You are here

Ang Talinghaga ng Lambat

Ang Talinghaga ng Lambat

(Parable of the Net)

Mateo 13:47-50

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Ipagpapatuloy natin ngayon ang pag-aaral sa Mateo 13:47-50. Ito ay ang Talinghaga ng Lambat.

Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba’t ibang uri ng isda. Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama. Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Ano’ng kahulugan ng talinghagang ito? Ito ang ikapito at huling talinghaga sa Mateo 13. Ito ang pinakahuli sa isang grupo ng mga talinghaga sa Mateo 13, kung saan binibigyang-diin nito ang Paghuhukom ng Diyos. Iyon ay lubhang nababagay, dahil sa pagiging pinakahuli nito sa pitong talinghaga.

Ang Kaharian ng Diyos at Ang Buhay na Walang Hanggan

Tulad ng ibang talinghaga sa Mateo 13, ito ay tungkol din sa kaharian o pamahalaan ng Diyos. Ang salitang ‘kaharian’ ay maaari ring isalin bilang ang ‘pamahalaan.’ Ang pamahalaan ng Diyos! Bakit kailangan nating maging interesado sa pamahalaan o paghahari ng Diyos sa ating buhay? Ito’y dahil tanging sa gayon lang tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Iyon ang itinuturo ng Panginoong Jesus. Ang mga taong namumuhay sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos lamang, kung saan ang Diyos ang kanilang Hari, ang siyang mag-e-enjoy sa buhay na ibinibigay niya. Malinaw na kung kayo ay hindi namumuhay sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung hindi Hari ang Diyos sa inyong buhay, hindi kayo makakaasa na magkaroon ng mga benepisyo ng kanyang paghahari.

Kung ako’y hindi nakatira sa Canada at wala sa ilalim ng batas ng Canada, hindi ako magkakaroon ng mga benepisyo ng buhay sa Canada. Pero kapag ako’y pumasok ng Canada, ako’y mapapasa-ilalim ng batas niya. Kahit na turista o ‘foreigner’ lang kayo rito, nasa ilalim pa rin kayo ng batas niya. Kaya, kung lumabag kayo sa batas, kayo’y mapaparusahan. Kung ihihinto ninyo ang inyong sasakyan sa maling lugar, makakakuha kayo ng tiket at pagmumultahin. Wala silang pakialam kung taga-Canada man kayo o hindi; basta’t nasa Canada kayo, kayo’y nasa ilalim ng batas ng Canada. Kapag pumasok kayo sa kaharian ng Diyos, kayo’y nasa ilalim ng batas ng Diyos. Pero, kung gusto ninyong ma-enjoy ang mga benepisyo sa pagiging nasa paghahari ng Diyos, dapat lang na nasa ilalim kayo ng pamumuno niya, ng pamamahala niya.

Lagi kong naaalala ang mga sinabi ni Confucius: “亂邦不入”, iyon ay, “Huwag pumunta sa isang magulong bansa na hindi tama ang pamamahala.” Dahil, kung gusto ninyong ma-enjoy ang mga benepisyo ng isang mabuting buhay, hindi kayo pupunta sa isang bansa na di-wasto ang pamamahala. Pero kung nais ninyo ma-enjoy ang mga benepisyo ng mabuting buhay, pumunta kayo sa isang bansang may mabuti’t wastong pamamahala. Ganoon din ang kaso sa kaharian ng Diyos. Nais ninyo bang ma-enjoy ang mga benepisyo ng isang buhay kung saan may katuwiran, kapayapaan, kagalakan, pag-ibig, pagkakaunawaan at kabanalan? Kung gayon, ang lugar kung saan matatagpuan ang lahat ng ito ay ang kaharian ng Diyos, kung saan ikokomit ninyo ang inyong buhay sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos.

Ngayon, sinasabi ng Panginoong Jesus na: “…ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba’t ibang uri ng isda.” Kung ipapalit natin dito ang larawang pinag-uusapan natin ukol sa isang bansang may mabuting pamahalaan, makikita ninyo na dahil mismo sa pagkakaroon ng mabuting pamahalaan, maaakit nito ang iba’t ibang uri ng tao, hindi lamang ang mabubuti, kundi pati na rin ang masasamang tao. Ito’y dahil, nakapagtataka mang sabihin, ang mga masasamang tao’y nagnanais din ng mabuting pamahalaan. At kaya, makikita natin na kahit mga gangster ay hahanap ng bansang may magandang pamamahala, na kataka-taka. At kaya, marami ring problemang moral ang mabubuting bansa. Ito ang kaso kahit saan; ang lahat ay naaakit sa isang mabuting bansa kung saan ang mga pamantayan ng ekonomiya ay mataas.

Tumataas ang ‘standard of living’ kahanay ng magaling na pamamahala. Gusto ng lahat na mag-enjoy ng mataas na ‘standard of living.’ Pero kung saan may masamang pamamahala, bumababa ang standard ng ekonomiya. Ito ang dahilan kung bakit may mahalagang papel na ginagampanan ang ekonomiya sa panahon ng eleksiyon. Kinakailangang laging patunayan ng isang pamahalaan na sa ilalim ng kanilang pamamahala, ang pamantayan ng pamumuhay ay tumaas at ang implasyon [inflation] ay bumaba. Sinusubukan ng lahat na patunayan ito. Sa tuwing mataas ang implasyon at mataas din naman ang bilang ng mga walang trabaho, lagot na ang pamahalaan.

Sasabihin ng mga tao, “Ayaw namin ang pamahalaang ito; hindi nila kami binibigyan ng mabuting pamamahala. Nais naming patalsikin sila dahil ang antas ng aming pamumuhay ay naaapektuhan.” Kaya, di-kataka-taka na kahit saan, nais ng mga tao ang mabuting pamamahala, kahit masasamang tao. Ito’y dahil nais din nila magkaroon ng mataas na antas ng pamumuhay. Kaya, ang resulta’y ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda.

Ang 'Seine Fishing'

Ang ‘Seine Fishing

Marami siguro sa inyo ang hindi mangingisda. Ako’y nangingisda paminsan-minsan, pero hindi ako eksperto sa pangingisda, lalung-lalo na kung ang gamit ay mga lambat. At kaya, kailangan kong magsabi ng ilang kaalaman tungkol sa talinghagang ito. Nai-imagine ko na itinuro ng Panginoong Jesus ang talinghagang ito sa tabi ng Dagat ng Galilea kung saan marahil pinapanood ng mga tao ang mga mangingisda habang hinihila nilang pabalik ang mga lambat. Ano mismo ang pinapanood nila? Ano ang larawang nakikita nila? Hayaang ilarawan ko ito para sa inyo.

Ang uri ng pangingisdang ito ay tinatawag na ‘seine fishing,’ iyon ay, pangingisdang gamit ang ‘seine’ na lambat. Hindi ninyo makikita ang salitang ‘seine’ sa inyong salin-sa-Ingles na Biblia. Ibig sabihin ng ‘seine fishing,’ may isang mahabang lambat na hinihila ng marahil dalawang bangka o bapor na pumapalaot. O kaya, ang isang dulo ng lambat ay maaaring nakatali sa pampang at ang kabilang dulo nama’y hinihila ng isang bangka na umiikot mula sa pampang, tapos pumupunta ito sa dagat, at pagkatapos, bumabalik muli sa pampang, at sa ganoong paraan, ikinukulong nito ang mga isda.

Kung ang bapor ay lalarga mula sa pampang at ang isang dulo ng lambat ay naka-steady sa pampang, ang bapor ay papalaot at hihilahin ang lambat papalabas papunta sa dagat. Tapos, hihilahin itong lambat papasok muli, at kaya, matitipon ang mga isda sa pampang. O di kaya, lalarga ang dalawang bapor o bangka at papalaot nang sabay – maraming paraan ang paggawa nito – iikot, at lalapit sa isa’t isa at sasarhan ang puwang, upang mahuli ang mga isda sa pagitan nila. Pagkatapos, ang dalawang bapor o bangka ay babalik sa pampang nang sabay, dala-dala ang mga isdang nasa lambat. Dapat lumulutang ang pang-itaas na bahagi ng lambat; lumulutang ito sa ibabaw ng tubig. Tapos, ibabagsak ang lambat pababa hanggang matamaan nito ang ilalim ng dagat. Ibig sabihin, siyempre, hindi ninyo gagamitin ang paraang ito sa kalagitnaan ng dagat kung saan malalim ang tubig, kundi malapit parati sa pampang.

At kaya, ang kabilang dulo ng lambat ay nakalaylay roon, na may pabigat sa ilalim. At ang lambat ay nakaladlad sa tubig. Ito’y napakahaba. Ang pang-itaas ay may ‘floats’ gaya ng ‘corks’ o mga sisidlang walang-laman na magpapalutang ng lambat sa itaas. Sa ibaba nama’y may mga pabigat, para magsuyod sa ilalim ng dagat, o may kalapitan sa ilalim ng dagat, para di makawala ang mga isda sa ilalim ng lambat. Sa ganitong paraan, ang buong lambat ay lalarga, hila-hila ng mga bangka o bapor tungo sa pampang. Ngayon, mai-imagine ninyo kung anong mangyayari sa gayong sistema, siyempre, na nata-trap nito ang lahat ng mga isda sa loob ng lambat na iyon.

