You are here

Talinghaga ng Tumutubong Binhi – Ang Pamumunga ay ang Tugon Natin sa Grasya ng Diyos

Talinghaga ng Tumutubong Binhi –

Ang Pamumunga ay ang Tugon Natin sa Grasya ng Diyos

[The Parable of the Growing Seed – Bearing Fruit is Our Response to God’s Grace]

Marcos 4:26-29

Mensahe ni Pastor Eric Chang

Agosto 6, 1978

Sa araw na ito, magpapatuloy tayo sa ating pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos sa Marcos 4:26-29. Babasahin ko sa inyo nang dahan-dahan ang siping ito, nang may maingat na pagtingin sa kahulugan nito, dahil ang pinakikinggan ninyo ay mga salita ng Panginoong Jesus. Mababasa sa Marcos 4:26-29:

Sinabi niya (ng Panginoong Jesus), “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa, at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman, una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. Ngunit kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.¹”

Sinasabi ng Panginoong Jesus dito na ang kaharian ng Diyos ay gaya ng paghahasik ng isang tao ng binhi sa lupa. Pagkatapos, matutulog siya, babangon sa umaga, at matutulog muli sa gabi, gigising muli sa umaga, at matutulog muli, paulit-ulit, hanggang sa paglipas ng tag-init, hanggang ano’ng mangyayari? Hanggang sisibol ang binhi, uusbong ang dahon, magkakaroon ng tangkay, uusbong ang uhay, at sa wakas, mamumunga na. At kapag may bunga na, gagapasin na niya ito at mag-aani na siya. Tutubo ang binhi sa mismong kusa nito, na hindi niya alam kung paano. Ang trabaho lamang niya ay ihasik ito sa umpisa at anihin ito sa huli. Iyan kung gayon ang talinghaga. Tapos na! Ano pang naroon na kailangang ipaliwanag? Para bang walang masyadong masasabi pa tungkol sa isang talinghagang tulad nito. Pero, sasabihin ko sa inyo, may malalaking yaman sa mga salita ng Panginoong Jesus, at ngayon maingat nating pag-aaralan ito nang sama-sama.

Ikumpara Ito sa Talinghaga ng Manghahasik

Ano’ng sinasabi ng Panginoong Jesus? Naipaliwanag na natin ang Talinghaga ng Manghahasik. At sa gayon, dahil naipaliwanag na ang Talinghaga ng Manghahasik, dapat nakahanda nang mabuti ang mga isipan natin upang maintindihan kung ano’ng sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin dito. May maraming punto na parehong-pareho sa Talinghaga ng Manghahasik at marami ring mga punto kung saan ito ay ibang-iba. Kailangan nating muni-munihin ang ilang mga bagay-bagay.

Una sa lahat, sino ang manghahasik? Sasabihin ninyong, “Ah, iyan ay ang Panginoong Jesus.” Naaalala ninyo kasi ang Talinghaga ng Manghahasik. Ngayon, doo’y mali kayo. Kung iniisip ninyong ang Panginoong Jesus ang manghahasik, nagkakamali kayo. Bakit kayo mali? Intindihin ito: inihasik niya ang binhi at hindi niya alam kung paano ito tumutubo. Sa palagay ba ninyo ang mga salitang iyon ay maia-apply sa Panginoong Jesus? Nakikita ba ninyo ang mga salitang iyon sa b.27? Natutulog at bumabangon siya gabi at araw, “Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano.” Agad-agad nakikita ng bawat tagapagpaliwanag ng Salita na tumatalakay ng siping ito na: hindi man lang maaaring i-apply ito sa Panginoong Jesus. Paano natin masasabi na hindi alam ng Panginoong Jesus kung paano tumutubo ang Salita ng Diyos?

Gayundin, mapapansin ninyo na may ilang pagkakaiba ito sa nasa Lucas 8:5, kung saan sinabi roon: “kaniyang binhi²”. “Maghahasik siya ng kanyang binhi.” Ngunit, dito, ang binhing naihasik ng manghahasik ay hindi sinabing kanyang sariling binhi. Simple lamang siyang naghahasik ng mga binhi; hindi kailangang binhi niya ang mga ito. Kapag nagpapahayag ang isang mangangaral ng Salita ng Diyos, hindi siya nagpapahayag ng sarili niyang mga salita; nagpapahayag siya ng Salita ng Diyos. “Hindi ko ito binhi; ang kanyang binhi ang aking inihahasik.”

Sino ang Manghahasik?

Ngayon, kung hindi ang Panginoong Jesus ang manghahasik, sino siya? Ang sinumang taong naghahasik ng Salita ng Diyos ay isang manghahasik. Napaka-karaniwan nito sa Bagong Tipan. Sa Biblia, ang manghahasik ay hindi kinakailangang palaging ang Panginoong Jesus. Siya ang naunang naghasik. Siya, sa kauna-unahang pagkakataon, ang Manghahasik, na maaari ninyong sabihing nag-uumpisa sa malaking letra, sa ‘M’. Pero mga manghahasik naman tayong lahat na nag-uumpisa sa maliit na letra, sa ‘m’. Mga alagad tayo ng Diyos. Mga manggagawa niya tayo. At kaya, sa 1 Corinto 3:6&7, tinutukoy ni Apostol Pablo ang kanyang sarili bilang ang nagtatanim o naghahasik; si Apolos ang nagdidilig sa binhi; pero ang Diyos ang nagpapalago. Pero sino’ng naghasik ng binhi? Si Apostol Pablo ang naghasik ng binhi. Sino’ng nagdilig ng binhi? Si Apolos ang nagdilig sa binhi. Pero sino’ng nagpalago? Ang Diyos ang nagpalago. Ngayon iyan ang eksaktong kahanay o ka-parallel ng mga salita na narito sa Marcos. Kung paano sumisibol ang binhi, hindi alam ni Apostol Pablo, hindi alam ni Apolos, hindi natin alam, pero alam ng Diyos. Siya ang nagbibigay ng paglago.

Makikita rin natin ang kaparehong bagay sa 2 Timoteo 2:6, kung saan tinukoy si Timoteo bilang isang mabuting magsasaka. Isinasalarawan siya bilang isang masipag na magsasaka – “ang magsasaka na nagpapakapagod”. Ano’ng ginagawa ng magsasaka? Naghahasik ng binhi ang magsasaka. O muli, sa 2 Timoteo 4:2, ang sabi ni Pablo kay Timoteo, “ipangaral mo ang salita…sa kapanahunan at sa di-kapanahunan”. Pansinin na ang “sa kapanahunan” at “sa di-kapanahunan” ay lengguwaheng pang-agrikultura. Pinagsama niya ang dalawang larawan: “ipangaral mo ang salita” ay ang ihasik ng binhi. Ngayon, karaniwan kayong naghahasik ng binhi sa isang tiyak na panahon ng taon. Hindi ninyo ihahasik ang binhi sa taglamig o ‘winter.’ Pero pagdating sa Salita ng Diyos, ihahasik ninyo ito sa lahat ng oras – sa kapanahunan at sa di-kapanahunan! Kaya makikita natin na inaasahan ni Pablo na maiintindihan ni Timoteo na ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos ay naisasalarawan bilang paghahasik ng binhi.

Ang kaparehong larawan ay makikitang muli sa Santiago 5:7, kung saan isinasalarawan ang mga Cristiano bilang mga magsasaka na naghihintay ng anihan na darating. Kaya makikita natin ang ideya na ang manghahasik ay ang mga Cristiano, lalo na ang nagmiministeryo, ang nagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ito’y isang napaka-karaniwang larawan sa Biblia.

