Ang Tungkuling Pananagutan ng Mga Tagapakinig
(Responsibility Incumbent on the Hearers)
Marcos 4:21-25
Mensahe ni Pastor Eric Chang
July 30, 1978
Tayo’y magpapatuloy ngayon sa pagpapaliwanag sa Salita ng Diyos sa Marcos 4:21-25. Ito, gaya ng inyong makikita, ay sumunod kaagad sa Talinghaga ng Manghahasik (sa Ebanghelyo ayon kay Marcos), na naipaliwanag noong nakaraang linggo. At kaya, dumako tayo ngayon sa siping ito sa Marcos 4:21-25. Babasahin nating sabay-sabay ito at hinihiling ko na, sa inyong pagbabasa, pag-isipan ninyo ring ito nang mabuti, upang sa pamamagitan ng grasya ng Diyos, ay makakayanan ninyong maintindihan kung ano’ng sinasabi ng Panginoong Jesus:
At sinabi niya [ng Panginoong Jesus] sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan? Sapagkat walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag. Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.” At sinabi niya [ng Panginoong Jesus] sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo’y susukatin; at higit pa ang sa inyo’y ibibigay. Sapagkat ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”¹
Gusto ko ring basahin sa inyo ang kaparehong sipi sa Lucas 8:16-18, upang sa paraang ito’y lubos ninyong maunawaan ang mga salita ng Panginoong Jesus. Ito ang sinasabi niya rito:
Walang taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Sapagkat walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag. Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin."
Ang Iglesya² o ang Church – Ang Ilaw ng Sanlibutan
Meron akong isang pangitain sa iglesya: ang iglesya bilang ang ilaw ng sanlibutan. Nakikita ninyo kaya ang pangitaing ito? Ang church bilang ang ilaw ng sanlibutan. Kaya ninyo bang isipin ito nang ilang sandali? Subukin ninyong isipin na ang church na ito’y ang ilaw ng buong sanlibutan. Maiisip ba ninyo ito, ang isang iglesya na kayang magdala ng ilaw sa buong sanlibutang ito na lumalakad sa kadiliman? Nakikini-kinita ninyo ba ang isang iglesya na ibinubunyag ang ningning – sa kagandahan, sa liwanag, sa init, sa kabanalan – ng buhay ng Diyos? Mailalarawan ninyo ba sa inyong isipan ang isang iglesya na gumaganap bilang ilaw?
Tingnan ang mga bintanang ito, kung gaano sila kaliwanag! Mamayang gabi, kapag lumubog na ang araw, magiging lubos na madilim na sa labas. Wala na kayong makikitang mga kulay, ni liwanag, wala. Pero ngayo’y maliwanag. Tumatagos ang liwanag at dinadala ang lahat – ang kagalakan nito, ang init nito, ang ganda nito! Kung kukuha kayo ng mga larawang may kulay, alam ninyo na kung pawala na ang sikat ng araw, kahit na meron kayong isang napakagandang color film sa inyong kamera, ang lahat ng bagay ay lalabas na medyo walang-kulay at di-malinaw. Pero hayaang sumikat ang araw, hayaang magliwanag ang ilaw, at ang lahat ng bagay ay magniningning nang may bagong ganda. Mailalarawan ba ninyo ang iglesya bilang ang ilaw ng sanlibutan na nasa kadiliman? Meron akong pangitain sa iglesya, at para sa pangitaing ito, ako’y magtatrabaho upang maitayo muli ang iglesya, maibalik muli ang iglesya sa kung anong dapat sanang kalagayan nito.
Ang Ilaw ng Kaluwalhatian ng Diyos
Walang sinumang tumitingin sa iglesya sa ngayon ang maglalarawan nito bilang ang ilaw ng sanlibutan. Wala! Binabale-wala ng sanlibutan ang church. Tumigil na ang iglesya sa pagganap bilang ilaw. Hindi ko alam kung ano ang ginagampanan nito ngayon, pero tumigil na ito sa pagganap bilang ilaw, na sana ay nagbubuhos ng kaluwalhatian ng Diyos. Ano pa nga ba ang ilaw kundi ang kaluwalhatian ng Diyos, na kapag tumitingin ang mga tao, sinasabi nilang, “Ah, nakikita ko: ito ang kaluwalhatian ng Diyos!” Tiningnan ng mga tao ang mga mapagkumbabang mangingisdang ito at sinabi nilang, “Ang mga taong ito ay nakasama si Jesus; nagliliwanag sila sa kaluwalhatian ni Jesus.” Kinilala sila bilang mga nakasama ni Jesus. [Gawa 4:13b] Pinagtatakhan ko kung sa pagtingin nila sa iyo at sa akin kung may nakikita silang kaluwalhatian ng Diyos o hindi.
Kung di nila nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos sa atin, ano ang ginagampanan nating tungkulin? Sinasabi ni Jesus na iniligtas niya tayo para sa isang tiyak na layunin, hindi lang upang makapagreserba tayo ng upuan natin sa langit at hayaan ang sanlibutang mapunta sa impiyerno, kundi upang gampanan natin sa sanlibutang ito ang tungkulin bilang ilaw para sa kanya! Gusto niya tayong damitan ng kaluwalhatian niya. Iyan ang sinasabi ni Apostol Pablo,
“…isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo.” [Roma 13:14]
Ano’ng mangyayari kapag isinuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo? Ang makikita ng mga tao ay si Jesus, dahil isinuot ninyo siya. Pero sino’ng nagpapahayag gamit ang ganyang mga teksto sa ngayon? Lahat na lang ng pinag-usapan ay tungkol sa libreng kaligtasan, na gaya ng pagbibigay ng mga kendi at lollipops sa lahat ng tao, “Makakapunta kayo sa langit; di bale na kung mapupunta sa impiyerno ang sanlibutan.” Nakalimutan nating tayo’y iniligtas upang magsilbing ilaw.
Ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Pag-ibig
Meron pa rin akong pangitain sa iglesya bilang ilaw. Hangarin kong pagsikapang matupad ang layuning ito, kahit ano’ng mangyari, upang maitayugod muli ang iglesya sa mga araw na ito, hanggang sa magliwanag muli ito bilang ilaw ng sanlibutan, na mula sa kanya’y magniningning ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos. Kaya ninyo kayang makuha ang pangitaing iyon? kung saan ang mga taong naninigas sa lamig ng pagkapoot ay mapapainit ng pag-ibig ng Diyos na umaapaw sa pamamagitan natin? Na kapag may nakikipag-usap sa inyo’y sasabihin nilang, “Alam kong may kakaiba sa ‘yo, hindi ko alam kung ano, pero mailalarawan ko lang ito bilang ang kaluwalhatian ng Diyos na lumalabas mula sa ‘yo,” kung gayo’y nagagampanan ninyo ang tungkulin ng isang Cristiano! Iniligtas tayo ni Jesus upang maging ilaw. Kaya ninyo kayang maintindihan ang pangitaing iyan para sa iglesya?
Ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Kabanalan
Ako’y sawa na sa mga pangaral na nagpapahayag ng tungkol sa personal na kaligtasan lamang, na nagsasabi ng tungkol sa pagliligtas lang ng sarili, na pupunta kayo sa langit. Ano’ng uri ng kaligtasan ito? “Wala akong pakialam kung anong uri ng buhay ang ipinapamuhay ninyo, maliligtas pa rin kayo kahit papaano. Pwede kayong magkasala hanggang gusto ninyo.” Sasabihin ko sa inyo ang isang bagay, basahin ang Efeso – iniligtas tayo ng Diyos upang tayo’y maging banal para sa kanya [Efeso 1:3-4] Ano ba ang kabanalan kundi ang kaluwalhatian ng Diyos na nagliliwanag sa atin? Isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo. Iyan ang iniuutos ni Apostol Pablo sa iglesya; hindi niya ito basta iminumungkahi bilang isang mabuting ideya, ni isang naisip matapos ang pangyayari.
“Para sa layuning ito kayo naligtas, upang maaari ninyong ihayag ang kanyang kaluwalhatian sa sanlibutan.”
Ito ang sinasabi niya sa Efeso 5:8:
“…kayo’y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon.”
Kayo’y liwanag dahil binago na ni Jesus ang inyong buhay mula kadiliman tungo sa liwanag.
Ngayon, iyan ang isang ebanghelyo na karapat-dapat na ipahayag: isang ebanghelyo na kayang paliwanagin ang kadiliman! Sulit ipahayag ang ebanghelyong iyan! Sino’ng may gustong magpahayag ng ibang uri ng ebanghelyo? Ang ebanghelyong ito’y kayang kunin ang poot at gawin itong pag-ibig; kaya nitong kunin ang isang makasalanan at gawin siyang banal. Ngayon, iyan ang ebanghelyo – kadilimang naging liwanag. Ano’ng uri ng ebanghelyo ang ipinapahayag sa mga iglesya ngayon? Hindi ko alam kung ano’ng uri ng ebanghelyo. Parang walang nagbabago. Ang tanging nababago lang ay ang inyong paniniwala. Ang buhay ninyo ay pareho lang noon at ngayon.