Hanggang ngayo’y ginagamit pa rin ang ganitong paraan ng pangingisda, sa aking pagkakaalam. Kahit sa ‘commercial fishing’, sa ‘seine fishing’, gumagamit sila ng mga lambat. Napakahaba ng mga lambat na ito at hinihila ng mga modernong ‘trawler fishing boat’. Pero sa Dagat ng Galilea, kahit hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang ganitong klase ng pangingisda. Kaya, kapag ang mga bangka ay bumalik na sa pampang, hihilahin na nila ang mga lambat, at doo’y makikita ninyo ang lahat ng isdang nasa loob nito: may malalaki’t may maliliit, may mabubuti’t may masasama, at lahat ay na-trap sa loob nito. Tapos, dinadala ng mga tao ang mga isda sa pampang. Sa sandaling ang mga isdang ito ay nasa tuyong lupa, sila ay pinipilian.

May mga isdang ayaw ng mga tao: mga may-sakit na isda, mga patay na isda, na namatay, dahil sa pagkakulong sa lambat, at ang iba nama’y simpleng napakapayat, napakahina, o naghihingalo na. Ayaw rin ng mga mangingisda ang mga ganitong klaseng isda: yung napakaliliit, dahil wala sila masyadong halaga kung ibebenta, at ang iba’y wala na sa malusog ang kalagayan. At iyon, kung gayon, ang larawan ng pangingisdang gamit ang mga lambat na ito.

Ang Mga Tao ay Inihahalintulad sa mga Isda sa Dagat

Ngayong nakita na ninyo ang larawang iyon sa inyong isipan, makikita ninyo ang talinghagang tinutukoy ng Panginoong Jesus. Ano kung gayon ang kahulugan ng talinghagang ito? Sa Biblia, ang paglalarawan sa mga tao bilang isda ay napaka-ordinaryo. Ang mga tao ay kadalasang inilalarawan bilang mga isdang lumalangoy sa buhay, nagpapaikot-ikot, ginagawa ang normal na mga gawain: ang kumain ng maliliit na isda. Tulad ng kasabihan ng mga Instik, “Kinakain ng malaking isda ang maliit na isda, at kinakain naman ng maliit na isda ang mas maliit na isda.” At kaya, ang mundong ito kung saan tayo nakatira ay inihahambing sa isang mundo ng mga isda. May iba’t ibang uri sila, tulad ng sinasabi rito, lahat ng uri ng isda, bawat uri ng isda.

Ang mga isda’y tulad din ng mga tao sa maraming paraan. Maaaring mailarawan ng iba’t ibang uri ng isda ang iba’t ibang bansa, at ang iba’t ibang uri ng tao sa mundo. Lubhang napakarami ng uri ng isda. Sa Dagat ng Galilea lang, may nakapagbilang na ng 24 na uri ng isda. Doon sa [mas malawak na] dagat ay may daan-daang uri ng isda. At kaya ang mga ito’y inihahambing sa iba’t ibang uri ng tao. Tulad ng isda, may malalaki’t may maliliit, may matutulis na ngipin na palaging nangangagat ng iba, at may iba rin namang mapayapa at kumakain na lang ng mga insekto o alimango o maliliit na hipon. May maraming uri ng isda, tulad ng iba’t ibang uri ng tao na may iba’t ibang ugali at iba’t ibang anyo.

Kaya, sa Biblia, halimbawa sa Habakkuk 1:14-15, ang mga bansa o mga tao ay inihahambing sa isda. Sa b.15, sinasabi na: ang mga Caldeo (na mga napaka-agresibong tao sa mga panahong iyon, isang makapangyarihang bansa na sumakop sa mundo) ay inilalarawan doon bilang nagdadala sa mga bansa tungo sa kanilang lambat, tulad ng sinasabi ng Panginoong Jesus dito.

At ang “dinadala sila sa lambat” ay isang larawan ng makapangyarihang bansang ito na sumasakop sa ibang bansa, at nagpapasa-ilalim sa kanila sa kanyang kapangyarihan at impluwensiya. Kaya, dito sa Mateo 13, inilalarawan ang kaharian ng Diyos bilang ang siyang humahayo sa mundo at nagdadalang papasok ng mga tao. Sa kasong ito, siyempre, ito’y isang espirituwal na pananakop at hindi pisikal.

Isa pa, ang mga alagad ng Diyos ay inilalarawan bilang mga mamamalakaya¹ o mangingisda² ng mga tao, na makikita natin sa Mateo 4:19. Sinasabi rin sa atin ni Edersheim, isang eskolar, na sa mga ‘Jewish writing’, napaka-ordinaryo na ihambing ang mga tao sa isda. Sa Ezekiel 12:13, lalung-lalo na sa saling ‘Symmachus’ ng Lumang Tipan sa Griyego, makikita natin ang larawan mismo na hinuhuli’t ginagawang alipin ng Panginoon ang Israel sa mga lambat ng mga Caldeo. Kaya, may larawan tayo rito na hinuhuli mismo ng Diyos ang Israel sa lambat. May ipinapakahulugan doon na ang ideya ay ang pagkakahuli sa lambat ay di namalayan. May pagkilos doon ng kaharian ng Diyos. May kapangyarihang humihila sa kanila papasok dito.

Bawat Klase ng Isda ay Natipon Hanggang Punô na ang Lambat

Ngayon, ang bawat bahagi ng talinghagang ito ay puno ng kahulugan. Napakayaman nito na kailangang kong mamili sa paraan ng pagprisinta ng larawan ng talinghaga. Sinasabi sa atin sa b.48 na nang punô na ang lambat, ito’y hinihila patungo sa pampang. Ang ‘punô’ rito ay nagpapaalala sa atin ng Mateo 22:10, halimbawa, sa Talinghaga tungkol sa Kasalan.

Doon, sinasabi ng Panginoong Jesus ang tulad na ideya na: “napuno ng mga panauhin ang kasalan.” Tandaan na sa Mateo 22:10. na: “Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila” – at pansinin ang parehong sinasabi – “masama o mabuti; kaya’t napuno ng mga panauhin ang kasalan.” Naririto sa gayon ang ideya ng paglabas at pag-anyaya sa lahat ng tao para dumalo sa kasalan. At kaya, sa halip na larawan ng isang lambat na nagdadala ng iba’t ibang uri ng isda, sa Mateo 22 naman ay may katulad na ideya ng paglabas at pag-anyaya sa inyo sa isang kasalan. Ngayon, lahat ay nasisiyahan sa pagkaroon isang kasalan, tulad ng nasisiyahan sila sa pagkaroon ng mabuting pamahalaan. Kaya, sila’y pumasok sa piging. Pero ang natipon ay parehong ang mabuti at masama dahil nagnanais silang may makuhang bagay mula sa kasalang ito. Nais nilang makapasok sa kaharian ng Diyos dahil may nais silang makuha mula rito.

Sa Mateo 13:47, sa “kanilang tinipon ang iba’t ibang uri ng isda”, naroon muli ang salitang ‘tinipon’. Ngayon, ang parehong salita sa Griyego na ‘tinipon’ ay ginamit sa Mateo 25:32. Dito, muli, may katulad na ideya na lahat ng mga bansa ay tinipon sa kanyang harapan at doo’y kanyang ihihiwalay ang mabubuti mula sa masasama, ang mga tupa mula sa mga kambing. At ang salitang ‘ihiwalay’ ay matatagpuan din sa talinghagang ito. Ang lahat ng ito’y nangangahulugan na may ilang talinghaga na katulad ang kahulugan sa Talinghaga ng Lambat. At ibig sabihin nito na ito’y isang napakahalagang elemento sa turo ng Panginoon, na makikita natin sa ating pagbubuod maya-maya.

Kaya, kailan hinihilang pabalik ang lambat? Hinihila ang lambat tungo sa pampang kapag ito ay punô na. Ito’y nagpapaalala sa atin siyempre sa Roma 11:25, kung saan sinabi ni Apostol Pablo na, “hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil¹”, ay doon lang mangyayari ang katapusan ng panahon. Iyon ay, ang Diyos ay kumikilos sa ngayon. Maitatanong ninyo, “Bakit hindi pa nangyayari ang katapusan ng panahon, ang katapusan ng mundo?” Ito’y dahil ang lambat ay hindi pa napupunô. Sa sandaling mapunô ang lambat, sa sandaling maganap na ang layunin ng Diyos, sa panahong iyon darating ang katapusan. Ang lambat ay hihilahing patungo sa pampang.