Ang Buhay ng Magsasaka

Ang susunod na bagay na mapapansin natin ay sinasabi rito na, “Siya’y natutulog at bumabangon sa gabi at araw.” Matutulog siya sa gabi; gigising siya sa araw. Walang magagawa ang mangangaral upang mag-udyok at magpatubo ng binhi. Maaari niyang gawin ang mga posibleng bagay-bagay upang mapabuti ang pagtubo ng binhi, pero hindi niya kayang pasibulin at patubuin ito. Ang buhay ay nasa loob ng binhi. Walang magagawang anumang bagay ang magsasaka tungkol sa buhay. Hindi niya alam kung paano gumagana ang buhay; hindi niya alam kung paano ito gumagawa. Kaya, ano’ng magagawa niya?

Ngayon, kailangang hindi natin ipalagay na walang ginagawang iba ang magsasaka kundi umupo lamang. Tumingin ako sa mga isinulat ng ilang komentarista. Tunay na nasorpresa nila ako dahil, para sa akin, para bang halatang wala silang kaalam-alam tungkol sa buhay-pagsasaka. Maiisip ninyo bang ang magsasaka’y simpleng maghahasik lang ng binhi, pagkatapos pupunta na siya sa higaan at matutulog na? At sa susunod na araw, babangon siya at magtatambay-tambay na lang siya, hanggang dumating ang anihan? Ito ang palagay ng ilang eskolar, at ito’y katakataka. Sa palagay ko, kung ipapaliwanag ninyo ang Salita ng Diyos, tunay na kinakailangan ninyong humayo at mamuhay na kasama ng isang magsasaka, at tingnan kung talagang patambay-tambay lang siya hanggang dumating ang anihan.

Ano’ng ginagawa niya? May napakaraming bagay-bagay na magagawa. Tunay na naitanim na ang binhi; hindi niya mapapasibol ito, pero pwede niyang siguraduhing walang peste na pupunta sa lupain. Kailangan niyang siguraduhing ang bukid ay madidiligan araw-araw, lalong-lalo na sa Middle East, kung saan may unang ulan at huling ulan, pero palaging walang masyadong ulan sa gitna ng dalawa. Kailangan ng magsasaka na diligan ang binhi sa lahat ng oras; kailangan niyang subukang patubigan ang kanyang lupain. Sa mga pumunta na sa Israel, alam na nila na karamihan sa mga lupain ay nakadepende sa pagpapatubig. Hindi ninyo maaaring hintayin na lamang ang ulan; darating ang ulan, pero sa maraming pagkakataon, may maagang ulan, may huling ulan. Pinakamahalaga ang mga iyon para sa binhi, pero hindi kayo pwedeng dumepende na lamang doon.

Kailangang magtrabaho ang magsasaka. Nagdilig si Apolos. Diniligan niya ang bukid. Isang malaking trabaho iyon: ang gawaing patubigan ang tanim. Ang paghahasik ng binhi ay isang malaking trabaho. Ang pagpapatubig ay isang malaking trabaho. Imagine-nin ninyo! Isipin kung gayon na sa pagsasabing walang ginagawa ang magsasaka sa bukid, halatang hindi man lamang ninyo naiintindihan ang buhay-magsasaka. Kailangan din niyang tingnan na hindi pupunta ang mga baka ng kapit-bahay upang yapak-yapakan ang kanyang bukid, o kaya’y kainin ng mga ito ang mga dahon o mga tangkay ng panamin. Kailangan niyang puksain ang mga peste sa kanyang lupain sa abot ng kanyang makakaya. Kailangan niyang bugawin ang mga ibon, kung possible; magtatayo siya ng mga panakot sa ibon [scarecrow]. Anumang maaari niyang gawin, susubukan niyang protektahan ang binhi na naihasik na.

Hindi ba’t iyan ang ginagawa ng bawat mangangaral at bawat pastor? Hindi puwedeng masabing wala silang ginagawa. Pero hindi kailanman ito lalong totoo kaysa rito, na maliban na ang Diyos ang magtayo ng templo, walang kabuluhan ang ginagawa ng mga nagtratrabaho upang itayo ito. [Awit 127:1-2] Maliban na patubuin ng Diyos ang binhi, maliban na may buhay sa loob ng binhi, masasayang lang ang lahat ng pagsisikap ng magsasaka. Hindi niya kayang patubuin ito! Mapapaganda lamang niya ang lahat ng kalagayan upang tumubo ang binhi, pero hindi niya kayang piliting tumubo ang binhi. Wala siyang magagawa tungkol doon!

Kapag nakikita niyang sumisibol na ang tanim, hindi niya kayang pabilisin ang pagtubo nito – hindi niya ito pwedeng bunutin paitaas upang mas mabilis na lumago. Wala siyang magagawa kung ang pinag-uusapan ay ang pagpapatubo. Pero kaya niyang gawin ang mga bagay-bagay upang maprotektahan ito at mapaganda ang kalagayan nito: dagdagan ang pataba, halimbawa, at gayundin ang tubig, atbp.

Makikita natin dito ang isang bagay na lubos na napakahalaga. Ano ba talaga ang gustong sabihin ng Panginoong Jesus sa atin? Gusto ba niyang sabihin na sa sandaling naihasik na ang Salita ng Diyos, iyon na ang katapusan? Na tapos na ito? Na wala nang gagawin pa? Na kung maihasik na ang Salita ng Diyos sa inyong buhay, sa gayon, mauupo na lamang kayo at magrerelaks? Iyan ba ang kanyang sinasabi? Na lahat ng ito ay grasya at wala kayong responsibilidad?

Mag-ingat sa Lubos na-Mala-Espirituwal-na-Pakinggang Katuruan

Ipinakita ko sa inyo noong nakaraan ang isang bagay tungkol sa Iskriptural na katuruan tungkol sa grasya at responsibilidad: ang bahagi ng Diyos at ang bahagi ninyo. Sa panahon ngayon, may nakahihiligang paraan sa mga iglesya na ipahayag ang grasya [grace] kung saan wala nang kailangang gawin ang isang tao; siya’y passive. Wala na siyang kailangang gawin. Ngayon, gusto kong sabihin sa inyo na hindi Biblikal na katuruang iyan. Gusto ko ring sabihin sa inyo ang maraming bagay na para bang lubos na napaka-espirituwal ang dating, pero hindi naman Biblikal ni katotohanan.

Maging napaka-ingat tungkol sa lubos na mala-espirituwal-na-pakinggang mga bagay. Mas maraming tao sa iglesya ang nalinlang na sa pamamagitan ng lubos na mala-espirituwal-na-pakinggang mga bagay, kaysa sa pamamagitan ng kasinungalingan. Ang Cristiano ay hindi mayayakag ng kasinungalingan. Hindi ganoon kadali! Kailangan niyang magkaroon kahit man lang konting kaalaman o ‘discernment’ sa kung anong mali at kung anong tama, pero may kahinaan siya sa mga bagay-bagay na mala-espirituwal ang dating (pero hindi naman totoo).

Sinubukan ni Satanas na gamitin ang mismong panlilinlang na iyan sa Panginoong Jesus nang sinambit niya ang Kasulatan sa kanya. Sinambit niya ang Awit 91, ‘di ba? Sabi niya, “Magpatihulog ka sa taluktok ng Templo.” Tapos, sinambit niya ang Awit 91 at sinabing, “Ang Diyos ay magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo upang hindi matisod ang iyong paa sa bato.” [b11&12] May mali ba sa pagsambit niya sa bersikulo? Wala. Sinuri ko mula sa orihinal na Kasulatan ang binanggit niyang bersikulo: ito ay eksaktong-eksakto; bawat salita ay tumpak. Wala siyang sinambit na maling salita nang sinambit niya ang Kasulatan. Wala! Bawat salita sa Griyego, alinsunod sa Septuagint³, maging ang mga kapanahunan [tenses], maging ang pinakahuling letra. Wala man lang kahit na isang salita ang wala sa lugar. Hindi mangmang si Satanas. Alam niyang hindi siya makakabanggit ng di-wasto mula sa Kasulatan sa Panginoong Jesus. Alam niyang kung magbabanggit mula ng Kasulatan, kailangang banggitin ito nang buo.

