Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
(Parable of the Rich Fool)
Lucas 12:13-21
Mensahe ni Pastor Eric Chang
Magsisimula tayo sa Lucas 12:13, kung saan may isang kumausap kay Jesus sa harap ng maraming taong nakikinig sa kanyang mga turo:
Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”
Iyon ay, isinagot ng Panginoong Jesus sa kanya, “Hindi ako inatasang maging hukom o tagapamahagi ng mana ninyo. Nagpatuloy ang bs. 15 sa pagsabi ng Panginoong Jesus sa grupo ng mga taong ito’t hindi lamang sa nagtanong sa kanya:
Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
Tinutukoy niya rito ang kasakiman sa mga materyal na bagay. Pagkatapos nito,
Nagsalaysay siya (si Jesus) sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay umani ng sagana. Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala na akong mapaglalagyan ng aking mga ani.’ Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari. At sasabihin ko sa aking kaluluwa, “Kaluluwa” marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’ Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’Ganyan nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”
Ang Larawan ng Tagumpay
Ngayon, narito ang isang talinghaga kung saan iginuguhit ng Panginoong Jesus ang larawan para sa atin tungkol sa isang napakatagumpay na negosyante, o maaaring isang matagumpay na magsasaka. Ilalarawan ng mundo ang taong ito bilang isang tagumpay. Pero ang bagay na dapat mapansin ay: ang pagkaroon ng tagumpay sa mundo ay di-pareho ng pagkakaroon ng espiritwal na tagumpay. Ang tanong ay: Ano ang tagumpay? Ito ba’y ang maitaas ang posisyon sa trabaho? Ang magkaroon ng isang napakagandang degree, kung saan nagkaroon kayo ng karangalan bilang first honors sa halip na second o third honors? Kaya, ano ang tagumpay? Ito ba’y tagumpay sa pag-aaral? Sa pinansiyal? Ito ba’y hinuhusgahan sa kung ilang ‘degree’ ang taglay ninyo? O sa kung gaano katagumpay ang inyong negosyo?
Para sa magsasakang ito, napakatagumpay niya. Paano ba nagtatagumpay? Ang tagumpay ay dumarating sa pamamagitan ng ilang bagay. Dumarating ang tagumpay dahil sa pagtitiyaga, ‘di ba? Dumarating ito sa pamamagitan ng masusing pagpaplano, sa mabuting paggamit ng oras, sa mabuting pangangalaga sa inyong gastusin. Madalang na ito’y natiyempuhan lang, natsambahan lang. Kadalasan, may kagalingan o talento, may abilidad at may tiyaga. Masasabi ng ilan na napakadalang na ito’y isang di-inaasahang pangyayari. Sa malaking bahagi, may tagumpay dahil may kagalingan o talento, may abilidad, may tiyaga. May ilang nagsasabi na ang tagumpay ay 5% na talento; 95% na pagtitiyaga. Kung ito ang kaso, masasabi natin tungkol sa taong ito sa talinghaga na may ganitong mga katangian siya. Masipag siya. Siguradong nagsanay siya sa mismong trabahong iyon nang may-katagalan. Alam na alam niya ang ginagawa niya.
Subukan ninyong magpatakbo ng sakahan at tingnan kung ano’ng mararating ninyo. Marahil kung ako’ng magpapatakbo ng sakahan, malulugi agad ito sa unang taon pa lang; wala akong alam sa pagsasaka. Wala ni katiting. Hindi ako nagsanay sa trabahong ito. Pero naririto ang isang taong alam ang trabaho niya; nagsanay siya para sa trabahong ito at napakatagumpay niya. Alam niyang pangalagaan ang kanyang mga gastusin. Alam niyang iayos ang kanyang oras. At kaya, ano’ng mali sa taong ito? Sa katunayan, kapag tinitingnan ninyo ang larawang ito, isa siyang larawan ng tagumpay! Maraming taong nakakabawi lang sa ipinundar nila, pero ang taong ito’y may napakasaganang ani!
Ang Larawan ng Pagiging Pinagpala
Sa katunayan, may higit pa rito. Maaaring sabihin ng iba na pinagpapala ang taong ito ng Diyos. Sa katunayan, ito ang iniisip ng mga Judio, na ang bawat mayaman ay pinagpala ng Diyos. Ito’y dahil, kung tutuusin, lalo na sa pagsasaka, malaking papel ang ginagampanan ng klima. Maaaring kayo’y maabilidad sa pagsasaka, alam ninyo kung paano i-manage ang inyong mga tanim, pero kung may masamang panahon – kung walang ulan, nakakasira ito ng ani. O kung sobrang ulan naman, o kaya’y umulan sa maling panahon, nakakasira rin ang mga ito. Marahil, wala nang ibang negosyo na tulad ng pagsasaka na napakadepende sa klima, at kaya, tulad ng nakita ng mga Judio, ito’y nakadepende sa awa ng Diyos.
Kaya, hindi ba’t parang pinagpapala ng Diyos ang taong ito kaya may masaganang ani siya? May mabuting panahon siya, at idagdag pa ang abilidad at sipag niya. Para bang binigyan siya ng Diyos ng kooperasyon. Parang ganoon kung titingnan ang panlabas na sitwasyon. Marahil, ganoon nga ang iniisip niya: na kakampi nga niya ang Diyos. Mabuti ang lahat ng bagay. Napakaganda ng klima. Tingnan itong mabubuting ani niya taon-taon. Ngayon, may kasaganaan siya, at kaya ang mga kamalig niya’y maliliit na; hindi na magkasya ang ani sa mga ito.
Kaya, may dagdag pa siyang problema sa pagpaplano. Sinabi niya sa [bs. 17] sa kanyang sarili: “Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?” Napakasagana ng kanyang ani; napakatagumpay niya na ang kanyang mga kamalig ay masyado nang maliliit. At kaya, ano’ng gagawin niya? Sinabi niya, “Ito ang aking gagawin.” Masdan ito: isa siyang taong handa ang mga ideya. Hindi niya sinabing, “Ah, hindi ko alam kung ano’ng gagawin ko.” Pero may mga naisip siyang gawin! Marami siyang ‘ideas.’ Sinabi niya, “Ito ang gagawin ko!” Mabilis din siyang magdesisyon. Alam niya kung ano’ng gagawin niya; hindi siya nawalan ng paraan. Siya ang nagtanong at siya rin ang sumagot sa tanong niya: “Gigibain ko ang aking mga kamalig. Masyado nang maliliit ang mga ito. Magtatayo ako ng lalong malalaki, para makatipid sa space.” Kung may maliliit at malalaki, masyadong maraming lugar ang magagamit. Pansinin na nag-iisip pa rin siya na magsaka; maaari siyang gumamit ng mas malaking lupain. Magtatayo siya ng mas malalaki’t matitibay na kamalig, at marahil, mas matataas para magamit nang husto ang lupa. Sinabi niya, “Gigibain ko ang mga kamalig na ito at magpapatayo ng lalong mas malalaki, tapos, doon ko ilalagay ang aking ani at mga ari-arian. Ah! Oo!” Kaya, parang ito na ang pinakamalugod na larawan sa lahat. Ibig kong sabihin, ano’ng problema rito?
Ang Pagiging Matuwid sa Moralidad
Ano naman ang masasabi mula sa moral na pananaw? Hindi natin siya makakasuhan ukol sa moralidad dahil wala namang nabanggit kung naging makasalanan siya: na may nagawa siyang masasamang bagay, na nagnakaw siya; na naging mapanlinglang siya. Walang gayon ang naiparatang laban sa kanya. Sa katunayan, ang kaso nga ay, kadalasan, masisipag ang mabubuting tao. Ang mga tamad ay kadalasang di man lang nagtatrabaho, na nagsasayang ng maraming oras, at nagiging mga usisero’t mga tsismoso. Pagala-gala sila sa kalsada at patambay-tambay, kaya nasasangkot sa lahat ng uri ng gulo. Ngunit ang masisipag – sila ang pinakahuwaran sa lipunan. Sila ang mga di-nasasali sa gulo dahil wala silang panahon para rito. Masyado silang abala sa kanilang trabaho.