Ngayon, ang salitang ‘tipunin’ ay lubhang nakakaaliw dahil ang Griyegong salita ay nangangahulugan din ng ‘patuluyin.’ Ito’y ginamit sa kahulugang ito sa Mateo 25:35, 38 at 43, kung saan ang salita ay isinalin bilang ‘pinatuloy’: “Ako’y nabilanggo… ako’y nagutom…” at iba pa at “hindi ninyo ako pinatuloy”. O sa mabubuti nama’y sinabi niya, “…ako’y inyong pinatuloy.” Ang Ingles na salitang isinalin doon na ‘pinatuloy’ ay pareho ng Griyegong salita na ‘tinipon.’ Ito’y nangangahulugan na ang kaharian ng Diyos ay nagbibigay ng paanyaya, nag-uunat ng bisig, upang ma-‘welcome’ ang lahat. Ito’y hindi isang pag-anyaya na may itinatangì. Ang lahat ay inaanyayahang pumasok sa kaharian ng Diyos.

Kung hindi kayo Cristiano, imbitado pa rin kayo na ngayon ay pumasok sa kaharian ng Diyos. Higit ito sa nangyayari sa karamihan sa mga bansa ngayon, na may napakahigpit na batas na pandarayuhan o ‘immigration laws’. Pinapatuloy lamang kayo kung kayo’y isang uri ng tao at natutugunan ninyo ang mga ‘immigration requirement’ ng bansang iyon. Pero ang kaharian ng Diyos ay nag-aanyaya sa lahat; lahat ay ‘welcome’ dito. Hindi naman walang mga kondisyon ang ‘welcome’ na ito, pero ito’y isang paanyaya sa sinumang nagnanais na tumuloy. Ang punto’y ito: sinumang nagnanais, ay makakapunta! Gayon na lang kamahal ng Diyos ang sanlibutan na sinuman ang nagnanais ay makakapunta!

Pero hindi nito ibig-sabihin na dahil kayo ay nasa loob na ng kaharian ng Diyos ay ligtas na kayo. Iyon ang isang kapansin-pansing bagay! Hindi tayo sanay sa ideyang ito dahil dati-rati ay iniisip natin na kahit sinong nasa loob ng kaharian ng Diyos ay kahit papaano’y otomatikong maliligtas. Pero tingnan ang talinghagang ito: may mabubuti at masasama sa kaharian ng Diyos; ang masasama ay itatapon sa katapusan ng panahon. Hindi ngayon, kundi sa katapusan pa ng panahon sila itatapon. Maraming tao sa iglesya ngayon na parang mga Cristiano, na nagsasabing Cristiano sila, pero itatapon sila ng Diyos palabas sa katapusan ng panahon. Iyon ang babalâ ng talinghagang ito. Huwag isipin na dahil nasa loob kayo ng iglesya, o dahil tinatawag ninyo ang inyong sarili bilang Cristiano, na kayo’y maliligtas. Hindi!

Kaya, ano ang pagkakaiba? Dinadala tayo nito sa napakahalagang punto ng talinghagang ito. Ano ba ang nangyayari’t may pagkakaiba ang mabubuti sa masasamang isda? Paano masasabi kung ang isda ay mabuti? Paano masasabi kung ang isa’y tunay o di-tunay na Cristiano? Ang huwad na Cristiano ay itatapon sa katapusan ng panahon, sa Paghuhukom. Kaya, makikita natin na ang talinghagang ito ay isang babalâ. Tulad ng nakita natin mula sa umpisa, ito’y isang talinghaga ng paghuhukom. Kung kine-claim ninyo na isa kayong Cristiano, ano’ng uri ng Cristiano kayo? Iyon ay isang napakahalagang tanong.

Nasa loob ba kayo ng kaharian ng Diyos? Iniisip ninyo ba na kayo’y ligtas na, dahil nasa kaharian na kayo ng Diyos? Kung gayo’y makinig kayong mabuti sa sinasabi ng Panginoong Jesus. Binabalaan niya kayo na hindi dahil sa nasa loob na kayo ng kaharian ng Diyos ay sigurado na kayong maliligtas sa bandang huli – hindi sa ganoong paraan. Ito’y depende sa iba pang bagay. Ano, kung gayon, ang bagay na iyon? Ito’y dahil sa katapusan ng panahon ay may mangyayaring paghihiwa-hiwalay. At kaya, nakikita natin dito sa Mateo 13:48, kapag hinila na ang lambat sa pampang, ang mga isda ay paghihiwa-hiwalayin.

Ang Dagat ay Larawan ng Mundo

Ang Dagat ay Larawan ng Mundo

Nasabi ko na sa inyo na ang bawat bahagi ng talinghaga ng Panginoon ay napakayaman sa kahulugan. Ano ang kahulugan ng dagat? Sa Biblia, ang dagat ay isang larawan ng mundo, hindi lamang sa talinghagang ito. Gumagamit ang Panginoong Jesus, sa kanyang mga talinghaga, ng mga larawan na pamilyar sa mga taong nakapag-aral ng Biblia.

Ang dagat sa Biblia ay isang larawan ng mundo, ang pangkasalukuyang sistema sa mundo na mayroon tayo. Bakit? Ito’y dahil ang dagat ay laging inilalarawan bilang walang kasiguruhan at di-maaasahan. Hindi mahuhulaan ang mangyayari rito. Kung nakaranas na kayong sumakay sa bangka, alam ninyo kung ano’ng ibig kong sabihin. Ang maaaring mangyari sa dagat ay di-mahula-hulaan sa maraming paraan.

Bigla na lamang matatamaan ng malakas na ihip ng hangin ang inyong bangka at ito’y tataas at bababa, inihahagis kung saan-saan ng hangin. Nangyayari ito lalung-lalo na sa Dagat ng Galilea. Unpredictable, ika nga. Di talaga mahula-hulaan kung kailan darating ang bagyo. Maaaring maliwanag ang sikat ng araw, ang lahat ay maayos, pero sa loob lang ng ilang minuto, bigla na lang darating ang bagyo. Naranasan na ng kahit na mga bihasâ sa pangingisda ang lumubog kasama ng bangka. Lubhang di-mahula-hulaan ang mangyayari sa dagat. Kung titingnan ninyo ito, ito’y di-mapanatag; ito’y parating gumagalaw. Nagtataka kayo kung ano’ng nasa ilalim nito.

Nakalangoy na ba kayo ng mahabang distansya? Lalangoy ka roo’t mag-iisip kung ano’ng nasa ilalim. Naaalala ko na minsang lumangoy ako sa Hunan, sa China, patawid sa isang malawak na ilog. Hindi ko maiwasang makaramdam ng takot at maitanong: “Ano kayang mayroon sa ilalim ng ilog na ito?” May kakaiba kayang nilalang na maaaring lumabas at hawakan ako sa binti o sa kung saan?” Ito’y dahil madalas ninyong naririnig na may mga mahuhusay na manlalangoy na nawala na lamang sa dagat, nang walang iniwang anumang bakas. Kaya, bawat manlalangoy – alam ng marami sa inyo na mahilig ako sa long-distance swimming – ay nag-iisip sa kanyang sarili habang tinatahak ang mahabang languyan, at lalo na’t mag-isang lumalangoy: Ano’ng mayroon sa nakakubling kalaliman ng dagat?

Kaya, inilalarawan ng Biblia ang dagat bilang isang bagay na walang kasiguruhan. Tinutukoy ni Pablo ang mga “panganib sa dagat” sa 2 Corinto 11:25ss. Nagtatago ng maraming panganib ang dagat. Ito’y isang mapanganib na lugar. Kahit na ang lubhang matitibay na barko ay nawala na sa dagat. Madalas ay may nangyayaring di-inaasahan. Naaalala ba ninyo noong ginawa nila ang Titanic, kanilang lubos na pinatibay ito sa paggawa ng iba’t ibang ‘compartment’ at sinabing ang barkong ito’y di-lulubog. Ito’y lumubog sa unang paglalakbay! Ito’y naglakbay ng isang beses lamang at hindi na bumalik. Tinamaan ito ng isang kakaiba’t di-inaasahang bagay sa dagat: ang ‘iceberg’, na madalas ay hindi nakikita dahil nakalubog ang halos kabuuan nito. Napakaraming uri ng panganib sa dagat.

At kaya, nakikita natin na ang dagat ay kadalasang inilalarawan sa Biblia bilang mapanganib, nagbabanta, at walang kasiguruhan. Sa katunayan, kadalasang inilalarawan ito sa Biblia bilang isang halimaw na kailangang palaging i-control. Halimbawa, sa Job 38:8-11, inilalarawan ang dagat sa paraang ito: bilang isang halimaw na kailangang ikulong. Kinukontrol ito palagi ng Diyos dahil kadalasan, maaari nitong bantaan ang inyong buhay kahit na kayo’y nasa lupa. Hindi ninyo kailangang maging nasa dagat upang mapuksâ nito.