Ang Ilaw ay Di-Kayang Magapi ng Kadiliman
Kayo ba’y ilaw ng sanlibutan saanman kayo pumunta? Nagliliwanag ba kayo? Tinitingnan ba kayo ng mga tao at sinasabi nilang, “Wow, iyan ang Cristiano!”? Ang nakikita ko’y mga Cristianong palaging nagagapi ng kadiliman; talunan sila. Kung may nagsabi sa inyo ng di-mabuti, sumasama ang loob ninyo.
Ngayon, kumuha kayo ng isang kandila, kahit na isang maliit at mahinang uri ng kandila, ‘yong napakapayat at napakaliit na kandila, ‘yong ginagamit sa birthday cake kung gusto ninyo – napakapayat, napakaliit, isang mumunting ilaw! Ilagay ninyo ito sa isang silid at tingnan kung ang napakalaking kadiliman sa palibot nito ay kayang talunin ang ilaw na iyon. Kaya ba? Pansinin: ang kandilang iyon ay napakaliit, ang kwarto ay napakalaki, pero di kaya ng kadiliman na mapatay ang ilaw. Walang paraan upang mapatay ng kadiliman ang ilaw nito. Ang ilaw, sa kalikasan nito, ay hindi malulupig ng kadiliman. Ang kadiliman ang siyang nagagapi ng ilaw. Kahit napakahina pa ng ilaw, hindi pa rin ito magagapi ng kadiliman.
Pero nakikita ko na tayo, bilang mga Cristiano, ay nagagapi palagi ng sanlibutan. Kung may malupit sa inyo, ano’ng nangyayari? Nag-iiba ang kulay ang inyong mukha, una’y berde, tapos ay kulay ube, tapos asul, at paitim nang paitim ito hanggang itim na nga. Kaya, ano’ng nangyayari? Nasa sa atin ang ilaw pero ito’y natatalo ng dilim?! Ang sabi ni Apostol Pablo,
Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama. [Roma 12:21]
Huwag hayaang daigin kayo ng kadiliman. Kung may taong malupit sa inyo, iyon ang panahon upang lalo pang magliwanag ang ilaw. Mas lalong madilim ang nakapaligid, mas lalong lilitaw ang liwanag ng ilaw.
Ano’ng silbi ng pag-ungol at sabihing, “Alam ninyo, sa kolehiyo ko, walang Cristiano”? Halleluyah! Kung walang Cristiano roon, hindi ba’t mas lalo ka nilang kailangan doon? Ano’ng mangyayari sa pagnguyngoy na, “Sa opisina ko, ako lamang ang nag-iisang Cristiano”? Purihin ang Diyos! Kung Cristiano silang lahat doon, ano pa ang kailangan nila sa iyo? Kung ang kuwartong ito’y puno na ng mga ilaw, para saan pa ang isa pang ilaw? Hindi na natin kailangan ang isa pang ilaw. Marami na ang mga ilaw rito. Pero kung walang mga ilaw ang kuwartong ito, gaano kahalaga ang nag-iisang ilaw na iyon na nagliliwanag!
Oh, sa tuwing may tutuya sa inyo, mamamatay na ang inyong ilaw? O kung merong kapwa-Cristianong (di-sinasadya) kumutya sa inyo, sobra na ba kayong masasaktan? Sasabihin ninyo bang, “Matatanggap ko ito mula sa isang di-Cristiano, pero di mula sa kapwa Cristiano.” Tapos na! Namatay na ang ilaw ninyo, di na ito nakasindi?
Hindi namamatay ang ilaw dahil sa kadiliman. Kahit ang kadiliman ay galing sa kapwa Cristiano o mula sa di-Cristiano, kahit lahat ay kadiliman, hindi ito mahalaga! Hindi dapat mamatay ang ilaw ko dahil sa kadiliman. Mismong ang kadiliman ang nanghahamon sa ilaw upang ito’y magliwanag, upang ibigay nito ang liwanag.
Inaasam ko na makukuha ninyo ang pangitain sa mga huling araw na ito, sa nabubuong karimlan, sa pagsapit nang napakabilis na (kahit mga di-Cristiano’y alam ito) katapusan ng mundo. Bawat isa’y hinuhulaang magkakaroon ng malaking kapahamakan sa kapaligiran. Hindi lang mga Cristiano ang nagsasabi nito. Ang mga di-Cristiano ang nagsasabi na ang sobrang pagdami ng populasyon ang magpapahamak sa mundo, ang polusyon ay magtatapos sa mundo, at kung anu-ano pa. Sige, hayaan silang magsabi ng mga iyon. Ang punto rito’y naoobserbahan nilang nasa huling panahon na tayo. Patapos na ang kasaysayan ng tao. Ito na ang panahon para magningning ang iglesya. Kaya ninyo bang makuha ang pangitaing iyan?
Marahil sasabihin ninyong, “Hmm, walang silbi ito. Tingnan tayo, napakakonti natin. Napakarami ng nasa sanlibutan at napakakonti natin; ang hamon ay imposible. Simpleng nagagapi na tayo ng napakalawak na gawain.” Totoo iyan. Napakaliit ng grupo natin sa gitna ng napakalaking sanlibutan. Pero dahilan ba iyan upang hindi tayo magliwanag?
Alam ninyo, noong maliit na bata pa lamang ako, namuhay ako sa digmaan, ‘yong Digmaan ng Intsik at ng Hapon. Natatandaan ko pa ang maraming bagay sa digmaang iyon kahit na bata pa lang ako noon. Napansin ko na sa tuwing dumaraan sa Shanghai ang mga eruplanong pambomba, kami ay natatamaan. Una, binomba kami ng mga Hapon, tapos ng mga Amerikano naman. Binomba kami ng lahat na lang! Iyon ang tadhana ng mga sibilyan sa giyera. Pero may nangyayaring isang bagay kapag dumarating na ang mga bomber, at alam ninyo ba kung ano ito? Kailangang may blackout. Papatayin nila ang lahat ng mga ilaw. Sinasara ng mga power station ang mga linya ng kuryente at lahat ay nasa kadiliman. Bakit? Ito’y upang kapag dumating na ang mga eruplanong pambomba, walang makikitang target, dahil wala silang makitang anumang ilaw. Kapag tumingin sila sa ibaba, ang makikita lamang nila’y pawang kadiliman. Saan nila ihuhulog ang kanilang mga bomba? Wala silang mapipiling target.
Alam ninyo ba na sinumang magsindi man lang ng isang sigarilyo ay mababaril?! Masasabi ninyong, “Katawa-tawa iyan.” Hindi ito di-kapani-paniwala. Alam ninyo na ang ilaw ng sigarilyo ay lubhang napakaliit, pero kayang makita ito ng mga tripulante ng eruplanong pambomba, na ilang libong talampakan ang layo sa himpapawid, sa gitna ng lubos na kadiliman. Ito’y dahil ang lubos na kadilimang iyon ang nagpapatingkad sa napakaliit na apoy na iyon! Kamangha-mangha ito, di ba? At kung ilagay ninyo ang isang kandila roon, iyon lang ang kailangan ng eruplanong pambomba. Makikita nila ito sa gitna ng kadiliman. Ang mumunting ilaw ay nagniningning sa gitna ng kadiliman.
Marahil ay napaka-konti natin, pero mahalaga ba ito? Naririto tayo upang magliwanag, at gagawin natin ang tungkulin natin, at tayo’y mag-iilaw. Ako’y lubos na nahahamon ng kaisipang ito. Tayo’y tinawag – mahina at maliit man tayo, maaaring ang ilaw natin ay kasing-liit lamang ng isang kandila sa birthday cake, mumunti – upang ibigay ang liwanag na meron tayo. Ngayon, ito ang punto ng siping pag-aaralan natin.
Paano Ba Tayo Magiging Ilaw?
Kaya, tumungo tayo sa siping ito, dahil sasagutin ng siping ito ang ilang katanungan. Paano tayo gumaganap bilang ilaw? Paano tayo magiging ilaw at gaganap bilang ilaw? At paano kaya madaragdagan ang ilaw natin? Sasabihin ninyong, “Ang ibig mo bang sabihi’y lahat ng iyan ay naroroon?” Purihin ang Diyos, lahat ng ito’y naroroon! Iyan ang yaman ng Salita ng Diyos. Ngayon, marahil ay maraming beses na ninyong tiningnan ang siping ito noon at nasabing, “Wala akong makitang anumang bagay. Hindi ko man lang maintindihan kung ano’ng sinasabi rito.” Ano nga ba ang sinasabi ng siping ito? Titingnan natin ito sa ilalim ng tatlong pamagat.