Isipin ninyo ang mabuting mananaliksik na nakaupo sa laboratoryo niya. Nagtatrabaho siya araw at gabi roon. Ngayon, kailan pa siya magkakaroon ng panahon para lumabas at gumawa ng kasalanan? Kailan pa siya magkakaroon ng oras para magnakaw o mangalunya o gumawa ng iba pang kasalanan? Wala siyang panahon para rito. Nakalaan lamang ang oras niya sa trabaho niya. Isipin natin ang tulad ng mga siyentipikong sina Curies, na nag-aral at nagtrabaho buong araw sa kanilang mga laboratoryo. Mga tao tulad ni Louis Pasteur, na nawawala noong araw ng kasal niya; hindi siya sumipot sa simbahan, at natagpuan nila siya sa kanyang laboratoryo. At pagkatapos ng kasal niya, bumalik agad siya sa laboratoryo niya!
At siyempre, narinig ninyo na ang sikat na kwento tungkol kay Newton kung saan ginagawa niya ang isang eksperimento sa oras ng tanghalian niya. Susukatin sana niya kung gaano katagal pakuluan ang isang itlog. Hawak niya ang relo niya sa isang kamay at ang itlog sa kabilang kamay. Matapos ang isang minuto, napansin niyang hawak pa rin niya ang itlog sa isang kamay at doon lang niya natanto na nailagay pala niya ang relo niya upang pakuluan!
Nakatuon ang mga pag-iisip nila sa pagsasaliksik, kaya wala na silang panahong isipin pa ang ibang mga bagay. Ito ang mga taong napakadedikado sa kanilang trabaho. Sila ay mga moral na tao. Hindi sila lumalaboy para gumawa ng malalaking kasalanan. At kaya, ganito rin ang kalagayan ng matagumpay na negosyanteng ito.
At isa pa, pinangangalagaan ng matatagumpay na taong tulad nito ang kanilang reputasyon. Para sa kanila, napakahalaga ng reputasyon nila. Ayaw nilang gumawa ng mga kasalanang ikasisira ng reputasyon nila. Nanaisin nilang isipin ng mga tao na tapat sila, na ‘honest’ sila. Kung totoo man ito o hindi ay ibang usapan na, pero gagawin nila ang lahat para lang mapangalagaan ang reputasyon nila. At kaya, nakikita natin na ito ang sitwasyon ng taong ito sa talinghaga. Isa siyang taong masipag, na umiiwas sa gulo, na may mga plano, na may mga ideya, na napakatagumpay.
At kaya, ano ang kaso laban sa kanya? Ano’ng problema? Napaka-ulirang larawan ito ng matagumpay na tao! Higit pa rito, mukhang binibiyayaan pa siya ng Diyos, sa pagkakaroon ng mabuting klima para sa mga tanim niya. Sinasabi ko ang puntong ito dahil isang napaka-common na kaisipan sa mga Hudyo na ang mayayaman ay espesyal na pinagpapala ng Diyos, samantalang ang mahihirap ay pinaparusahan ng Diyos. Naaalarma akong makita na ang kaisipang ito ng mga Judio ay laganap pa rin sa mga Cristiano. Napakalaganap!
Halimbawa, sa tuwing magtatagumpay ang isang tao, sasabihin niyang, “Salamat sa Diyos! Panginoon, napakabuti mo sa akin!” Pinupuri niya ang Diyos. Pero kapag hindi mabuti ang lagay ng kanyang negosyo, sasabihin niyang, “Oh Diyos, ano’ng nagawa ko upang makamtan ito? Bakit kailangan kong maghirap nang ganito?” May ganito pa ring kaisipan ng isang direct equation o direktang kaugnayan sa pagitan ng tagumpay at ng biyaya ng Diyos, sa pagitan ng kabiguan at ng sumpa ng Diyos. Napakapanganib na kaisipan ito. Dapat kong sabihin sa inyo na hindi ito ayon sa Banal na Kasulatan. Isa itong pantaong ideya, na hindi ayon sa Banal na Kasulatan.
“Kung bumagsak kayo sa pagsusulit, ito’y dahil nais ng Diyos na parusahan kayo.” Hindi! Hindi kailangang gayon ang kaso. May kilala akong mga taong nag-aral nang mabuti pero nakakapagtakang bumagsak sa pagsusulit. Pero hindi nito pinapatunayan na laban sa inyo ang Diyos o na pinaparusahan niya kayo. May alam akong mga kaso kung saan ang pagkabagsak sa pagsusulit ang naging pinakadakilang bagay na nangyayari sa kanila. Isang malaking biyaya mula sa Diyos na bumagsak sila sa isang pagsusulit. At kadalasan, ang tagumpay ang siyang tunay na sumpa. May mga taong nagkamit ng napakaraming tagumpay at sila’y napalayo lamang sa Diyos. Kadalasan, ang taong napakatagumpay ang siyang nagkakaroon ng suliraning pang-espiritwal.
May matalik akong kaibigan sa London; sabay kaming nag-aral, kahit na sa magkaibang departamento. Nag-aral siya ng ‘engineering.’ Lubha siyang matagumpay dahil napakatalino niya. Lagi siyang nakakakuha ng first class honors, ng mga medalyang ginto, atbp. Hindi siya kailanman nakakuha ng mas mababa pa kaysa sa first. Sa palagay ko, sa buong academic record niya, ay walang bababa sa first class. At hindi lang iyon! Nang siya’y nagtapos sa ‘Imperial College,’ sa University of London, una siya sa pitong nagkamit ng first class honors sa klase niya at iniuwi niya ang gintong medalya para sa buong kolehiyo. Sobra-sobrang tagumpay! Sa katunayan, nag-aral siya sa Montreal para sa kanyang ‘doctorate.’ Oh, sunod-sunod na tagumpay! Tuloy-tuloy ang mga ito. Ngayon, isa na siyang propesor. Pero, isa siyang bigo sa espiritwal na panig. Maaaring ang tagumpay ay ang pinakamasamang bagay na mangyayari sa inyo. Sana’y totoong maunawaan ninyo na walang direktang kaugnayan sa pagitan ng tagumpay at ng biyaya ng Diyos.
Dito sa ating talinghaga, may isang tao na parang walang ibang nakakamit kundi tagumpay. Di pa naririnig ng taong ito ang kabiguan. Ang tanging mayroon siya ay kasaganaan at tagumpay at mabuting panahon. Lahat na lang ay umaayon sa kanya! Pero, isa siyang bigô sa espiritwal na mga bagay, tulad ng kaibigan ko. Bigô sa mga espiritwal na bagay! Nakakilala rin ako ng ibang mga tao, na mga nabigô. Matiyaga silang nagsipag-aral at matatalino rin, pero, katakataka, bumagsak pa rin sila sa mga pagsusulit nila. Nakakapagtaka! Huwag isipin na bobo kayo kapag bumagsak kayo sa isang pagsusulit. May napakatatalinong nagsibagsak sa pagsusulit. Hindi ito mainti-intindihan.
Alam ng marami sa inyo na si Albert Einsten ay isang bigô sa paaralan. Isa siyang palpak. Naibahagi ko sa ilan sa inyo na nangaral ako sa paaralan kung saan nag-aral si Albert Einsten, noong nasa ‘high school’ siya sa Switzerland. Pagkatapos kong mangaral, sinabi sa akin ng isa sa mga guro, “Alam mo bang nag-aral sa paaralang ito si Albert Einsten?” Sinabi ko, “Hindi. Nakakaaliw. Marahil napakatalinong estudyante niya.” Pero sinabi ng guro, “Ah, hindi! Terible siyang mag-aaral.” Sumagot ako, “Paano nangyari iyon?” Sinabi ng guro na napakahina ni Einstein, na halos hindi siya makapasok sa unibersidad. Walang gustong tumanggap sa kanya!
Sa bandang huli, tinanggap siya sa Pamantasan ng Zurich, pero haging lang. Itinuring siya bilang ‘marginal case’ o pasang-awa. Napagpasyahan nila na, “Okey, papayagan nating makapasok ang taong ito, pero hindi siya ganoong kagaling.” Pero alam ninyo kung ano’ng nangyari makalipas ang panahon! At kaya, ang pagiging bigô niya lagi sa kanyang pag-aaral ay hindi ang katapusan ng lahat. Hindi pa rin nito pinapatunayan kung alin ang tagumpay at kung ano ang biyaya mula sa Diyos. Mahalagang maintindihan ito. Ang mabigong maunawaan ang bagay na ito ay nakapagdulot ng lahat ng uri ng gulo.
