ang salitang ‘pagsubok¹’ o ‘tukso²’. Kailangan nating tingnan ang tatlong salitang ito: (1) kapighatian, (2) pag-uusig, at (3) pagsubok o tukso.

1. Kapighatian

Lahat ng tatlong bagay na ito ay magbibigay ng napakatinding hirap sa inyo. Magbibigay ito ng mabibigat na pagpapahirap sa inyo. Sa katunayan, iyon mismo ang kahulugan ng unang salita. Ang salitang Griyego para sa kapighatian [‘tribulation’ sa Ingles] ay simpleng nagmumula sa isang salita na ang ibig sabihin ay kahirapan. Ang malagay sa kapighatian ay nangangahulugang nasa ilalim ng pagpapahirap; iyon ang pakahulugan ng lahat ng ito. Hindi ito sa salita lang, pero ibig sabihin ng kapighatian sa buhay-Cristiano ay ang mapasa-ilalim ng matinding kahirapan.

Kaya nakita natin, sa katunayan, na ito ang salitang ginamit sa Gawa 14:22: “…sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos.” Ibig sabihin niyon na mapapasailalim kayo sa matitinding kahirapan sa lahat ng oras. Nasisiguro ko na yung mga kababautismo lang ay nag-uumpisa nang madiskubre ang ilang kahirapan, ‘di ba? Kung hindi ninyo pa nadidiskubre ang kahirapan, maaaring papalapit pa lang ito. Kung hindi ito dumating, ako’y mag-aalala kung talagang alam ninyo kung ano ang maging Cristiano. Mapapasailalim kayo sa kahirapan. Iyon ang kahulugan ng salitang ‘kapighatian.’

Pero ano ba ang saloobin ng isang tunay na Cristiano? Tingnan sa Roma 5:3. Ano ang sinasabi ni apostol Pablo roon? Iyon ang mga salitang kailangang tandaan kung kayo’y magiging tunay na Cristiano. Sinasabi ni apostol Pablo roon na,

At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis, at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.

Pansinin ang mga salitang ito: “nagagalak…tayo sa ating mga kapighatian”. Ang salitang isinalin bilang ‘kapighatian’ ay pareho rin sa salitang Griyego na ‘kahirapan’: “nagagalak… tayo sa ating mga kahirapan.”

Papaano ninyo ito maikukumpara sa inyong pananaw? Sa ngayon, marami tayong mga iglesya na puno ng mga taong naging Cristiano upang mag-ipon ng mga lollipop. Dumadalo sila upang magsaya. Hindi katakataka na ang ganitong uri ng Cristiano ay agad-agad na magrereklamo kapag dumating na ang kahirapan. Sa oras na makaranas sila ng kabigatan, agad-agad na nilang sasabihing, “Naku! Ano na ang nangyayari?” Ang nangyayari ay kayo’y naging Cristiano. Kung hindi sinabi sa inyo ng sinumang mangangaral na sa oras na maging Cristiano kayo, kayo’y mapapasailalim ng kahirapan, ang mangangaral na iyon ay hindi dapat na mangaral ng Ebanghelyo. Hindi siya karapat-dapat na mangaral ng Ebanghelyo.

Maraming naibibigay na problema sa akin ang mga mangangaral ng Ebanghelyo na humahayo roon upang mag-ipon ng mga boto, upang kumuha ng mga desisyon. Ang mga taong ito, kapag nakuha na nila ang mga desisyon, iyon na ang katapusan niyon! Iyon na ang katapusan ng pag-aalala nila sa kawawang taong nagdesisyon. At pagkatapos, doon na papasok ang mga pastor at susubukin nilang ayusin ang gulo. Ang nangyayari’y pinupuntahan ako ng mga tao at sinasabing, “Bakit? Bakit nagiging mali na ang lahat? Nagkasakit ang ama ko; ang ina ko nama’y nagkaroon ng problema sa pera; tapos ang negosyo ko’y di-maganda ang takbo. Ako mismo’y kabi-kabila ang mga problema. Ano na ang nangyayari? Naging isang Cristiano ako! Dapat na binibigyan ako ng Diyos ng mga lollipop!”

Hindi kailanman nangako ang Diyos na bibigyan kayo ng anumang lollipop. Tumingin kayo sa Biblia! Kung alam ninyo kung ano ang maging Cristiano, makikigalak kayo kay apostol Pablo na nagsabing, “At hindi lamang gayon, kundi nagagalak tayo sa ating mga kapighatian”. Sasabihin ninyong, “Ano ba ang nangyayari kay Pablo? Nahihibang na ba siya? Isa ba siyang tao na naghahanap lang ng gulo?” Hindi! Pero nauunawaan niya kung ano ang buhay-Cristiano; ito’y ang malagay lagi sa ilalim ng kahirapan. Umaasa ako na tatandaan ninyo lagi ito. (Sinasabi ko ito muli sa mga babalik na sa Hong Kong. Pakatandaan na: Kayo’y tinawag upang dumanas ng hirap! Umaasa ako na naunawaan ninyo iyon, kahit man lang sa mga nasa iglesyang ito. Kapag bumalik kayo sa Hong Kong, kayo’y mapapasailalim sa matinding hirap, sinasabi ko sa inyo.) At pagkatapos ay pasasalamatan ninyo ang Diyos sa matinding kahirapang iyon. Matututunan ninyong sabihin kasama ni apostol Pablo na, “Ako’y nagagalak.” Nagagalak tayo sa mga pagdurusa, sa matitinding kahirapan , na kailangan nating pagtiisan.