Alam ninyo na kahit sa di-katagalang kasaysayan, bigla na lang sinalanta ng malalaking alon mula sa dagat [tidal wave] ang buong mga bayan [towns]. Parang nilunon nang buo ang mga bayang ito. Libu-libong tao ang tinangay ng dagat nang umapaw ito sa mga pampang o sa pagdaan ng malalaking alon. Kaya, palagi itong isang bagay na itinuturing na nagbabanta at mapanganib. Napaka-ordinaryong karanasan ang mabahâ noon at ngayon. Kahit na sa Quebec, Canada, may mga panahong ang tubig ay tumataas at binabahâ ang buong distrito, at natatagpuan na lang ng mga tao na nasa ilalim na sila ng tubig. O kaya, umaapaw ang tubig mula sa mga ilog o lawa sa karatig na pampang. Kamakailan lamang sa Estados Unidos, bayan-bayan ang nalubog sa tubig. Napakalaking pinsala ang nangyari, na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar.

Kaya, ang dagat ay palaging itinuturing na mapanganib. Kailangan itong maikulong, mapigil at malimitahan. Dito natin makikita ang kahulugan ng pampang. Ang pampang ang siyang hangganan na itinakda sa dagat. Ibig sabihin, nakadisenyo ang larawan ng pampang mismo sa talinghagang ito bilang katapusan ng mundong ito, bilang katapusan ng panahong ito. Ang dagat ay magwawakas sa pampang.

Pero ang sanlibutan ay mapapasailalim ng paghuhukom ng Diyos. Kaya mababasa natin sa Awit 114:3,5 na tumakas ang dagat mula sa harapan ng Diyos. Sa paghuhukom ng Diyos, kapag iniunat ng Diyos ang kanyang kamay para sa kaligtasan, ang sanlibutan ay manginginig sa takot at tatakas mula sa kanyang presensya. Sa katunayan, para sa kanyang mga tao, gagawa siya ng daan sa dagat, tulad ng mababasa natin sa Awit 136:13 at sa Isaias 43:16. Doon, gumagawa ang Diyos ng daan sa dagat para sa kanyang mga tao. Inililigtas niya sila mula sa kapangyarihan ng dagat, mula sa pagkabaha o pagkalunod o pagkawasak.

Pero ibig sabihin ba nito na maaari kayong tumakas sa Diyos sa pagtakbo tungo sa mundo? Ang mundo ay isang larawan ng pagkabalisâ, kaguluhan, ng kakulangan ng kapayaan, ng di-katatagan, na siyempre’y kung paano natin naiisip ang mundo. Ngayon ay mapayapa; maya-maya lang, may bagyo na. Ngayon ay may kapayapaan; maya-maya may giyera na. Kaya, nakikita natin kung gaano kabagay na ang dagat ay kumatawan sa mundo. Maaaring may bagyo sa isang bahagi ng dagat, pero kalmado naman sa ibang bahagi.

At kaya, meron tayong parehong bagay, ang buong larawan ng kabalisaan ng mundong ito. Ibig sabihin ba nito na ligtas na kayo mula sa paghuhukom ng Diyos kung itatago ninyo ang inyong sarili sa mundo? Hinding-hindi! Sa Awit 139:9&10, sinasabing kahit na tumakas tungo sa “pinakadulong bahagi ng dagat... doon ma’y papatnubayan ako ng iyong kamay.” Huwag ninyong isipin na ligtas na kayo mula sa paghuhukom ng Diyos dahil hindi kayo naniniwala sa kanya. Huwag ninyong isipin na ligtas na kayo sa paghuhukom ng Diyos dahil makakapagtago kayo sa mundo.

Ang Di-Paniniwala ay Hindi Batayan ng Seguridad

Ang Di-Paniniwala ay Hindi Batayan ng Seguridad

Nasabi ko na sa inyo noon ito, na ang di-paniniwala ay hindi batayan ng seguridad. Dahil hindi kayo naniniwala sa isang bagay, hindi ibig sabihin na di-totoo ang bagay na iyon. Ibig sabihin lamang nito na iniisip ninyong hindi ito totoo. Ang di-paniniwala ay nagsasabi lamang ng ilang bagay tungkol sa inyo; wala itong anumang sinasabi tungkol sa katotohanan. Kung hindi ako naniniwala na may sunog sa gusaling ito kapag may sunog nga talaga rito, ang hindi ko paniniwala ay hindi papatay sa sunog na iyon. Iisipin ninyong sana nga, pero hindi nito mapapatay ang apoy. Ang apoy ng paghuhukom ng Diyos ay hindi mawawala dahil sa hindi kayo naniniwala sa Paghuhukom. Hindi! Ang di-paniniwala ay hindi mag-aalis ng anumang katotohanan o fact. Ipinapakita lamang nito ang inyong saloobin o attitude tungo sa mga katotohanan o facts na iyon.

Ipinapakita na naniniwala ako na may sunog sa bahay na ito kung ito ang gagawin ko: Kapag may sumigaw ng, “Sunog!” at tiningnan ko ang nagsabi nito at nakitang siya’y mapagkakatiwalaan, kahit na wala akong nakikitang usok ni apoy, iisipin kong, “Hindi kailanman nagsinungaling ang taong ito, kaya kapag sinabi niyang may sunog, may sunog nga.” At tatakas na ako! May ‘emergency exit’ dito. Gagamitin ko ang mga hagdang iyon, kaya hindi ako masusunog.

Kapag sinabi ng Panginoong Jesus na sa katapusan ng panahong ito ay may Paghuhukom, titingnan ko si Jesus at sasabihing, “Ang Taong ito ay hinding-hindi nagsisinungaling.” At, “Kung may Paghuhukom, dapat maging handa ako rito.” Baka sabihin ninyo, “Di ako naniniwala rito.” Balewala iyon. Hindi maglalaho ang Paghuhukom dahil lang di kayo naniniwala rito. Ipapakita lang nito ang inyong ‘attitude’ o asal at inyong tugon sa partikular na pangyayaring iyon. Maging malinaw tayo tungkol dito. Madalas, kapag kinakausap ko ang mga di-naniniwala, kahit-paano’y iniisip nila na, “Di ako naniniwala dun.” Iniisip nila na dahil di sila naniniwala ay ligtas sila, secure sila. Napaka-hangal!

Naniniwala ako sa mga sinabi ni Jesus dahil napatunayan ko na ang kanyang mga salita. Nasubukan ko na’t napatunayan ang kanyang mga salita sa loob ng 20 na taon at hinding-hindi pa nabigo ang mga iyon. At kaya, alam ko na kapag nagsasabi siya ng isang bagay, ito’y totoo. Siya ay hindi pa nagkamali kahit minsan. Ang Salita ng Diyos ay hindi kailanpaman nabigo. Ang Panginoong Jesus lang ang tanging tao na nangahas na magsabing: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.” [Tingnan sa Mateo 24:35, atbp.]

Kapag sinasabi niyang may mangyayaring Paghuhukom, kaibigan, magkakaroon nga ng Paghuhukom. Hindi siya kailanman nagkamali. At kung sasabihin ninyong, “Hindi ako naniniwala sa sinasabi ni Jesus,” iyon ay nasa sa inyo na. Pero kapag dumating ang Paghuhukom, mas mabuting pag-isipan ninyo na kung ano’ng gagawin ninyo. Sa panahong iyon, huli na para makagawa pa kayo ng anumang bagay. Ngayon ang panahong makakagawa pa kayo ng mga bagay-bagay tungkol dito. Walang maitutulong ang pagsusumikap ninyong makalabas sa gusaling ito kung ang apoy ay nakapalibot na sa inyo. Kapag hindi pa nakapalibot ang apoy sa inyo, iyon ang panahong maaari pa kayong makalabas. Kung hindi pa dumarating ang Paghuhukom, may panahon pa kayong kumilos tungkol dito. Iyon ang babalâ ng talinghagang ito. Sinasabi niya, “Sa katapusan ng panahong ito, sa katapusan ng panahon ng mundong ito, sa sandaling marating na ang pampang, mangyayari ang paghihila ng lambat.”

Paghihila ng Lambat – Larawan ng Muling-Pagkabuhay Upang Mahusgahan

Narito ang isa pang kawili-wiling bagay tungkol sa salitang ito. Tulad ng sinabi ko, ang bawat bahagi ng talinghaga ay punô ng kahulugan. Hindi nag-aaksaya ng mga salita ang Panginoong Jesus. Hindi ako kailanman natigil sa pagkamangha na kaya niyang makapagsabi ng napakaraming bagay sa kakaunting mga salita. Halos lahat sa atin, kapag sinisikap nating ipaliwanag ang kanyang mga sinasabi, ay kailangang maglaan ng maraming panahon para palabasin ang kahulugan nito.

Ginagamit niya ang isang salita sa Griyego sa b.48 na “ἀναβιβάζω” [anabibázō] nang tinukoy niya ang “hilahin ang lambat sa pampang.” Sa katunayan, sa Ingles, hindi ito lumitaw. Ang salita na isinalin bilang “hilahin sa pampang” sa Griyego ay literal na nangangahulugang “hilahin pataas” ang lambat. Ang salitang ito ay kakaiba. Kakaiba dahil ito’y isang beses lang natagpuan sa ‘Greek New Testament.’ Isa itong bihirang gamitin na salita: ‘Hilahin pataas ang lambat!’