Bakit Tinatawag Siyang Hangal?
At kaya, kung gayon, kung ito ang kaso, ano mismo ang mali sa taong ito? Ano’ng humahatol sa kanya? Ano’ng mali ang nagawa niya? Tingnan natin ang kaso niya. Hindi ninyo ba naiisip na ang ginawa niya’y maituturing na pinaka-nararapat lang gawin? Ibig kong sabihin, kung napakarami ninyong ani at wala kayong mapaglagyan ng mga ito, hindi ba ang dapat gawin ay magtayo ng mas malalaking kamalig? Iyan ang bagay na gagawin ninyo at gagawin ko rin, marahil, kung tayo ang nasa kanyang kalagayan. Ano pa bang iba ang gagawin ninyo? Kaya, kapag tiningnan natin ang taong ito, para bang namangha tayo – at mahalaga na makuha ang puntong ito sa ating isipan – na sa batayan ng mundo, siya’y napakarespetadong tao. Hahangaan siya sa bawat sulok ng mundo. Kung papasok siya sa simbahan, sasabihin ninyong, “Ah, oo, ito ang taong pinagpapala nang husto ng Diyos. Napakalaki ng mga ani niya. Napakabuti niyang tao at wala siyang ginagawang masama. Hindi ako magtataka kung mapagbigay rin siya sa mga alay niya.”
At kaya, ano’ng problema sa kanya? Bakit siya tinawag na hangal? Iniisip nating siya’y napakatalino. Sa pamantayan ng mundong ito, napakatalino niya. Ano kung gayon ang problema niya? Ang problema niya’y hindi ang paghatol dahil sa kung sino siya; mahalagang maunawaan iyon. Hindi sinabi ng Diyos na masama siyang tao. Hindi sinabi ng Panginoon na mahina ang utak niya. Ang salitang ‘hangal’ sa Biblia’y di nangangahulugan na di-matalino o bobo. Ito’y dapat maunawaan sa espiritwal na pag-intindi, hindi sa pangkaisipan o ‘intellectually.’ Napakahalagang maunawaan ito.
Kaya, ano ang pinaka-problema niya? Ang espiritwal na kahangalan! At ano naman ang espiritwal na kahangalan? Tumigil muna tayo nang sandali, para maunawaan ang problema sa taong ito. Ang Griyegong salita para sa ‘foolishness’ o ‘kahangalan’ ay may dalawang bahagi. Sa unang bahagi, may α-privative o nagsasaad ng negatibo o kawalan, at sa ikalawa naman, ang ibig sabihin ay ‘isip.’ Kapag pinagsama, ito’y nangangahulugan ng ‘walang isip,’ isang taong ‘walang pag-iisip,’ o maaari ring sabihing, ‘walang pang-unawa.’ Ang ‘isip’ dito ay kailangang espiritwal na maunawaan. At kaya, kulang siya sa espiritwal na pang-unawa. Wala siyang espiritwal na pag-intindi.
Kahangalan – Ang Hindi Pag-intindi ng Katotohanan
Bakit wala siyang espiritwal na pang-unawa? Ano’ng mali ang nagawa niya? Ang salitang ‘hangal’ ay ginamit din sa 2 Corinto 12:6. Babasahin ko sa inyo ang bersikulong ito para maunawaan ninyo ang kahulugan ayon sa Biblia ng ‘kahangalan’. Suriin natin ang ating sarili kung tayo ay matalino (wise) o hangal (foolish); huwag nating isipin na ang problemang ito’y para lang sa iba. May sinasabi sa atin ang salita ng Diyos:
Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin,
Sinasabi rito ni Pablo, “Hindi ko nais magyabang, pero kung ako’y magyabang man, hindi ako lalabas na hangal.” Ang ‘hangal’ dito ay tumutukoy sa isang taong ‘out of touch’ o walang alam sa reyalidad, walang alam sa o di-nauunawaan ang mga katotohanan o ‘facts’. Ibig sabihin, sinasabi ni Pablo rito na, “Kung nais kong magmalaki, magsasabi lang ako ang katotohanan. Hindi ako magsasalita nang walang kaugnayan sa katotohanan. May dahilan ako para magmalaki, kahit na ayaw kong magyabang.” Kaya, dito, kapag sinasabi ni Pablo na, “Hindi ako magiging hangal kung ako’y magyabang,” ang ibig sabihin ay, “Ang sasabihin ko kapag ako’y nagmalaki ay pawang katotohanan.”
Ngayon, sa pantaong antas, si Pablo ay maraming maipagmamalaki. Ibig kong sabihin, alam naman nating lahat na, sa mundong ito, si Pablo ay isa nang tagumpay o maaaring naging isang tagumpay. Isa siyang dakilang iskolar. Napakatalino niya. Napakatalas ng pag-iisip siya. Basahin lang ninyo ang kanyang mga sinulat o pag-aralan ang sulat niya sa mga taga-Roma. Isang napakahalagang libro ang Roma. Makikita ninyo sa inyong pagbasa ng Roma na kaharap ninyo ang isang tao, kahit sa pantaong antas, na may napakatalas na pag-iisip, na napapasok ang malalalim na mga isyu, na natutumpok agad ang kaibuturan ng pinag-uusapan.
May kilala akong taong ganyan. Noong ako’y nasa London, nang ako’y isang estudyante pa, nakagawian kong makinig sa ministeryo ni Martin Lloyd-Jones, na marahil ay narinig ninyo nang nabanggit ko na paminsan-minsan. Nakapagsulat na siya ng maraming libro, at tiyak na siya ang pinakamagaling na mangangaral ng England sa henerasyong ito. Sa palagay ko, wala nang katulad niya sa henerasyong ito. Tulad ng alam ninyo, si Martin Lloyd-Jones ay isang ‘heart surgeon’ dati. Isa siyang espesyalista sa puso bago pa niya iniwan ang mundo at ang mga kaluwalhatian ng mundo para ipangaral ang Ebanghelyo.
Naaalala ko rin ang isang ka-henerasyon niya, isang kilalang manggagamot din. Siya nama’y isang ‘skin specialist’, na kasing-edad ni Martin Lloyd-Jones. Madalas niyang sabihin sa akin noon, “Nang iniwan ni Martin Lloyd-Jones ang medisina, ito’y nagpagulat sa mundo ng panggagamot dahil mabilis siyang umaakyat sa katanyagan sa mundo ng medisina. Napakatalino! Napaka-brilliant niya na bago pa makarating sa edad na 30, kilalang-kilala na ang pangalan niya bilang heart specialist.” Pero inilagay ng Panginoon ang kanyang kamay kay Lloyd-Jones at tinalikuran niya ang mundo ng medisina at humayo upang maging pastor ng isang napakaliit na church sa Wales, sa isang pook na hindi pa naririnig ng marami. Doon, ipinangaral niya ang Ebanghelyo. At ginamit siya ng Diyos nang napakadakila.
Kapag nakikinig kayo sa kanya, halimbawa sa isang pagtitipon sa simbahan kung saan pinag-uusapan ang tungkol sa isang problema, agad ninyong makikita ang talas ng pag-iisip ng taong ito. Mabilis niyang nakukuha ang kaibuturan ng pinag-uusapan. At kadalasan, nakaupong naka-relax lamang siya at nakikinig sa pagdidiskusyon ng mga tao. Ang lahat ay umiikot-ikot sa isyu pero di natutumpok ang pinakasentro ng problema. Sa wakas, magsasalita siya. Sa ilang mga pangungusap, nasuri na niya ang problema diretso sa sentro nito. Isang napakatalas na pag-iisip! Kapag naiisip ko siya, naaalala ko ang isang tao gaya ni Pablo, isang tao na tinawag ng Diyos, at isang may napakatalas na pag-iisip. Kapag dumayo kayo sa mga espiritwal na bagay, napakahalaga niyon – ang makuha ang punto, ang pinakasentro ng problema.