2. Pag-uusig

Ang pangalawang salita rito ay ‘pag-uusig’. Hindi kayo magiging isang Cristiano nang hindi kayo nakakaranas ng ilang pag-uusig. Sa malao’t madali ay mararanasan ninyo ito, at ang pinakamasama pa nito ay yung manggagaling sa kapwa Cristiano. (Sinasabi ko muli sa inyo na babalik na sa Hong Kong. Huwag kayong magugulumihanan kung ang mas grabeng umusig sa inyo ay mga kapwa-Cristiano ninyo.) Laging tandaan, tulad ng lagi kong ipinapaalala sa inyo, na yung mga mas grabeng umusig sa Panginoong Jesus ay ang mga relihiyosong tao. Ang mga Fariseo, ang mga pinakarelihiyosong tao sa mga Hudyo; ang mga eskriba, na mga teologo; at ang mga punong-pari, na siyang mga pang-relihiyong pinuno noong panahon nila – sila ang nagpataw ng kamatayan kay Jesus. Pakatandaan ninyo iyon!

Si John Wesley, isang makapangyarihang alagad ng Diyos, ay inusig sa buong buhay niya ng kapwa Cristiano niya. Alam ninyo ba iyon? Hindi siya masyadong inusig ng mga di-Cristiano, kundi ng mga Cristiano. Una sa lahat, siya’y itinakuwil ng Iglesya ng Inglatera, kung saan isa siyang miyembro. Hindi siya pinayagang mangaral sa alinmang Iglesya sa Inglatera dahil ipinangaral niya ang kabanalan, at hindi gustong marinig iyon ng Iglesya ng Inglatera. Ipinatapon siya, kung kaya si John Wesley ay nangaral sa mga lansangan, dahil hindi siya pinayagang mangaral sa alinmang iglesya.

Pero salamat sa Diyos, na sa pamamagitan ni John Wesley, ang Matinding Muling-Pagbubuhay [Mighty Revival] ay dumating sa England at nag-iwan ng marka nito sa kasaysayan sa isang paraan na hindi pa nagagawa ng alinmang muling-pagbubuhay [revival]! Pero alam ni John Wesley na siya ay uusigin. Hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa mga taong umusig sa kanya. Hindi siya nag-isip ng masama sa kanila. At siyempre sa ngayon, pinagsisihang mabuti ng Iglesya ng Inglatera ang kanilang ginawa kay John Wesley. Ngayo’y sinusubukan nilang panumbalikin ang Iglesyang Methodist.

Tandaan ang puntong ito. Ang mga naglilingkod sa Diyos ang siyang mahaharap sa pag-uusig. Kung kayo ay tapat sa Ebanghelyo, kayo ay haharap sa pag-uusig mula sa kapwa Cristiano at sa di-Cristiano. Minsan, iisipin ninyo sa inyong sarili: “Bakit kaya kaaway ko ang buong mundo?”

Kaya, napansin natin dito ang mga bagay na ito. Ang unang salita kung gayon ay ‘matinding hirap.’ Ang pangalawang salita’y ‘pag-uusig.’ Sinabi ni Apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:10-11 kay Timoteo, “Nakita mo ang aking mga paghihirap at pag-uusig na aking tiniis.” Pagkatapos, sinabi niya sa sumunod na bersikulo, b.12: “Tunay na ang lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig.” Kayo ay daranas ng pag-uusig. Huwag ninyong isipin na kayo ay hindi mapapasama sa mga pinag-uusig! Pero kung ayaw ninyong mapasama sa mga pinag-uusig, huwag na kayong maging Cristiano. Kapag kayo’y naging Cristiano, unawain na, “Pagtitiisan ko ito.” Pero kung ayaw ninyong pagtiisan ito, magbalot na kayo ng inyong bag at kalimutan na ito. Hindi kayo kailanman magiging Cristiano.

3. Tukso

Ang pangatlong salita, na nakikita natin sa Lucas 8:13, ay ang salitang ‘tukso’. Ang salitang ‘tukso’ sa Griyego ay may dalawang magkaibang uri ng kahulugan. Ang unang uri ng kahulugan ng salitang ‘tukso’ ay nangangahulugang mapasa-ilalim sa pagsubok ng Diyos. Iyon ay, maaaring sinusubok kayo ng Diyos. Doon, hindi ninyo maaaring isalin ang salita bilang ‘tukso’; ito’y pagsubok, ang mapasa-ilalim sa pagsubok ng Diyos. Ang salitang ito’y ginamit sa 1 Pedro 4:12 sa kahulugang ito ng pagsubok. Ito ang sinasabi ni Apostol Pedro sa b.14:

Kung kayo’y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo.