Ang unang bagay na mapapansin natin dito sa siping ito ay ang bersikulo sa Marcos 4:21 o Lucas 8:16 (kahit alin, di na mahalaga). Pwede nating tingnan sandali ang sipi sa Lucas 8:16. Ito ang mababasa natin:
Walang taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
Ngayon, ano’ng sinasabi ng lahat ng ito? Una, obserbahin ito. Hayaang ibigay ko sa inyo ang susing-kaisipan ng siping ito, na magpapadali para makasunod kayo. May tatlong bagay sa siping ito at sila’y magkaka-ugnay sa isa’t-isa. Una: ang pagsisindi ng ilawan. Pangalawa, na minsang nasindihan na ang ilawan, ito’y dapat magliliwanag nang walang hadlang, na huwag hahayaang may humadlang ditong anumang bagay. Pangatlo, lalo itong nagniningas, mas lalo pa itong nagliliwanag; lalo itong mabawasan ng ningas, mas lalo itong magwawakas sa pagkawala ng kahit anumang liwanag na meron ito. Napakalinaw nito, napakadaling maintindihan nito.
Hayaaang ulitin ko iyan. Una, nasindihan na ang isang ilaw; ito’y ang pagniningas ng ilawan. Iyan ay isang pahayag ng isang tunay na pangyayari, isang fact. Gaano man kaliit, gaano kahina, ang ilaw ay nasindihan. Gaya ng isang kasabihan sa Intsik, “Isang kislap ang nasindihan, pero kaya nitong sunugin ang buong bukirin.” Kahit na kislap o ‘spark’ lang, makakasunog na ng buong bukirin, ng buong parang; ang buong lupain ay maaaring masunog sa pamamagitan ng isang kislap ng apoy.
Ang ikalawang bagay ay: sa sandaling masindihan ito, ito’y dapat na di-payagang mahadlangan. Pinag-aaralan ng ikalawang puntong ito kung ano’ng mga sanhi ng di-pagbibigay-liwanag ng ilaw. Bakit hindi nagliliwanag ang iglesya?
At ang ikatlong punto kung gayon ay: habang lalo kayong nagniningning, mas lalo kayong nagliliwanag; lalo kayong mabawasan sa pagningning, hahantong kayo sa pagkawala ng ilaw na nasa inyo na.
Pansinin na napakaliwanag ng mga kaisipang nasa Kasulatan. Walang nakakalito rito. Ngayon, sa sandaling naibigay ko na sa inyo ang susi, siyempre, kung babasahin ninyong muli ang siping ito, dapat ay napakadali na ninyong maiintindihan ito. Kung wala ang susi, maaaring tingnan ninyo ito pero hindi ninyo maiintindihan kung ano’ng sinasabi nito. Ngayo’y talakayin natin ang mga puntong ito nang panandalian.
(1) Nasindihan na ang Isang Ilaw
Una, nasindihan na ang ilaw. Sino’ng nagsindi nito? Sinindihan ito ng Diyos. Pinaningas ng Diyos ang isang apoy sa sanlibutan. Ang sabi ng Panginoong Jesus,
“Ako’y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa.” [Lucas 12:49]
Sinindihan niya ang ilaw. Ang ilaw na iyon ay nagniningas sa ngayon. Ito’y napakahina, pero ito’y nagniningas. At buhat sa simula ng kasaysayan hanggang ngayon, patuloy pa rin itong nagniningas.
Gaano man karaming pagtatangka na patayin ito, gaano man karami ang kabiguan sa bahagi ng ilaw, nagniningas pa rin ang ilaw, gaanoman kahina, ito’y nagniningas pa rin. Salamat sa Diyos para rito! Lakasan natin ang ating loob sa katotohanang patuloy pa rin itong nagniningas, at magpapatuloy na magningas dahil ipinangako ng Panginoong Jesus na lahat ng kapangyarihan ng impiyerno, lahat ng pinagsama-samang kadiliman, ay hindi magtatagumpay na patayin ang ilaw na iyan.
Ngayon, ang tanong ay ito. Sa siping ito, mapapansin natin na ang ilaw na ito, sa kontekstong ito, sa katunaya’y tumutukoy sa Salita ng Diyos. Mapapansin din natin, sa pagtingin natin sa Mateo 5, na tinutukoy rin nito ang iglesya ng Diyos. Ang parehong siping ito’y ginamit sa iba’t-ibang konteksto. Paano natin maiintindihan ito? Napakadali nitong maiintindihan dahil magkaka-ugnay silang lahat sa isa’t isa. Ang Salita ng Diyos ang siyang gumagawa sa atin upang maging ilaw ng sanlibutan. Kaya, ang pagkakasunud-sunod ng mga kaisipan ay napakasimple at napakalinaw sa Kasulatan, iyon ay, sa sandaling makita ninyo ito. Hayaang ibigay ko ito sa inyo sa ganitong ayos. Paano ba tayo maaaring maging ilaw?
Una sa lahat, ang Salita ng Diyos ay isang ilaw sa atin. Ang sabi sa Awit 119:105:
Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko.
Ang Salita ng Diyos ang siyang magpapaningas ng apoy sa puso natin. Gaya ng mababasa natin sa 1 Pedro 1:23, sa paglagay nito sa ibang larawan, tayo’y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Ang ilaw ng buhay na iyan ay pinapaningas sa atin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. At kaya, ang unang hakbang ay ang Salita ng Diyos ay isang ilaw.
Pero ang Salita ng Diyos ay hindi lamang ang nakikita natin dito sa nakasulat. Dumating sa atin ang Salita ng Diyos sa buhay at katuruan ni Jesus – hindi lamang sa katuruan niya, kundi sa buhay niya. Salamat sa Diyos para sa Panginoong Jesus!
Sa panahon ngayon, meron tayong napakaraming guro na kayang magsalita gamit ang kanilang bibig, pero kung susuriin ninyo ang kanilang buhay, hindi lubos na tumutugma ang buhay nila sa mga sinasabi nila. Patawarin nawa tayo ng Diyos kapag ipinapangaral natin ng salita niya at sinasabi ng buhay natin ang isang bagay at sinasabi naman ng bibig natin ang ibang bagay. Nagmumukha tayong mga hipokrito dahil hindi nagtutugma ang dalawang ito. Madaling sabihin ang magagandang-pakinggang mga salita, pero kapag tiningnan ninyo ang buhay, hindi ninyo nakikita ang ilaw roon.
Pero para sa Panginoong Jesus, hindi lang ang katuruan niya ang salita ng Diyos kundi ang buhay niya’y ang salita ng Diyos. Ipinapa-‘liwanag’ ng buhay niya ang kanyang katuruan. Kaya, sa Juan 8:12, sinabi na:
“Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman.”
At kaya, ang salita ng Diyos ay ang ilaw, kapwa bilang ang buháy na Salita kay Panginoong Jesus at bilang ang nakasulat na salita na meron tayo sa katuruan niya at sa Kasulatan. Iyan ang dahilan bakit sinasabi ni Apostol Pablo sa Colosas 3:16,
Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo.
Kaya, ang Salita ng Diyos ay ang ilaw, kahit ito man ay nakay Jesus o ito man ay ang nakasulat na salita na nasa harapan natin. Mula rito, pumunta na tayo sa ikalawang yugto.
Ang puso natin ay ang ilaw sa ating katauhan. Sinasabi ko ito bilang pagsabi sa ibang salita ng nasa katuruan ng Panginoon sa Lucas 11:34-36:
“Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata”.
Naipaliwanag ko na ito nang tinalakay natin ang Mateo 6:22ss. Dito, isinasaad na ang puso ang mata sa buong tao, ang ilaw ng buong tao, gaya ng pagiging ilaw ng pisikal na mata sa katawan. Ngayon, kung bulag kayo, kayo’y nasa kadiliman. Hindi ninyo nakikita kung saan kayo pupunta. Ang inyong mata ang ilaw ng inyong katawan, na siyang tumutulong kung saan kayo pupunta. Ipinapapasok nito ang ilaw upang hindi kayo mahulog sa isang bangin, ni mabunggo ang inyong mukha sa isang poste, ni maglakad kayo tungo sa pader. Ang inyong mata ang ilaw ng katawan. Sa parehong paraan, ang inyong puso ay ang ilaw ng inyong kaluluwa, ang ilaw ng inyong katauhan.
Kaya, tandaang muli ang unang punto: Ang salita ng Diyos ay ang ilaw sa ating katauhan. Pero kailangang abutin tayo nito sa pamamagitan ng ating puso, na siyang ilaw ng ating kaluluwa. At sa pangwakas, bilang resulta nito, ang katauhan natin ay nagiging ilaw ng sanlibutan. At kaya, ang ikatlong yugto ay: ang katauhan ang nagiging ilaw ng sanlibutan.