Ngayon, ano ang mali? Ang mali ay ang maling pagkakagamit ng Kasulatan. Bakit? Sa Awit 91, doo’y sinasabi na ang mga naninirahan sa lihim na lugar ng Kataas-taasan, iingatan niya sila na gaya ng itim ng kanyang mga mata. Iingatan niya sila, upang hindi matisod ang kanilang mga paa sa bato. Inaalagaan niya sila. Oo, lubos na totoo iyan habang kayo ay naglalakad sa sentro ng kanyang kalooban, naglalakad sa anino ng Kataas-taasaan. Iingatan niya kayo araw at gabi. Pero hindi ibig sabihin niyan na maaari na kayong lumabas at gumawa ng mga bagay-bagay na labag sa kanyang kalooban, at umasa na protektahan niya kayo; na maaari ninyong suwayin ang kanyang kalooban at umasa na proprotektahan pa rin niya kayo. Hindi! Iyan ay panunubok sa Diyos!

At iyan ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Satanas, “Lumalakad ako sa sentro ng kalooban ng aking Ama, at ang sinasabi mo sa akin na gawin ko ay hindi kalooban ng aking Ama. Tama ang sinambit mong Kasulatan, pero hindi ito maia-aplay, dahil ang sinasabi mo sa akin na gawin ko, kung gagawin ko ito, hindi na ako maninirahan sa lihim na lugar ng Kataas-taasan. Mawawala na ako sa sentro ng kanyang kalooban.”

Pero hindi ba ninyo nakikita na ang tukso mismo ay sobrang-mala-espirituwal? Ito ay nag-aapela sa espirituwal na aspeto ng tao: “Aalagaan ka ng iyong Diyos. Ayaw mo bang maranasan ang kanyang pag-aalaga? Ayaw mo bang maranasan kung paano ka niya maproprotektahan? Ngayon, humakbang ka nang palabas. Lumundag ka at masdan kung paano niya gagawin ito.” Mag-ingat kayo sa mala-espirituwal kung pakinggang mga kataga, sa pagsambit ng Biblia sa hindi naman naaayon sa nilalaman nito. Mag-ingat sa mga bagay na iyan.

Sa panahon ngayon, marami nang ganitong kasabihan. Napaka-mala-espirituwal kung pakinggan! “Ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos.” Gaano kadalas nating naririnig iyan. Napaka-mala-espirituwal nitong pakinggan, at wala kahit isang butil na katotohanan dito. Nagulat ba kayo? Wala man lang katotohanan dito. “Kung ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos” – gaya ng sinabi ni Sidlow Baxter sa kanyang napakahalaga’t bagong-labas na aklat na pinamagatang The New Call to Holiness [Ang Bagong Pagtawag sa Kabanalan]: “Kung ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos, kung gayon, ang kaligtasan ay isang malupit na komedya, isang malupit na biro sa sangkatauhan.”

Ito’y dahil hindi kayo maliligtas maliban kung ibibigay ng Diyos sa inyo ang kaloob! At kaya, kung hindi niya ibibigay ito sa inyo, lagot na kayo, mga kaibigan! Maaaring kayo’y mabubuti at mababait, pero kung hindi ibibigay sa inyo ng Diyos ang kaloob, pupunta kayo sa impiyerno. Tapos, ang magpapatuloy pa sa pagsabing “hindi niya (ng Diyos) ibig na sinuman ay mapapahamak” [2 Pedro 3:9], na iniibig ng Diyos ang sanlibutan, ay paghantong ng lahat ng ito sa isang katawa-tawang biro, gaya ng napakalinaw na nakikita ni Sidlow Baxter.

Nasuri na natin ang bersikulong ito noon; wala kayong nakikita kahit saanman sa Kasulatan na nagsasabing, “Ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos.” Nakita nating may bersikulong di-wasto ang pagkakasambit, at ilang linggo na ang nakaraan, kung kailan ipinakita ko sa inyo na wala man lang ganitong uri ng kahulugan ang bersikulong ito. Sa sandaling tingnan ninyo sa Griyego, makikita ninyo iyan. At kaya, napaka-mala-espirituwal ang dating nito, sa pagsasabing, “Ang pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos.” Lubos na mala-espirituwal itong pakinggan, sobrang-mala-espirituwal, pero ano ang konklusyon sa bagay na ito?

Una, hindi ito Iskriptural, at pangalawa, ginagawa nito ang kaligtasan bilang isang malupit na biro ng Diyos. Sa una’y sinabi ng Diyos na hindi niya ibig na mapahamak ang sinuman, pagkatapos ibinibigay niya ang pananampalataya sa napakaliit na bilang ng mga tao lamang; ang karamihan ay hindi makakatanggap ng pananampalataya. Bakit? Dahil hindi ito ibinibigay sa kanila ng Diyos! Kaya, ano’ng sinasabi natin? Sa isang panig, hindi ibig ng Diyos na mapahamak ang sinuman; sa kabilang panig naman, ipapadala niya ang karamihan sa impiyerno. Narito ang uri ng lengguwaheng ‘sobrang-mala-espirituwal’, na nagpapagulo sa Ebanghelyo, at ginagawang katawatawa ang Ebanghelyo sa mga mata ng bawat taong seryosong nag-iisip, na naghahanap ng katotohanan. Kaya, mag-ingat sa mala-espirituwal-na-pakinggang mga kataga.

Walang makakahigit pa kaysa ang maunawaan ang kaugnayan ng grasya at responsibilidad. Kung ang pananampalataya ay mula sa grasya, tunay na walang bahagi mula sa tao rito, kung gayon, umupo na lamang tayong lahat at maghintay na ibigay ng Diyos sa atin ang grasya. Pero wala tayong pag-asa at walang anumang posibilidad na mahanap ang katotohanan, dahil, maliban sa may gawin ang Diyos, walang anumang paraan na mahanap ninyo ito; hindi man lang ninyo maaaring naisin ang katotohanan. Mag-ingat sa mala-espirituwal na mga bagay! Natatakot ako sa mga bagay na ito na napaka-mala-espirituwal na pakinggan, pero wala man lamang Iskriptural na pundasyon.

Ang Responsibilidad Natin Bilang mga Magsasaka

Gusto kong suriin ninyo ito ngayon sa katuruan mismo ng Panginoon. Tingnan ninyo ang katuruan ng Panginoong Jesus at makikita ninyo ang kagandahan nito. Ang manghahasik, nakikita natin ngayon, ay ang mangangaral na siyang naghahasik ng Salita ng Diyos. Hindi niya mapapatubo ito, at kaya, ano’ng dapat niyang gawin? Nagwakas na ba ang kanyang responsibilidad pagkatapos ng paghahasik ng binhi? Tapos na ba ang kanyang trabaho? Kung baga, ang inaakala niya’y ang binhi ay tutubo sa pamamagitan mismo ng sarili nito – wala na siyang magagawa pa – kung ganoon, tapos na ang responsibilidad niya sa sandaling naihasik ko na ang binhi. Pero hindi! Hindi pa!

Sa 2 Timoteo 2:6, makikita natin “ang magsasaka na nagpapakapagod”. Ang masipag na magsasaka ay hindi lamang nagtratrabaho sa oras ng paghahasik; nagtratrabaho siyang mabuti sa buong taon. Sinumang pamilyar sa buhay ng isang magsasaka ay alam kung gaano kahirap ito. Sa mga araw na ito sa Canada, pakaunti nang pakaunti ang mga magsasaka dahil ang gawain ng isang magsasaka ay tunay na napakahirap. May mga mas madaling gawing mga trabaho; ang trabaho ng isang magsasaka ay pang-lahat-ng-oras. Napakahirap na trabaho nito: “ang magsasaka na nagpapakapagod.”