Dito, ang salitang isinalin bilang ‘inaalipusta’ ay ang maalipusta dahil sa pangalan ni Cristo at ang mapasa-ilalim sa pagsubok sa ganitong paraan. Pero ang ‘pagsubok,’ ang mapasa-ilalim ng matinding hirap, kung saan sinusubukan kayo ng Diyos – kung baga, sinusubukan sa apoy – ay kasama na ng buhay-Cristiano. Kayo’y tiyak na susubukan. Makikita natin ulit iyon sa ilang sandali.

Ang ibig-sabihin ng pangalawang uri ng kahulugan ng salitang ‘tukso’ ay tuksuhin para magkasala. Ang kahulugan dito ay iba. Ibig sabihin niyon na si Satanas ang nasa likod ng tuksong iyon. Siyempre, kung tutuusin, nasa likod siya ng lahat ng pagsubok, sa paraang sinusubukan niya kayong malugmok, na mapatalikod mula sa Diyos. Pero sa pakahulugang ito, mismo siya ang may pakana; hindi siya kasangkot lang. Tinutukso niya kayo para magkasala; inaakit niya kayong magkasala. Ipinapakita niya sa inyo ang kagandahan ng pagkakasala. Sinusubok niya kayo upang magkasala. Ito’y makikita, halimbawa, sa Lucas 4:13 kung saan tinukso ni Satanas ang Panginoong Jesus na magkasala; sinusubukan niyang pabagsakin si Jesus.

Pagdurusa’y Naikumpara sa Araw – Makakapinsala o Makakapaglago

Mula sa lahat ng ito, nakikita natin na ang kahirapan ay di-maihihiwalay sa buhay-Cristiano. Nakikita natin sa tatlong salitang ginamit ng Panginoong Jesus upang ipaliwanag kung bakit ang mga inihasik sa mabatong lupa ay nalugmok. Nais kong pansinin ninyong muli ang talinghaga. Sa talinghaga, ang paghihirap o pagdurusa ay ikinumpara sa araw. Mahalagang maunawaan iyon. Sinabi niya na nang sumikat ang araw, yung mga nasa mabatong lupa ay natuyo, dahil wala silang ugat at hindi nahalumigmigan. Isipin ninyo ito. Ang araw ay ikinukumpara rito, sa katuruan ng Panginoon, sa paghihirap. Iyon ay lubhang mahalaga. Ang araw ay maaaring magpinsala o magpalago. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ko na ang puntong ito’y napakahalaga sa pag-unawa ng talinghagang ito sa katuruan ng Panginoon.

Kung wala ang araw, walang halaman ang mabubuhay. Ang isa pang bagay na kailangan ninyong tandaan ay ang araw ang mismong kailangan, sa kaso ng mga halamang namunga. Pero sa kaso ng mga walang ugat, napinsala sila. Ang paghihirap kung gayon ay tulad ng araw. Maaari nito kayong espirituwal na palalimin, o pipinsalain nito kayo, at ito’y nakasalalay sa inyo, hindi sa araw. Mas buo natin itong titingnan sa ilang sandali.

Ang Pag-iwas sa Paghihirap ay Ikakamatay ng Cristiano

Pero nais ko munang tingnan ninyo ang ikalawang kategorya ng mga nanampalataya na nabigo, iyon ay, yung mga inihasik sa tinikan. Naaalala na natin na ang mga binhi ay hindi inihasik sa mga tinikan; wala pa roon ang mga tinikan nang panahong iyon. Tumubo lang ang mga tinikan pagkaraan ng panahon at sinakal ang binhi. Dito rin ay may makikita tayong tatlong bagay ukol sa mga tinikan. At dito, may mapapansin tayo lalo na sa Marcos 4:19. Ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus ukol sa mga inihasik sa matinik na lupa. Sinasabi rito sa b.18: “Ang iba’y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita, ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan” – ngayo’y pansinin muli ang tatlong bagay – “ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito’y hindi nakapamunga.”

Pansinin na gumamit ang Panginoong Jesus ng tatlong salita para sa paghihirap: pag-uusig, matinding paghihirap, at tukso kaugnay sa mga nasa mabatong lupa. Ngayon ay gumagamit siya ng tatlong salita ukol sa mga naihasik sa tinikan: (1) ang mga alalahanin ng sanlibutan, (2) ang pang-akit ng mga kayamanan, at (3) ang pagnanasa sa ibang mga bagay. Ang lahat ng tatlong bagay na ito’y mapapatunayang nakakamatay sa Cristianong nagbibigay ng daan sa mga bagay na ito – sa mga alalahanin ng kasalukuyang mundong ito, ng kasalukuyang panahong ito.