Kaya, nakikita natin mula sa salita ng Diyos na tayo’y nagiging ilaw ng sanlibutan sa pamamagitan nitong napakalinaw na proseso, hakbang-sa-hakbang, na inihayag sa atin sa Salita ng Diyos. Una, dumarating ang salita ng Diyos, ang ilaw na iyan ay nasindihan; dumating si Jesus sa sanlibutan. Pagkatapos, dumarating ang ilaw na iyan sa aking katauhan sa pamamagitan ng aking puso, at bilang resulta ng pagdating ng ilaw sa akin, ako’y nagiging ilaw. Tandaan ang Efeso 5:8, na, “dati’y kayo’y kadiliman, subalit ngayon, kayo’y liwanag ng sanlibutan.” At kaya, makikita natin ang unang punto rito, ang isang ilaw ay nasindihan na. Iyan ang makikita natin sa siping ito.
(2) Hindi Dapat Itago ang Ilaw na Ito
Pero, pangalawa, kapag nasindihan na ng Diyos ang isang ilaw, hindi niya ibig na ang ilaw na iyon ay maitago ni matakpan. Nang sinindihan ng Diyos ang ilaw sa inyo at ginawa kayong ilaw, hindi niya ibig na matakpan ang ilaw na ito ngayon. Oh, hindi! Kaya, paano natatakpan ang ilaw na iyon? Hindi siya ang nagtatakip sa atin, kundi tayo ang nagtatakip sa ating sarili. Nang ako’y nangangaral sa Mateo 5, naipaliwanag ko ito nang medyo detalyado, kaya, hindi na ako magtatagal sa puntong ito.
Dito, nakikita nating nabanggit ang ilang bagay na nagtatakip sa atin. Binabanggit ni Lucas ang ‘banga’; kapag sinindihan ninyo ang ilaw, hindi ninyo ito tinatakpan ng banga. Binabanggit ni Marcos ang ‘takalan’; kapag sinindihan ninyo ang ilaw, hindi ninyo tinatakpan ito ng takalan. At binabanggit kapwa nina Marcos at Lucas ang ‘higaan’; kapag sinindihan ninyo ang ilaw, hindi ninyo inilalagay ito sa ilalim ng higaan. Ano’ng sinasabi nito sa atin? Oh, napakaganda nito. At gaya ng sinabi ko, naipaliwanag ko na ito noon, kaya babanggitin ko na lamang sa inyo ang buod nito.
Ito’y pagsasabi na: huwag ninyong hayaang mangibabaw ang mundo sa inyo. Kung hahayaan ninyong mangibabaw sa inyo ang mundo, hindi na magliliwanag pa ang inyong ilaw. Pansinin: ang mga bagay na ito ay literal na pumapaibabaw sa ilaw – natatakpan ng banga, natatakpan ng takalan, natatakpan ng higaan, iyon ay, nasa ilalim ng higaan ito, at kaya, natatakpan ng higaan. Nangingibabaw ang mga bagay na ito sa inyo. Nangingibabaw ang mga ito sa inyo at hindi na kayang magningning pa ng inyong ilaw. Nahayaan ninyo na bang mangibabaw ang mundo sa inyo?
Ang Takalan at ang Banga – Ang Mga Kailangan sa Buhay
Ano’ng ibig sabihin ng takalan? Nabanggit ko na ito sa nakaraang mensahe sa Mateo 5. Ang isang takalan ay ginagamit sa pagkarga ng butil. Nilalagyan ito ng butil; panukat ito ng butil. Ano ba ang butil? Ito’y trigo, barley, o mais. Sa ibang salita, ito’y pagkain. Kung hinahayaan ninyo ang inyong pag-aalala sa pagkain – sa kung paano ninyo kikitain ang inyong kabuhayan – na mangibabaw sa inyo, mahahayaan ninyong mamatay ang inyong ilaw.
Di kataka-taka na ang iglesya ay hindi nagliliwanag sa panahong ito! Ano’ng meron tayo sa loob ng iglesya? Meron tayong mga taong lubos na hatî ang kanilang alalahanin. Nag-aalala sila sa mundo; nag-aalala sila sa kung paano uunlad sa mundo, sa paggawa ng mas maraming pera. Ang mundo ay nakapasok na ngayon sa loob ng iglesya; napaka-makamundo ng iglesya. Marami sa inyong nakadalo na sa isang iglesya ay alam kung gaano makamundo ang iglesya. Kapag nag-uusap ang mga Cristiano, pinag-uusapan nila ang kanilang tagumpay na mga negosyo; tinatalakay nila ito’t iyon. Nakikita ninyo kung ano’ng nakakapukaw ng kanilang mga interes. Nangingibabaw sa kanila ang mundo, natakpan na ng takalan ang ilaw. Hindi ganyan ang ibig mangyari ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na, “Hindi ko sinindihan ang isang ilaw para takpan ito ng isang takalan.”
Ang pangalawang bagay na nagtatago sa ilaw, gaya ng nakita natin, ay ang bangâ sa Lucas. Ano ang bangâ? Ang bangâ ay ang lagayan ng likido. Ang takalan ay pinaglalagyan ng tuyong bagay; pansukat ito sa kung anong tuyô. Ang bangâ nama’y naglalaman ng likido. Napakahalaga ng likido. Kailangan ninyong uminom. Kaya, pagkain at inumin – ang mga pangunahing pangangailangan ng buhay. Iyan ang dahilan kung bakit sa buong Mateo 6, lubos na nag-aalala ang Panginoong Jesus na hindi tayo mabalisa tungkol sa buhay natin – sa ating pisikal na buhay – sa kung ano’ng inyong kakainin, iinumin, isusuot, tungkol sa trabaho, sa pag-aaral. Ang lahat ng mga bagay na ito’y napakahalaga para sa inyo, at mahahayaan ninyong mamatay ang ilaw kung pababayaan ninyong mangibabaw ang mundo sa inyo.
Ang Higaan – Pag-aasawa
Ano naman tungkol sa higaan? Alam natin ang higaan, ang kama. Sinisimbolo ng higaan sa Biblia ang pag-aasawa o ‘marriage’.
Huwag dungisan ang higaan…
Ito ang sabi sa Hebreo 13:4. Siyempre, pwede ninyo ring isipin ito bilang pahinga, ginhawa, atbp., pero pag-aasawa na rin. Gaano kadalas na pumaibabaw ang pag-aasawa sa tao at pumatay ng ilaw? Dahil, kapag nag-asawa na ang isang tao, nag-uumpisa na siyang maging abalá sa kanyang pamilya, sa kanyang asawa, sa mga anak, sa bahay, sa sasakyan, sa lahat ng ito. Kapag kayo’y nag-iisa, napakadali ng buhay, ‘di ba? Kakain lang kayo ng isang sandwich at ayos na. Pero ngayon, meron kayong mga anak na iisipin, meron kayong biyenan na iisipin, atbp.
“Bibisita ang aking biyenang babae, ang lahat ay paparito, at kailangang mapahanga sila sa bago kong bahay ngayon. Noong nag-iisa ako, hindi mahalaga na nakatira ako sa isang napakaliit na barong-barong; walang problema. Pero ngayong darating ang mga kamag-anak ko, dapat ko silang ma-impress. ‘Ano’ng ‘say’ mo sa kotse ko, ha? Makintab? Maganda? Bagong-bagong modelo ito!’ Para isipin naman nila na, ‘Oh, matagumpay pala ang manugang ko! Matagumpay sila sa mundo.’ At sasabihin nilang, ‘Tingnan kung gaano siya pinagpala ng Diyos!’”
Tandaan ito: Hindi lamang kayo ang pinagpapala ng Diyos. Ang mga di-Cristiano rin ay pinagpapala rin. Sila rin ay abalang-abala sa mundo. At kaya, ang nangyari’y nahayaan nating mangibabaw ang higaan sa atin.
Pero may isa pang paraan kung paano mangingibabaw sa atin ang higaan. Nakikita natin na kapag nagpakasal na ang dalawang tao, ang mga pagkakaiba ng kanilang personalidad ay mag-uumpisa nang makayamot sa isa’t isa. Ang mga di-magagandang pag-uugali ng bawat isa ay naglilikha ng mga problema. Sakit sa ulo, sa puso, at kung saan-saan pa. Ay! Nagkakaroon sila ng awayan na humahantong sa pagsasakitan! Tunay na umpisa nang pumapaibabaw ang higaan. Oh, napakaraming uri ng problema ang umuusbong sa isang mag-asawa. At ang ilaw, ano’ng nangyayari sa ilaw? Namamatay ito; pumapailalim na ito sa higaan. Nakarinig na ba kayo ng sinumang naglalagay ng kandila sa ilalim ng kama? Hmm, nangyayari iyan. Nasapawan na kayo ng lahat ng ito.
Kaya, nakikita rito ang pangalawang bagay sa siping ito. Walang sinumang pagkatapos sindihan ang ilawan ay ilalagay ito sa ilalim ng higaan, ni sa ilalim ng takalan, ni sa ilalim ng bangâ, kundi ilalagay niya ito sa lagayan ng kandila para makapagbigay-liwanag ito, upang ang lahat ng papasok sa bahay ay makikita ang ilaw. Kaya, nakikita natin ang pangalawang puntong ito na napakahalaga.