Nagtrabahong mabuti si Apostol Pablo. Lagi kong iniisip ang mga salita ni Apostol Pablo nang sinabi niyang, “ako’y naglingkod nang higit kaysa kanilang lahat, bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin.” Sinabi niya iyan sa 1 Corinto 15:10. Ang sabi pa niya, “Gumagawa ako araw at gabi.” [1 Tesalonica 2:9 at 2 Tesalonica 3:8] Nagtatrabaho si Apostol Pablo! Hindi siya gaya ng pangkat ng mga tamad na Cristiano na nasa mga iglesya sa panahong ito na nagsasabing, “Ang lahat ng mga bagay ay sa pamamagitan ng biyaya o grasya ng Diyos. Wala na akong gagawin pa.” Magreresulta lang lalo ang katuruang ito sa mga tamad, matitigas ang buto’t mga batugang mga Cristiano. Ito’y maling katuruan tungkol sa grasya. Hindi kailanman naipakahulugan ang grasya nang gaya nito.

Binibigyang-Lakas Tayo ng Grasya ng Diyos Upang Magtrabaho nang Maigi

Pag-aralan ang Colosas 1:29 sa kontekstong nito. Napakahalaga nito. Ito’y isang bersikulong lubos na mahalaga sa aking puso. Gusto kong pakaisip-isipin ninyo lagi ang tungkol sa mga salitang ito. Umpisahan natin sa b.28. Itinanim ni Pablo ang binhi. Ano ang binhi? Ito’y si Cristo mismo, ang Salita ng Diyos. “Siya ang aming ipinahahayag, na binabalaan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo.” Ngayon, gusto kong pansinin ninyo ito: hindi lamang niya gustong iligtas ang isang tao. Ang binibigyang-diin na pahayag ng iglesya sa panahong ito ay ang simpleng makamit ang kaligtasan, ang magbigay ng mga desisyon, ang itaas ang inyong kamay. Iyan lang ang gusto ninyo; para bang iyan na lang ang mahalaga’t wala ng iba – sa sandaling mabautismuhan na kayo, tapos na ako sa inyo.

Hindi ganyang uri ng mangangaral si Pablo, na ang gusto lang ay ang makakuha ng desisyon – ang isulat ang inyong pangalan sa kard ng desisyon. Ano bang uri ng Cristianidad mayroon tayo sa panahong ito? Ang sabi ni Pablo, “Dahil dito’y nagpapagal din naman ako”, upang maipahayag natin siya, nagtuturo upang maiharap natin ang bawat tao – paano? Bilang isang nagbalik-loob o convert ba? Hindi! Bilang “sakdal kay Cristo”! Sakdal – mature – iyan ang salita. Ganap o kumpleto kay Cristo! Oh! Bigyan nawa tayo ng Diyos ng mga mangangaral na tulad nito sa panahong ito, na hindi lamang naghahanap ng kaligtasan, na hindi lamang naghahanap ng mga desisyon, kundi upang “maiharap naming sakdal kay Cristo” ang bawat tao. Ngayon, iyan ang tinutukoy sa Marcos Kapitulo 4.

Pansining maigi ang susunod na bersikulo, “Dahil dito’y nagpapagal din naman ako”. Nagpapagal! Nagtratrabaho! Napakalakas ng dating ng salitang ito; ibig sabihin nito’y mahirap na trabaho. “Dahil dito’y nagpapagal din naman ako at nagsisikap….” Pansinin ang salitang “nagsisikap”. May napapansin ba kayong anumang katamaran? Animo’y walang ginagawa? May anumang bagay ba na nagsasabi na, “Hmm, ito’y pawang biyaya, wala akong gagawing anupaman”? “…na nagsisikap [nang buong lakas]” – saan ko nakukuha ang lahat ng lakas na ito? “ayon sa kanyang [sa Diyos] paggawa na gumagawa sa akin na may kapangyarihan.”

Oh! Bigyan nawa tayo ng Diyos ng mga taong tulad nito sa henerasyong ito, na hihinto na sa pagsabing, “Simpleng biyaya lang lahat ng ito; walang kinalaman ito sa atin.” Siyempre, grasya ito! Pero naaalala ninyo ba kung ano’ng pinag-aralan natin nang nakaraang linggo? Na ang grasya ay “biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya”, o ‘grace upon grace.’

May ilang tao na may maliit na grasya lang. Ang iba naman ay may grasya na sinundan pa ng ibang grasya – isang kasaganahan sa grace. Nakita natin noong nakaraang linggo [sa Marcos 4:25] na: “ang mayroon ay lalo pang bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganahan.” Paano kayo magkakaroon nitong masaganang grasya na nakay Pablo? Si Apostol Pablo lang ba ang tanging binibigyang inspirasyon ng Diyos? Si Pablo lang ba ang tanging tao na makapangyarihang na-inspire ng Diyos? Ang inspirasyong ito – ano ba ito kundi grasya? Ang grasyang ito, ano’ng ginagawa nito? Inuudyok nito si Pablo na magsumikap nang buô niyang kalakasan.

Pansinin: ang konsepto ni Pablo sa grasya ay lubos na kakaiba mula sa konsepto sa grasya sa panahong ito. Sa panahong ito, ibig sabihin ng grace ay umupo lamang at walang gawin. Ang konsepto ni Pablo sa grace ay: “Ang grasyang nakapagpapalakas at nagbibigay inspirasyon sa akin na gumawa ng mga makapangyarihang bagay.” Tingnan ang Filipos 4:13: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.” Saan napunta ang ganitong uri ng Cristianidad? Ang grasyang nagpapalakas para sa mga makapangyarihang gawain! Iyan ang Biblikal na grasya.

Sawa na ako sa uri ng grasyang palaging naririnig natin, na ang sabi ay, “Huwag gumawa ng anumang bagay”, na kung gagawa kayo ng anumang bagay, ito’y ‘kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa’. Sino ba ang nagtuturo ng ‘kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa’? Ang pinag-uusapan ay kaligtasan sa pamamagitan ng grasya na siyang nagbubunga ng mga gawa. Kaya ang sabi ni Pablo, “sa mabubuting gawa, sa kung saan kayo naiatas.” [Efeso 2:10] Naatasan kayong gumawa ng mga mabubuting gawa. Iniligtas kayo ng Diyos upang mamunga ng mga gawang iyan. Paano? Sa pamamagitan ng kanyang grasya! Ang grasyang buháy na buháy, na aktibo! Ngayon, iyan ang kaibahan. Ang ‘grace’ sa Biblia ay isang buháy-na-buháy na grasya. Ang grasyang naririnig nating naipapahayag ngayon ay isang di-umuusad, di-gumagalaw na grasya; tunay na wala itong ginagawa.

Ang Lupa ay Magtatrabaho Bilang Pagtugon sa Binhing Naitanim

Kaya ngayon, pansining mabuti habang binabalikan natin ang Marcos Kapitulo 4. Napakahusay na inilahad ng Panginoong Jesus ang puntong ito, kahit na maaaring inisip ninyong, “Walang anumang mayroon ang talinghagang ito.” Hayaang sabihin ko sa inyo na: may napakalaking mga yaman sa talinghagang ito. Tingnang mabuti muli ang b.27 ang mga salitang: “Sumisibol at lumalaki ang binhi”. Pagkatapos, sinabi naman sa b.28, “Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman, una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik ng butil.”