Ano’ng kahalagahan nito? Nakakagulat ang kahalagahan nito sa sandaling ihambing ninyo ito sa Mga Gawa 24:15. Doo’y nasasaad na tayo’y itataas sa muling-pagkabuhay. Mababasa natin ito: “…may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay” – pansinin ito – “ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid”, ang mabubuti’t masasama. Binibigyang diin ito ng Panginoong Jesus dahil maaari ninyong isipin na, “Dahil hindi ako naniniwala sa Diyos o sa mga turo ni Jesus, kung gayon, kapag ako’y namatay, iyon na ang katapusan ng lahat.” Okey lang sana kung iyon na nga ang katapusan ng lahat. Ang problema’y hindi iyon ang katapusan ng lahat.

Magkakaroon ng paghihilang pataas ng lambat. Pansinin ang larawan. Ang lambat ay hinilang pataas at palabas ng dagat. Ang lahat ng isda ay hinila pataas! Ito’y isang kamangha-manghang larawan. Ito’y larawan ng muling pagkabuhay! Ginagamit ng Panginoon itong kakaiba’t pambihirang salitang ito, para palabasin ang ideya ng pagtataas sa muling pagkabuhay ng mabubuti’t masasama, kung kaya, kahit na ang mga nauna nang namatay ay ibabalik sa muling pagkabuhay para harapin ang Paghuhukom. May mga taong lubha itong di-ninais na harapin, dahil inisip na sa hindi nila paniniwala, ang Paghuhukom ay basta na lamang mawawala. Umaasa sila na dahil sila’y masama, mamamatay na lang sila’t ililibing, at iyon na ang katapusan ng lahat. Hindi iyon ang katapusan. Sila’y itataas sa muling pagkabuhay upang harapin ang Paghuhukom ng Diyos.

Ito ang punto nito: ang kaharian o pamahalaan ng Diyos ay umaabot sa buong sanlibutan. Ang inyong di-pagkilala sa kanyang pamahalaan ay hindi dahilan para hindi niya kayo hatulan. At ang fact ng hindi ninyo pagsunod sa kanyang pamahalaan ay hindi nangangahulugan na makakatakas na kayo mula sa kanyang Paghuhukom. Kung ang isang ‘gangster’ sa Montreal, halimbawa, ay hindi pumailalim sa batas ng Canada, di ibig-sabhini nito na otomatiko na labas siya sa nasasakupan ng Canada.

Kabaligtaran nito ang nangyayari: mismong dahil sa namumuhay siyang hindi pinapansin ang batas ng Canada, kaya ang batas ay mas mahigpit sa kanya kapag siya ay nahulog sa mga kamay ng batas. Kaya, ang bawat tao ay mahuhulog sa kamay ng Diyos, hindi lamang dahil siya ang Hari ng iglesya, kundi Hari ng sanlibutan man sa kadahilanang nilikha niya ito, at gumawa siya ng paraan upang matubos ang lahat ng tao. Nagbigay-paraan siya sa pamamagitan ng isang pagpapatawad sa pamamagitan ni Cristo para sa bawat taong nagkasala. Walang dahilan upang ang sinuman ay maging masamâ, upang manatili sa kasalanan.

Kaya, dito, makikita natin ulit ang kahalagahan, ang kagandahan ng itinuturo ng Panginoon, na sa pamamagitan ng mukhang simpleng talinghagang ito, natagpuan nating nasa atin ang susi sa lahat ng mga larawang ito. Hayaang ibuod ko ang mga larawang ito muli sa ganitong paraan. Makikita natin dito na ang dagat ay ang mundo; ang mga isda ay ang mga tao; at ang paghihila sa lambat tungo sa pampang, ang paghihila nito pataas at palabas ng dagat, ay isang larawan ng muling pagkabuhay.

Ang Paghahagis ng Lambat – Larawan ng Pagpapahayag ng Salita ng Diyos

Ano kung gayon ang lambat? Kahit na ang lambat ay puno rin ng kahalagahan. Dito’y ginagamit ng Panginoong Jesus ang salitang ‘inihagis’ ang lambat sa b.47. Maraming beses na ginamit ng Panginoon sa kanyang turo ang salitang ito sa magkakaibang ugnayan. Halimbawa, sa Mateo 13, sa Talinghaga ng Manghahasik, ginamit niya roon ang salitang ‘inihagis’ sa paghasik ng binhi, na ang Salita ng Diyos. Muli niyang ginamit ang ‘inihagis’ sa paghasik ng binhi sa Talinghaga ng Butil ng Mustasa. Sa bawat pagkakataon, ang paghahagis o paghahasik ng binhi ay may kaugnayan sa pangangaral ng Salita ng Diyos.

Ang larawan ay naiba ngayon. Hindi ko ibibigay ang lahat ng pagkakataon ng pagkakagamit ng salitang ‘inihagis,’ pero ito’y may kaugnayan sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Kaya, sa paghagis ng lambat na ito, doon naihasik ang mensahe ng Salita ng Diyos. Ano ang nagdadala sa inyo sa kaharian ng Diyos? Ang Salita ng Diyos ang siyang umaakit sa inyo na pumasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay ang pagpapahayag ng kaligtasan, na inilalarawan dito bilang isang lambat, na umaakit sa mga tao.

Pero nagnanasa ang mga tao ng kaligtasan na may iba’t ibang dahilan at iba’t ibang motibo. Maaaring ang pagnanasang ito’y makasarili, kung saan nais ko lang maglaan sa aking sarili ng isang upuan sa langit. O maaaring ito’y mas malalim pa, kung saan ako’y napapagod na sa kabulukan at kasalanan sa aking buhay, at kaya, nais kong mapagaling at mabago, upang makagawa ako ng makabuluhang bagay sa kapwa-tao ko sa mundong ito. Isa na itong di-kasing makasariling motibo.

O maaaring magsimula kayo sa isang makasariling motibo, pero unti-unti’y babaguhin ito ng Diyos upang hindi na ito lubhang makasarili. Pero ang mahalaga ay naroon ang pagbabago. Kung hindi maganap ang pagbabago, kayo’y magwawakas na kasama ang mga masasamang isda, hindi ang mga mabubuti. Ang mga masasama, tulad ng ating nakita, ay itatapon. Ang salita sa Griyego ay literal na ‘itatapong palabas’ ng kaharian ng Diyos. Dito’y nakikita natin ang kapansin-pansing mga larawang ito.

Ang Ibig-Sabihin ng Mabubuti’t Masasamang Isda

Ang Ibig-Sabihin ng Mabubuti’t Masasamang Isda

Kaya, dumako na tayo sa puntong ito at itanong: Ano ang kahulugan ng mabubuting isda at masasamang isda? Ano ang kinakatawan ng masasamang isda? Mas madali nating mauunawaan ang kinakatawan ng mabubuting isda, pero ano’ng kinakatawan ng masasamang isda?

Nang ipinaliwanag natin ang Talinghaga ng Trigo at Darnel, nakita natin sa talinghagang ito na may dalawang uri ng tao sa kaharian ng Diyos. May trigo na kumakatawan sa mabubuti o tunay na Cristiano, at may ‘darnel’ na nakita natin na sa panlabas ay may anyo ng isang tunay na trigo, pero hindi siya isang trigo. Sa katunayan, nakita natin na ang ‘darnel’ ay nakakalason, tulad ng mga huwad na Cristiano na tunay na nakakalason dahil gumagawa sila ng malaking pinsala sa mundo. Hindi lamang sila walang impluwensiya o neutral.

Gaano na kayang karaming tao ang tumangging maging Cristiano dahil sa mga huwad na Cristianong ito? Ang lason ng mga huwad na Cristianong ito’y nakagawa na ng napakalaking pinsala sa Ebanghelyo. Pero sa panlabas ay kahawig sila ng trigo.

Dito muli, may iba’t ibang uri tayo ng isda. Paano natin mauunawaan ang mga iba’t ibang uri ng isdang ito? Ang talinghagang ito ba’y kapareho ng Talinghaga ng Trigo at Darnel? Oo, may pagkakahawig sila, pero hindi sila magkapareho. Ano ang pagkakaiba? Ang pagkakaiba ay napakahalaga. Ito’y mismo sa punto: ang ‘darnel’ sa kalikasan nito ay ‘darnel.’ Ibig sabihin, hindi sila nabago upang maging anumang bagay. Iyon ang unang punto.