Ngayo’y tanungin ninyo ang inyong sarili kung bakit ang mga bagay na ito’y may anumang epekto sa isang Cristiano. Ang taong ayaw ng pagdurusa ay ang uri ng tao na gustong ma-enjoy ang tinatawag na ‘buhay.’ Gusto niyang iwasan ang magdusa. At kaya, ang katulad na bagay ay maia-apply rito. Kung ayaw ninyo ang pagdurusa, maghahanap kayo ng kasiyahan sa mga kayamanan. Maghahanap kayo ng kaligayahan sa mundo. Iyon ang paraan ng pagtakas. Kaya, itong pangalawang kategorya [ng mga nanampalataya pero nabigo] ay eksaktong katulad ng unang kategorya; sila’y tumatakas mula sa matinding hirap. Gusto nilang hanapin ang paraan ng pagtakas, ang kublian nila sa mundo, at sila’y nag-aalala na baka-sakaling hindi nila mahanap ito, baka-sakaling hindi nila makuha sa mundo ang kanilang gusto.

Ang katulad na kaisipan ang nasa likod ng grupong ito, na inilagay sa ibang salita. Bakit umiibig ang isang Cristiano sa pera? Ito’y dahil matatanggal ng pera ang kahirapan, ‘di ba? Matutulungan siya ng pera na magkaroon ng mas magarang sasakyan at ng mas magandang bahay; at para mabawasan ang tindi ng pagpapabigat at paghihirap. Kung tutuusin, ano ba ang paghihirap? Ang paghihirap ay ang mapasa-ilalim ng matinding pangangailangan sa pera. Hindi ninyo gustong malagay sa matinding pangangailangan sa pera, kung kaya umiibig kayo sa pera.

Ano ito? Ayaw ninyong magkaroon ng pag-uusig; gusto ninyong tingalain kayo ng mga tao. Bakit naman nila gugustuhing tingalain kayo? Tanging kung maraming pera kayo! Maaari kayong sumakay sa isang malaking sasakyan; maaari kayong mabuhay sa magarang paraan. Tumitingala ang mga tao sa inyo; hindi nila kayo uusigin. Higit pa rito, kung may marami kayong pera, mapanganib na usigin kayo. Kaya ninyong kumuha ng abugado. Hindi kayo kayang dalhin sa korte ng mga mahihirap na mga Cristiano; pero ang mayaman, kapag pinagbintangan ninyo siya, pwede niya kayong dalhin sa korte. Marami siyang mga abugado. Kung may sinabi kayong nakakasira ng kanyang puri, o magsalita ng masama ukol sa kanya, magkakaproblema kayo. Walang maglalakas-loob na atakihin ang mayayaman, pero maglalakas-loob silang atakihin ang mahihirap. Ang mahihirap ay walang laban; pero hindi sila maglalakas-loob atakihin ang mayayaman.

At siyempre, marami pa kayong mga bagay na ninanasa dahil may paraan kayong mabili ang mga iyon. Ang mahirap na tao’y walang paraan; tanging sa pangarap lang siya magkaka-stereo cassette. Kapag wala kayong perang pambili ng stereo cassette, hanggang tingin na lang kayo sa bintana ng tindahan. Pero ang mayaman, alam niyang gusto niyang magkapera, gusto niyang makamtan ang mundo, dahil alam niyang may kapangyarihan siyang makuha ang anumang magustuhan niya. Kung gusto niyang magbakasyon sa Florida, magbabakasyon siya sa Florida. Makakayanan ninyo bang gumastos para sa isang bakasyon sa Florida? Hindi! Dahil hindi naman kayo sapat na mayaman! Kaya titingnan ninyo na lang ang mga magagandang larawan ng Florida sa mga magasin. Ang ‘sailboat’ ay naroon at iisipin ninyong, “Ah, ano kaya ang pakiramdam ng naroroon? Ang magagawa ninyo lang ay ang tingnan ito sa malayo, kaya sasabihin ninyo na lang sa sarili ninyo na, “O, kailangan kong magkapera. Kailangang magtagumpay ako upang makapunta ako roon at makapag-enjoy.”

Kaya, ang mga nasa kategoryang ito ay tumatakas sa kahirapan hangga’t makakaya; sila’y humahanap ng kanlungan sa mundo. Iyon ang dahilan na sinabi ko sa umpisa pa lang na malaki ang kaibahan sa gitna ng kung naunawaan ninyo ang kahulugan ng paghihirap at kung nakahanda kayong tanggapin ito. Maaaring naunawaan ninyo ito, pero baka di kayo handang tanggapin ito, kaya hindi rin ito makakatulong sa inyo. Maaaring nakahanda kayong tanggapin ito, at tulad ni Pablo, na magalak pa sa kapighatian. Iyon ang kaibahan ng grupong ito na nanatiling-buhay at sa grupong di-nanatiling-buhay.