May nakikita ba kayo roon? Inaasahan kong binabasa ninyo ang Salita ng Diyos na bukás ang inyong mga mata. Ano’ng nakikita ninyo? Sumisibol ang binhi, ‘di ba? Ang buhay ay nasa binhi. Pero sa susunod na pangungusap, sa ating pagkasorpresa, hindi ito nagpatuloy sa pagsabing, “Ang binhi mismo ang nagpapasibol sa dahon, sa uhay at sa hitik ng butil.” Hindi ba iyan ang inyong inaasahan? Pero hindi natin makikita iyan doon. Ang lupa ang siyang nagpapasibol! Nakakagulat iyon. Dahil kung ang pagkaka-alinsunod [consistency] ay masusundan, dapat nating asahan na ang sasabihin sa b.28 ay, “at ang buto ang mismong nagpapasibol sa sarili nito.” Ang “mismong sarili nito” ay siyang aalinsunod o sasang-ayon sa “hindi niya nalalaman kung paano” sa b.27, at sa gayon, magpapasibol ang binhi ng dahon. Pero hindi! Nakikita natin na ang lupa ang nagpapasibol.

Ngayon, anong sinasabi nito sa atin? May mga tainga ba tayong nakakarinig? Ano ang lupa? Ano’ng inirerepresenta nito sa katuruan ng Panginoon? Alam ba ninyo? Kung pinag-aralan ninyo ang Talinghaga ng Manghahasik, dapat alam na ninyo. Tinutukoy nito ang puso – ang puso ng tao. Tinutukoy nito ang mga tao kung kanino naihasik ang binhi. Iyon ang kamangha-manghang bagay.

Pag-isipan natin ito nang ganito. Ang buhay ay nasa binhi; dapat na tumubo ang binhi; pero pwede ba itong tumubo kung walang lupa? Kung ilagay ninyo ang isang binhi sa ibabaw ng mesa rito, tutubo ba ito? Ang pinakamagandang binhi, punô ng buhay sa loob nito – tutubo ba ito kung ilalagay ninyo lang ito roon? Hindi ito tutubo; ang pinakamagandang binhi sa buong mundo ay hindi tutubo. Saan ito tutubo? Tutubo lamang ito sa lupa, sa putik. Doon ito tutubo.

At kaya, bago tayo maging sobrang-mala-espirituwal, at mawala sa proseso, mag-isip nang mabuti. Ang Salita ng Diyos, kung ilalagay ninyo ito rito, tutubo ba ito? Kung iwanan ko ang aking Biblia rito, tutubo ba ito? Siyempre, hindi ito tutubo. Pero kung kukunin ko ang Salitang ito at ihahasik ito sa inyong puso, at kapag naihasik na ito sa inyong puso, ito’y tutubo sa inyong puso. Ang lupa ang siyang mahalaga para sa binhi. Nakikita ba ninyo iyan?

Ang Responsibilidad Natin: Mamunga Bilang Tugon sa Grasyang Regalo ng Diyos

Ngayon, ang binhing naihasik sa inyong puso, ito ay isang kaloob ng Diyos. Isa itong kaloob ng grasya. Nakita natin sa mga nakaraang mensahe na hindi natin pinagtrabahuan ang binhi. Nasa loob ng binhi ang buhay. Ang buhay na ito – ang buhay na walang hanggan ng Diyos – ay isang kaloob sa atin. Pero ang buhay na ito ay kinakailangang makapasok sa aking puso at kailangang makapaglabas ng mga resulta. Kung hindi ito makakapasok sa aking puso, walang magagawa itong buhay na walang-hanggan.

Gaya ng makikita sa Juan 12:24, nananatiling mag-isa ang buto, pero kapag ito’y naihasik – kapag namatay ito – mamumunga ito ng maraming bunga. Kung hindi ito itinanim at hindi ito namatay, wala itong maibubunga. Kailangan nitong mapasa-lupa! Kapag namatay ito, ito’y mapapasa-lupa; babalutin ito ng lupa. At sa lupang iyon, magkakaroon ng isang gawaing nakakapagbago. Binabago nito ang di-mabungang lupa at ginagawa itong maging mabungang bukirin. Hindi ba’t napakaganda niyon?

Ang lupa mismo, kung walang binhi, maaari ba itong makapagbigay ng anumang bunga? Siyempre hindi! Walang maibibigay na bunga ang lupa; kung wala itong binhi, hindi ito magkakabunga. At kaya, kailangan natin kapwa ng binhi at ng lupa upang magkaroon ng ani sa bandang huli. Kailangan natin ang grasya ng Diyos at ang pagtugon ng tao bago tayo magkaroon ng ani, ‘di ba? O tayo ba’y naging napakabulag sa espirituwal na hindi na natin nakikita iyan?

Pero kapag pinag-uusapan natin ang tugon ng tao, pinag-uusapan ba natin ang tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa? Katawa-tawa naman! Hindi ba tinatawag tayo ng buong Biblia upang tumugon? Hindi ba kakakanta lang natin ng himnong, “Come to Me”? Halikayo! Ano’ng sinasasabi natin? “Come unto Me” [Halikayo sa Akin] – hindi ba’t iyon ay nananawagan ng isang tugon? O otomatiko bang dumarating ang mga tao? Sila ba’y biglang-sumisipot lang, kinakaladkad sa leeg? Hindi ba nakatayo sa pintuan si Jesus at kumakatok, at tumatawag para sa isang pagtugon, na kung hindi ninyo bubuksan ang pinto, hindi siya papasok? Kung kaya nating maintindihan ang mga bagay na ito, hindi ba natin nakikita na ang grasya ng Diyos ay may katumbas na kinakailangan nating gawin sa ating parte, na ating responsibilidad na tumugon?

Ngayon, kung ang lahat ng ito ay maliwanag sa atin, kung gayon, hindi ba natin naiintindihan na ang grasya sa Biblia ay hindi isang bagay na ‘static’ o walang-nangyayari? Ito ay isang bagay na aktibo, lumalago, buháy, buháy na buháy at nagbabago. Kapag binuksan ko ang aking puso sa Salita, nag-uumpisa itong gumawa ng kamangha-manghang mga bagay sa akin. Kung hindi ko bubuksan ang aking puso sa Salita, walang magagawang anuman ang Salita ng Diyos sa akin. Walang magagawa sa puso ko ang makapangyarihang Salita ng Diyos na iyon. Kailangan kong buksan ang aking puso. Ang Panginoong Jesus ay hindi wawasakin ang pinto ng inyong puso; nakatayo siya sa pintuan at kumakatok. Kung hindi ninyo bubuksan ang pinto, hindi siya maaaring makagawa ng anumang bagay sa inyo. Hindi ba natin nakikita ang responsibilidad natin sa bagay na ito?

Kailan Ba Tayo Naliligtas?

Pero magpatuloy tayo at lalo pa nating isipin ito. Isa-isip muli ang binhi. Ang binhi ay may kapangyarihang makapagpabago. Babaguhin niya ang di-namumungang ilang upang maging mabungang bukirin ito. Pero ano’ng mahalagang bagay na sinasabi sa atin niyan? Oh, may pinakamahahalagang bagay na sinasabi ito sa atin. Ano, halimbawa?

Pag-isipang mabuti ito. Kapag naghahasik ng binhi ang isang magsasaka sa bukid, ano’ng hinahanap niya? Naghahanap ba siya ng mga umuusbong na dahon mula sa lupa? Naghahanap ba siya ng mga tangkay na tumutubo sa bukid? Bakit pa naghahasik ang magsasaka sa bukid? Naghahasik siya sa bukid dahil gusto niya – ang susing salita sa siping ito sa huli – ay ang ani! Iyan ang gusto niya. Hindi siya naghahasik dahil gusto niya ng damo o ng mga tangkay; gusto niya ng bunga. Iyan ang hinahanap niya. Pero paano hahantong sa bunga? Ang bunga ay nanggagaling sa binhi sa paraan ng napakaraming hakbang sa pagtubo nito – na nagbibigay ng ani.