Bakit kaya, kahit nakapagsindi na ang Diyos ng ilawan sa sanlibutan, hindi nagliliwanag ang ilaw? Ito’y dahil hinayaan ng iglesya na mangibabaw ang mundo sa kanya. Nangingibabaw ang mundo sa iglesya! Ako’y pumupunta sa maraming iglesya at nakikita kong nangingibabaw ang mundo sa iglesya. Sino ang mga matatanda o ‘elders’ sa church? Ang malalaking negosyante. Isang lokal na boss, isang general manager, isang direktor ng ito’t iyong kompanya – ang siyang nagiging elder ng iglesya. Sinu-sino ang nasa komite ng iglesya? Lahat ng mga taong ito na may pera; sila ang nagsasabi sa pastor kung ano’ng gagawin niya.
“Ayaw namin ng mensahe mo. Kung hindi mo pagagaanin ang mensahe mo, tatanggalin ka namin. Pero kung gagawin mo ang sinasabi namin sa ‘yo, madadagdagan ang sahod mo sa susunod na linggo! Ngayon, maging masunuring bata at makinig sa amin.”
May kilala akong isang mabuting tao na tumangging maging pastor ng isang iglesya sa Hong Kong. Tinanong ko siya kung bakit. Sinabi niyang, “Dahil ayokong sinasabihan ako ng lahat ng mga negosyanteng ito kung paano ipapahayag ang Ebanghelyo. Ipapahayag ko ang Ebanghelyo kung paano gusto ng Diyos na ipahayag ito. Hindi ko papayagang sabihin sa akin ng mundo kung paano ko ipapahayag ang Ebanghelyo.” Kokonti lang ang mga taong ganito; sila ang mga napapaalis mula sa mga simbahan.
Ngayon, kung gusto ninyong maging ‘mabuting’ pastor sa Hong Kong, matuto kayong umayon sa mayayamang tao. Huwag ninyo silang sasalungatin sa anumang paraan. Sundin ninyo lamang sila at magiging mga kaibigan ninyo silang lahat. Siguraduhin ninyong ngumiti kayo nang napakatamis at sa susunod na beses, madaragdagan ang tsekeng sahod ninyo. Nangingibabaw ang mundo sa iglesya. At ang mga pastor na ito, na para bang walang natutunang aral (dahil mahalaga para sa kanila na madala ang mundo sa iglesya), ay hinihirang ang lahat ng mahahalagang tao sa sambayanan na pamunuan ang church.
Gaya ng nasabi ko noon, kung kayo’y isang sapatero lamang, kung kayo’y tindero sa maliliit na tindahan, hindi kayo makakaasang magiging elder sa iglesya. Hindi kayo makakapasa; di kayo magka-‘qualify’. Ang katangiang hinahanap ay ang may sinasabi sa mundo upang kayo’y makapasok. Kung kayo’y isang doktor, inhinyero, abogado, huwag mag-alala, balang-araw ay magiging elder kayo sa iglesya. Manatili lang kayo ng sapat na panahon, at maglagay lang ng sapat na pera sa ‘offering’. Kung hindi ninyo ginagawa ang alinman dito, wala kayong pag-asa. Walang paraan na magiging elder kayo!
Hay! Hindi ba ito totoo? Alam ninyong nagsasabi ako ng totoo. Nanggaling na tayong lahat sa mga iglesya; nanilbihan na tayong lahat. Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga iglesyang hindi ganito ang kaso. Nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa mga iglesyang hindi napangimbabawan ng mundo. Pero ilan ba ang ganitong iglesya?
(3) Mag-ingat Na Di Matanggal ang Liwanag
Ngayo’y magpatuloy tayo sa pangatlo at panghuling punto. Dito, ano’ng nakikita natin sa pangatlong puntong ito? Ang sabi sa Lucas 8:18:
“Kaya’t mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”
At ang sinasabi sa b.17,
“Sapagkat walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.”
Ito’y isang salita ng paghuhukom. Kung hahayaan ninyong matakpan ang ilaw, sasabihin ko sa inyo, hahatulan kayo ng Diyos. Ang bersikulong ito, gaya sa inyong pagsiyasat kung paano ginamit sa Bagong Tipan, ay isang bersikulo ng paghuhukom. Sa Araw ng Paghuhukom, ang lahat ng bagay ay malalantad sa liwanag. Ang inyong mga kasalanan, ang inyo at ang aking mga kakulangan, lahat ay malalantad sa liwanag. Walang nakatago na hindi malalantad sa liwanag. Kung hindi ilalantad ng church ang mga kasalanan ng sanlibutan, ilalantad ng Diyos ang mga kasalanan ng iglesya.
Ang paghuhukom ay sisimulan sa sambayanan ng Diyos,…
Ito ang sabi ni Apostol Pedro sa 1 Pedro 4:17. Ang Diyos ay isang Diyos ng hustisya. Hahatulan niya ang iglesya. Kung hindi nagliliwanag ang church, hindi ihinahayag ang ilaw, hindi isinisiwalat ang kadiliman, isisiwalat ng Diyos ang iglesya. Gaya ng paghatol niya sa Israel, gayon din niya tayo hahatulan. Nawa’y kahabagan tayo ng Diyos!
Pero, kung gayon, ano ang prinsipyo ng pagliliwanag o hindi pagliliwanag? Ang lahat ay naroon sa Lucas 8:18. “Mag-ingat kayo”, sinasabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito bilang babalâ. Mag-ingat, magmatyag, kung paano kayo makikinig dahil ang mga Salita ng Diyos (gaya ng sinabi ko na sa inyo sa mga nakaraang mensahe) ay darating sa inyo alinman sa dalawang ito: bilang salita ng biyaya at kaligtasan, o bilang salita ng paghuhukom at paghahatol. Kayo mismo ang magpapasya kung ano magiging ito sa inyo – kung ang Salita ng Diyos ay darating sa inyo bilang ilaw o kung darating ito sa inyo bilang paghuhukom.
Kaya nga ito ang sinasabi rito,
Kaya’t mag-ingat kayo kung paano kayo makikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang kanya ay kukunin.”
Ang buong responsibilidad dito ay inilalagay sa atin. Alinman sa dalawa: ang magkaroon ng mas marami o mas kaunti – pansinin ang sinasabi dito sa sipi – ay nasa sa inyo. “…siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang kanya ay kukunin.”
Ngayon, isipin natin ito nang ilang sandali. Napakahalaga ng siping ito na binigyan tayo ng Panginoong Jesus ng dalawang talinghaga upang mailarawan ang puntong ito.
Nagtatapos ang Talinghaga ng mga Talento sa Mateo 25 sa b.29 sa parehong mga salita gaya ng nasa atin dito. Ano’ng sinasabi sa Mateo 25, sa Talinghaga ng mgaTalento? Sa palagay ko’y pamilyar kayo riyan. Nagbigay ang isang panginoon (o amo) ng mga talento sa kanyang mga alagad sa pag-alis niya. At nang siya’y bumalik, tinawag niya ang mga alipin, upang magbigay ‘account’ o ng paliwanag sa kung ano’ng ginawa nila sa mga talento. At ano’ng ginawa nila? Ang isang alipin ay pinalago ang talentong nasa kanya, gayundin naman ang pangalawa, kahit na mas konti ang mga talentong nasa kanya. Pero ang isa ay walang ginawang anuman sa talentong nasa kanya. Ang resulta’y kahit na ang iisang talentong nasa kanya ay kinuha; nawala sa kanya pati kung ano’ng meron siya. Nakikita natin ito sa Mateo 25:28-29.
Sa Talinghaga ng mga Mina sa Lucas 19:26, gayundin ang makikita natin. Hindi tayo iniiwang nanghuhula ng Panginoon; sinasabi niya sa atin sa simpleng lengguwahe kung ano’ng ibig niyang sabihin. Sinabi niya na, “Ibinigay ko sa inyo ang talentong ito o ang minang ito. Ito’y ibinigay sa inyo bilang isang libreng kaloob ng biyaya. Hindi ninyo ito pinagtrabahuhan; ibinigay ko ito sa inyo. Pero hindi ibig sabihin na dahil libreng kaloob ang biyayang ito ay maaari na ninyong gawin ang anumang gusto rito. Ah, hindi, i-a-account ninyo o ipapaliwanag ninyo sa kanya kung ano’ng ginawa ninyo sa buhay na iyan.
Binibigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan. Pero huwag isipin na dahil kayo’y nagkaroon na ng buhay na walang hanggan ay maaari na kayong magpatuloy na gawin ang anumang gusto ninyo. Ipapaliwanag ninyo sa kanya kung ano’ng ginawa ninyo sa buhay na iyan. Kapag binigyan niya kayo ng ilaw, gusto niyang malaman, “Ano’ng ginawa ninyo sa ilaw na ibinigay ko sa inyo?” Binibigyan niya tayo ng isang talento, o ng isang mina, at tayo’y mananagot sa kanya.