Ang Pagdurusa ay Di-Maiiwasan at Kinakailangan Pa ng Cristiano

Nakarating na tayo sa pagbubuod sa kahulugan ng pagdurusa. Ang una kong nais na pansinin ninyo bilang pagbubuod ay ito: ang pagdurusa para sa Cristiano ay lubusang di-maiiwasan. Ito’y tulad ng sikat ng araw; ang araw ay sumisikat hindi lang sa mga di-Cristiano, kundi sa mga Cristiano na rin. Sumisikat ito sa lahat. Sisirain nito ang isa, pero magbibigay-buhay ito sa isa pa.

Ang dahilan kung bakit nalanta ang halaman sa ilalim ng araw ay hindi dahil sa tanging ang halamang iyon lang ang nasikatan ng araw. Hindi nakatuon ang sinag ng araw sa iisang direksyon lang; ang araw ay nagliliwanag sa lahat ng dako. Kung sinikatan nito ang isa na nalanta sa bukid, sinikatan din niya ang ibang nasa bukid na di-nalanta. Kaya hindi masasabi ng nabigo na, “Mas naghirap ako.” Hindi kayo naghihirap nang higit sa iba. Hayaan ninyong garantiyahin ko na wala pa kayo sa ikasampung bahagi ng dinanas ni Pablo para kay Jesus.

Pero pansinin ang mahinang Cristiano. Nagrereklamo siya tuwing may nangyayaring mali. Lagi itong “Bakit ginagawa ito sa akin ng Diyos?” Ginagawa niya iyon sa inyo dahil kailangan ninyo ang sikat ng araw. Walang halaman na lumalago nang wala ang sikat ng araw. Kailangan ninyong tiisin ito. Ang binhing nahulog sa matigas na lupa ay nasikatan din ng araw. Siyempre, hindi na kailangang mag-alala nito dahil hindi naman ito tumagal upang magkaroon ng oras na mag-alala. Ang araw ay sumisikat sa lahat ng dako. Kaya, sa katulad na paraan, sa buhay na ito, walang anumang paraan na makakatakas sa paghihirap at sa pag-uusig. Matatakasan ninyo ito sa ilang bahagi sa mundo, pero mapupunta lang kayo sa ibang uri ng mga problema, tulad ng alam ng lahat.

Napaka-mapanlinlang ng mundo. Parang nagdudulot ito sa inyo ng kabutihan; mas malalim nito kayong pinupuluputan; at sa bandang huli’y matatagpuan ninyo na lang na naghihirap din pala kayo, pero sa ibang paraan. Sa buhay na ito, hindi kayo makakapagtago mula sa kahirapan. Itinatanim iyon ng marunong na Cristiano sa kanyang isipan. Alam niya na ang mayayaman ay yung mga taong hindi makatulog sa gabi sa pag-iisip na baka sila’y madukot at ipatubos; na baka may-magbomba ng bangko nila; na baka babagsak ang kumpanya kung saan nakaseguro sila; o kung hindi ang kumpanya ng seguro, baka ang kanilang pinag-imbakan ng stocks and shares ang babagsak, at sila’y mawawalan ng pera; at kung ito at kung iyon at iba pang bagay. Wala itong katapusan.

Inaalala nila: sino ang makakukuha ng kanilang ari-arian kapag sila’y namatay, sino ang magmamana nito, o kung mag-uumpisang mag-away-away ang pamilya, at kung anu-ano pa. Higit pa roon, marami sa kanila, sa panahong iyon, ay bumagsak na ang kanilang kalusugan sa kasisikap nilang maging mayaman. Tulad ng dati kong naibahagi sa inyo, may ilang tao na gumamit ang buo nilang kalusugan upang yumaman, at pagkatapos na maging mayaman, kailangan nilang gamitin ang buo nilang kayamanan upang manumbalik ang kalusugan nila. At ganito ang nangyayari sa buhay.

Pero ang pangalawang bagay na dapat nating maunawaan ay ito: ang dahilan kung bakit dapat nagagalak kayo sa pagtitiis ng hirap, kung kayo’y marunong na Cristiano, ay dahil alam ninyo na winawasak ng pagdurusa ang kasalanan mula sa inyong buhay. Mababasa natin iyon sa 1 Pedro 4:1, “ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan¹” o “…nagbata sa laman ay nagpapatigil sa kasalanan².” Maraming beses ko nang nabanggit ang bersikulong iyon sa inyo sa pag-aaral natin ng Biblia. Napakahalagang maunawaan na: may paraan ang pagtitiis sa paghihirap upang putulin ang mga ugat ng kasalanan. May paraan ang pagdurusa upang sirain ang mga damo ng inyong buhay, mismong sa ugat nito, kung ito’y inyong hahayaan, ito’y kung hahayaan ninyo na ang mga ugat na iyon ay malantad sa araw. May paraan ang pagbabata ng paghihirap upang linisin ang inyong buhay. Sinasabi sa atin sa 1 Pedro 1:6&7 na “ang pagsubok ng inyong pananampalataya [na tulad ng ginto’y sinusubok sa pamamagitan ng apoy]”, ay lalong nagpapadalisay rito. O ayon sa talinghagang ito, ibig sabihin nito na habang lalong umiinit ang araw, lalong ipinapa-ilalim ng tanim ang mga ugat nito. Ang kalidad ng espirituwal na buhay ay nadaragdagan dahil alam nitong kinakailangang mas lalong pumailalim upang makuha ang kinakailangang halumigmig.