Nais kong isipin ninyo muli nang mabuti ang tanong: Kung gayon, sa anong baitang kayo maliligtas? Sa anong baitang darating ang kaligtasan sa larawang ito? Isiping mabuti. Ang Salita ng Diyos ay inihahasik sa puso ng tao. Iyon ba ang panahong maliligtas siya? Naligtas ba siya nang tinanggap niya ang Salita ng Diyos? Ang sabi ninyo, “Oo, doon nga!” Ganoon ba? Kailan siya naligtas? Nang mag-umpisa siyang mag-usbong ng mga berdeng dahon – noon ba siya naligtas? Pumasok ang binhi sa kanyang buhay at tumubo ang bagong buhay ng dahon sa kanya. Sa puntong iyon siya naligtas, ‘di ba? Ano ang Biblikal na kasagutan? O kaya’y naihasik ang binhi sa kanyang buhay at tinubuan siya ng isang tangkay: isang lubos na matangkad na tangkay, mga berdeng dahon, mukhang lubos na malago roon. Iyon ang punto na siya’y naligtas, ‘di ba? Sigurado kong lubos na sanay na kayong marinig na ganito nga: kayo ay naligtas sa sandaling tinanggap ninyo ang Salita ng Diyos.

Tingnan natin ngayon ang talinghagang ito: “Ang kaharian ng Diyos ay…”. Ano ang kaharian ng Diyos? Naipakahulugan ang kaharian ng Diyos sa ebanghelyo ni Juan bilang buhay na walang hanggan. Paano tayo magkakaroon ng buhay na walang hanggang ito? Iyan ang tanong dito. Ito ay tanong ukol sa kaharian ng Diyos; ukol sa kaligtasan; ukol sa buhay na walang hanggan. Sa anong baitang ninyo ito makukuha? Balikang-isipan ang Talinghaga ng Manghahasik, upang maintindihan natin ang katuruan ng Panginoon. Kailan naligtas ang isang tao, ayon sa inyong pagsasalarawan at pang-unawa? Noon bang naihasik ang binhi sa lupa, nahulog sa mababaw na lupa, tinanggap nito ang Salita ng Diyos na may galak, nakapag-usbong ito ng dahon, at doon nagkaroon ng pagtubo?

Ayon sa karamihan ng mga Cristiano sa panahong ito, ayon sa karamihan ng mga mangangaral, sa puntong iyon siya naligtas! Ligtas na siya! Tingnan ninyo: tinanggap niya ang Salita ng Diyos. Ano’ng sinabi ng Panginoong Jesus? Namatay ang taong iyon! Nawala siya! Bakit? Dahil nang sumikat na ang araw, nalanta siya. Ang ibig sabihin ng nalanta ay namatay, natuyo. Tinanggap niya ang Salita ng Diyos nang may tuwa. Sa kasalukuyang lengguwahe, tinanggap niya ang Panginoong Jesus sa kanyang puso. Ano’ng nangyari? Nalanta siya! Kung gayon, naligtas ba siya o hindi? Ano’ng inyong sagot? Kung naligtas siya nang tinanggap niya ang Salita ng Diyos, kung gayon, ano’ng nangyari sa kanya? Nalanta siya at namatay!

Ano naman ang tungkol sa isa pa na nahulog sa may mga dawagan o tinik? Tinanggap din niya ang Salita ng Diyos. Tumubo rin siya! Pero habang lumilipas ang panahon, siya ay nasakal ng mga tinik. Hayaang tanungin ko kayong muli: “Naligtas ba siya noong tinanggap niya ang Salita ng Diyos o hindi? Oh, napakagaling natin bilang mga Cristiano sa paggawa ng ating maliliit na teoriya, ‘di ba? At pagkatapos, hindi natin alam kung paano itutugma ang mga ito sa Salita ng Diyos, at pagkatapos, nalilito tayong lahat.

Alam ba ninyo ang sinasabi ng Panginoong Jesus sa atin? Ang mga nahulog na binhi sa mabuting lupa lamang, na namunga, maaaring tatlumpung-beses lang; ang iba naman ay doble, animnapung beses; ang iba naman ay higit pa sa doble, isang-daang beses… sila ang namunga, at nang namunga sila, sila ang inani sa kaharian ng Diyos, ‘di ba? Inani ba ang mga iba tungo sa kaharian ng Diyos? Hindi! Kaya, naligtas ba sila, kahit na tinanggap nila ang Salita ng Diyos? Hahayaan ko kayong isipin ito. Hanapin ninyo ang sagot. Kailangan ko pa bang sabihin sa inyo ang sagot? O sapat nang malinaw ang Salita ng Diyos?

Ang Paggapas ng Ani na Nangyayari sa Panahon Ngayon

Kailangan nating talakayin ang isa pang tanong. Pumunta tayo sa b.29, ang huling bersikulo: “Ngunit kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit…”. Kailan niya gagamitin ang karit? Kapag umusbong na ba ang dahon? Hindi! Kapag umusbong na ba ang uhay? Hindi! Kailan kung gayon? Kapag nahitik na ng butil ang uhay at ito’y hinog na, doon lamang niya gagamitin ang karit. Ano ang karit? Ang karit ay ginagamit sa paggapas, siyempre. Paggapas, tungo saan? Sa anihan, siyempre! Tungo sa kaharian ng Diyos!

Ngayon, ano bang tinutukoy ng anihang ito? Kung sasabihin ninyong ang anihan ay ang paghuhukom sa katapusan ng panahon, mali kayo muli. Sa Mateo 13:30, nakikita natin ang pag-aani. Ang pag-aani sa katapusan ng panahon ay ginagampanan ng mga anghel, hindi ng sinumang nilikhang tao. Ang pag-aani sa katapusan ng panahon ay ang pag-aani sa muling pagdating ng Panginoong Jesus.

Pero pansinin mula sa punto ng pagpapaliwanag kung gaano tayo dapat kaingat. “…agad niyang kinukuha ang karit…” – sinong kumukuha ng karit? Ang taong naghasik! Sino ang naghasik? Ang Panginoong Jesus ba? Hindi, nakita natin na hindi ito ang Panginoon Jesus. Ang ‘siya’ ay ‘yung hindi nakakaalam kung paano tumutubo ang binhi – mga taong tulad ko, na hindi nakakaalam kung paano tumutubo ang binhi. Tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung paano tumutubo ang binhi. Kaya, sino’ng gumagamit ng karit? Ang taong naghasik ay siya rin itong naggagapas dito. Nakuha ninyo ba? Siya ang gumagamit ng karit. Kung gayon, ito na ba ang katapusan ng panahon? Nakita natin na sa katapusan ng mundo, ang mga anghel ang maggagapas; wala man lang sinumang tao. Kung kaya, nakikita natin na ang pag-aaning ito ay hindi ang ‘eschatological’ na pag-aani, hindi ang pag-aani sa katapusan ng panahon, kundi ang pag-aani na nangyayari sa kasalukuyang panahon.

May nakikita ba kayong ganitong pag-aani sa Biblia? Sigurado! Makikita natin iyan sa Juan 4:35-36, na kailangan ko ngayong basahin sa inyo. Ano’ng mababasa natin dito? Nagsasalita rito ang Panginoong Jesus sa kanyang mga disipulo at sinasabi niya ito: “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.” Hindi na ninyo kailangan pang hintayin ang katapusan ng panahon; sa mga sandaling ito, may aanihin na.

Pansinin ang mga salitang ito: “Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan”. Ano ang aanihin? Ang aanihin ay ang bunga para sa buhay na walang hanggan, “upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.” Kaya, dito, nakikita natin na ang aanihin ay ang bunga para sa buhay na walang hanggan. At ano ang bunga? Ang bunga ay ang mga taong ito na dinadala tungo sa buhay na walang hanggan.