Ngayon, alinman sa dalawa: daragdagan natin ang talento o ang mina na ibinigay sa atin – na siyang buong punto ng mga talinghagang ito – o, kung di natin madaragdagan ito, kahit na ang nasa sa atin na, ay mawawala rin. At ano’ng nangyari sa mga aliping iyon na binawian ng kanilang talento o ng kanilang mina? Basahin ninyo ito para sa inyong sarili; wala akong pakialam kung ano’ng uri ng doktrina ang pinanghahawakan ninyo. Itinapon sila sa labas, sa kadiliman! (Mateo 25:30) Namatay sila sa kadilimang nasa labas, kahit na mga alipin sila ng Diyos. Marahil ay di magandang pakinggan iyon. Wala akong pakialam kung ano’ng uri ng doktrina ang meron kayong pinanghahawakan, pero nariyan ang Biblia para basahin ninyo, hindi lang ang mga sinasabi ko. Maingat ninyong pag-isipan ito.
Ang Biyaya ay May Kasamang Responsibilidad
Kaya, ang unang punto na gusto kong isipin ninyo sa seksiyong ito ay: ang ugnayan ng grasya sa responsibilidad. Gusto kong maggugol ng isa o dalawang minuto tungkol dito dahil may napakaraming di-pagkakaintindihan at di-pagkakabatid tungkol sa puntong ito. Sa ngayon, ang pagkaunawa rito ay ibinigay ang grasya sa inyo, at nasa sa inyo kung ano’ng gagawin ninyo rito. Ah, hindi, hindi nasa sa inyo kung ano’ng gagawin ninyo, sa diwang maaari na ninyong ibalewala ito, o kaya’y ito’y inyo pa rin kahit anumang gawin ninyo rito. Hindi gayon! Ginawa itong napakasimple para sa atin ng Panginoon, na ang ibalewala ang katuruan ng Panginoon ay isang sinasadyang pagkabulag. Tingnan, sa Kasulatan, ang ugnayan ng grasya at responsibilidad ay ginawang napakasimple para sa atin.
Ang ugnayan ng grasya at responsibilidad ay isang pangunahing tema sa Kasulatan. Halimbawa, sa 2 Timoteo 1:6, sinasabi ni Apostol Pablo kay Timoteo, na isang alipin ng Diyos:
Paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo.
Ngayon pansinin: ibinigay kay Timoteo ang isang kaloob ng Diyos, pero parang pinabayaan niya itong humina. At sinasabi ni Apostol Pablo sa kanya, “Paningasin mo ito”. Pansinin na hindi otomatikong gumagawa ng isang trabaho ang kaloob ng Diyos; kailangang may gawin kayo sa kaloob na ito ng Diyos. Napakahalagang maintindihan ito. Maaaring nabigyan kayo ng kaloob ng Diyos, pero kung hindi ninyo ito ginagamit (tandaan ang turo ng Panginoon), mawawala ninyo ito.
Ang kaparehong bagay ay totoo sa kaligtasan. Ang kaligtasan ay isang kaloob ng Diyos [Efeso 2:8]. Pero sinasabi ni Apostol Pablo sa Filipos 2:12,
…isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig;
Bakit “may takot at panginginig” kung walang panganib na mawawala ito? Bakit matatakot at manginginig? Ang Diyos nga ang siyang nagtatrabaho, ang siyang gumagawa sa atin [b.13], pero tayo rin ay dapat magsumikap na isagawa ito. Pansinin ito: ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos pero kailangan nating isagawa ito. Sa mga iglesya sa mga araw na ito, ipinapahayag ang isang bahagi ng katotohanan, pero hindi ipinapahayag ang iba pang bahagi nito.
Ito’y hindi na mailalahad pa nang mas malinaw kaysa sa paglalahad ni Apostol Pedro sa 1 Pedro 4:10; na tayo, bilang mga Cristiano, ay dapat na maging “mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.” Ngayon, pansinin na ang grasya ay isang libreng kaloob o regalo sa inyo, pero kailangan ninyong maging mabuting katiwala. Ano’ng ginagawa ng katiwala? Ang katiwala ay ang taong nangangasiwa sa isang bagay, na nag-aalaga o namamahala sa isang bagay. Ang grasya ay ibinibigay sa atin hindi lamang para itago ito sa ating bulsa at sabihing, “Ah, tapos na! Ligtas na ako!” Ah hindi! Ibinibigay sa inyo ang grasya, upang may gawin kayo rito.
Alin-sa-Dalawa: Gamitin o Iwala Ito
At kung wala kayong gagawin dito, may dalawang talinghagang magpapaalala sa inyo sa turo ng Panginoon: Ang Talinghaga ng mga Talento sa Mateo 25 at Ang Talinghaga ng mga Mina sa Lucas 19. Bawat isa ay nagbibigay babalâ na kung hindi ninyo gagamitin ang libreng kaloob na biyaya, babawiin ito mula sa inyo.
Ang mga ito ay ang kaparehong salita rito sa siping ito: “Sa kanya na meron ay higit pang marami ang ibibigay, sa kanya na wala…”. Gaya ng alipin sa Talinghaga ng mga Talento, ginamit niya ang mga talento at mas marami pa ang ibinigay sa kanya. Ang isa pang tao ay hindi ginamit ito at nawala niya ang kahit na nasa kanya na. Hindi ba napakaliwanag ng kahulugan? Meron pa bang anumang bagay na mahirap maunawaan? May komplikasyon ba sa interpretasyon? Para sa isip na bukás sa ilaw ng Diyos, na ayaw sa pagbabaluktot ng katotohanan, ang lengguwaheng ito’y napakalinaw upang maintindihan. Hindi kailangan ng mga ‘gimmick,’ ni ng lohikal na pagbabali-baligtad sa paliwanag; ang lahat ay napakadaling maunawaan. Ang grasya ng Diyos ay ibinigay sa atin, sinasabi ni Apostol Pedro, upang tayo’y maging mga katiwala nito. Ngayon, napakadaling maintindihan ng lahat ng ito.
Isipin ito, kahit sa pisikal na buhay, totoo ito, napakatotoo. Hiningi ba ninyo ang buhay na nasa inyo ngayon? Hiningi ba ninyong maipanganak kayo sa mundong ito? Hindi! Ang buhay na nasa inyo ngayon – na nakakayanan ninyong maipamuhay ngayon, na kaya ninyong mag-aral, na kaya ninyong tumingin sa sikat ng araw, na ma-enjoy ang mga bulaklak… may ginawa ba kayo para mapagtrabahuhan ang buhay na iyan? Wala. Ibinigay sa inyo ang buhay na iyan bilang isang regalo. Meron sa akin ng buhay na ito bilang isang kaloob, pero hindi ibig-sabihin na dahil meron nitong kaloob sa akin, otomatikong maaayos na ang buhay ko? Siyempre’y hindi! Ibinigay ang buhay sa akin bilang kaloob, pero kailangang may gawin ako sa buhay na ito.
Ngayon, lubos ninyong naiintidihan ito. Iyan ang dahilan kung bakit kayo nag-aaral, kung bakit kayo nagjo-jogging upang panatilihing malusog ang inyong katawan, kung bakit ninyo ginagamit ang inyong utak para mapaunlad ang kalidad ng inyong pag-iisip; kung bakit natututo kayong magsamba para mapaunlad ang kalidad ng inyong espirituwal na buhay. Alam ninyo na kahit na ibinigay sa inyo ang buhay bilang isang regalo, hindi lang kayo uupo at wala nang gagawin. Alam ninyo na kung di ninyo iku-cultivate o papaganahin ang buhay na ito, manghihina ang pisikal na buhay ninyo, pupurol ang inyong kaisipan, at manlulupaypay ang espirituwal na aspeto ninyo. Ang buhay ay isang bagay na lalago o mamamatay. Nasa sa inyo ang pagiging tagapangasiwa nito, ang pagiging ‘steward’ nito. Sa katunayan, ang salitang ‘steward’ o ‘katiwala’ ay ang mismong salita na ginamit sa Talinghaga ng mga Mina at ng mga Talento.
Hindi ba ito lubos na madaling maintindihan? Ang buhay ay hindi otomatikong nagde-‘develop’; ang buhay ay alinman sa dalawa: lumalago o namamatay. Ito’y humihina o lumalakas naman mula sa isang lakas tungo sa isa pang lakas; “from strength to strength” ika nga. Lubos na napakadaling maintindihan nito.