At ikatlo, ang pagbabata ng hirap sa katunayan ay simbolo ng pag-ibig ng Diyos. Ang sikat ng araw ay napakaganda! Yung sikat na iyon na nagpapalago sa pananim, bakit nito sinisira ang walang ugat? Kung may mga ugat ito, ang tanim ay tuwang-tuwa sa sikat ng araw. Nasisiyahan ito rito! Napakaganda nito! Ito’y lumalago dahil sa sikat ng araw. Ipinapahayag nito ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Matatagpuan natin ito, halimbawa, sa Hebreo 12:10. Sinasabi sa atin doon na sa pamamagitan ng pagbabata ng hirap at disiplina, tayo’y nakikibahagi sa kabanalan ng Diyos. Alam ninyo ba iyon? Ang kabanalan ay posible lang sa pamamagitan ng pagbabata ng hirap. Nagbibigay ang Diyos ng paghihirap “upang tayo’y makabahagi sa kanyang kabanalan” – ito ang sinasabi sa atin sa Hebreo 12:10 – upang tayo’y maging banal na tulad niya. Ang buong sipi ng Hebreo 12:3-11 ay isang sipi tungkol sa pagdidisiplina ng Diyos sa atin dahil mahal niya tayo.

Dinidisiplina ko ang anak ko dahil mahal ko ang anak ko. Ang disiplinang iyon ay nagpapahayag ng aking pagmamahal at ng aking pag-aalala. Hindi ko dinidisiplina ang anak ng kapitbahay ko dahil kung gumagawa ng masama ang anak ng kapitbahay, halimbawa, sinisira niya ang bahay nila, iyon ay hindi ko responsibilidad. Hindi ko sasabihin sa kanya na: “Bakit mo sinisira ang inyong bahay?” Iyon ay responsibilidad niya. Kung hindi sila pinipigilan ng mga magulang nila, bakit ako ang pipigil sa kanila? Pero nag-aalala ako sa anak ko. Kung ginagawa ng anak ko iyon, didisiplinahin ko siya. Masasaktan ang bata; masasaktan din ako, pero ang pagdidisiplina ay pagpapahayag ng pag-ibig na iyon.

Tayo’y Tinawag Upang Makisama sa mga Paghihirap ni Jesus

Higit pa roon, tayo’y tinawag sa “pakikisama sa kanyang mga kahirapan”. [Filipos 3:10] Tayo’y tinawag para rito. Ano sa palagay ninyo? Sa palagay ninyo ba’y may kakaibang nangyari sa akin kaya sinasabi ko ito? Sinabi rin ng Panginoong Jesus ang katulad na mga salita: “Kung ang sinumang tao’y ibig sumunod sa akin, pasanin niya ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Gusto ninyo bang sumunod kay Jesus? Lumakad kayo kasunod niya. Pinasan niya ang kanyang krus; pasanin ninyo ang inyong krus. Sumunod kayo sa kanya sa – “pakikisama sa kanyang mga kahirapan.” Napakahalagang maunawaan iyon. Nangangahulugan din iyon ng ilang mga bagay:

Una, ibig sabihin nito na kapag naghihirap kayo, kayo ay kinikilala bilang disipulo niya. Lumalakad kayo sa kanyang mga yapak. Sa 1 Pedro 2:21, sinasabi rito na tayo’y iniwanan niya ng halimbawa, upang tayo’y magsisunod sa mga yapak niya. Kaya, kapag kayo’y naghihirap, alam ninyo na kayo’y disipulo. Iyon ang ebidensya nito.

Pangalawa, ipinapakita nito na pinaparangalan [honor] natin si Cristo sa ating katawan. Sinasabi ni apostol Pablo na siya’y nasisiyahan [glories] sa kanyang paghihirap. Sa Filipos 1:20 sinabi niyang, “Ayon sa aking lubos na inaasahan… na… dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan.” Saan tayo makakatagpo ng ganoong Cristiano sa panahong ito? Saan natin sila matatagpuan? Ang gusto lang nila ay buhay, hindi kamatayan. Sinabi ni Pablo na, “Ako’y nagagalak na mamatay.” Wala siyang takot sa kamatayan dahil “si Cristo’y madadakila sa aking kamatayan.” Nakita natin kung paano siya nagpumilit na pumunta sa Jerusalem samantalang pinipigilan siya ng mga iba. Hindi siya kailanman takot na mamatay. Dadakilain niya ang Diyos sa kanyang mga paghihirap.