Espiritwal na Kahangalan – Hindi Nakukuha ang Espiritwal na Reyalidad
Pero, sa kasamaang-palad, ang matagumpay na taong ito sa ating talinghaga, kahit na sabihin nating matalino siya sa usaping pantao, ay wala siyang pinabanal na katalinuhan o sanctified wisdom. Hindi narating ng utak niya ang mga katotohanan o facts, iyon ay, ang mga espiritwal na reyalidad. Samakatuwid, inilarawan siya bilang hangal. Hindi niya natumpok ang kaibuturan ng pinag-uusapan. Hindi niya naunawaan ang sitwasyon. Hindi niya nakuha kung ano ang ‘facts’ o mga katotohanan ng buhay. Nakuha lamang niya ang isang aspeto ng buhay, at iyon ay ang materyal na buhay. Nakaligtaan niyang makita ang isang buong aspeto ng pagiging-buháy, ng ‘existence’ ng tao; at iyon ay ang espiritwal na aspeto ng pagiging- buháy ng tao.
Kayo kaya, natumpok ninyo na ba ang espiritwal na reyalidad? Kung hindi pa, siyempre makakaligtaan ninyo rin ang punto. Mapapasa-parehong kategorya kayo ng taong ito: matagumpay sa mundong ito, pero walang kakayanang matumpok ang mga espiritwal na katotohanan.
Ngayon, maraming tao ang nagtaka kung bakit iniwanan ni Martin Lloyd-Jones ang medisina. Bakit siya, na parang isang bituing sumisikat sa mundo ng medisina, ay gumawa ng ganitong kahangal na hakbang. Kahangalan, iyon ay, sa mga mata ng mundo. Ibig kong sabihin, siguradong maaari naman kayong maging matagumpay na ‘surgeon’ o ‘heart specialist,’ at makatulong sa mga tao sa pisikal na paraan, at makatulong din sa kanila sa espiritwal na paraan. Siyempre ang sagot dito ay, “Oo. Siguradong pwede ito!” Maaari pa rin siyang manatiling ‘heart specialist’ at maging manggagamot sa Reyna rin. Sa katunayan, malapit na siyang manominado sa posisyong ito, kahit na sa napakabatang edad.
Ngunit narating niya ang isang malalim na pang-unawa sa mga katotohanan ng buhay. Naunawaan na niya noon ang materyal na mga katotohanan – pero ngayon narating din niya ang pag-unawa sa isang buong bagong lugar ng katotohanan, ang mga espiritwal na katotohanan. At sa liwanag ng kanyang malalim na pang-unawa sa espiritwal na mga katotohanan, nagawa niya ang desisyon, na sa lugar na ito niya itutuon ang buong lakas niya dahil ito lang ang may halaga sa pangmatagalan. Nakikita ninyo ba? Iyon ang dahilan! Mabilis niyang narating ang desisyong ito. Mabilis niyang nakita ang kaibuturan ng isyu. Ang iba’y matagal bago makita ang kaibuturan ng mga isyu. Hindi sila mabilis sa espiritwal na bagay-bagay. Marahil, hindi rin sila mabilis sa pag-iisip, ngunit sa kalaunan, nararating din nila ang puntong pinag-uusapan natin.
May isa pa akong malapit na kaibigan, isa ring manggagamot, isang napakadalubhasang doktor at ‘surgeon,’ na isa ring tumalikod sa pagiging manggagamot. Nakapaglingkod siya bilang manggagamot sa loob ng maraming taon sa Far East. Napaka-eksperiyensado niya kaya maraming institusyon na may interes na makuha siya dahil sa malawak niyang kaalaman sa medisina. Nagampanan na niya ang lahat ng uri ng ‘surgery.’ Isang taong dalubhasa! Minsan pa nga, siya ang naging manggagamot sa Hari ng Laos. Matapos maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng medisina sa loob ng 15 na taon sa Timog-Silangang Asya, iniwanan niya ang medisina. Pagkatapos ng 15 na taon, narating niya ang konklusyon na mula ngayon, sa nalalabing panahon ng kanyang buhay, iaalay niya ang buong lakas niya sa pangangaral ng Mabuting Balita. Matapos ang 15 na taon, naramdaman niyang di niya kayang pagsabayin ang dalawa nang mahusay. Mahirap silang gawin nang magaling nang sabay. Iyon ang problema. Sa bandang huli, kailangan ninyong mamili kung ano ang inyong uunahin, ano ang inyong priyoridad. Alin ang pipiliin?
Hindi siyempre ibig sabihin nito na ang mga taong may espiritwal na pananaw o ‘spiritual insight’ lang ang magiging mga full-time na alagad. Hindi ko nais na bigyan kayo ng ganitong impresyon. Baka hindi kayo tinatawag ng Diyos na gawin ito. Iyon ay, hindi kayo tinatawag ng Diyos na talikuran ang inyong propesyon at paglingkuran ang Panginoon. Maaaring hindi ito dahil sa kakulangan ng inyong espiritwal na pananaw. Hindi ko nais na magbigay ng ganitong pag-iisip o ‘impression’ sa anumang paraan. Pero ang sinasabi ko ay ito: ang mga taong tumalikod sa mundo sa ganitong paraan ay kadalasang ang nakákamit ng gayong espiritwal na pananaw sa grasya ng Diyos, na mga nakakakita lampas sa panlabas at di-malalalim na bagay, at natumpok ang tunay na mga katotohanan o ‘facts.’
Kaya, ang unang kahulugan ng ‘hangal’ o ‘fool’ dito ay hindi isang insulto. Nawa’y maunawaan ninyo na sa Biblia, hindi ito naidisenyo na maging insulto. Nakadisenyo ito bilang isang paglalarawan. Nakadisenyo ito upang ilarawan, bilang ‘diagnosis’, ang inyong kalagayan, ang inyong kundisyon. Kapag sinabi ng doktor na maysakit kayo, hindi niya kayo ibig insultuhin. Ang nais nyang gawin ay bigyan lang kayo ng ‘diagnosis’ o ang sabihin kung ano’ng inyong sakit. Ang salitang ‘hangal’ sa Biblia ay isang ‘diagnosis.’ Ito’y nagsasabi na, sa espiritwal na katayuan, hindi ninyo pa nararating ang pang-unawa sa mga katotohanan o ‘facts’.
Espiritwal na Kahangalan – Di Pag-unawa sa Kalooban ng Diyos
Ginamit din ang salitang ito sa Efeso 5:17, kung saan sinabi ni Pablo sa mga taga-Efeso: “Kaya’t huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.” Ngayon, dinadala tayo nito sa ikalawang punto. Ang maging hangal ay ang mabigong maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa inyo. May kaugnayan ito sa unang punto ko. Nakita natin na ang pagiging hangal ay ang kakulangan sa espiritwal na pang-unawa, o pag-intindi sa mga espiritwal na katotohanan. Pero hindi naman nito ibig sabihin, sa kasong ito, na ang bawat tao, dahil malinaw niyang nauunawaan ang ‘facts,’ ay dapat magmadali at maging ‘full-time’ na alagad. Depende ito sa ikalawang bagay: ang maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa inyo.
Ngayon, marahil ang kagustuhan ng Diyos para sa inyo ay ang maging full-time na alagad niya, pero dahil kayo’y manhid sa espiritwal na bagay-bagay, hindi ninyo ito nauunawaan. Hindi ninyo naiintindihan ang kalooban ng Diyos para sa inyo, at kaya, hindi kayo nasa trabaho ng Panginoon. O, sa kabaligtaran, maaaring alagad kayo ng Diyos ngayon, pero dapat ay hindi. Naging alagad o ‘theologian’ kayo, isang Cristiano o anuman na kahit papaano’y nagsisilbi sa mga gawain sa simbahan, na hindi ninyo dapat ginagawa. Ginagawa ninyo lang ito dahil hindi ninyo naunawaan ang kalooban ng Panginoon para sa inyo. At kaya, maaari itong tingnan sa parehong paraan. Ngayon, alam ninyo ba ang kalooban ng Panginoon para sa inyo? Alam ninyo ba talaga?
Bago ninyo i-congratulate ang inyong sarili na hindi kayo hangal tulad ng taong ito, sagutin muna natin itong dalawang katanungan.
1) Totoo bang nauunawaan ninyo ang mga espiritwal na katotohanan? Natunton na ba ng isip ninyo na ang mga bagay sa mundo ay lumilipas? Malinaw ba sa inyong isipan na ang buhay ay hindi binubuo ng kasaganaan na nasa inyo?