Ang parehong bagay ay totoo rin kung ibinibigay ng Diyos sa inyo ang sarili niyang buhay; ito’y ang katangian o ‘quality’ ng buhay ng Diyos. Ngayo’y tandaan ang isang bagay. Ang pisikal na buhay ay nagmumula sa Diyos, at ang espirituwal na buhay natin ay mula rin sa kanya. Kapag binasa ninyo ito sa Genesis, hiningahan ng Diyos mismo ang mga butas ng ilong ng tao upang ibigay ang hininga ng buhay. Meron tayong pisikal na buhay bilang kaloob ng Diyos at tayo’y mga katiwala ng pisikal na buhay. Meron tayong espirituwal na buhay bilang kaloob din ng Diyos. Kung naiintindihan ninyo ang isa, hindi ninyo ba naiintindihan ang isa pa?
Hindi otomatikong nagde-develop ang buhay-espirituwal. Hihina ito kung hindi ito aalagaan, kung hindi ito pinapaunlad o kinu-cultivate. Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ni Pablo na,
Pagsikapan ninyong magkaroon ng…kabanalan…. [1 Tim 6:11, Hebreo 12:14]
Hindi kusang dumarating ang espirituwal na buhay. Kailangan ninyong pagsikapan ito. At kaya, ginamit ni Pablo ang larawan ng paglilinang o ‘cultivation’ ng bukid. Binanggit niya na sa kanyang paghasik ng binhi, sa pagdidilig ni Apollos, ang Diyos ang siyang nagpapalago. [1Corinto 3:6] Pero dapat may pagdidilig at may paghahasik ng binhi. Walang maipapalago kung walang paghahasik at walang pagdidilig. Baka nga walang tanim na mapapalago ang Diyos. Hindi ba ito maliwanag sa atin?
Pero ngayon, sa oras na maintindihan natin ang prinsipyong ito, unawain ang pinakamahalagang espirituwal na prinsipyo. May pananagutan kayo sa espirituwal na buhay – ang buhay na iyon ng Diyos, ang buhay na walang hanggan – na ibinigay sa inyo ng Diyos. Ako’y may pananagutan sa buhay na ibinigay sa akin ng Diyos. Kung ano’ng gagawin ko rito, pananagutan ko ito sa Diyos. At dahil ibinigay iyan sa akin ng Diyos, maaari rin niyang bawiin ito. Tandaan iyan. Kung ano’ng ibinigay niya, maaari rin niyang bawiin.
Ang PANGINOON³ ang nagbigay at ang PANGINOON ang bumawi. [Job 1:21]
Ano’ng nagbibigay sa inyo ng kaisipan na hindi niya mababawi ang ibinigay niya, kung mapatunayang hindi kayo naging matapat? Isa pa iyang nakapagtatakang katwiran o ‘logic’ na hindi ko naiintindihan. Ini-imagine ng ilang tao na ang ibinigay ng Diyos ay hindi na niya mababawi. Nagbigay ang Diyos at kayang magbawi ng Diyos, kayang-kaya niya ito. Ibinigay niya ang mga mina at mga talento sa mga katiwalang ito, at binawi rin niya ang ibinigay sa di-matapat na katiwala. Mag-ingat kayo sa kung paano kayo namumuhay. Sinasabi ng Panginoong Jesus,
“Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan.” [Lucas 8:18]
at
“Kayo’y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.” [Mateo 26:41]
Pero sa sandaling makita natin ang bahaging ito, makikita rin natin ang kabilang panig dahil ang mga katotohanang ito ay magkaka-konektadong lahat. Kung pinabayaan ninyo ang isa, mapapabayaan din ninyo ang isa pa. Sa sandaling makita ninyo na ang buhay ay ipinagkatiwala sa inyo, makikita rin ninyo na kung hindi ninyo palaging ginagamit ito, ito’y hihina. Ngayon, napakadaling maintindihan ang prinsipyong ito. Naiintindihan natin ito sa pisikal na mundo, intindihin din natin ito sa espirituwal na mundo.
Kung may maganda kayong kalusugan, ano’ng mangyayari? Kung mag-e-exercise pa kayo, mas gaganda pa ang inyong kalusugan. Kung higit pa kayong mag-e-exercise, mas lulusog pa kayo. Kung meron kayong lakas at gagamitin ninyo ang lakas na iyon, mas lalo pa kayong lalakas. Kung meron kayong konting lakas, makakabuhat kayo ng isang-librang timbang [one-pound weight]. At kung patuloy kayo sa pagbuhat ng isang-librang timbang na iyon, sa di-katagalan, matatagpuan ninyong kaya ninyo na palang buhatin ang 10-librang timbang. At kung magpapatuloy kayo sa pagbubuhat ng 10-librang timbang, ano’ng mangyayari? Sa di-katagalan, kaya ninyo nang magbuhat ng 100-librang timbang. Patuloy pa kayong magpraktis, at mabubuhat na ninyo ang 200 libra, 300 libra.
Pero kaya ninyo bang buhatin agad-agad ang 300 libra? Hindi! Hindi ninyo man lang kayang itaas ito mula sa lupa! Magpapakahirap kayo, lalawit ang inyong dila, pero hindi ninyo maiaangat ito mula sa lupa. Hindi! Hindi ninyo kaya! Pero mag-umpisa kayo sa isang libra, tapos ay pumunta kayo sa sampung libra, at paglipas ng panahon ay pumunta naman kayo sa 100 libra. Isa sa mga araw na ito, makikita ninyo, wow, kaya ninyo nang buhatin ang 300 libra. Sa kaparehong paraan, “Sa kanya na mayroon, mabibigyan pa nang mas marami”; mas lalo ninyong gamitin ito, mas lalo kayong magkakaroon; mas lalo ninyong gamitin ang talento na ibinigay ng Diyos sa inyo, mas lalo kayong magkakaroon pa.
Ang parehong bagay ay totoo sa pag-iisip o ‘intellect’. Hindi ba’t totoo rin ito sa mundo? Napakadaling maintindihan nito. Subukan ninyong lutasin ang isang mathematical problem. Sa umpisa’y nahihirapan kayo, at nagkakamali. Pansinin ang isang bata; halos di niya makuwenta-kuwenta ang 3 + 5. Nagbibilang siya sa kanyang mga daliri, “3 + 5…1, 2, 3, 4, 5…”. Hinihintay ninyo ang sagot. “1,2,3,4,5…9!” Sasabihin ninyo sa kanya, “Hindi 9. Bilangin mo ulit.” “1, 2, 3, 4, 5…7!” Sasabihin ninyong, “Hindi! Hindi 7.” Iisipin ninyo sa inyong sarili, “Paano kaya makukuha ng batang ito ang sagot?”
Pero ang mismong taong ito, na noong bata pa’y hindi makapagkwenta ng 5 + 3, ay maaaring maging isang henyo sa matematika! Isang araw, kaya na niyang lutasin ang mga kumplikadong problema, na may square roots at lahat ng iba pang bagay! Alam na niya kung paano lutasin itong lahat. Ang batang ito na noon ay di marunong mag-add ay kaya nang mag-solve ng kumplikadong math problems. Isipin ninyo ito, itong mga naritong mga mathematician natin, ay maaalala ‘yong araw nang tinanong ng mga nanay nila ang 5 + 3 at sabi nila’y “8… ay hindi. 7! Ah, 9?” Lahat ay hinuhulaan. Minsan tama, minsan mali. Pero sa paglipas ng panahon, tingnan, kaya na nilang mag-solve ng math problems! Paano? Kasi, ang patuloy na gumagamit nito, siya ‘yong mag-i-improve.
Isa itong batas o ‘law’ sa lahat ng lugar. Totoo ito sa pananalapi o ‘finance’, totoo ito sa lahat ng bagay. Kaya nga may kasabihan sa ekonomiya na: “Kadalasan, ang mayayaman ay lalo pang yumayaman, ang mahihirap ay lalo pang humihirap.” Ganyan kadalasan ang kaso. Para sa taong may $100,000, ang interes pa lang niya sa isang taon ay $9,000, ‘di ba? At para sa atin na kinakapos parati ay nahihirapang makakuha ng $9,000. Ang taong ito’y walang kailangang gawin pero magkakaroon siya ng $9,000.00 dahil sa dati niyang pera. “Sa kanya na meron na, madaragdagan pa.” Ang taong may isang milyong dolyar sa bangko, sabihin na ang interes ay 9%, magkakaroon pa siya ng $90,000.00 sa isang taon na wala man lang gagawin, walang-wala. “Sa kanya na meron na, madaragdagan pa.”
At ang taong dukha na wala nito, ano’ng ginagawa niya? Nabubuhay siya sa credit card. Tuwing katapusan ng buwan, may bill siyang matatanggap. Dahil wala siyang cash, dudukutin niya ang credit card niya. Sa totoo lang, hindi ako gumagamit ng credit card kasi alam ko na, “sa kanya na wala, kahit pa ang nasa kanya ay mawawala.” Kaya, mag-ingat kayo! Sa katunayan, ang credit card ay gumagana sa mapanganib na prinsipyong ito, dahil kapag hindi ninyo na kayang magbayad, mawawala ninyo ang lahat ng bagay na meron kayo.