Pangatlo, makikita natin na tanging sa paghihirap natin makikilala si Jesus sa pinakamalalim na antas. May isang uri ng Cristiano na pinapakisamahan ninyo, na bihirang-bihira sa ngayon. Pinapakisamahan ninyo sila sa pinakamalalim na antas. Alam ninyo ba kung bakit? Ito’y dahil kilala nila si Jesus. Papaano nila nakilala si Jesus? Alam ninyo ba kung saan? Sa paaralan ng paghihirap! Ang Cristianong nakaranas na ng hirap ay may kalaliman na hindi taglay ng ibang uri ng Cristiano. Sila’y malalalim. Kilala nila si Jesus – hindi lang sa pagsasabing “Naniniwala ako sa kanya.” Kilala nila si Jesus sa pinakamalalim na antas. Ang ganitong uri ng Cristiano ay bihira sa panahong ito.

Kung balang araw ay may pagkakataon kayong makakilala ng ilang kapatiran sa China, malalaman ninyo kung anong ibig kong sabihin. Ang uri ng tao na lumabas mula sa kampo ng pagpapahirap [hard labor camp] (kung makatatagpo kayo ng isa) ay ang Cristianong may kakaibang katangian. Hindi sila yung nagpupunta tuwing Linggo sa iglesya upang mag-outing. Hindi siya iyong uri ng Cristiano na nagpupunta lang para sa mga piknik. Ito’y ang uri ng Cristiano na nakaraos mula sa kampo ng pagdurusa, nagbata ng mga pagpapahirap, ng mga paglalatigo’t pagtatanong [interrogations]. May kakaibang katangian ang taong ito. Kilala nila si Jesus sa espesyal na paraan.

Ito ang minithi ni Pablo. Sinabi niya, “Gusto ninyo bang makilala si Jesus? Sasabihin ko sa inyo kung saan ninyo makikilala si Jesus. Ito’y sa lugar ng pagdurusa.” Kung ayaw ninyo ng paghihirap, hindi ninyo makikilala si Jesus. Hindi ninyo makikilala si Jesus sa pamamagitan ng pagpunta sa seminaryo at pag-aaral doon. Hindi iyon ang lugar para makilala si Jesus; lugar iyon para makakuha ng akademyang kaalaman. Iyon ang lugar para makakuha ng akademyang kakayahan, pero hindi iyon ang lugar na makikilala ninyo si Jesus.

Walang sinuman na lumabas mula sa seminaryo ang nakakikilala kay Jesus nang tulad ng pagkakilala ni Pablo, sa paraang pinag-uusapan natin. Walang sinuman mula sa seminaryo ang makakikilala kay Jesus nang tulad ng isang kapatirang lalaki at babae na hindi nakatuntong man lang ng mataas na paaralan, pero nakulong para sa Panginoong Jesus. Sinasabi ko sa inyo na kapag kinausap ninyo ang dalawang taong iyon, kayo’y makikipag-usap sa dalawang napaka-magkaibang tao. Sila’y magkaibang-magkaiba. Nakipag-usap na ako sa dalawang uri; alam ko mismo ang pagkakaiba. Ang isa’y kilala si Jesus; ang isa nama’y tanging may kaalaman lang sa utak. Oh, napakalaking pagkakaiba niyon!

Ano ang gusto ninyong malaman? Kung gusto ninyong makaalam ng mas maraming teolohiya, maraming mga tindahan ng mga Cristianong babasahin doon. Maghanap lang ng isang aklat at basahin ito. Kung gusto ninyong basahin ang isang aklat ng sistematikong teolohiya, magbasa kayo nito. Ang resulta ng pagbabasa ninyo ay hindi makapagdaragdag ng pagkakilala ninyo kay Jesus. Ang makilala si Jesus ay sa paaralan ng paghihirap, sa pakikisama sa kanyang mga pagdurusa.

Iyon ang dahilan kung bakit sa Filipos 3:10, sinasabi ni apostol Pablo na, “upang makilala ko siya… at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan”. Pinagsama niya lahat iyon sa iisang pangungusap. Bakit? Ito’y dahil hindi sila pwedeng magkahiwalay. Gusto ninyo ba makilala si Jesus? Makikilala ninyo siya sa pakikisama sa kanyang mga kahirapan. Doon siya higit na magiging malapit sa inyo; doon ninyo siya higit na kailangan; at doon siya higit na malinaw na makikipag-usap sa inyo.

Sinasabi ko ito mula sa karanasan. Doon sa tatlong taon sa China, nang kaharap ko ang gutom at kaunting pag-uusig, iyon ang panahon ng pinakamatamis at pinakamalapit na paglalakad kasama ko ang Panginoong Jesus. Nang nasa ilalim ng matinding hirap, sa “pakikisama sa …kahirapan”, lubos ko siyang nakilala. Ito’y higit pang mahalaga kaysa sa seminaryo, higit pa sa Faculty of Divinity at lahat ng ganitong uri. Ang “pakikisama sa …kahirapan”! Inaasahan ko na ang lahat ng ito’y makakatulong upang maunawaan ninyo ang kahulugan ng paghihirap. Hindi ninyo kailanman matatagpuan na higit na malapit sa inyo si Jesus kundi sa panahon na naghihirap kayo.