2) Malinaw na ba sa inyo ang direksyon ninyo sa buhay? Para saan ba kayo nabubuhay? Ano’ng inyong layunin sa buhay? Ano ‘yong layuning nais ninyong magawa?
Napakahalagang maitama tayo rito. Gagawa kayo ng desisyon ayon sa inyong pang-unawa o di-pang-unawa ng mga espiritwal na katotohanan.
Espiritwal na Kahangalan – Bulag sa Pagiging Pansamantala ng Mundo
Ngayon, kung para sa inyo, tulad ng taong ito, ang mundo at mga materyal na ari-arian lamang ang mahalaga, samakatwid, ang inyong desisyon ay magiging ayon sa pang-unawa o di-pang-unawa ng mga espiritwal na katotohanan. Pero kung, sa kabilang banda, nakita na ninyo na ang mundong ito ay panandalian lang at lilipas – iyon ay, kumukupas ito, at darating ang araw na maglalaho lahat ng mga bagay na masinop ninyong pinagtatrabahuhan – kung gayon, hahahapin ninyo ang mga bagay na walang hanggan dahil natanto ninyo na ito lamang ang mga bagay na mananatili.
Ito ang dahilan kaya si John Sung, tulad ng ibang dakilang mamahayag, ay may sariling paliwanag kung bakit niya ipinangaral ang Mabuting Balita. Nang tinanong siya, “Bakit ka nangangaral ng Mabuting Balita? Di ba’t isa kang chemist, bilang iyong propesyon?” Sumagot siya, “Dahil nakita ko na ang [pagiging pansamantala lang ng] mundong ito. Bakit ako magsusumikap para sa mga bagay na lilipas? Nagsusumikap ako para sa mga bagay na walang-hangganan, ang mga bagay na tunay na mahalaga.” Ito mismo ang dahilang ibinigay ni Pablo. Sinabi niya, “…ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita” – na may kaugnayan sa Diyos – “ay walang hanggan.” [2 Corinto 4:18] Sa sandaling maunawaan ninyo ang mga katotohanang ito, gagawin ninyo ang desisyon ninyo ayon sa mga katotohanang ito.
Bakit ako naglilingkod sa Panginoon? Dahil, sa awa ng Diyos, nakita ko na, na ang mga bagay na walang-hanggan ang siyang mahalaga. Ang ibang mga bagay ay lilipas. Ano ang kabuluhan ng pagsusumikap sa mundong ito? Ano ang kabuluhan ng pagiging tagapangasiwa ng isang kompanya? Ano ang kabuluhan ng pagiging propesor sa isang unibersidad? Kung magsusumikap ako para sa mga bagay na ito, marahil malaki ang tsansa kong makuha ang mga posisyong iyon. Sa palagay ko’y may malaki akong tsansa gaya ninuman na maging propesor o maging tagapangasiwa ng isang negosyo, kung nais kong ituon ang pag-iisip ko sa ganitong mga bagay. Pero wala akong interes sa direksyong iyon. Bakit? Dahil ang mga bagay na ito ay lilipas. Hindi nila ako naiinteres. Interesado lamang ako sa mga bagay na walang hangganan, na eternal, at ang gawin ang mga bagay na nakaka-contribute sa walang hangganang iyon.
Kapag napasa-Panginoon na ang isang kaluluwa, kapag naligtas na ang isang tao para sa walang hanggan, kung gayon, nararamdaman ko na kahit isang tao lang ang nakakilala sa Panginoon dahil sa aking mga pagsusumikap, makabuluhan na ito. May natapos akong isang bagay na mananatili hanggang walang hanggan. Pero kung narating ko ang pagiging propesor sa isang lugar, ano’ng aking natapos? Marahil mababanggit ako sa kasaysayan ng kolehiyong iyon. Sasabihin ng mga tao, “Alam ninyo ba noong 19-kopong-kopong, may propesor kami na ang pangalan ay Eric Chang.” Kaya, may konting pansin sa inyo kapag may nagtanong, “Sino ito?” bago niya itapon ito sa basurahan. May kabuluhan ba na naging propesor ako ng anuman? Ano’ng kabuluhan nito?
Espiritwal na Kahangalan – Nalinlang ng Kompromiso
Ano ang direksiyon ng inyong buhay? Siyempre, kung nararamdaman ninyo, halimbawa, na ang inyong pagmiministeryo ay wala sa pangangaral dahil wala sa inyo ang kaloob o ‘gift,’ pero nais ninyong maglingkod sa Diyos sa larangan ng medisina, kung gayon, purihin ang Diyos! Sa kalagayang iyon, ang dahilan ng inyong paggawa ay naiiba. Pero mahirap maging tapat sa inyong sarili. Nabanggit ko kanina ang taong nabigo, na may first class honors, na taglay ang lahat ng medalyang ginto, na malapit kong kaibigan at roommate, na naging isang tagumpay sa larangang akademiko. Nasaan siya ngayon? Isa siyang propesor ng engineering sa Malaysia.
Alam ninyo ba, noong nag-aaral pa kami, lagi niyang sinasabi sa akin, “Nag-aaral ako para sa isang dahilan lamang – ang maglingkod sa Panginoon.” Noon, nagtaka ako kung paano niya magagawa ito. Paano ninyo mapapaglingkuran ang Panginoon sa pagkuha ng first class honors sa engineering? Pero hindi ako nagtanong. Inisip ko na lang, “Maaari naman sigurong magawa ito.” Sino ba naman ako para maghusga? At lagi pa niyang sinasabi, “Hindi ako interesado sa first class honors ni sa mga gintong medalya.” Akala ko, talagang tapat niyang sinasabi ang mga bagay na ito. Nais niyang pag-aralan ang mga bagay na ito lampas pa sa pansariling punyagi. Pero mahirap panatilihing malinaw ang pananaw. Mahirap panatilihing nakatuon ang inyong mga mata sa layunin. At paglipas ng panahon, siya’y nabigo. Nadulas siya’t natumba. At ngayon, napag-alaman kong hindi man lang siya nagpupunta sa simbahan.
Hindi lamang dapat may direksyon, kundi dapat tapat kayo sa inyong mga intensyon. Dapat kayong maging tunay na tapat. Hangal ang taong di-tapat. Kaya, para maunawaan ang mga facts o mga katotohanan, dapat kasama ang katapatan tungkol sa mga katotohanang iyon at hindi niloloko ang inyong sarili sa pagsasabing, “Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa Panginoon. Bibilhin ko ang bahay na ito para sa Panginoon. Bibilhin ko rin ang pangalawa at ang pangatlo pa, at darating ang araw, bibilhin ko ang kalahati ng Montreal, Canada, para sa Panginoon.” Ano kaya mismo ang gagawin ng Panginoon sa inyong mga bahay? Ano mismo ang nais niyang gawin sa kalahati ng Montreal?
O narinig ko ring sinabi ng isang tao na, “Maggaganansya ako ng napakaraming pera para ibigay sa Panginoon.” Hmm, okey. Ang malaking bahagi ng pera ay para sa kanya, pero totoo, may isang bahagi para sa Panginoon, kung pananatilihin niyang malinis ang konsensya niya. Pero, masdan, ito ba talaga ang motibo niya? Maging tapat tayo sa pinag-uusapan nating ito. Nais ba ng Panginoon ang pera, o nais niya kayo mismo? Sasabihin ninyong, “Di makakapagpatuloy ang simbahan nang walang pera!” Totoo iyon. Kailangan ng iglesya ng konting pera, pero kaduda-duda kung gagawin ninyong layunin sa buhay ang magganansya ng pera para sa Panginoon! Hindi ito pag-uunawa sa kalooban ng Diyos para sa inyo.
Espiritwal na Kahangalan – Nalinlang ng Kayamanan
Ngayon, ito ang ikalawang bagay na nais kong maintindihan ninyo. Nauunawaan ninyo ba ang kalooban ng Diyos para sa inyo? Kung hindi, kung gayon, tulad ng mayamang taong ito, magiging hangal kayo tulad niya. Marahil, isa kayong mabuting tao, isang iginagalang na tao. Tulad ng napansin na natin, walang kasong maipapataw sa pagkatao niya – sa kanyang moralidad bilang tao – walang wala. Walang masasabi laban sa kanya. Pero nabigo siya sa mga bagay na ito: nabigo siyang maunawaan ang mga katotohanan at nabigo rin siyang maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa tao sa mundong ito. Ngayon, napakahalagang maunawaan natin ito. At ito rin ang pinakasentro ng ating pinag-uusapan. Hindi pa naunawaan ng mayamang taong ito ang kalooban ng Diyos dahil hindi pa niya nauunawaan ang kalooban ng Diyos tungo sa mga materyal na ari-arian.