Ang ikalawang bagay na mapapansin sa talinghagang iyon ay: ang ‘darnel’ ay inihasik ni Satanas sa kaharian ng Diyos. Tulad ng inyong matatandaan, ipinaliwanag na natin ito noong nakaraan. Sa talinghagang iyon, si Satanas ang naghasik ng ‘darnel’ sa iglesya. Nakita natin na sila ang mga huwad na guro, mga huwad na Cristiano na di-kailanman nagbago ng kanilang pag-uugali. Pumasok lamang sila sa iglesya. Pinag-aralan lamang nilang magsalita’t kumilos na tulad ng isang tunay na Cristiano. Sila ay nabautismuhan at nagko-Komunyon. Ginagawa nila ang lahat ng ginagawa ng mga Cristiano, pero wala silang panloob na pagbabago. Pareho pa rin sila lagi kung ano sila noon. Sa kaloob-looban ng kanilang mga puso, hindi nila kailanman isinuko ang kanilang buhay sa Diyos. Sila ang mga taong di-kailanman namatay at muling ipinanganak, di sila naging ‘regenerate’, di-kailanman nabago o na-‘transform’ sa kaloob-looban ng kanilang buhay.

Sa madaling-salita, sila’y mga di-Cristiano na nagbabalat-kayo lamang bilang mga Cristiano. Sila, sa kanilang kalikasan, ay makasalanan at hindi kailanman naging iba. Binago lamang nila ang kanilang panlabas na anyô. Iyon lang ang nangyari sa kanila. Ang dumi sa labas nila’y nahugasan, pero ang dumi sa loob ay naroon pa rin. Ito ang larawan. Sila ay katulad ng sinabi ng Panginoon sa Mateo 23:27 na, “mga pinaputing libingan”. Sa loob ay punong-puno sila ng kasamaan, patay na buto ng tao, pero sa labas sila’y pininturahan ng kulay puti, ng ‘whitewash’. Sila’y magandang tingnan sa labas, pero sa loob ay wala nang iba kundi kasamaan at kamatayan! Iyon ang larawan ng ‘Darnel’ at ng Trigo. Sa madaling salita, ang mga taong ito ay hindi nagkaroon ng pagbabago kailanman.

Maraming tao ang naging Cristiano, pero wala silang pinagkaiba sa mga di-Cristiano, dahil sa kaloob-looban nila, sila’y di-kailanman nagbago. Sila’y hindi naging bagong-nilalang, tulad ng sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 5:17. Sila ang mga taong nagdadala ng napakalaking pinsala at pagkasira ng reputasyon ng iglesya. Bakit? Dahil nakikita ng bawat di-Cristiano na ang mga taong ito’y kumikilos tulad ng mga di-Cristiano; sa katunayan, mas masahol sila kaysa sa mga di-Cristiano, dahil ang mga di-Cristiano ay hindi nagkukunwaring sila’y mabuti. Hindi sila nagkukunwari na matuwid at relihiyoso sila. Pero ang mga taong ito ay may panlabas na anyo ng pagiging relihiyoso. Sila’y naglalakad dala-dala ang kanilang malalaking Biblia, nagpupunta sila sa simbahan at nagsasalita tulad ng mga banal na tao, pero ang loob nila ay kabulukan! Sila’y mga di-Cristiano sa pinakamasamang kahulugan. May mga di-Cristiano na mas mabuti pa kaysa sa kanila.

Ang Masasamang Isda ay Mabuti sa Simula, Pero Naging Masama

Ang Masasamang Isda ay Mabuti sa Simula, Pero Naging Masama

Kaya, ano ang pagkakaiba sa talinghagang ito? Sa talinghagang ito, ang susing salita – muli’y kailangan nating bumaling sa salin nito sa Griyego para ito’y maunawaan – ay itong salita sa b.48, na isinalin bilang ‘masama.’ Ang salitang ito ay hindi ordinaryong salita para sa ‘masama.’ Ang salitang ‘masama’ ay ginamit na sa ibang lugar sa turo ni Panginoong Jesus na laging ipinapantukoy sa kabulukan. Ito’y isang bagay na bulok o masama. Ginamit niya ito sa masamang prutas sa Mateo 7:17: “…ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga.” Ganito ginamit ng Panginoong Jesus ang salitang ito roon.

Ano ang pangunahing kahulugan ng salitang ito sa ating talinghaga rito? Ito’y nangangahulugan ng kasamaan o kabulukan. Iyon ang kahulugan ng salitang ito. Makikita ninyo ito sa alinmang ‘Greek-English dictionary.’ Kapag siniyasat ninyo ang gamit sa salitang ito, matatagpuan ninyo na ang katangian ng salitang ito ay naiiba kaysa sa kasamaan [badness] sa puntong palagi na lang itong masama. Ibig sabihin ng ‘kabulukan’ [o corruption] ay dati itong mabuti, pero nabulok na lang pagkaraan ng ilang panahon. Halimbawa, ang masama o bulok na mansanas ay dating maganda, pero sa paglipas ng panahon, ito’y nabulok. May mga uod na nakapasok sa loob nito, tinamaan ito ng sakit, at kaya, ang dating malusog na prutas ay nabulok.

Ang salita’y ginamit sa Griyego sa isang tao na nagkasakit, halimbawa. Siya’y dating malusog, pero nagkasakit. Ang kanyang kalusugan ay napasamâ dahil sa sakit. Ganito kung paano ginamit ang salitang ito. Ginamit din ito, halimbawa, sa isang matandang tao, sa punto na dati’y bata pa siya at sa pagdaan ng mga taon ay kumulubot sa pagtanda at di na kasing-liksi. Nakakita na kayo ng matatanda na napakahina na, hindi na malayang makakilos. Sila ay nalumpo dahil sa ganito’t ganoong sakit. Naging mahina ang kanilang pag-iisip. Ang memorya nila’y naging blangko. Hindi na nila naaalala ang mga bagay-bagay. Ang isang taong dating malusog at malakas ay naging mahina na, bunga ng sakit o katandaan, at siya’y namatay. Kaya ito ang nilalaman ng salitang ito. Ito’y isang bagay na sa simula ay mabuti, pero pagkaraan ng ilang panahon ay naging masama.

Makikita ninyo agad kung gaano kakaiba ang kahulugan nito sa ‘darnel.’ Ang ‘darnel’ ay hindi kailanman naging mabuti; sila’y laging masama. Hindi ito naging anupaman kundi ‘darnel’ lamang. Pero ang pinag-uusapan dito ay tungkol sa mga bagay na mabuti noon at naging masama ngayon. Mahalagang maunawaan iyon. Kaya, kapag ang sinasabi’y tungkol sa ‘masasamang isda,’ hindi nito tinutukoy ang mga isda na sa Lumang Tipan ay mga isdang tinaguriang ‘Levitically unclean’ o di-malinis ayon sa Levitico, na hindi kinakain ng mga Judio dahil sa wala silang kaliskis at iba pa, na sila ang mga isdang tinatawag na marumi. Ito talaga ang kanilang kalikasan at sila ay hindi nagbabago. Hindi maaaring gamitin ang ideya ng ‘maruming’ isda sa ating pinag-uusapan. Ako’y namamangha na makita na ang ilang komentarista, na dapat ay mas alam ito, ay nagbigay ng haka-haka na ang mga isdang itinapon ay ang maruruming isda ayon sa aklat na Levitico. Hindi ganito ang isdang naririto sa talinghagang ito.

Ang ginamit dito ay ang Griyegong salitang “σαπρός” [sapros], na di-kailanman nangahulugan ng anumang bagay na ‘di-malinis’. Wala saanman sa Lumang Tipan na may ganitong uri ng kahulugan. Ang palaging kahulugan nito ay isang bagay na dati’y mabuti at pagkatapos ay naging masama. Iyon ang kahalagahan niyon. Sa madaling salita, ang talinghagang ito ay hindi lamang isang pag-uulit sa Talinghaga ng Darnel sa Triguhan, kahit na magkatulad ang kanilang katapusan. Pero ito’y may nilalamang isang bago at napakahalagang elemento: ang mga isdang ito ay naging masama dahil sa pagkabulok, hindi dahil sa masama na sila sa simula pa lang. Ibig sabihin, ang mga isdang itinapon ay dating malulusog, pero nagkasakit sila’t maaaring namatay.

Siyempre, napakalinaw ng mga Alemanyang eskolar tungkol dito. Halimbawa, itinuro ni Rudolf Stier, ang Alemanyang eskolar, na: “Ang isdang ating pinag-uusapan ay mga isdang mabuting pagkain sana, ngunit sa kasamaang-palad, sila’y namatay sa loob ng lambat, dahil sa siksikan, at nabulok.” Ang sinasabi ni Stier ay ito: nang inihagis ang lambat at dinala patungo sa pampang, o nang napalibutan ng lambat ang mga isda, ang pagsisiksikan ng maraming isda sa loob nito ay nagbunga sa paghihingalo ng ilang mga isda. Ito’y nangyayari rin sa ibang mga hayop. Kapag sila ay ikinukulong o ikinokoral, sila’y nagkakagulo at ang iba sa kanila ay natatapak-tapakan at namamatay dahil sa ‘stampede.’ Ito ang puntong sinasabi ni Stier. Isinalin ng dakilang Alemanyang eskolar na si Meier ang salitang ito bilang mga ‘putrid’ o ‘bilasâ.’ Ang salitang ‘bilasâ’ ay nangangahulugan ding bulok – “...na namatay na’t nabulok sa loob ng lambat.” Kaya, nakita nang malinaw ng dalawang Alemanyang eskolar na ito na tinutukoy ng salitang ito ang isang bagay na mabuti sa simula, pero naging masama sa pagdaan ng panahon sa loob ng lambat.