Ngayon, gusto kong obserbahan ninyo ang puntong ito at mas lalong maingat itong isaisip. Sa ganitong pang-unawa, tayong lahat ay nag-aani na ngayon. Tayong lahat ay kapwang naghahasik at nag-aani sa kasalukuyang panahon. Ang mangangaral na nagpapahayag ng Salita ng Diyos, halimbawa, ang isang pastor, ay ang siyang naghahasik ng Salita ng Diyos, pero nag-aani rin siya.

May galak ako sa paghahasik ng Salita; may galak din ako sa pag-aani. Kapag lumapit ang mga tao at nababautismuhan, habang tinatanggap nila ang Salita ng Diyos at nababago ang buhay nila, nag-aani ako. Nakikita ko na kapag sila ay nabautismuhan, tinatanggap nila ang buhay ng Diyos sa kanilang kaluluwa. Pagkatapos, nakikita kong nababago ang kanilang buhay. Nakikita kong namumunga sila. Nakikita kong lumalago sila tungo sa espirituwal na pagkagulang o ‘maturity’. Nakikita kong naipapasok sila sa kaharian ng Diyos, sa buhay na walang hanggan.

Magpursigi Tungo sa Marka ng Mataas na Pagtawag

Kaya ngayon, nakikita natin dito ang isang lubos na mahalagang bagay. Hayaang tanungin muli natin ito: Sa anong baiting o yugto sila inaani para sa buhay na walang hanggan? At sa anong yugto sila ipinapasok sa buhay na walang hanggan? Sa sandali bang sila’y tumanggap ng Salita ng Diyos? Sa sandali bang nakapagpa-usbong sila ng dahon? Sa sandali bang nakapagpatubo sila ng tangkay? O hindi ba noong sila’y nagbunga? Ano ang bunga? Sa pag-iiba ng larawan, ito ay nangyayari kapag ang halaman ay umabot na sa pagkagulang [maturity]. Maaari itong mamunga ng tatlumpu, animnapu, o isang-daang beses; hindi mahalaga kung gaano karami ang bungang naroon, kundi ang namunga sila kahit papaano, iyon ang punto.

Ngayon, kapag binalikan natin ang Colosas 1:28-29, maiintihan ninyo kung bakit lubos na nag-aalala si Pablo na “ang lahat ay maiharap naming” – pansinin ang salita – “sakdal”. Ibig sabihin ng salitang ‘sakdal’ [mature] ay hinog na: ang bungang hinog na, na handa nang anihin. “…upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo”! Hindi nakapagtataka sa katuruan sa panahong ito kung saan ang kaligtasan daw ay simpleng nasa baitang lamang ng pagtanggap ng Salita ng Diyos, kaya walang pag-uudyok na makitang tuloy-tuloy ang bawat tao hanggang sa kasakdalan, sa ‘maturity’. Sino’ng nag-aalala tungkol sa kasakdalan? “Ligtas na ako. Kung ligtas na ako, hindi na mahalaga kung ako man ay aasal na gaya ni Cristo o hindi, kung ako’y may bunga ng Espiritu o wala, kung namumuhay man ako na iniluluwalhati ang Diyos o hindi. Ano pang kahalagahan nito? Hindi na mahalaga ito. Ligtas na ako. Ano pang gugustuhin ko?” Ipinapakita nito ang panganib ng isang maling katuruan.

Binabalaan tayo ng Biblia na hindi pa kayo ligtas. Hindi pa kayo inaani tungo sa kaharian ng Diyos sa sandaling natanggap ninyo ang Salita ng Diyos. Di ganoong kabilis! Hindi pa rin kayo ligtas kapag ang proseso ng pagbabago ay nag-uumpisa pa lang, sa pagpa-usbong pa lang ninyo ng dahon. Hindi pa rin kayo inaani tungo sa kaharian ng Diyos kapag nagpapa-usbong pa lang kayo ng tangkay. Oo, salamat sa Diyos para sa dahon at sa tangkay! Pero kailangan ninyong magpatuloy tungo sa marka ng mataas na pagtawag [the mark of the high caling].

Ngayon, sa katuruan ngayon, ang pagpupursigi tungo sa mataas na pagtawag ay isang kanais-nais pero di-kinakailangang bagay. “Kanais-nais ito, pero di bale na kung hindi ninyo pagpursigihan.” Hindi ba iyan totoo? “Anong halaga ng pagpupursigi tungo sa marka? Ligtas na kayo; kung hindi kayo tatakbo sa takbuhan, hindi na ito mahalaga pa. Nagpalista na kayo at iyon lang ang mahalaga. Kung hindi ninyo kailanman maabot ang dulo ng takbuhan, hindi na ito mahalaga.”

Hmm, mali ang pang-unawa ninyo sa Kasulatan, kung iyan ang inyong iniisip. Alalahaning mabuti ang katuruan ng Panginoon, at sa gayon, maiintindihan ninyo kung bakit ginagawa ni Pablo ang ginagawa niya. Patuloy niyang nilalayon, bilang kanyang layunin, na iharap ang bawat tao bilang sakdal o ‘perfect’ kay Cristo. Ang sabi niya sa 1 Tesalonica 5:23: “Pakabanalin nawa kayo ng Diyos ng kapayapaan nang lubos sa inyong katawan, kaisipan at espiritu, upang maiprisinta kayo nang walang kapintasan sa kanyang harapan.

“Bakit? Para ano pa? Bakit kailangan pa nating mag-alala tungkol diyan? Kung kayo’y ligtas na, ligtas na kayo. Mamuhay man kayo ng isang katawa-tawa at nakakasuyang buhay-Cristiano-kuno, na isang kahihiyan sa iglesya, pero ligtas na kayo dahil tinanggap na ninyo ang Salita.” Iyon ba ang katuruan sa Biblia? Iyan ba’y Iskriptural na katuruan? May mga tainga ba kayong nakikinig? Huwag ninyong tanggapin ito mula sa akin nang basta-basta na lang. Hinihiling kong timbangin ninyo ang sinasabi ko, hindi lang basta-basta tanggapin ang aking mga salita. Hindi pa kayo naaani hanggang hindi pa kayo nagpapatuloy, sa grasya ng Diyos, at hanggang hindi pa nakikita ang bunga sa inyong buhay.

Ang Pagiging Sakdal ay Nagmumula sa Total Commitment sa Diyos

Pansinin na sa sandaling nahinog na ang bunga, agad-agad niyang kukunin ang karit. Bakit? Kung kayo’y isang magsasaka, alam ninyo kung bakit. Sa sandaling nahinog na ang bunga at iniwan ninyo ito roon, mabubulok ito. Kung madatnan ito ng ulan, mabubulok ito. O kung iiwanan ninyo ito roon, kakainin ito ng mga ibon. Alam din nila kung paano magpakasaya sa hinog na butil. O kaya’y dadayuhin ito ng mga hayop upang kainin. Siyempre, agad-agad ninyong kukunin ang karit at aanihin ito para sa buhay na walang hanggan. At kaya, nag-asam-asam tayo niyon – na magpatuloy!

Ngayon, ito ay ang kasakdalan o ‘maturity’. Hindi nito sinasabi na ang sinumang Cristiano ay magiging perpekto sa buhay na ito. Ang sabi ni Pablo sa Filipos 3:15: “…tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan”. Hindi niya ibig sabihin ang pagiging perpekto kung saan walang kasalanan. Hindi tayo nagiging perpekto na walang-kasalanan sa buhay na ito. Pero ang kasakdalan o ‘maturity’ ay nagmumula sa buong paglalaan o ‘consecration’ sa Diyos, isang ‘commitment’ sa Diyos, na siyang nagdudulot ng bunga ng Espiritu.