Basahin ninyo ang itinuturo ng Banal na Kasulatan. Makikita ninyo na sa kabuuan ng Kasulatan, itinuturing ang ‘kayamanan’ bilang isang malaking panganib sa espiritwal na buhay. Huwag ninyong isipin sa Bagong Tipan bilang isang espiritwal na biyaya. Hindi ito espiritwal na ‘blessing’; ito’y panganib! Napakapanganib nito upang pakitunguhan. “…ang pag-ibig sa salapi”, sinasabi ng Kasulatan sa atin, “ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan”. [1 Timoteo 6:10] Pero ngayon, pinaparangalan muli ng iglesya ang kayamanan. Sinasabi ng mga tao, “Walang masama sa kayamanan.” Siyempre! Wala namang nagsabi na may mali sa kayamanan. Pero may paraan ang kayamanan na hikayatin kayong gawin itong kahali-halina sa inyong puso. Dito nagsisimula ang gulo.
At kaya, nababasa natin ang mga bagay na ito sa 1 Timoteo 6:9 at 17. Ang mensahe ay: “Mag-ingat sa kayamanan!” Sa Mateo 19:23-24, Marcos 10:25 at Lucas 18:25, makikita natin ang mabibigat na salita na ginamit ng Panginoong Jesus. Sinabi niya, “Napakahirap makapasok ng mayayaman sa kaharian ng Diyos.” Ngayon, ang mayamang tao ay matagumpay sa mundong ito, ‘di ba? Siya ang taong sumasali sa ‘Rotary Club.’ Siya ang taong dumarating sa bahay ninyo na may ‘Rolls Royce’ o ‘Cadillac’ o anupaman. Pero, kahit na tinitingala ng mundo ang mayamang tao, sinasabi ng Panginoong Jesus na mahihirapan siyang makapasok sa kaharian ng Diyos. Napakahirap para sa kanya ang makapasok! Kasi, para makapasok sa kaharian, magiging malaking balakid ang mga kayamanang iyon. Unawain natin ang puntong ito. Nais ninyo bang maunawaan ang kalooban ng Diyos? Kung gayon, gawin nating malinaw ang puntong ito sa ating isipan.
Sinabi ni Santiago sa Santiago 2:5 ang tunkol sa alagad ng Diyos, “…pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya.” “Pinili ng Diyos” – nais ninyo bang malaman ang kalooban ng Diyos? Nais ninyo bang maging matalino o ‘wise’? Kaya, makinig kayo rito: “…pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian”. Kapag pinag-aaralan ninyo ang Biblia, lalo na ang Bagong Tipan, nakakapagtakang malaman na walang mabuting sinasabi ang Kasulatan tungkol sa mayayaman. Walang-wala. Basahin ninyo lang ang Santiago 5:1-6, halimbawa, tungkol sa paghahatol sa mayayaman. Kaya, tinitingnan natin ang Kasulatan at nakikitang ito ang natatagpuan parati.
Pero sa mga araw ngayon, kapag nakikinig ako sa mga programa mula sa North America, sa mga programang Cristiano na lumalabas sa telebisyon at radyo, maging ito’y ang PTL [Praise the Lord] Club o anupaman, nadidismaya ako. Hindi ko nais magsabi ng masasamang salita tungkol sa mga taong ito; ang nais ko lamang sabihin ay: may pangkalahatang paniniwala sa simbahan kung saan iniisip na napakabuti ng kayamanan. Hindi na ba tayo nagbabasa ng Biblia?’ Gaano pinawalang-bahala ng ating mga tradisyon at ‘preconceived notions’ (mga paniniwalang pinapangunahan ang Salita) at pinapaalis ang Salita ng Diyos mula sa ating buhay! Binabaluktot natin ang Salita ng Diyos upang ibagay sa ating mga ideya at mga tradisyon. At tungkol sa kayamanan, nagawa rin natin ang parehong bagay.
Espiritwal na Kahangalan – Pagtutuon ng Pansin sa Sarili Lamang
Kumuha kayo ng isang concordance at pag-aralan ang salitang ‘riches’ o ‘kayamanan’ sa Biblia, lalo na sa Bagong Tipan, at makikita ninyo na walang magandang nasabi ang Biblia tungkol dito. Totoong kakaiba iyon! At kaya, tungkol din sa mayamang pinuno na di-katandaan o ‘rich young ruler’ na nababasa natin sa Kasulatan, na parehong-pareho sa taong tinutukoy sa ating talinghaga, nakikita rin natin ang parehong bagay na nangyayari. Mahirap din para sa kanya ang pumasok sa kaharian. Bakit? Hindi dahil masama ang kayamanan, pero dahil ipinapakita ng pagdami ng kanyang kayamanan ang kakulangan niya ng espiritwal na pang-unawa. Ginagawa nito ang isang tao na maging napaka-makasarili.
Tingnan ang mga kasabihan sa Lucas 12. Tingnan ang pakikitungo o ‘attitude’ ng taong ito, upang makita ang espiritwal na kahangalan niya. Pansinin ninyo na labis niyang inaalala ang kanyang sarili. Ang mga salitang ‘ako’, ‘ko’ at ‘akin’ ay palaging nakikita rito. Tingnan ninyo lang ang mga salitang: ‘ako’, ‘ko’ at ‘akin’; ‘ako’y ito’ at ‘ang aking iyon.’ “Ano’ng gagawin ko dahil wala na akong paglalagyan ng aking ani?” “Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng lalong mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian, at ako’y…” at kung anu-ano pa. Makikita ang ‘ako’, ‘ko’ at ‘akin’ sa buong sipi. Abala ang taong ito sa kanyang sarili.
Ngayon, suriin ang inyong sariling pag-iisip. Hayaang suriin ko ang pag-iisip ko. Gaanong kalaking bahagi kaya ng ating pag-iisip ay tungkol sa ‘ako’, ‘ko’ at ‘akin’ – ‘ang aking kinabukasan’, ‘ang aking pag-aaral’, ‘ang aking trabaho,’ ‘ang aking kapakanan,’ ‘ang aking kaluluwa.’ Ang lahat ay laging ‘ako,’ ‘ko,’ at ‘akin’. Ang inyong buong pag-iisip ay umiikot sa inyong sarili lamang. Sa buong araw, sarili lamang ang inyong iniisip. Tayo ay mga hangal, ‘di ba? Hindi natin nauunawaan ang kalooban ng Diyos dahil nakasentro ang ating isip sa sarili lamang natin. Ano ang kalooban ng Diyos? Ang kalooban ng Diyos ay ang mahalin natin siya nang buong puso natin, nang buong kaluluwa natin, at nang buong pag-iisip natin.
Ngayon, kung minamahal ninyo ang isang tao nang gayon, iisipin ninyo lagi ang taong ito, hindi ang inyong sarili. Kung naranasan ninyo nang umibig, makikita ninyo ang ibig kong sabihin. Ito’y napakahalaga. Kapag umiibig kayo, ano’ng ginagawa ninyo? Iniisip ninyo ang taong iyon sa buong araw. Nakakalimutan ninyong kumain. Nakakalimutan ninyong uminom. Nakakalimutan ninyong matulog. Nakakalimutan ninyong bumangon. Nakakalimutan ninyo ang inyong pag-aaral. Nakakalimutan ninyong may trabahong dapat ninyong i-submit. Nakakalimutan ninyo ang lahat!
Bakit? Ito’y dahil parating ang taong iyon ang nasa isip ninyo: “Ang aking pinakamamahal!” Ngayon, ang diin ay hindi nasa ‘akin,’ kundi sa ‘pinakamamahal!’ Nakatuon ang inyong buong pag-iisip sa taong pinakamamahal ninyo. Iniisip ninyong, “Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Nasaan kaya siya sa mga oras na ito? Ano kayang gagawin niya sa araw na ito?” Magmamadali kayong pumunta sa telepono para sagutin ito kapag nag-ring. O susubukan ninyong tumawag at kapag walang sumagot, sasabihin ninyong, “Ang tagal naman! Bilis! Ano bang nangyayari sa teleponong ito? Nasaan na siya ngayon? Ano nang nangyari sa kanya? Bakit hindi niya sinasagot ang telepono? Ba’t di niya ko tinatawagan?” Ang buong pag-iisip ninyo ay nakatuon sa taong iyon.