Ang Pamumulok – Iniiwan ang Unang Pag-Ibig, Tinatalikuran ang Pananalig

Ngayo’y nakikita na natin ang ating aral dito at kailangan na nating magtapos. Ang aral ay ito: ang ganitong uri ng tao ay ang mga lumapit sa kaharian ng Diyos, na naakit na pumasok sa kaharian ng Diyos. Pansining muli ang pagkakaiba nito sa Talinghaga ng Darnel sa Triguhan, kung saan ang mga taong ito’y inihasik ni Satanas sa kaharian ng Diyos.

Pero ang mga tao sa talinghagang ito’y hindi inihasik ni Satanas; sila’y naakit papasok ng lambat, naakit ng Salita ng Diyos. Sila ay naakit at tumugon sa Salita ng Diyos. Hindi sila itinanim ni Satanas doon. Sila yung mga tumugon sa Salita ng Diyos. Pero pagkatapos nilang tumugon sa Salita ng Diyos, ano’ng nangyari? Unti-unti silang lumayo. Isa na itong pangkaraniwang problema sa Bagong Tipan. Isang ordinaryong problema ang tinutukoy rito: ang problema ng mga tao na lumamig na ang pag-ibig nila, hanggang sa umabot sa puntong tinalikuran na nila ang kanilang pananampalataya.

Tulad ng makikita natin sa turo sa Biblia, halimbawa’y sa 1 Timoteo 4:1ss, kung saan sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo na maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon – at lalung-lalo na sa mga huling panahon – kapag hinihila na ang lambat tungo sa pampang, marami ang tatalikod sa pananampalataya. Ngayon, hindi kayo maaaring tumalikod sa pananampalataya kung dati’y hindi kayo nananampalataya. Hindi ako maaaring umalis ng Montreal kung wala ako sa Montreal. Walang punto ang magsalita ng tungkol sa ‘tumalikod sa pananampalataya’ maliban sa kung nasa pananampalataya kayo. Ito mismo ang larawan dito! Narito ang mga taong minsan ay tumugon sa Diyos, minsang lumapit sa Diyos, minsang naging lubhang aktibo sa iglesya.

 

Naaalala ko ang iglesyang pinupuntahan ko noong nasa London ako. Naibahagi ko sa inyo na ang lahat ng kabataan doo’y napakasigasig para sa Panginoon. Ang isa’y abala rito at ang iba’y abala roon. Sila ay nagtatatag dito’t doon ng ‘Chinese Christian Fellowship.’ Nagsimula kami ng isa sa Hong Kong House sa London. Ang isa’y sa Malaysia Hall sa London. Oh, napakaabala namin sa lahat ng dako. Tunay na lubha kaming napaka-busy sa pagtatayo ng iglesya ng Diyos. Ang tanong ko ay: Nasaan na ang mga taong ito ngayon? Nasaan na sila ngayon? Ito’y di-biro: 90% sa kanila ay wala na! Ang ilan sa kanila ay pumupunta pa rin ng iglesya paminsan-minsan, pero kumikilos at nag-uugali sila ngayon na tulad ng di-Cristiano. Ano’ng nangyari?

Ang apoy na minsang nagniningas ay nawala. Ang espiritwal na kalusugang minsan nilang tinamasa ay nanghina na. Sila ay espiritwal na nanghina. Iyon mismo ang babalâ sa sulat sa mga iglesya na nasa Apocalipsis 2:4-5, “…iniwan mo ang iyong unang pag-ibig” – nanlamig ang iyong pag-ibig! “…magsisi ka…. Kung hindi, …aalisin ko ang iyong ilawan….” Iyan mismo ang nangyayari rito. Ang mga isdang ito ay malusog noon. Tulad ng sinabi ni Stier, maaari silang mabuting pagkain noon, pero ngayon ay naging bulok na. Sila ay espiritwal na namatay sa loob ng lambat. Ipinapakita nito sa inyo ang ilang napakahalagang pagkakaiba. Kailangan ninyong makita rito na ang talinghagang ito ay hindi isang pag-uulit lamang ng Talinghaga ng mga Darnel sa Triguhan. Pero nakita natin dito, na habang pinag-aaralan ninyo mula sa Griyego, habang sinusuri ninyong mabuti ang teksto, simula ninyong nauunawaan kung gaano kaseryoso ang turong ito.

Parehong Konklusyon Mula sa Komentaristang si St. John Chrysostom 

Parehong Konklusyon Mula sa Komentaristang si St. John Chrysostom

Bago ko gawin ito, hayaan muna ninyo na basahin ko sa inyo ang isinulat ng dakilang komentarista sa ‘Sinaunang Iglesya’ [Early Church] na si St. John Chrysostom tungkol sa talinghagang ito. Ito’y upang ipakita na hindi ako nag-iisa sa aking ganitong pagpapaliwanag sa talinghagang ito, na ito’y ganap na nakikiisa sa Sinaunang Iglesya, pati na rin sa mga dakilang makabagong eskolar na natukoy ko na, kahit na minsan ay kailangang umiba ako sa kanila. Si St. John Chrysostom ay ang pinakadakilang mangangaral ng Sinaunang Iglesya. Siya’y inilarawan bilang ‘golden mouth preacher.’ Ang ‘Chrysostom’ ay mula sa dalawang Griyegong salita: ang ‘chrys’ ay ginto at ang ‘stoma’ ay bibig. Kaya, tinawag siyang may ‘ginintuang bibig’ na mangangaral. Napaka-makapangyarihan siyang ginamit ng Diyos noong ika-apat na siglo sa Sinaunang Iglesya.

Ito ang kanyang ipinangaral sa talinghagang ito, sa kanyang ika-47 na mensahe sa Mateo. Isinulat niya ito, at babasahin ko sa inyo ang ilang nilálaman nito. Babasahin ko sa inyo dahil tunay na napakaganda ng pagkakasabi niya rito. Heto ang sinabi niya:

Pagkatapos nito” (iyon ay, pagkatapos ng Talinghaga ng Perlas), “upang hindi tayo magkaroon ng malaking tiwala sa pagpapangaral lamang ng ebanghelyo, ni isiping ang pananampalataya lamang ay sapat na para sa kaligtasan, si Jesus ay nagpahayag ng isa pa at nakakakilabot na talinghaga” (sa ‘nakakakilabot’, ang ibig sabihin niya’y nakakatakot na talinghaga, isang bagay na pumupukaw ng takot o sindak – kaya, ano ito?), iyon ang Talinghaga ng Lambat.” 3

Ngayon, baka hindi ninyo ito nakuha, kaya’t pansinin ang mga salita. Sabi niya, “upang hindi tayo magkaroon ng malaking tiwala sa pagpapangaral lamang ng Ebanghelyo”, na hindi ninyo iniisip na maliligtas kayo dahil lang sa narinig ninyo ang Ebanghelyo, “na kayo’y nahila na ng lambat, o kaya’y isipin na ang pananampalataya lamang ay sapat na para sa kaligtasan…”. Ang gayong uri ng pananampalataya kung saan maniniwala lamang kayo at hindi na kailangang mamuhay nang banal at matuwid, isang pananalig kung saan lahat ay salita pero walang buhay, isang ‘faith’ na lahat ay pambibig, pero walang gawa, huwag isipin na maliligtas kayo nang ng lahat ng iyon lang.

At pagkatapos ay nagpatuloy siya:

At saan naman ito nakakaiba (saan naiiba ang talinghagang ito kumpara sa Talinghaga ng Darnel sa Triguhan?), dahil doon din ang isa’y maliligtas, at ang isa nama’y mamamatay? Ngunit doon (sa Talinghaga ng Darnel) sa pagpili ng masasamang doktrina (ang mga taong ito ay masasama sa simula, na para bang hindi man lamang nabago), pero dito sa pagiging masama sa buhay, na siya namang pinakamasaklap sa lahat (ang mga isdang ito na itatapon ay mga taong masama sa buhay; iyon ay, dati rati’y mabuti sila, pero naging masama sila, at kaya hindi na sila namumuhay nang banal), sa pagkakaroon (pansinin ang sinasabi ni John Chrysostom) ng kaalaman (iyon ay, sa kaalaman ukol kay Cristo) at sa pagiging nahuli ni Cristo sa lambat (ang ‘pagiging nahuli’ ay isang tanyag na kasabihang Griyego’; pagiging nahuli ng mga nangingisda ng tao, iyon ay, ang nadala sa Kaharian ng Diyos), ngunit ngayon, kahit na, siya’y di na maaaring maligtas pa (kahit na nakilala na si Jesus, kahit na nakapasok na sa iglesya, hindi pa rin sila maaaring maligtas; sinasabi niyang ang mga ito’y ang uri ng tao na pinaka-nakakaawa).” 3

Ipinaaalala ko sa inyo, si John Chrysostom ay isang dakilang tao ng Diyos na sa katunayan ay ang pinuno ng Iglesyang Silangan [Eastern Church]. Siya ang pinuno ng iglesya sa silangan ng Emperyong Romana at siya ang Arsobispo ng Constantinople. Pero siya’y isang dakilang tao ng Diyos na pinatáwan ng kamatayan dahil sa pagkokondena niya ng kasamaan sa mga simbahan na nasa ilalim ng kanyang pangangalaga. At nagpatuloy siya sa pagsabing:

“Dahil baka kapag nasabihang (sabi niya, baka hindi ninyo pa naiintindihan ang kaseryosohan ng talinghagang ito) ‘itinapon nila ang masasama’ (gaya ng sinabi sa talinghagang ito na itinapon ang masasama), na akalain ninyong ang pinsalang iyon ay walang panganib,...”