Pero iyon ay kung ipapailalim ninyo ang inyong mga ugat. Ang paghihirap ay makakapagpalayo sa inyo mula sa Panginoon, tulad ng nangyari sa dalawang iba pang kategorya, o mas hihilahin kayong papalapit sa kanya, depende ito sa inyo, sa kalagayan ng inyong puso. Kung nakakaranas kayo ng paghihirap, purihin ang Diyos dito, at sabihing, “Ngayon ang pagkakataon kong makilala siya.” Lumapit kayo nang napakalapit sa kanya. (Kaya sasabihin kong muli, lalo na sa mga babalik na sa Hong Kong, magkakaroon kayo ng paghihirap sa dalawang paraang ito: ang mundo’y magiging kaakit-akit sa inyo, at tutuksuhin kayo sa pamamagitan ng pagsasabi ng, “Umalis kayo sa hirap ng pagiging Cristiano. Pumarito kayo sa aming panig!” O kung tatanggi kayo, malalagay kayo sa matinding hirap.)

Magpakatatag kayo sa Panginoon, at inyong matatagpuan na nakatayo kasama ninyo, kabalikat ninyo, ang Panginoong Jesus – nakikisama sa inyo. Gayon ninyo malalaman ang tamis ng pakikisama. Hindi ninyo kailanman malalaman kung gaano kalapit si Jesus sa inyo hanggang sa panahong iyon. Sasabihin ninyong, “Panginoong Jesus, hindi ko kailanman alam na ikaw pala’y mismong nasa tabi ko na. Nasa tabi ko pala ikaw sa lahat ng oras.” Sa lahat ng inyong paghihirap, matatagpuan ninyong siya’y naghihirap kasama ninyo.

Pribilehiyo ng Pagdaan sa Lubhang Paghihirap Nakalaan sa Malalakas

Sa panghuli, may isang kategorya ng paghihirap na hindi ko nais man lang banggitin, dahil ang kategorya ng paghihirap na ito’y nakalaan lang sa matitibay na tao ng Diyos, ang mga hinirang na sisidlan ng Diyos. Ito ang pribilehiyong dumanas ng hirap na nakalaan lang sa mga pinilì ng Diyos. Para sa karamihan sa atin, hindi man lang tayo pwedeng piliin para rito. Alam ninyo, nang piliin ng Diyos si apostol Pablo, ito ang sinabi niya sa Gawa 9:15-16: “siya’y sisidlang hirang sa akin²” at “ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan¹.” Gusto ninyo bang maging isang hinirang na sisidlan? Heto na iyon!

Naririnig kong sinasabi ng maraming tao na, “Hindi ito makatarungan. Hinirang ng Diyos si Pablo.” Alam ninyo ba kung para saan hinirang ng Diyos si Pablo? Upang “siya’y magtiis ng maraming bagay.” Gusto ninyo bang magtiis ng maraming bagay? Maaaring kayo ang susunod na Pablo. Maaaring kayo na nga. Pero hanggang di pa dumarating ang panahong iyon, huwag munang pasisigurado. Ang isa pang bagay ay ito: kapag hinirang niya kayo, magkakaroon kayo ng napakabigat na krus na papasanin. Si Pablo ay ang uri ng tao na nagagalak sa paghihirap. Hinirang siya ng Diyos na siya ring nagsabi na, “aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan.²”

Naalala ko si Wang Ming Dao bago siya nakulong. Sinabi niya, “Hindi ako karapat-dapat na dumanas ng hirap para kay Cristo.” Madalas niyang sinasabi ang tungkol sa pagiging di-karapat-dapat na dumanas ng hirap para kay Cristo. Maaaring nasa isip niya ang puntong ito: ang matawag na dumanas ng hirap ay isang pinakamataas na pribilehiyo, na di ibinibigay sa lahat. Alam ng mga Cristianong Intsik iyon. Ipinagkaloob sa wakas ang pribilehiyo kay Wang Ming Dao. Kung buhay pa siya ay hindi natin alam. Pero nauunawaan niya na hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pribilehiyo.

Nakikita ba ninyo ito bilang isang pribilehiyo? Bukas ba ang inyong mga mata upang maunawaan ang kahulugan ng pagdanas ng hirap? Kung oo, kayo yung hindi lang magbubunga, kundi magbubunga pa ng tatlumpung beses, o animnapung beses, at marahil kahit na isang-daang beses pa.

 

Katapusan ng mensahe.

 

¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, Phils., 2001.

²Ginamit ang: Ang Biblia: King James Version (Tagalog-English Diglot Version), Philippine Bible Society, 1995.

3Ginamit ang salitang ‘iglesya’ para sa ‘church’ dahil ang salita sa Griyego ay ekklesia (Gr: εκκλησια).

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church