Muli, sasabihin ko na sa pagbanggit ng ‘total commitment’, hindi ibig sabihin nito na kayo’y magiging isang ‘full-time servant of God’ na. Hindi ko alam kung ilang beses ko dapat sabihin iyan. Hindi nito ibig sabihin na magiging isang mangangaral kayo. Hindi nito ibig sabihing kinakailangan ninyong maging tagapagturo ng Biblia. Bawat isa sa atin ay inuutusang ibigin ang Panginoong Diyos ng buong puso at kaluluwa at kalakasan natin. Bawat Israelita’y alam ito, pero hindi ibig sabihin na dahil mahal nila ang Diyos ng buong puso, kaisipan at kalakasan nila, silang lahat ay naging mga mamamahayag. Ang mahalaga ay ang kalidad ng buhay na ipinapamuhay ninyo. Ang ‘total commitment’ ay ang kalidad ng inyong buhay. Ganyan kung paano kayo makakapamunga.

Kaya, nagmamakaawa ako na intindihin ninyo, para sa kapakanan ng inyong kaligtasan, ng inyong buhay na walang hanggan: huwag lamang tanggapin ang Salita ng Diyos. Salamat sa Diyos na tinanggap ninyo ito! At huwag lamang makontentong makakita ng ilang pagbabago sa inyong buhay. Salamat sa Diyos para sa maliit na pagbabagong iyan, pero magpatuloy tungo sa marka. O gaya ng sinasabi ni Pablo sa 2 Corinto 7:1: “ginanawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.” May takot ba kayo sa Diyos? Oo, sakdal na kabanalan! O muli sa Filipos 2:12-13: “…isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig; sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo….” Pansinin ang grasyang buháy na buháy – ang grasyang iyan na nagbibigay lakas at inspirasyon sa inyo upang isaayos at isagawa ninyo ang inyong kaligtasan.

Walang Bunga – Walang Kaligtasan

Kaya, nakikita natin na kahit na mukhang simple’t halos di-mahalaga ang talinghagang ito, kung gaano kahalaga ng aral na itinuturo ng Panginoong Jesus sa atin dito. Hayaang sabihin ko ito sa pagtatapos natin ngayon, sa pagbubuod natin; ito ang leksiyon: Ang grasya ng Diyos ay ang libreng kaloob na buhay para sa inyo; hindi ninyo ito mapagtatrabahuan. Pero, may responsibilidad kayo na makitang may nakapagpapabagong epekto ang libreng kaloob na ito at nagdudulot ng bunga. Dahil, maliban na mamunga kayo, hindi kayo magkakaroon ng lugar sa kaharian ng Diyos. Iyan ang Biblikal na katuruan, hindi sarili kong katuruan.

Ang Panginoong Jesus, sa pag-aalala na hindi natin maiintindihan ang puntong ito, ay binigyang-diin ito sa pamamagitan ng isang serye ng mga talinghaga. Pero sa ngayon, napaka-ignorante natin dahil kakaunti lang ang mga nag-aaral ng katuruan ng Panginoong Jesus. Ang gawi ng karamihan sa mga mangangaral ay ang mamili ng kanilang paboritong bersikulo at nagpapahayag sila tuwing Linggo sa sa mangilan-ilang paboritong mga bersikulong ito, kaysa ipahayag ang buong sangguni ng Salita ng Diyos. Alam ba ninyo ang katuruan ng Panginoong Jesus? Alam ba ninyo, halimbawa, ang Lucas 13:6-9? Basahin ninyo ito kapag nakauwi na kayo. Ito ay ang Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga. Alam ba ninyo kung ano’ng nangyari sa punong igos na walang bunga? Basahin ninyo ang talinghaga. Pinutol ito. Ito ba’y punong igos? Oo. Ito ba’y naitanim? Siyempre, itinanim ito. Nagkaroon ba ito ng buhay? Oo. Pero dahil hindi ito namunga, pinutol ito.

Alam ba ninyo ang Juan 15:1ss? Hindi ba sinabi ng Panginoong Jesus na, “Ang sanga na hindi nagbubunga” – ano’ng mangyayari rito? – “ay inaalis niya.” Ito’y pinuputol At kung hindi pa masyadong naintindihan ang puntong iyan, sinabi pa niya: “ihahagis ito sa apoy”. Ang mga salitang ito ay mga salita ng Panginoon, hindi akin. Kung ano’ng ibig sabihin nito, iiwan ko sa inyo upang pag-isipan. Ang sangang di-nakakapamunga ay puputulin at ihahagis sa apoy.

O sa Mateo 21:33-43 din: Ang Talinghaga ng mga Masasamang Nangungupahan sa Lupa [Wicked Tenants] na hindi nakapamunga, na hindi nagbigay ng kanilang bunga. Ano ang pangwakas na salita sa talinghagang iyon, alam ba ninyo? “Samakatuwid,” sinabi ng Panginoong Jesus sa mga anak ng Diyos (tandaang ang mga anak ng Israel ay tinatawag na mga anak ng Diyos sa Lumang Tipan), sa Israel, “dahil hindi kayo nakapamunga, kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay ito sa bansang namumunga.” Pansinin: “kukunin sa inyo” – mga anak ng Diyos, mga anak ng Israel, ang mga piniling-tao, ang mga tao ng Tipan – “at ibibigay sa ibang tao na nakakapamunga.” Iyan ang dahilan kung bakit may Bagong Tipan tayo.

Bingi ba ang mga tainga natin? Sarado ba ang mga mata natin sa Kasulatan? Gumawa kayo ng sarili ninyong mga konklusyon. Naiintindihan ba ninyo kung ano’ng kanyang sinasabi? Iyan ang dahilan na sa pagsasalaysay ng Talinghaga ng Manghahasik, nagtapos ang Panginoon sa kamangha-manghang mga salitang iyon: “Ang mga may pandinig ay makinig.” [Mateo 13:43] Para bang alam niyang maraming tao ang makikinig pero di makakaintindi. Tulungan nawa tayo ng Diyos na maintindihan ito, na magpatuloy tungo sa kasakdalan, na magpatuloy tungo sa pagiging perpekto kay Cristo!

Ang ibig sabihin ng pagiging Cristiano ay ang mabago – alam ninyo ba iyan? Walang sinumang maliligtas na hindi nabago. Iyan ang sinasabi ng Biblia sa 2 Corinto 3:18ss: “At tayong lahat…ay nababago” – tayo ay nababago! – “mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian” sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon. Iyan ang kung ano ang Cristianidad. Nabago! Saan? Mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian hanggang humantong sa larawan ng kanyang pinakamamahal na Anak. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo na, “…isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo”. [Roma 13:14] “…kayo’y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos”. [Efeso 4:24] Hindi ba iyan napakaganda? Iyan ang pinapahalagahan sa buhay-Cristiano.

At kaya, gusto kong walang sinuman sa iglesyang ito na umupo’t magrelaks at magsabing, “Ligtas na ako ngayon. Nakareserba na ang upuan ko tungo sa langit; maaari na akong makapagrelaks.” Pakinggan ang Marcos Kapitulo 4, ang talinghagang ito ng Panginoon. Binabalaan niya tayo na ang pag-aani ay maisasagawa lamang para sa mga nakakapamunga. Sila ang aanihin tungo sa kaharian ng Diyos. Bigyan nawa kayo ng Diyos ng mga taingang nakikinig at nakakaunawa!

Tapos na ang Mensahe.

¹Ang mga bersikulong nagamit ay hinango sa: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001, maliban sa naitala bilang ².

²Dito ang ginamit ay: Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 1996.

³Ang Septuagint ay ang salin-sa -Griyego ng Lumang Tipan, na nasa orihinal na Hebreo naman.

 

 

(c) 2021 Christian Disciples Church