Mamahalin ninyo ang Panginoong Diyos sa ganitong paraan: nang buong puso ninyo! Ilan ba sa atin ang matalino o ‘wise’ (bago pa natin i-congratulate ang ating sarili na di man lang tayo tulad ng mayamang hangal na ito)? Ilan kaya sa atin ang nakatuon ang pag-iisip sa Diyos at sa kapakanan ng ating mga kapatid? Oh, maging tapat tayo sa ating sarili. Hindi tayo mas mabuti kaysa sa taong ito [sa talinghaga] dahil sa lahat ng oras, iniisip nating, “Ano’ng gagawin ko sa araw na ito? Ano’ng kakainin ko sa tanghalian? Aha! Linggo ngayon! Pupunta ako sa Chinatown. Kakain ako ng isang malaking mangkok ng ‘wanton noodles’ [isang uri ng pansit] o ‘siopao’ at saka…”.
At kaya, tayo’y nag-iisip ng, “Ano’ng gagawin ko sa aking oras?” at “Kanino ako makikipagkita?” “Ano’ng pwede kong ma-enjoy na gawin?” Ang ating isip ay parating tungkol sa ‘akin’, ‘ko’ at iyon at ito. Oh! Inilalantad ng Kasulatan ang nilalaman ng ating puso, ‘di ba? Ipinapakita nito kung ano talaga tayo, kung kailan pa naman iko-congratulate na sana natin ang ating sarili! Kahit na sa ating mga full-time na alagad – maging tapat tayong sabihin ito – saan nakatuon ang ating pag-iisip? Sa malaking bahagi ng inyong oras, ang iniisip ninyo pa rin ay ang ‘ako’ at ‘akin’: ang aking pamilya, ang aking trabaho, ang aking bahay, at ang aking tagumpay! At dito, nakikita natin ang mali sa taong ito sa talinghaga. Nakatuon ang pag-iisip niya sa kanyang sarili. Narito ang sintoma ng kanyang karamdaman.
Pansinin din ang isa pang bagay: parati niyang kinakausap ang kanyang sarili! “Ano’ng sasabihin ko sa aking sarili? Ano’ng gagawin ko?” Siya ang nagtanong; siya rin ang sumagot sa sarili. Ang sarap niyang makipag-usap sa sarili niya. Nakikita ninyo ba kung bakit? Ito’y dahil wala siyang na-e-enjoy na kausapin kundi ang kanyang sarili. Mahal na mahal niya ang kanyang sarili. Dahil, kung tutuusin ang lahat, kayo’y nakikipag-usap sa taong mahal ninyo. Kung pinakamamahal ninyo ang inyong sarili, kakausapin ninyo ang inyong sarili nang buong araw.
Nakuha pa nga niyang sabihin sa sarili niya, “At sasabihin ko sa aking kaluluwa…” – sa bs. 19. Napagpasyahan na niya kung ano’ng sasabihin niya sa kanyang kaluluwa. Hindi lamang nakatuon ang pag-iisip niya sa kasalukuyang pinag-uusapan, napagpasyahan na niya maging ang hinaharap na pag-uusapan. Magsasaya siya sa matamis na pag-uusap na ito sa hinaharap. “Sasabihin ko sa aking kaluluwa, ‘Kaluluwa, mayroon kang maraming ari-arian! Oh, makakapagsaya ka! Alam mo, magkakaroon tayo ng magagandang oras ng pagsasama! Ang aking kaluluwa at ako. Magsasaya tayong magkasamang dalawa at mabubuhay tayo nang marangyâ.”
Bago natin i-congratulate ang ating sarili, na iniisip na di tayo kagaya niya, eh, ano naman ang tungkol sa atin? Kumusta ang ating mga dasal? O, nakikipag-usap din ba tayo sa ating sarili? Natutunan na ba nating ituon ang ating pag-iisip tungo sa pakikipag-usap sa Diyos? Talaga bang minamahal natin siya na nakikipag-usap tayo sa kanya, at sinasabing, “Panginoon, ano’ng nais mong gawin ko sa araw na ito?” “Panginoon, nais ko lamang ilaan ang aking panahon sa araw na ito sa pagpupuri sa iyo. Napakabuting magpuri sa iyo at pasalamatan ka. Napakabuti mo sa akin at alam kong ipagpapatuloy mong paapawin ang aking kopa, kaya pupurihin na kita nang maaga. Sasabihin ko sa iyo, ‘Panginoon! Napagpasyahan ko na kung ano’ng sasabihin ko sa iyo sa hinaharap.” Ito ay iba. At kaya, nakikita nating dapat matutunang baguhin ang sentro ng ating pamumuhay: mula sa sarili tungo sa Diyos. Kita ninyo, mayroon pa rin ng pagiging ‘hangal’ sa atin, ‘di ba? Sa bandang huli, natatagpuan nating ang talinghagang ito ay nakikipag-usap sa atin.
Kahangalan – Pagkalito sa Materyal na Yaman Bilang Espiritwal na Mabuting-Kalagayan
Pero pansinin ang malaking pagkakamali niya rito. Sinabi niya, “At sasabihin ko sa aking kaluluwa”. Ibig bang sabihin nito na may interes pa rin siya sa kanyang kaluluwa? Oo, iniisip pa rin ng taong ito ang kanyang kaluluwa. Pansinin na meron pa rin naman siyang malasakit para sa mga di-materyal na bagay-bagay; iniisip pa rin naman niya ang kanyang kaluluwa. Pero ang mali niya ay ang isiping magiging kontento ang kaluluwa niya sa mga materyal na bagay. Ngayon, ito’y isang kamaliang napaka-karaniwan sa mga simbahan, ‘di ba? Ang isipin na ang kaluluwa ay nasisiyahan sa mga materyal na bagay. Kaya nga tayo nagtatrabaho nang mabuti, para lumaki ang ating pera sa bangko, at pagkatapos ay masasabi nating, “Ngayo’y maaari na tayong magpahinga.” Kung tutuusin ang lahat, ginagawa niya ang ninanais nating gawin, ‘di ba?
Kung marami na tayong pera sa bangko, bakit pa tayo magtatrabaho nang husto? Maaari na tayong maupo at magpahinga. Ibig kong sabihin, ano pa ang punto ng pagtatrabaho kung hindi naman ninyo gustong mag-enjoy pagkatapos ng paghihirap? Kaya, iniisip pa rin niya na masisiyahan ang kanyang kaluluwa sa pagiging masagana sa mga materyal na bagay. Sa sandaling nakipag-usap siya sa kanyang kaluluwa – tingnan ninyo ang kagandahan ng talinghagang ito – sa sumunod na bersikulo, sinabi ng Diyos sa kanya, “Sa gabing ito, kukunin na sa iyo ang kaluluwa mo.” May sinabi ka ba tungkol sa iyong kaluluwa? Kung gayon, ngayong gabi, kukunin na ang iyong kaluluwa. Babawian ka na ng buhay.”
Makikitang hindi pa nauunawaan ng taong ito ang espiritwal na prinsipyo. Sa Mateo 16:26, halimbawa: “Ano ang mapápalâ ng isang tao kung makakamtan niya ang buong daigdig ngunit mawawala naman niya ang kanyang kaluluwa? At hindi lamang ito ang nagawa niyang mali. Nabigo siyang maintindihan – pansining ito ang unang punto tungkol sa kahangalan – dahil hindi pa siya humahantong sa mga espiritwal na katotohanan. Ang mga katotohanan o ‘facts’ ay: Ano’ng mapapala kung makamtan man ang buong mundo kung kapalit naman nito ay ang pagkawala ng inyong kaluluwa, ng inyong buhay?
Pero ang ikalawang bagay rito ay ito: Hindi niya pa nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Paano ninyo maliligtas ang inyong kaluluwa? Sa Juan 12:25 sinasabi ng Panginoong Jesus, at dito’y makikita ninyo ang kalooban ng Diyos, “Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang kaluluwa” – o sa kanyang buhay; ang salitang ‘kaluluwa’ at ‘buhay’ ay pareho siyempre ng kahulugan sa Griyego – “sa mundong ito ay mawawalan nito. Pero ang nawawalan ng kanyang buhay” – o napopoot sa kanyang buhay – “ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan.” Iyon ang paraan ng kaligtasan.