Napapansin ninyo ba na kapag mag-a-apply kayo para sa isang credit card, tatanungin nila kayo (sa pagfi-fill-up ninyo ng application form), “May bahay ka ba? Magkano ang halaga ng iyong bahay? Gaano mo pa katagal babayaran ang mortgage (o bayarín) nito? May kotse ka ba? Magkano ang halaga nito?” At sasabihin ninyo, “Bakit ninyo itinatanong ang lahat ng ito? Nag-a-apply ako para sa credit card.” Siyempre, kaya nga tinatanong kayo ng lahat ng ito. Dahil, kapag hindi kayo nagbayad sa pautang na pera nila, darating sila at kukunin ang inyong kotse, ang inyong bahay, at lahat ng pag-aari ninyo. Iyon ang dahilan kaya okey lang na pahiramin muna nila kayo ng pera, kasi mababawi nila ito sa pagkuha ng lahat ng inyong mga ari-arian, at sa gayon, sa kanya na di makapagbayad ng utang niya, kahit na anong meron siya ay mawawala pa sa kanya. Napakadali nitong maintindihan. Ano’ng napakahirap tungkol sa pag-intindi sa Kasulatan? Isipin lang ang tungkol dito. Totoo ito sa buhay; iyon lang ‘yon. Napakasimple at madaling maintindihan.
At kapag naiintindihan natin ang mga bagay na ito sa mundo, sasabihin kong muli sa inyo, hindi ninyo ba maintindihan ang mga ito sa espirituwal na buhay? Ibinigay sa inyo ng Diyos ang buhay, ang buhay na walang hanggan, ang sarili niyang buhay, at sinasabing, “Ngayo’y gusto kong magliwanag kayo.” Ibinigay niya sa inyo ang ilaw ng buhay; ngayo’y magliwanag kayo sa sanlibutan. Kung hindi ninyo ito gagamitin, kung ilalagay ninyo ito sa ilalim ng takalan, kung hahayaan ninyong mangibabaw ang mundo sa inyo, kung gayon, mawawala ninyo ang anumang meron kayo. Sasabihin niya sa inyo, “Binigyan ko kayo ng ilaw hindi upang ilagay lang sa ilalim ng takalan, ‘di ba? Hindi ko kayo binigyan ng ilaw upang ilagay lang sa ilalim ng higaan. Dahil hindi ninyo gagamitin ang ilaw, dahil pinapabayaan ninyo ang ilaw, babawiin ko ito.” Hindi ba ninyo nabasa ang mga parehong-parehong salitang ito sa Apocalipsis 2:5?
“…aalisin ko ang inyong ilawan mula sa kinalalagyan nito…”
Binabalaan dito ang iglesya, “Aalisin ko ang inyong ilawan.” Iyan ang kahulugan nito. “Kung hindi kayo magliliwanag para sa akin, aalisin ko ito. Binigyan ko kayo ng ilaw ng buhay upang kayo’y magliwanag.”
Nalulungkot ako para sa mga taong napagsabihang sila ay naligtas, na kahit anupamang uri ng buhay ang ipamuhay nila, makakapunta pa rin sila sa langit. Lubha akong nalulungkot para sa kanila dahil hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Binigyan niya tayo ng ilaw upang magliwanag.
Lalo Kayong Magningning, Mas Lalo Pa Kayong Magniningning!
Ngayon, narito ang kagandahan nito – lalo pa kayong magningning, mas lalo pa kayong liliwanag. Iyan ang makikita sa kaparehong sipi sa Marcos. Hindi ba napakaganda nito? Lalo kayong magningning, mas lalo pa kayong liliwanag; sa kanya na nagbibigay, mas lalo pa siyang mabibigyan.” Mababasa sa Marcos 4:24:
At sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo’y susukatin; at higit pa ang sa inyo’y ibibigay.”
Tingnan, ito’y ang kaparehong prinsipyo na nauuna bago ang b.25: “ang mayroon…”. Ipinapaliwanag ng b.25 ang b.24; kaya nga meron tayo ng, “Sapagkat ang mayroon…”. Binibigyang babalâ tayo na ito’y isang buháy at nagbabago o ‘dynamic’ na konsepto, na ang ibig-sabihin ay: lalo kayong magbigay, mas lalo kayong makakatanggap; kung di kayo magbibigay, magtatapos kayo sa kawalan.
Napansin ba ninyo ang kalikasan ng ilaw? Ang kalikasan ng ilaw ay ang magbigay liwanag; ito’y nagbibigay sa lahat ng oras. Nagniningning sa lahat ng oras ang ilaw. Sasabihin ninyong, “Hmm, kung palagi akong nagbibigay, magwawakas ako sa kawalan.” Huwag mag-alala! Ang prinsipyo ng ilaw ay: mas marami ang ibinibigay, mas marami ang makukuha. Oh! Kamangha-mangha nito! At tunay ito sa espirituwal na buhay sa lahat ng diwa. Hindi kayo kailanman makapagbibigay na malalampasan ninyo ang Diyos sa pagbibigay. Ito’y lubhang kamangha-mangha.
Kahit ito man ay pagbibigay sa Panginoon ng inyong pera, o ng inyong oras, o ng inyong enerhiya, o ng inyong buhay, ang sukatan ng inyong pagbibigay ay ang siyang sukatan din ng inyong makukuha. Sa paggamit ninyo ng bagong buhay na ibinigay ng Diyos sa inyo – ginagamit ninyo ito sa pinakamakakaya ninyong paggamit, sa inyong ‘maximum’ ika nga, kahit na napakaliit ng ilaw na meron kayo – makikita ninyong mas lalo itong magliliwanag.
Ngayon, ang bawat tao rito ay isang ilaw, hindi lang ako. Kayo ay ilaw, bawat isa sa inyo. Ibinigay sa inyo ng Diyos ang ilaw ng buhay. Kung kayo’y Cristiano, kayo ay ang ilaw. Siguraduhing nagliliwanag ito, mga kapatid. Siguraduhing nagliliwanag ito, dahil, lalo kayong nagliliwanag – sa inyong kolehiyo, sa inyong tahanan, sa inyong trabaho – ay mas lalo pa kayong magliliwanag. At huwag hahayaang talunin ito ng kadiliman; basta’t hayaan lang itong magliwanag. Talunin ang kadiliman sa pamamagitan ng ilaw. At lalo kayong magliliwanag, mas liliwanag pa kayo. Marahil ay napakaliit nating ilaw sa ngayon, pero sa lalo pa nating pamumuhay sa total commitment sa kanya, mas lalo pang magliliwanag ang ilaw natin. Pero laging tandaan ito: kung hindi kayo magliliwanag, kung ang ilaw ninyo ay kadiliman, oh, gaanong kadakila ang kadilimang iyan! [Mateo 6:23] Kaya, umaasa akong panghahawakan natin ang mahahalagang espirituwal na prinsipyong ito.
Ang Kaloob ng Diyos na Buhay at Ilaw – ang Responsibilidad na Nasa Atin
Gaya nang sinabi ko sa simula, nabanggit ko ang tungkol sa pangitain ko sa church. Binigyan tayo ng libreng kaloob na ilaw ng Diyos mula sa kagandahang loob at grasya niya. Sinasabi niyang, “Ibinigay ko ito sa inyo. Ngayon, siguraduhing hindi ninyo hahayaan ang anumang bagay na takpan ito. Siguraduhin ninyong di ninyo hahayaan ang mundo na mangibabaw rito. Kundi, magbigay kayo ng liwanag, patuloy na magbigay nito, at ang sukat na ibinigay ninyo ay siya ring sukat ng makukuha ninyo, upang sa kanya na meron ay mas lalo pang mabibigyan. Lalakas pa kayo nang lalakas.”
Hayaan ninyong sabihin ko ang isang bagay sa pagtatapos. Sa buhay-Cristiano, walang nananatiling di-gumagalaw! Walang di-gumagalaw dahil iyan ang prinsipyo ng buhay. Hindi kailanman di-gumagalaw ang buhay. Isa lamang sa mga ito ang mangyayari: susulong ito o uurong ito; magliliwanag ito lalo o didilim ito lalo. Walang gayong bagay sa espirituwal na buhay na di-gumagalaw. Ang responsibilidad na iyan ay nasa sa inyo, at dahil meron kayong ganoong responsibilidad, kailangan ninyong lalo pang dumepende sa grasya ng Diyos na maipatupad ito.
Tapos na ang mensahe.
¹ Ginamit ang Ang Bagong Ang Biblia. Manila: Philippine Bible Society, 2001.
² Ginamit ang salitang ‘iglesya’ para sa ‘church’ dahil ang salita sa Griyego ay ekklēsia.
³ Sa Lumang Tipan, kapag nababasa ang DIYOS o PANGINOON iyon ay, sa malalaking titik, ito’y tumutukoy sa pangalan ng Diyos, na sa ‘tetragrammaton’ ay YHWH, at sa pagbigkas ay Yahweh.
(c) 2021 Christian Disciples Church