Ngayon, maraming tao sa mga araw na ito na nag-iisip na ang pagiging naipatapon ay hindi peligroso, yun lang naman, hindi mae-enjoy ang ilang biyaya o blessing, na hindi naman di-maliligtas. Sinasabi ni John Chrysostom, “Baka sakaling ganyan ang inyong inisip, na ang pinsala ng pagiging naipatapon ay walang panganib...”

... sa kanyang (iyon ay, kay Cristo) interpretasyon, idiniin niya ang parusa sa pagsabing, ‘Sila’y itatapon nila sa pugon ng apoy.’”

Iyan ang sinasabi rito. Ano’ng mangyayari sa masasamang isda? Itinapon lang ba sila muli sa dagat? Hindi, hindi, hindi sila itinapon pabalik sa dagat. Tingnang mabuti anong sinasabi rito, sa b.50, “at itatapon sila sa pugon ng apoy.” – sakdalang pagkawasak! – “Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”

“At idineklara niya na ang pagtangis at pagngangalit ng mga ipin ay di matarok, di mawari.”

At nagbuod si John Chrysostom nang ganito:

“Nakikita ninyo ba gaano karami ang mga daan ng pagkawasak: sa batuhan (maaari siyang mawasak ng bato, sa Talinghaga ng Manghahasik; ang mga nasa ‘bato’ ay tumungo sa pagkawasak ng mga unang tumanggap ng Ebanghelyo, namatay sila nang sumikat na ang araw; at kaya sa pamamagitan ng bato), sa tinikan (naaalala ba ninyo na ang mga naihasik sa mga tinik ay nasakal kahit na tinanggap nila ang Ebanghelyo?), sa tabi ng daan (iyon ay, ang mga binhi na nahulog sa tabi ng daan at tinuka ang mga ito ng mga ibon), sa mga darnel (tandaan na ang mga darnel, gaya ng nakita natin, ay ipinulupot ang kanilang mga ugat kasama sa mga ugat ng trigo, at kaya nilang magpinsala sa trigo), at (ngayon ito pa) sa lambat.”

At nagpatuloy pa si John Chrysostom:

“Kung kaya’t may dahilang sinabi niya (ni Panginoong Jesus), ‘Malawak ang daan na tungo sa pagkawasak at marami ang aalis sa pamamagitan nito.’”

Dito’y kanyang binabanggit, siyempre, ang Mateo 7:13. Pero kahit na sa pagbanggit ng Mateo 7:13 sa Griyegong teksto nito – siyempre, nagturo’t nangaral si John Chrysostom sa Griyego – sadya siyang gumamit ng ibang salita. Ginagamit niya ang salitang ‘umalis sa pamamagitan nito’ sa halip na kung anong mayroong tayo sa Griyegong teksto na “pumasok sa pamamagitan nito.’ Iyon ay, doon sa Mateo 7:13, sinasabi na, “Sila ay ‘pumasok’ sa kapahamakan sa pagtahak nila sa malawak na daan”; pero dito, ginagamit ni John Chrysostom ang salitang, ‘aalis’, iyon ay, “aalis tungo sa kapahamakan.” Sinasadya niyang gamitin ang salitang ‘aalis’. Aalis mula saan? ‘Aalis’ mula kay Cristo! Tinutukoy niya rito ang pagtalikod o ‘apostasy.’

Ang dakilang tagapahayag na ito, si John Chrysostom, gaya ng marami sa mga ama sa Sinaunang Iglesya, ay tunay na isang guro, hindi ng doktrina na nagtuturo ng ideya na minsang naligtas ay parating ligtas, kahit na ano’ng uri ng makasalanang buhay ang ipinapamuhay ninyo. Hindi pwede ito, ayon kay John Chrysostom. At kaya, siya’y nagpapatuloy, bilang pagkonklusyon sa pasaheng ito, sa pagsabing:

“Sa pagbibigkas ng lahat na ito (iyon ay, sa pagsabi ng Panginoong Jesus ng lahat ng ito) at sa pagtatapos ng kanyang pagtuturo sa isang tono na nakakapangilabot, at sa pagdidiin na ito ang mayoriya ng mga kaso dahil mas tinagalan niya ang pagsasalita tungkol dito, sinabi niya, ‘Naintindihan ninyo ba ang mga bagay na ito?’”

Ito ang mga salitang ginamit ng Panginoong Jesus sa pagtatapos niya ng talinghagang ito sa Mateo 13:51: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” “Nauunawaan ba ninyo kung ano’ng sinasabi ko sa inyo?” Nag-iisip din ako kung naiintindihan ninyo ano’ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito, o mas tama, ano’ng sinasabi ng Panginoong Jesus sa inyo. Dito, gaya ng sinabi John Chrysostom, nagtuturo ang Panginoong Jesus, gaya ng pagkonklusyon niya sa pitong talinghagang ito sa isang nota na nakakasindak ng takot sa puso, ang takot na maging masamâ muli matapos na maipasok sa kaharian ng Diyos, na minsang natanggap ang bagong buhay, na minsang napagaling mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, at pagkatapos ay bumalik, gaya ng sinabi ng apostol Pedro, “gaya ng aso na bumabalik sa kanyang suka, tulad ng baboy na bumabalik sa putik.” [2Ped 2:22]

Mag-ingat Dahil Baka ang Ilaw na Nasa Inyo ay Maging Kadiliman

Mag-ingat Dahil Baka ang Ilaw na Nasa Inyo ay Maging Kadiliman

Sa gayon, dapat na tayong magtapos. Dapat nating itanim sa ating isipan ang mahahalagang bagay na ating nakita. Sinasabi ng Panginoong Jesus sa pagtatapos sa b.49, ang matutuwid ay ihihiwalay mula sa masasama. Wala siyang sinasabi tungkol sa mga mananampalataya o di-mananampalataya, kundi tungkol sa mga masasama at matutuwid. Sino ang maliligtas? Ang matutuwid ang siyang maliligtas.

Sa puntong ito, ipapaliwanag natin nang mas buo kung ano’ng ibig sabihin ng Biblia, kung ano’ng ibig sabihin ng Panginoong Jesus, sa salitang ‘matutuwid’? Matatandaang sinabi ng Panginoong Jesus na, “mag-ingat kayo, baka ang liwanag na nasa inyo ay kagdidilim.” [Lucas 11:35] At sinabi pa ni Jesus na: “Kaya’t kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!” [Mateo 6:23] “Kung ang asin ay mawalan ng kanyang alat…”. [Mateo 5:13, Marcos 9:50, Lucas 4:34] Ang asin na dati’y asin ng sanlibutan – ang mga Cristiano ay ang asin ng sanlibutan – kung ito’y mawalan ng alat nito, ano’ng sinasabi ng Panginoong Jesus? Tulad ng isda, sila’y itatapon. Wala na silang anupamang silbi. Sila’y tatapak-tapakan na lang ng tao.

Ipanalangin natin, kung gayon, na sa awa ng Diyos, tayo’y hindi sa anupamang paraan mapasamâ. Hindi tayo magiging kabilang sa mga isda na minsan ay mabuti pero naging masama. Mahalaga ngayon na matanggap ninyo ang buhay ng Diyos at magpakatatag sa buhay niya, nagpapatuloy mula lakas tungo sa isa pang lakas.

Tapos ng mensahe.

¹Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, 2001 sa lahat ng nabanggit na mga bersikulo, maliban kung nabanggit na mula sa ².

²Ginamit ang: Biblia ng Sambayanang Pilipino, Katolikong Edisyong Pastoral, Ikalawang Edisyon, Claretian Publications, UP, Quezon City, 1999.

3Nakahiling (italicized) ang mga salitang isinalin mula sa Ingles na mula sa aklat ni John Chrysostom. Ito’y upang malaman ng mambasa ano’ng sinabi (sa isinalin sa Tagalog) ni John Chrysostom at ano’ng sinabi naman ni Pastor Eric Chang sa mensahe niya.

 

(c) 2021 Christian Disciples Church