Subukan ninyong iligtas ang inyong kaluluwa sa mundong ito, iyon ay, sa pamamagitan ng makamundong paraan, sa pamamagitan ng pag-iimpok para sa inyong sarili ng mga materyal na bagay, at mawawala ninyo ito. Pero kung nakahanda kayong kapootan ang inyong kaluluwa, sa diwa ng mundong ito, iyon ay, ang mawala sa inyo ang anumang meron kayo, makakamtan ninyo ito sa walang-hanggan. Maaari ninyong sabihin na kinapootan ni Martin Lloyd-Jones ang kanyang kaluluwa, kinapootan niya ang buhay niya – sa mga mata ng mundo, nagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtalikod niya sa kanyang sana’y magiging napakatagumpay at kahanga-hangang propesyon – pero nakuha naman niya ito sa buhay na walang hanggan. Ito ang prinsipyo ayon sa Banal na Kasulatan. Kaya nga sinasabi ng Panginoong Jesus, “Kung sino man ay nais maging alagad ko, ipasan niya ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Talikuran ninyo ang mundo, at makukuha ninyo ang buhay na walang hanggan.
Sa madaling sabi, kung gayon, sa wakas ay ipinapaharap na sa atin ang pamimili. Hindi kayo maaaring tumayo sa gitna! Ninanais nating magkaroon ng pinakamaganda sa parehong mundo – ‘the best of both worlds’ ika nga. Sinasabi nating, “Okey, hindi ko naman gustong maging napakayaman; pwede na ang katamtamang yaman. Tama na ito. Pero sa parehong panahon, gusto ko ring panghawakan ang kaharian ng Diyos.” Hindi ito mangyayari. Huwag ninyong isipin na maloloko ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng isang kompromiso. Ang tanging magagawa ninyo ay ang lokohin ang inyong sarili.
Huwag Maging Gaya ng Mayamang Hangal – Maging Mayaman Tungo sa Diyos!
Kailangan ninyong gumawa ng desisyon kung anong direksyon ang patutunguhan ng inyong buhay. Huwag isipin na ang kompromiso ang pinakamabuting solusyon, na ang ‘zhong dao’ o gitnang daan ang lulutas nito. Iyon ay, tataglayin natin ang konti sa mundong ito, tataglayin natin ang konti naman sa simbahan, at nakamtan na natin ang lahat? Sasabihin ko sa inyo, wala kayong makakamtan sa bandang huli. Tulad ng sinabi ko sa inyo noon, kung ito ang nais ninyong gawin, maging matalino: piliin ang mundo nang todo-todo at magpakasaya, hanggang nasa sa inyo pa ito. Basta’t itodo na ang paghahabol sa mundo at magpakasasa roon: “Kumain, uminom, magpakasaya, dahil bukas, ikaw ay mamamatay.”
O kaya naman, piliin nang lubusan ang Diyos; maging totally committed sa kanya. Hindi nito ibig sabihin na magugutom kayo sa lahat ng oras. Hindi! Pero ibig sabihin nito na ang direksiyon ng inyong buhay ay magiging buong committed sa kanya. Ang anumang ipagkatiwala niya sa inyo ay magiging kanya; magiging tagapamahala lang kayo nito. Hindi ninyo sasabihing, “Ano’ng gagawin ko sa aking pera? Ano’ng gagawin ko sa aking ari-arian? At sa aking ito at sa aking iyon?” Wala akong pag-aari. Kung ako’y merong anumang pag-aari, ito ay sa Panginoon at ako’y isang tagapamahala lang. Kapag sinabi niya sa akin na, “Ipamigay iyon,” ipapamigay ko iyon. Kapag sinabi niyang, “Ang ‘jacket’ mong ito – kailangan ito ng taong iyon”, sa kanya na ito. Hindi ko ito jacket. Hindi ko ito pag-aari. Kung kailangan ito ng taong iyon, ibibigay ko ito sa kanya.
Kung kaya kong mabuhay sa ganitong pakikitungo o ‘attitude’: kung bibigyan ako ng Panginoon ng lugar kung saan titira, pasasalamatan ko siya. Kailangan nating may matitirhan. Kapag sinabi ng Panginoon na, “Umalis ka. Humayo ka”, hahayo na tayo. Hindi ko naman bahay ito. Hindi ko ito pag-aari. Wala akong pag-aari. Ang meron lang ako ay ang Panginoon at ito’y labis pa sa sapat para sa akin. Ang mga ibang bagay na ito – wala akong interes sa mga ito.
Tulad ng sinabi ni Pablo, “Sa paggamit sa mundo, ngunit hindi sa pag-aabuso nito” [1 Corinto 7:21], hindi nakatuon dito lamang ang pansin. Kailangan nating kumain, siyempre, pero hindi pangunahing interes ang pagkain para sa akin. Kailangan nating magkaroon ng lugar na matitirhan, oo, pero kung saan tayo titira ay hindi mahalaga sa akin. Hindi ito pinag-aabalahan ng pansin. Kapag sinabi ng Panginoon na, “Humayo!” hahayo tayo’t iiwan ang lahat ng ito. Ito’y dahil ang lahat ay pag-aari niya at ang buhay ko’y kanya rin. Gawing malinaw ang direksiyon ng inyong buhay. Siguraduhin ninyong magdesisyon nang tama.
Pero ipapaalala ko uli sa inyo na ang anumang kompromiso ay mabibigo. Wala pang taong nagtatagumpay sa espiritwal na buhay sa pamamagitan ng kompromiso. Ang daan ng pakikipagkompromiso ay tambak ng mga patay na nabuwal sa espiritwal na pagkawasak. Magdesisyon kung saan kayo pupunta, kung maglilingkod kayo sa Diyos o sa pera. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.” [Mateo 6:24] Ito’y ‘mammon’ sa orihinal. Ang ‘mammon’ ay pera. Hindi ninyo mapagsisilbihan ang Diyos at ang pera. Dapat kayong gumawa ng desisyon kung alin sa dalawa ang pipiliin ninyo, nang may katapatan at pagiging totoo.
At kaya, sa wakas, nalaman natin ang nangyari sa mayamang hangal. Nawala niya ang kanyang kaluluwa. At itinanong ni Jesus, “…kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?” Kanino ito ibibigay? Sa England, ilang beses kong tiningnan sa pahayagan ang listahan ng mga namatay? Naiwan ni ano ang £40,000. Naiwan naman ni kwan ang £60,000. Kanino ito ibibigay? Inipon ninyo ang lahat ng perang ito at kanino ito ibibigay? Mapupunta ang kalakihan nito sa nangungulekta ng buwis. Para saan naman ang natitira?
At kaya, ang pangtapos na pangungusap dito ay, “Ganyan nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.” Ngayon, kung nais ninyong maging mayaman, ang paraan upang maging tunay na mayaman, ang tamang paraan ng pagiging mayaman, ay ang pagiging mayaman tungo sa Diyos. Paano ba maging mayaman tungo sa Diyos? Ito’y sa pagiging mahirap tungo sa mundo. Ibig sabihin, tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus sa Sermon sa Bundok, “Ibigay ang meron kayo sa mga nangangailangan at sa gayon ay magkakaroon kayo ng kayamanan tungo sa Diyos.” Doon ito importante. Doon hindi ninyo mawawala ang kayamanang ito. Kung ilalagay ninyo ang inyong pera sa bangko, isa sa araw na ito, mawawala ninyo ito, sa pamamagitan ng implasyon o deplasyon, o kung anumang ‘plasyon’ ang darating, o sa pamamagitan ng giyera o kung anu-ano pang pagkawala. Pero doon, magiging mayaman kayo kasama ang Diyos. Ang kayamanang iyon ay mananatili hanggang sa walang hanggan. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng walang-hanggang katalinuhan o ‘wisdom’!
Katapusan ng mensahe.
Ginamit ang: Ang Bagong Ang Biblia, Philippine Bible Society, Sta. Mesa, Manila, 2001.
(c) 2021 Christian Disciples Church